Pagmamasid sa Daigdig
Iskandalo sa Elektronikong Simbahan
Ang dating ebanghelista sa telebisyon na si Jim Bakker at ang kaniyang asawang si Tammy ay tumanggap ng $4.8 milyon bilang sahod, bonus at iba pang kabayaran mula sa kanilang ministeryo sa TV sa pagitan ng Enero 1984 at Marso 1987, ulat ng The Charlotte Observer, isang pahayagan sa North Carolina sa Estados Unidos. Si Bakker ay nagbitiw bilang pinuno ng PTL (Praise the Lord) na ministeryo sa telebisyon noong Marso pagkatapos aminin ang “seksuwal na kaugnayan” sa isang dalagang sekretarya ng simbahan noong 1980. Bago pa niya ginawa ang pag-amin, isiniwalat ng kaniyang asawa na siya ay naging sugapa sa iniresetang mga droga. Isa pang ebanghelista sa TV, si Jimmy Swaggart, na nagkukomento tungkol sa iskandalo ng mga Bakker ay nagsabi: “Ang Ebanghelyo ni Jesu-Kristo ay hindi pa kailanman bumaba sa gayon kababang antas na gaya ng sa ngayon.” Gayunman ano bang talaga ang bumaba—ang ebanghelyo o ang mga ebanghelisador sa TV?
Babala sa Aluminyo
“Isang nangungunang pangkat ng mga siyentipikong Britano ay nagbababala laban sa paggamit ng aluminyong mga kaserola at mga pagkaing mayaman sa aluminyo,” sabi ng The Sunday Times ng London. ‘Ang mga siyentipiko mula sa neuroendocrinology unit ng Medical Research Council sa Newcastle sa Tyne ay naniniwala na ang pagkakaroon ng aluminyo sa pagkain at sa tubig ay posibleng sanhi ng Alzheimer’s disease, ang pinakapangkaraniwang anyo ng pagkaulyanin dahil sa katandaan. Bagaman dati-rati’y ipinalalagay na ang dami ng aluminyong nakukuha mula sa mga kaserola ay napakaliit, ipinakikita ng pananaliksik kamakailan ang lubhang pagdami ng aluminyo na umaalpas dahilan sa reaksiyong kemikal kapag mayroong fluoride sa tubig na ginagamit sa pagluluto o kapag nagluluto ng mga pagkaing maasido na gaya ng kamatis o repolyo. Ang tuklas ay nagbangon ng mga pag-aalinlangan sa patakaran sa maraming dako tungkol sa pagdaragdag ng fluoride sa mga panustos ng tubig upang maging matibay ang ngipin ng mga bata.
Pamamahinga Pagkapananghali
Ang pangangailangang mamahinga pagkapananghali ay normal, sabi ng mga mananaliksik. Sa pagitan ng ika-1:00 at ika-4:00 n.h., karamihan ng tao ay nakakaranas ng pagkalma sa kanilang pagkaalisto, at ang gawain ay bumabagal. Ang palatandaang ito ay, hindi dahil sa pagkain o kultura, na gaya ng dating akala, kundi dahil sa isang pagbabago sa biyolohikal na orasan ng tao. Sa panahong iyon, ang mga tao ay maaaring makatulog sa loob lamang ng mga ilang minuto. Bagaman ang pagkaalisto at ang pagsasagawa ng trabaho ay hindi bumuti roon sa mga namahinga pagkapananghali, gayunman ay inilagay sila nito sa mas mabuting kalagayan ng isipan. Ang mga bata rin ay mas mabait pagkatapos mamahinga, bagaman hindi sila aktuwal na natulog.
Panganib sa Pagkain-ng-Bata
Ang mga sanggol na may sakit sa bató at ang mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan ay partikular na nanganganib sa kaunting mga aluminyo na nasusumpungan sa ilang pagkain ng bata, hinuha ng isang surbey ng Trading Standards Department, Warwickshire, Inglatera. Subalit idiniin nito na ang mga antas na nasumpungan ay hindi mapanganib sa malulusog na sanggol. Ipinahihiwatig ng pananaliksik kamakailan sa Inglatera at sa Estados Unidos na ang aluminyo ay maaaring maging mapanganib sa mga sanggol na may deperensiya sa bató, o sa mga sanggol na ipinanganak nang kulang sa buwan na ang paglaki ng mga sangkap ng katawan ay hindi pa husto. Ito’y dahilan sa hindi kayang ilabas ng bata ang aluminyo, pinangyayari ang metal ay magtipong lubha sa utak.
