Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/8 p. 23-25
  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Canada

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Canada
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit ang Canada?
  • Mga Epekto at mga Pagpuna
  • Dinalaw ni Papa John Paul ang Naliligalig na Kawan
    Gumising!—1988
  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Mexico—Tutulong ba Ito sa Simbahan?
    Gumising!—1990
  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Australia—Isa Lamang Peregrinasyon?
    Gumising!—1987
Gumising!—1985
g85 10/8 p. 23-25

Ang Pagdalaw ng Papa sa Canada

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Canada

NOONG Setyembre ng 1984 ang Canada ay naparagdag sa dumaraming talaan ng mga lupain na dinalaw ni John Paul II bilang pinuno ng Iglesya Katolika.a Ang 12-araw na paglalakbay na may 33 itinakdang mga talumpati ang nagdala sa kaniya sa 16 na mga lunsod at bayan at sa ilang banal na dako​—isang 13,500-kilometro (8,500-mi) na paglalakbay. Ang kaniyang pagdalaw ay tinawag na “ang pinakamahabang pagdalaw ni John Paul II sa alinmang bansa sa 24 na mga peregrinasyon sa ibang bansa sapol nang siya’y maging Papa anim na taon na ang nakalipas.”

Bakit ang Canada?

“Sinimulan niya ang kaniyang paglalakbay sa isang lalawigan kung saan ang kapangyarihan at espirituwal na impluwensiya ng Iglesya Katolika ay lubhang humina sa loob ng nakalipas na dalawampung taon at kung saan ang karamihan ng mga tao ay iniulat na hinahamon ang mga turo ng iglesya tungkol sa maraming mga isyu,” ulat ni Michael McAteer, ang editor ng relihiyon sa The Toronto Star. Ang pangungusap na iyan tungkol sa Quebec ay nagpapaliwanag sa isa sa mga kadahilanan ng pagdalaw ng papa. Ang katamtamang gulang ng mga pari roon ay halos 60, na may ilang mga paghahalili. Ang Montreal ay may 15 mga parokya na walang kaniyang sariling mga pari. “Sa napakalaki at kilalang diyosesis na Katoliko ng Trois-Rivières,” sabi ng The Gazette ng Montreal, “mayroong isang ordinasyon [noong 1984]. Noong nakaraang taon [1983] at nang sinundang taon ay wala.” Ang parokyang iyon ay dumanas ng 90-porsiyentong pagbaba sa mga ordinasyon sa nakalipas na 20 taon.

Hindi lang iyan. Ang The Gazette ay nag-uulat: “Ang katamtamang pagdalo sa misa ay halos 10 porsiyento hanggang 16 porsiyento sa mga lunsod at halos 30 porsiyento sa mga simbahan sa lalawigan.” Isang kinatawan ng Canadian Conference of Catholic Bishops ay iniulat na nagsabi: “Aminin natin ito, ang karamihan ng mga Katoliko sa bansang ito ay hindi pa nakakita ng loob ng simbahan sa loob ng maraming taon.” Ang Maclean’s, isang pahayagan sa Canada, ay nagsasabi na ipinakikita ng isang surbey na isinagawa ng dalawang pahayagan sa Montreal na “68 porsiyento niyaong mga tinanong ay tinutulan ang paninindigan ng simbahan laban sa birth control, 72 porsiyento ang nagsasabi na ang mga pari ay dapat na pahintulutang mag-asawa, 66 porsiyento ang hindi sang-ayon sa pagbabawal ng simbahan sa diborsiyo, at 42 porsiyento ang salansang sa pagbabawal sa aborsiyon.” Ipinakikita ng malaking mga porsiyentong ito ang nanghihinang impluwensiya ng simbahan sa Quebec sa buhay pampamilya at sa pamayanan.

Na may mga problema saanman ay makikita sa pahayag ng papa sa Halifax, Nova Scotia, nang sabihin niya ang tungkol sa “paggalang sa buhay” (tinutukoy ang aborsiyon), “katapatan ng mag-asawa sa isa’t-isa at ang di-pagkalansag ng pag-aasawa.” Kinilala niya ang malaking kakulangan ng mga klero, sang-ayon sa Globe and Mail ng Toronto, at idinagdag pa nito na malayang inamin ng mga opisyal ng simbahan na sa malaking mga diyosesis “gaya ng St. John’s at Halifax” ay “napakaraming mga pari at madre na nag-aalisan.”

Kaya, ang paglalakbay ni John Paul II sa Canada ay gaya ng isang pastol na nangangalaga sa isang maysakit na kawan. Subalit ano ang epekto ng pagdalaw? Ano ang reaksiyon ng mga taga-Canada? Mararanasan kaya ng Iglesya Katolika ang muling kasiglahan ng mga membro upang maibalik ang dating mabuting kalagayan ng simbahan sa Canada? Paano tinataya ng mga tao ng simbahan at ng iba ang pastoral na gawain ng papa?

Mga Epekto at mga Pagpuna

Walang alinlangan na ang “peregrinasyon” ng papa ay nagkaroon ng malaking epekto sa maraming tao sa Canada. Madalas banggitin ng media ang tungkol sa kaniyang “karismatikong panghalina” at ang tungkol sa kaniyang “di kapani-paniwalang galing na pakilusin at bigyang-inspirasyon ang mga tao.” Nakalulungkot, pinahintulutan ng ibang tao ang kanilang mga reaksiyon na lumabis, isang babae sa pagtitipon sa Toronto ay nagsabi na “para bang tayo’y lumalapit sa Diyos sa loob ng mahabang panahon.” Isang 14-taóng-gulang naman ang nagsabi: “Nanginginig pa rin ako, para bang nahawakan ko ang Diyos o isang bagay.”

