Nawalan ng Lakas ang mga Ebanghelista sa TV Dahil sa mga Iskandalo sa Sekso
KAMAKAILAN lamang sunud-sunod na ebanghelista sa TV sa Estados Unidos ang ibinunyag dahil sa maling paggawi sa sekso. Ibinunyag na ang isang anak ng dating ebanghelista na si Pat Robertson, isang kandidato sa pagkapangulo, ay anak sa ligaw. At iba pang mga ebanghelista, si Jim Bakker ang pinakaprominente, ay ibinunyag bilang mga mangangalunya.
Gayunman, isang mas huling iskandalo ang may kaugnayan kay Jimmy Swaggart, ang ebanghelista na bumatikos sa seksuwal na mga kalokohan ng karibal na mga predikador sa TV na sina Jim Bakker at Marvin Gorman. Sang-ayon sa mga report, si Gorman, bilang ganti, ay kumuha ng mga litrato ni Swaggart na kasama ng isang patutot. Sinusuri ang nakaririmarim na kaguluhan, ganito ang sabi ng kolumnista sa New York Post na si Carl T. Rowan:
“Ang pinakamasamang bagay na nagawa ni Swaggart, sa palagay ko, ay hindi ang pagdala niya ng isang patutot sa isang motel. Ito’y ang mapagpaimbabaw na pagsisikap na lubusang sirain si Rev. Jim Bakker pagkatapos na mabunyag na ang pinuno ng PTL Ministry ay nagkaroon ng isang nakaririmarim na seksuwal na kaugnayan sa kalihim ng simbahan na si Jessica Hahn.
“Ang mapagpaimbabaw na pagbatikos ni Swaggart kay Bakker at sa PTL ay isang malinaw na pagtatangkang dalhin sa kaniyang imperyo ang mga dolyar ng mga mapaniwalain na ibinubuhos sa pinamumunuan ni Bakker.
“Katulad na katulad ito ng pinuno na nagbibenta ng droga na nililipol ang iba upang makuha ang kaniyang teritoryo.
“Ang pagkakatulad ay hindi malayo,” sabi ni Rowan. “Ang mga Swaggart, Bakker, Gorman at iba pa ay nagbibili ng isang narkotiko na tinatawag na relihiyon, at sa paggawa nito sila ay nagbibigay ng isang masamang pangalan sa tunay na relihiyon.”