Nakamamatay na Dugo
Ang artistang si Danny Kaye ay namatay nitong nakaraang Marso. Gayunman, “ang pinakamahalagang aspekto ng kaniyang kamatayan ay hindi napansin,” sulat ng kolumnistang si Ray Kerrison. “Ang komedyante ay namatay sa gulang na 74 na ang isang dahilan ay sapagkat dati siyang tumanggap ng mga pagsasalin ng maruming dugo.” Isiniwalat ng kaniyang doktor na si Kaye ay nagkaroon ng non-A at non-B hepatitis mula sa mga pagsasalin ng dugo na tinanggap niya apat na taon na ang nakaraan nang siya ay maopera. “Sa gayon ang operasyon na idinisenyo upang iligtas ang buhay ni Danny Kaye ay sa halip naging isang sentensiya ng kamatayan,” sabi ni Kerrison. “Oo, tinatayang mga 12 katao (ang marami sa kanila ay mga may sakit na hemophilia) ay namamatay araw-araw sa E.U. dahil sa mga sakit na dala ng maruming dugo.” Bakit? Sapagkat bagaman ang dugo ay maaaring magtago ng maraming karamdaman, ito ay sinusuri sa dalawang sakit lamang—ang hepatitis B at ang antibody ng AIDS—yamang hindi sulit ang pagsusuri sa iba pang sakit sapagkat magiging masyadong mahal.
Kasabay nito, ang dating artista ng pornograpya na si Linda Lovelace ay inoperahan dahil sa liver transplant. Ano ang puminsala sa kaniyang atay? Inaakala ng mga doktor na ito rin ay dahil sa hepatitis, na nakuha niya sa pamamagitan ng isang pagsasalin ng dugo na ibinigay sa kaniya nang siya ay makaasidente sa kotse noong 1970.
“Mas Mabuti na ang Sila’y Mataba”?
Parami nang paraming mga dalubhasa sa labis ang timbang ang naghihinuha na “marami, kung hindi man ang karamihan, ng mga taong may problema sa timbang ay hindi masisisi sa kanilang katabaan,” ulat ng The New York Times. “Hindi kukulanging kalahati ng mga taong sobra ang taba—yaong mahigit na 30 porsiyento ang labis na timbang—na nagsisikap magdiyeta upang bumaba ang timbang at maging ‘kanais-nais’ ang timbang ayon sa talaan ng taas-timbang ay nagdurusa sa medikal, pisikal at saykolohikal na paraan bunga nito, at mas mabuti na ang sila’y mataba,” sabi ni Dr. George Blackburn, isang espesyalista sa katabaan sa Harvard Medical School, sang-ayon sa artikulo. At, si Dr. Theodore B. Van Itallie, ng St. Luke’s-Roosevelt Hospital Center sa New York City, ay nagsabi: “Ang katabaan ng katawan ay tumutugon sa mga kalagayan pangkapaligiran. Bilang mga membro ng isang laging nakaupo at kargado ng pagkaing lipunan, ang tabaing mga tao na nagnanais supilin ang kanilang timbang ay dapat matutong panatilihin ang isang mataas na antas ng pisikal na gawain at piliin ang pagkaing mababa sa calorie.”