Ang mas timbang na mga indibiduwal ay humanga sa kaniyang prangkang panawagan para sa mas mabuting buhay pampamilya, paggalang sa hindi pa isinisilang, at sumang-ayon nang himukin niya ang mga kabataan na tanggihan ang mga pandaraya ng droga, alkohol, at ang pagsisiping ng mga hindi mag-asawa.

Sa kaniyang panawagan sa Edmonton para sa mas pantay na pamamahagi ng mga kayamanan ng daigdig, sabi ng isang manunulat sa pahayagan, “ay malinaw na nagpapaalaala sa isa tungkol sa mga Teologong Tagapagpalaya (Liberation Theologians) ng Latin Amerika na ang umano’y ‘Marxistang’ hilig ay kaniyang matinding pinagwikaan.”

Ang manunulat ding iyon ay hindi nag-atubiling gumawa ng ilang di-maganda o salungat na mga komento tungkol sa mga pamumuhunan, mga pakikipagsapalaran, at mga ari-arian ng Vatican Bank at ang karangyaan mismo ng istilo ng pamumuhay ng papa. Ang iba ay nagtataka tungkol sa mahigit na $50 milyong na halaga ng paglalakbay ng papa, na ang karamihan nito ay babayaran ng mga nagbabayad ng buwis sa Canada. Ang perang iyon ngayon ay hindi na maaaring gamitin upang tulungan ang mga mahihirap ng daigdig. Ang arsobispo ng Ottawa ay nagkomento: “Sa aking bahagi, ikinalulungkot ko na ang pinuno ng Iglesya ay hindi naglalakbay nang mas simple.”

Si Papa John Paul II, sa kaniyang mga paglalakbay sa lahat ng mga bansang Katoliko, ay kilala sa kaniyang pagpipitagan kay Birheng Maria at sa kaniyang madalas na pagdalaw sa mga banal na dako na naalay kay Birheng Maria. Paano niya pinangasiwaan iyan sa pangunahin nang Protestanteng Canada? Ang Maclean’s ay nag-uulat na sa mga dako kung saan ang Birhen ay pinagpipitaganan, pinapurihan niya ito. “Ngunit sa mga lunsod kung saan ang pagsamba kay Maria ay itinuturing na isang lipas na sa panahong gawain, o isang paghamak pa nga sa ilang grupong feminista at isang sagabal sa pakikipag-isa ng Katoliko-Protestante, siya ay walang imik tungkol sa isyung ito.”

Gayundin kung tungkol sa ibang mga paksang pinag-usapan sa kaniyang paglalakbay, ito man ay tungkol sa hindi pag-aasawa ng mga pari, ang pagkakaisa ng mga relihiyon, ang bahagi ng mga babae sa simbahan, o ang kalagayan ng mga katutubong tao. Naroon ang di pagkakasuwato. Halimbawa, tungkol sa paksang pagkakaisa ng mga iglesya, isang manunulat sa Toronto Star ang nagsabi: “Sa kaniyang anim na taong panunungkulan kailangan pa niyang gumawa ng isang matatag na hakbang upang gawing higit na totoo ang pagkakaisa.” Napansin ng Maclean’s na ang mga pahayag ng papa ay binabago upang umangkop sa kaniyang mga tagapakinig, at sabi pa: “Ang sadyang kawalang katiyakan ni John Paul ang mismong katayuan na nais ng mga obispong taga-Canada na gawin niya, sa paano man tungkol sa maselang na mga isyu hinggil sa mga babae at sa seksuwal na moralidad. Nalalaman ang bagay na patuloy na winawalang-bahala ng kanilang mga kongregasyon ang pagbabawal ng Roma tungkol sa diborsiyo at birth control, ayaw isapanganib ng mga obispo ang higit pang paglayo.”

Maliwanag, mayroong iba’t ibang emosyon tungkol sa unang pagdalaw ng papa sa Canada. Mayroon niyaong nakadama na ito ay magbibigay ng isang bagong panimula sa simbahan dito. Ang presidente ng Canadian Conference of Catholic Bishops ay nakadama na ang paglalakbay ay nagtatag ng isang “bagong yugto ng pag-eebanghelyo sa kasaysayan ng Canada.” Subalit tutugon kaya ang mga Katoliko? Hindi lahat ay optimistiko. Ganito ang sabi ng isang paulong-balita: “Ang Papa ay nag-iwan ng maraming nakaliligalig na mga katanungan.” Totoo, sinabi ng isang Katolikong editor na ang simbahan ay “nasa gitna [lamang] ng isang moral na krisis,” subalit ang simbahan mismo ay hindi “dumaranas ng isang Katolikong krisis.” Gayunman, ganito ang sabi ng Katolikong awtor na si Anne Roche: “Maraming simbahan ang umalis na sa sakop ng tinatawag na simbahang Katoliko.” Pagkatapos siya ay nagkomento: “Sa aking palagay, sa Canada mayroon tayong lantaran subalit hindi ipinapahayag na pagkakahati-hati dahil sa di pagkakasundo tungkol sa relihiyon.” Panahon ang makapagsasabi kung alin ang tamang palagay.

[Talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Mayo 8, 1984, mga pahina 3-15.

[Mapa/Larawan ng Canada sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Quebec City

Montreal

St. John’s

Halifax

Toronto

Winnipeg

Edmonton

Vancouver

Ottawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share