Ang Pagdalaw ng Papa sa Australia—Isa Lamang Peregrinasyon?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NOONG Lunes, Nobyembre 24, 1986, isang Air New Zealand Boeing 767 na eruplano ang lumapag sa Canberra, ang kabisera ng Australia. Sakay ng eruplano si Papa John Paul II, dinadalaw ang pinakamaliit na kontinente ng daigdig bilang bahagi ng kaniyang pinakamalayong paglalakbay sa ibang bansa.
Naroon upang salubungin siya ang gobernador-heneral at ang punong ministro ng Australia, kasama ang kani-kanilang mga asawa, at, mangyari pa, ang maraming matataas na pinuno ng Iglesya Katolika Romana, sapagkat ito ay isang pagdalaw ng isa na hindi lamang basta isang lider ng relihiyon kundi isa rin namang pinuno ng estado.
Pagkatapos ng mga pormalidad, ipinatungkol ni John Paul ang kaniyang panimulang pahayag sa lahat ng mga Australyano, hindi lamang sa mga Romano Katoliko. Siya’y nagsimula: “Sa lahat ng mga Australyano, mga taong walang pagsalang mabubuting-loob, ako’y naparito bilang isang kaibigan. . . . Isinasama ko ang buong bansa: ang bata’t matanda, ang mahina’t malakas, yaong mga nananampalataya at yaong ang mga puso ay nabibigatang lubha ng pag-aalinlangan.”
Kung “yaong mga nananampalataya” ay tumutukoy sa mga Romano Katoliko, ang bilang sa Australia ay halos 4 na milyon—25 porsiyento ng populasyon. At bagaman ang Australia ay malaon nang itinuturing na isang sekular na lipunan, ang katumbasan ng aktibong mga Katoliko sa bansang ito ay lubhang mataas. Sa katunayan, 35 hanggang 38 porsiyento ng mga Katolikong Australyano ang regular na dumadalo ng Misa.
Gayunman, sa kabila nito ang Iglesya Katolika sa Australia ay mayroon ding problema. Noong 1950’s ang simbahan ay nahati dahilan sa isang pagtatalo tungkol sa paggawa, na ang naging bunga ay ang pagkakaroon ng mga pangkat na naging lubhang mapamintas sa isa’t isa. Gayundin, ang mga dumadalo ng Misa ay bumababa, at ang mga pari ay umuunti. Isa pa, parami nang paraming legong Katoliko ang nagwawalang-bahala sa mga turo ng simbahan tungkol sa kontrasepsiyon, aborsiyon, at diborsiyo.
“Magmasid, Makinig, at Saka Humatol”
Ang paksang pinili para sa pagdalaw ng papa ay “Si Kristo ang daan, ang katotohanan at ang buhay.” Isa itong mainam na maka-Kasulatang paksa at inasam-asam ng marami na ang papa ay magbibigay ng ilang patnubay at katotohanan sa mga suliranin ngayon na nakakaharap ng mga Katoliko at ng mga Australyano sa pangkalahatan. Inaasahan ng iba na hahatulan niya ang nuklear na pagsubok sa Pasipiko—isang problema na literal na nasa bungad ng pinto ng Australia. Ang iba ay nananabik na marinig ang pagtangkilik niya sa karapatan sa lupa ng mga Katutubo o ang pagsasalita niya tungkol sa mga alitan sa paggawa at marahil ay talakayin ang karapatan ng mga babae.
Ang tagapag-organisa ng paglalakbay, ang Australyanong Monsignor Brian Walsh, isang pari sa loob ng 30 taon, ay umaasa na ang mahalagang mga bagay ay masasaklaw sa ilang mga talumpati ng papa. Kaya hinimok niya ang lahat, kahit na ang mga taong mapag-alinlangan, na “magmasid, makinig, at saka humatol.”
“Nagpupunas ng Kanilang Kamay sa Mukha ng Papa”
Si Papa John Paul ay naglakbay na ng mahigit 30 paglalakbay sa ibang bansa bago nagtungo sa Australia, at nakita ng 60 at mahigit pang mga bansa na kaniyang dinalaw ang mga subinir o alaala ng lahat ng klase na ginawa upang gunitain ang okasyon at, gaya ng inaasahan, kumita ng mga pakinabang ang mga tagapagtaguyod. Wala ring pinagkaiba ang Australia. Sinikap ng simbahan na magkaroon ng kontrol sa gayong mga benta sa pag-asa na “walang [maaaring] lumabas na lubhang hindi kanais-nais.” Subalit ito sa tuwina’y isang maselang na paksa. Halimbawa, isang kilalang madreng Katoliko ang nagreklamo tungkol sa pang-alaalang mga tuwalya at ang bayan na “nagpupunas ng kanilang kamay sa mukha ng papa.” Ganito pa ang sinabi ng madreng iyon: “Gunigunihin ang Sermon sa Bundok na ipinapahayag, na nakapaligid ang mga nagbibili ng mga subinir, mga ahente ng hot dog, mga kamera ng TV at mga Portaloos [nabibitbit na mga palikuran].”