Sapatos na Hindi Nadudulas
Taun-taon ginagamot ng mga ospital sa Britaniya ang kalahati ng isang milyong mga pinsala na dala ng pagkadulas sa yelo. Binabalak ng mga mananaliksik sa medisina na bawasan ito sa pag-aaral ng isang leksiyon mula sa mga polar bear (isang uri ng oso na masusumpungan sa artiko). Ang mga paa nito ay may kahanga-hangang mga katangian na hindi nadudulas. Ano ang sekreto nito? Sang-ayon sa The Sunday Times ng London, isinisiwalat ng isang pagsusuri sa mikroskopyo ang isang “uka-uka at umbuk-umbok” na matigas na takip sa ibabaw ng “malambot na loob nito.” Yamang ang matigas-suwelas na mga sapatos na balat o plastik ay lalong tumitigas sa malamig na panahon, ang makapal-suwelas na mga bota ay waring nagtitipon ng yelo sa kanilang mga uka, inaakala ng mga siyentipiko na ang dalawang-suson na katulad ng paa ng polar bear ay magbibigay ng pinakamabuting kapit sa isang madulas na ibabaw. “Hindi ako naniniwala na may anumang bagay na magbibigay ng ganap na kaligtasan sa isang ibabaw na gaya ng yelo,” sabi ng punong opisyal sa medisina ng Ford Motor Company na si Dr. Derek Manning, “subalit ang ating mga sapatos ay maaaring maging mas ligtas kaysa ngayon.”
Malalakas Kumain
“Ang mga Italyano ay hindi kumakain nang mahusay,” sabi ng La Repubblica, isang pahayagang Romano, “subalit hindi nila kasalanan ito.” Bakit hindi? Ito at ang iba pang mga katanungan tungkol sa malalakas kumain ng Italya ay tinalakay sa isang kombensiyon na ginanap maaga nang taóng ito sa Roma ng National Institute of Nutrition. Si Tullio Seppilli, isang direktor sa University of Perugia, ay nagsasabi na ang kilalang malakas kumain na Italyano ay isang malungkot na tao na ang buhay ay nahahati “ng dalawang hedonismo—isa na nag-uudyok kumain at isa pa na humihiling ng isang mahusay na pisikal na anyo.” Bilang patotoo nito, ipinakikita ng mga estadistika kamakailan na bagaman 8 milyong mga adultong Italyano ang nagsisikap na lutasin ang kanilang mga suliranin sa timbang, 22 milyon ang nananatiling hindi nasisiyahan sa kanilang pagkain at naiinis sa kanilang sarili subalit patuloy na nagpapakabundat sa mga langonisa at tsokolate. Nananaghoy sa hindi mabuting pagpili ng mga Italyano sa pagkain, ang La Repubblica ay nagsasabi na ang mga komersiyal sa TV ang may malaking pananagutan sapagkat “sila’y nagtagumpay sa pagkumbinse sa mga bata na ubusin ang primera-klaseng basurang pagkain.”
Krisis sa Trabaho ng Hapón
Nakakaharap ng Hapón ang pinakagrabeng krisis sa trabaho mula noong Digmaang Pandaigdig II. Kabilang sa mga sanhi ng tumataas na halaga ng mga produktong Haponés ay ang pagtaas ng yen, bumababang kahilingan sa internasyonal na pamilihan, at ang kompetisyon sa mga bansa na gaya ng Timog Korea. Upang bawasan ang halaga ng paggawa o trabaho at panatilihin ang pakinabang nito sa kompetisyon, nakikipag-agawan ang mga kompanyang Haponés na ilipat ang produksiyon sa ibang bansa—iniiwan ang mga manggagawa sa Hapón na walang trabaho. “Ang dami ng mga walang trabaho ng Hapón ay naglalaro sa 2.8 hanggang 2.9 porsiyento nitong nakalipas na mga buwan,” sabi ng Mainichi Daily News, “ang pinakamataas mula nang simulan ng gobyerno ang pag-iipon ng mga estadistika noong 1953.” Bagaman ang bilang na ito ay mababa kung ihahambing sa ibang mga bansa, ang paraan ng Haponés sa pagkalkula nito ay kakaiba. Ang tinanggal na mga manggagawa at mga taong nagtatrabaho ng mahigit isang oras sa alinmang linggo, halimbawa, ay hindi kasali. Ang dami “ay magiging doble hanggang mahigit 5 porsiyento kung kakalkulahin sa ilalim ng pormula ng E.U.,” sabi ng pahayagan.