Gayunman, hindi ang napakaraming mga medalyon, kutsara, T-shirt, at mga paskil ang nakapukaw ng maraming komento. Kundi ang panlahat na pagkatangkilik. Ang isang tagatangkilik o isponsor ay isang pagawaan ng serbesa na naglabas ng mga lata ng beer na may nakalarawang mitra ng papa. Yamang ang mga Australyano ang pinakamalakas na mga mang-iinom ng beer sa daigdig, ang pakikipagsapalarang ito ay napatunayang malaking kita. Subalit pinagmulan din ito ng pagtatalo at pagtuligsa.
Ang isa pang tagatangkilik ay isang Australyanong kompaniya sa pagmimina na kilalang-kilala sa mahigpit na pagsalansang nito sa mga karapatan sa lupa ng mga Katutubo, isang isyu o usapin na alam na alam na lubhang itinataguyod ng papa. Kaya hindi kataka-taka na ang pagsang-ayon sa pagkatangkilik na ito ay sinasabing hindi pangkaraniwan. Oo, ang iba ay lubhang masalita kung bakit kinakailangan pa ang gayong pagkatangkilik. Ipinahayag ng isang madre ang kaniyang pagtutol sa pagsasabing: “Kung Jesus ang dumating, walang sinuman ang tatangkilik sa Kaniya. Maaari pa nga niyang tuligsain ang buong ideya ng pagkatangkilik ng korporasyon.”
Sino ang Sumagot sa Gastos?
Bagaman maraming imbitasyon ang dumating mula sa Iglesya Katolika, wari bang dinadalaw lamang ng papa ang mga bansa kung saan isang imbitasyon ay tinanggap mula sa pamahalaan o sa pinuno ng estado. Ito’y nangangahulugan na sa pagdalaw sa Australia, kapuwa ang pamahalaang pederal at ng estado ay nag-amut-amot sa halaga o gastos.
Ang ibang hindi Katoliko ay nakadarama ng kawalang-katarungan na sila’y hilingin na makibahagi sa pagbabayad sa gastos, lalo na yamang ang iba ay naniniwala na ang isang pagdalaw kamakailan ng Arsobispo ng Canterbury ay nakaraan nang hindi halos pansin. Higit pang nakababahala sa iba ang bagay na ang halaga ay tinatayang 12 beses ng halagang ginugol sa mas naunang pagdalaw ni Reyna Elizabeth II.
Pagkakaisa—Sa Kaninong mga Kondisyon?
Gayunman, sa isang pagsisikap na magkaroon ng ekomenikal na diwa ang pagdalaw, ang papa ay nagsalita sa isang pagtitipon ng mga kinatawan ng 14 na iba pang mga pangkat ng relihiyon sa Melbourne at nagdaos ng isang interdenominasyonal na serbisyo roon, hinihimok ang lahat na isaisang-tabi ang kanilang mga pagkakaiba at manalangin ukol sa kapayapaan. Dinalaw niya ang St. Paul’s Anglican Cathedral sa Melbourne, bumigkas ng isang panalangin ukol sa kapayapaan, at nagsindi ng isang kandila na sumasagisag sa inaasam-asam na muling pagkakaisa ng mga relihiyong Kristiyano.
Sa pangkalahatan, ang mga Protestanteng Australyano ay magalang at mabuting ugali noong panahong nasa bansa ang papa. Subalit ipinakita ng ibang denominasyon, gaya ng mga Anglicano, Presbitero, at mga Baptist, na hindi nila tinatanggap ang papa bilang ang ulo ng lahat ng mga Kristiyano ni ang pag-aangkin na si apostol Pedro ay naging obispo ng Roma. Idiniin nila na ang gayong mga pag-aangkin ay hindi masusumpungan sa Kasulatan o sa kasaysayan ng simbahan. Sa kabilang dako, malugod na tinanggap ng Uniting Church, na maraming tagasunod sa Australia, ang pagdalaw, sinasabi na sa maraming tao sa kanilang simbahan, ang papa sa isang diwa ay kanila ring papa.
“Marahil Kailangan Niya ng Isang Bagong Tagagawa ng Talumpati”
Maliwanag, na ang lahat ng mga talumpati ng papa ay isinulat sa Australia at ipinadala sa Roma, kung saan isinulat mismo ito ng papa sa wikang Polako, nagdaragdag ng anumang istilo na nasusumpungan niyang mahalaga. Mayroong magsasalin nitong muli sa Ingles, at isang obispong Australyano ang babasa sa pangwakas na produkto. Pagkatapos ay sasanayin ng papa ang mga talumpati sa harap ng kasalukuyang tagapamatnugot ng mga seremonya ng papa, na isang Irlandes.
Narinig na ng beteranong mga kabalitaan sa Vaticano nang ilang ulit ang karamihan ng kung ano ang sasabihin ng papa sa kaniyang inihandang mga talumpati. Gayumpaman, ang wikang binansagang papalese ay napakahirap unawain, kahit ng may karanasang mga reporter. Inaakala ng isang tagapagsalita mula sa isang Italyanong ahensiya ng balita na ang mga talumpati ng papa ay kadalasang malabo at napakahaba. Isang Australyanong reporter ang nagpahayag ng kabiguan na ang mga sermon tungkol sa Ebanghelyo ay walang kalatuy-latoy at punô ng di mapag-aalinlangang mga katotohanan. Isa pang peryodista, na sumusulat sa pahayagang Sunday Telegraph, ay nagsabi: “Ang kaniyang mga talumpati ay makaluma, kadalasang bumabanggit ng mga bagay na hindi mapag-aalinlanganan, at kung minsan ay malabo. . . . Marahil kailangan niya ng isang bagong tagagawa ng talumpati . . . Kung ang kaniyang mga talumpati ay nakalilito sa may karanasang mga kabalitaan tiyak na nakalilito ito sa karaniwang tao na humahanap ng kaliwanagan.”
“Malugod Kayong Tinatanggap ng Simbahan”
Gayunman, sa kabila ng kalituhang sinasabi ng ibang mga kabalitaan, inasahan ng simbahan na ang mga talumpati ay hindi makalilito sa karaniwang tao na humahanap ng kaliwanagan. Ang populasyon ay hinimok na ‘pumarito, magmasid, at makinig,’ at sila’y dumating nang libu-libo. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa anumang isang dako ay tinatayang sangkapat ng isang milyon sa Sydney Randwick Racecourse. Sa kaniyang sermon doon, pangunahin nang itinuon ni John Paul ang kaniyang sermon sa itinuturing niyang mga Katolikong naligaw. Nakabukas ang mga kamay, siya’y nagsumamo: “Sa lahat niyaong mga nangaligaw mula sa kanilang espirituwal na tahanan ay nais kong sabihin, Magsibalik kayo! Malugod kayong tinatanggap ng Simbahan, mahal kayo ng Simbahan.”
Sa pisikal na paraan, tunay na ito’y isang nakapapagod na paglalakbay para sa isang tao na 66 anyos. Lahat-lahat, ang papa ay naglakbay ng mga 6,800 milya (11,000 km) sa loob halos ng isang linggo at dumalo sa mahigit 50 magkakahiwalay na mga pangyayari, pati na ang pagdiriwang ng Santisimo Sakramento (Misa) sa mga kabisera ng estado, gayundin sa Darwin at sa Alice Springs. Para sa maraming tapat, ito ay isang emosyonal na karanasan. Isang lalaki sa Kanluraning Australia ay nagkomento: “Nang dumating ang Papa [sa Perth] ito’y katulad ng pagpasok ni Kristo sa Jerusalem.” Isa pa sa Melbourne ang nagkomento tungkol sa kaniyang pagkanaroroon: “Mayroon siyang pagkilos ng katawan na nakikita sa ilang mistikong Indyan.” Marami ang hayagang umiyak.
Ang mga nag-organisa ng paglalakbay ay pangkalahatang nasisiyahan sa maraming nagsidalo sa mga pagtitipon. Karamihan niyaong dumalo ay nasiyahan sa palabas ng isang 14-pirasong banda ng rock, ng sanay na sanay na mga kantores, ang 21-gun salute na pagbati, ang mga guwardiya ng papa, ang mga prusisyon, at ang mga bandera. May mga payaso pa nga, na sinasabing isinaayos “upang pangitiin ang mga tao.”
Isang paring Katoliko, na isa ring manunulat na may pitak sa Sunday Telegraph, sa Sydney ay sumulat: “Kaya, sa ganitong paraan sasalubungin ng Papang peregrino ang taong-bayan ng Australia: mga hindi Katoliko at mga Katoliko sa isang mabilis, makulay na palabas, multi-milyong dolyar na pagtatanghal sa lansangan.” “Ang Papa ay dumating bilang isang peregrino taglay ang lahat ng karangyaan at makulay na palabas ng isang megastar.” Isang editoryal sa Sydney Morning Herald ang nagkomento tungkol sa kung ano sa wari ay naging pagdiriin sa anggulo ng “pagtatanghal”: “At narito ang sugal na isinasagawa ng Papang peregrino. Wari bagang, ang pagtatanghal ang siyang mensahe. . . . Ang namamalaging katanungan ay: gaano katagal ang bisa nito?”
Mensahe para sa mga Australyano
Para sa libu-libo na pumaroon upang makinig, anong mensahe ang nilalaman ng mga talumpati (na inihanda sa Australia)?
Sa mga Baldado: Ang pisikal na mga limitasyon ay maaaring baguhin ng pag-ibig ni Kristo tungo sa isang mabuti at magandang bagay at maaaring gawin ang isa na karapat-dapat sa tadhana na roon ang isa ay nilikha.
Tungkol sa Kawalan ng Trabaho: Ang pangangailangan ay na kilalanin ng kaayusang panlipunan na ang mga tao ay mas mahalaga kaysa mga bagay. Dapat na laging tandaan ng mga tao na ang manggagawa ay mas mahalaga kaysa mga pakinabang o mga makina.
Sa Media: Dapat nilang matalos ang pananagutan nila na iulat hindi lamang ang tungkol sa masama kundi tumulong upang pawiin ito, ang hamon hindi lamang upang iulat ang mabubuting gawa kundi himukin ito.
Sa mga Katutubo: Ang nagawa na ay hindi na maaaring bawiin pa. Ang mga reserba para sa mga Katutubo ay umiiral pa sa ngayon at nangangailangan ng matuwid at wastong pagsasaayos na hindi pa rin natatamo.
Binanggit din ni John Paul ang tungkol sa pangangailangan ukol sa kapayapaan habang papalapit sa wakas nito ang 1986 Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Nagsasalita sa isang pulutong ng mahigit na 30,000 na pangunahin nang binubuo ng mga kabataan sa isang Pagdiriwang ng mga Kabataan sa Sydney, sinabi ng papa: “Kung nais ninyo ng kapayapaan, gumawa kayo ukol sa katarungan, . . . ipagtanggol ang buhay, . . . ipahayag ang katotohanan, . . . tratuhin ang iba na gaya ng nais ninyong pagtrato nila sa inyo.”
Sa kaniyang talumpati ng pamamaalam, hinimok niya ang mga Australyano na tandaan kung sino sila at kung saan sila patungo, sinasabi sa kanila na bilang isang bansa sila ay tinawag sa kadakilaan. Pagkatapos, sa saliw ng musika ng mga awiting “God Bless Australia” (Pagpalain nawa ng Diyos ang Australia) at “On the Road to Gundagai” (Sa Daan Patungo sa Gundagai), si John Paul II ay umakyat sa napakaputing mga baitang ng jet na Qantas na daraan sa Seychelles Islands pabalik sa Roma.
Mayroon bang Anumang Nagtatagal na mga Resulta?
Ano ang mga resulta ng pagdalaw ng papa? Ganito ang pumupukaw-kaisipang konklusyon ng Courier Mail ng Brisbane: “Ito ay isang paglalakbay na may mataas na mga puntos at mababang mga puntos, mga sorpresa at kabiguan. . . . Ang Iglesya Katolika sa Australia ay kinakailangang mag-isip nang malalim. Kung hindi maakit ni Papa John Paul II, isang tao ng pambihirang karisma, ang mga Katoliko pabalik sa mga bakuran ng simbahan wari ngang walang anumang bagay na ibinibigay ng kaniyang mga obispo roon ang magtatagumpay.”
[Blurb sa pahina 13]
“Kung si Jesus ang dumating, walang sinuman ang tatangkilik sa Kaniya”
[Blurb sa pahina 14]
“Ang Papa ay dumating bilang isang peregrino taglay ang lahat ng karangyaan at makulay na palabas ng isang megastar”
[Larawan sa pahina 15]
Mga Katutubong lalaki na pumipila upang humalik sa kamay ni Papa John Paul II
[Credit Line]
Reuters/Bettmann Newsphotos