Pinakakain o Pinagnanakawan Ba ng mga Relihiyon Ngayon ang Kawan?
“Sa aba ng mga pastol ng Israel, na naging mga tagapagpakain ng kanilang sarili! Hindi baga ang kawan ang dapat pakainin ng mga pastol?”—Ezekiel 34:2.
GAYA noong mga kaarawan ng sinaunang Israel, karaniwang gayundin sa ngayon: Pinakakain ng marami sa relihiyosong mga pastol ang kanilang mga sarili at ginugutom ang kanilang mga kawan. Noong nakaraang taon ang mga ebanghelista sa telebisyon ang nasa gitna ng entablado, masigasig na pinagnanakawan ang mga tupa.
Ang pangunahing mga bituin ay sina Jim at Tammy Bakker ng PTL, subalit marami silang kasamang artista. Siyanga pala, ang PTL ay kumakatawan sa “Praise the Lord” at sa “People That Love,” ngunit sa pagtatapos ng taon maraming reporter sa pahayagan ang nagsasabing mas angkop ang “Pass the Loot” at “Pay the Lady.” Binanggit ng isang kolumnista ang kanilang ministeryo bilang “pagpapalit-ng-salapi sa templo” at tinawag itong: “Ang daya ng pangangaral ng ebanghelyo samantalang hinuhuthutan ang mahihirap.”
Ang mga Bakker ang dating namahala sa Heritage USA, isang 930-ektaryang bakasyunan sa Fort Mill, South Carolina, na may tinatasang halaga na $178 milyon. Ang imperyong PTL ay nagpapasok ng $129 milyon sa isang taon. Mula noong 1984 sinasabi ng mga ulat sa pahayagan na ang mga Bakker ay tumanggap ng mga suweldo at mga bonus na nagkakahalaga ng $4.8 milyon—noong 1986 ang suweldo ni Jim Bakker ay sinasabing $1.6 milyon, ang kay Tammy ay $300,000. Sila’y nakatira sa isang $1.3-milyon na tahanan sa harap ng lawa sa South Carolina, na may mga kasangkapang pangkabit sa paliguan na tubog sa ginto—at isang bahay ng aso sa likuran na may air-condition at heater. Kadalasang sinasabi ni Bakker: “Nais ng Diyos ang kaniyang bayan na maging primera klase.” Sa paanuman siya at si Tammy at ang kanilang mga aso ay naging primera klase—habang ito ay nagtagal.
Subalit lahat ng ito ay bumagsak nang aminin ni Bakker ang kaniyang pangangalunya sa isang sekretarya ng simbahan. Sa kabila ng $265,000 mga pondo ng PTL na ibinukod na pera upang pagtakpan ang iskandalo—ang munting kalokohang ito ang batayan ng “Pay the Lady” na pagpapakahulugan sa PTL. (Mangyari pa, hindi tinanggap ng babaing nasasangkot ang halagang ito.) Ang karismatikong Pentecostal na PTL ay ibinigay sa pundamentalistang si Jerry Falwell.
Sinimulan na lahat ni Falwell sa pag-ibig at pagpapatawad, subalit hindi pa nagtatagal ay nagliparan na ang mga putik. Tinuligsa niya ang PTL ni Bakker bilang “ang pinakamalaking langib at kanser sa Kristiyanismo sa nakalipas na 2,000 taóng kasaysayan ng relihiyon.” Taglay ang mahusay na pagtatanghal ng matuwid na galit, si Falwell ay nagsisigaw: “Nakikita ko ang kasakiman. Nakikita ko ang pagkamakasarili. Nakikita ko ang katakawan sa pera na nagpabagsak sa kanila.” Kaya nang kunin ni Falwell ang PTL, siya ay nanata, gaya ng iniulat ng Newsweek: “Sinabi ni Falwell na ang isang bagay na hindi niya gagawin ay ang ‘magpalimos ng pera sa himpapawid.’ Noong nakaraang linggo si Falwell ay nagsalita sa himpapawid at humingi ng limos.”
Ang Daily News ng New York, sa ilalim ng ulong-balita na “Falwell to Followers: Pass the Loot,” ay nagsabi: “Kahapon minsan pang inihagis ni Jerry Falwell ang kaniyang lambat ng salapi, pinipilit ang kaniyang elektronikong kawan na magbigay ng higit na salapi.” Sinabi niya sa kaniyang karamiha’y mahihirap na kongregasyon: “Kailangan namin ang pinakamapagsakripisyong kaloob na maipadadala ninyo. . . . Kung hindi ninyo nais na magpatuloy ang ministeryong ito, huwag ninyo akong intindihin.” Sila ay tumugon. Ang kampaniya upang mangilak ng pondo ay nagkaneto ng $20,000,000. Pagkatapos—sapagkat nangako siya na gagawin iyon kung magtagumpay ang kampaniya—siya’y nagsuot ng isang asul na amerikana, tumayo sa ibabaw ng 50-metro-haba na padulas sa tubig ng Heritage USA, binigkas ang Panalangin ng Panginoon, at nagpadulas pababa. Nang maglaon si Falwell ay umalis sa PTL.
Iniulat ng Newsweek: “Si Michael Korpi, isang dating potograpo ng ‘Old Time Gospel Hour’ ni Falwell, ay nagparatang na ang ministeryo [ni Falwell] ay nakapangilak ng mahigit $4 na milyon sa pamamagitan ng isang pagsamo noong 1979 para sa mga takas na taga-Cambodia subalit nagpadala lamang ng $100,000 upang tulungan ang mga biktima.”
Pinantayan ng ebanghelista sa telebisyon na si Oral Roberts ang pagpapadulas-sa-tubig na akto ni Falwell ng isang magandang dramatikong pagkilos niya mismo. Maaga noong nakaraang taon sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na siya ay binabalaan ng Diyos na kung hindi niya maipangingilak ang $8,000,000 sa Marso 31, siya ay “pauuwiin na.” Sa kaniyang pansarang panalangin sinabi niya: “Palawigin ninyo ang aking buhay. Hayaan ninyo mabuhay ako nang lampas pa ng Marso.” Ang kaniyang anak na lalaki ay nagsumamo: “Huwag nating hayaang ito na ang maging huling kompleanyo ng aking itay!” Ang emosyonal na pangunguwaltang ito sa pamamagitan ng pananakot ni Roberts at ng anak niya ay gumana. Si Roberts ay nanatili sa kaniyang toreng panalanginan—sinasabing naglagay ito sa kaniya na 61 metro na mas malapit sa Diyos—at ang kaniyang mga tagapanood sa telebisyon ay nagbigay ng $8,000,000. Gayunman, isa sa kaniyang mga tagasunod ay pilosopo tungkol dito: “Kung mamamatay nga siya, hindi iyan masama. Ang langit ay isang mabuting dako.”
Minsan nilibang niya ang kaniyang mga tagapanood sa TV ng isang napakasakit na kuwento na nagtapos nang masaya. Ang Diyablo ay nagtungo sa kaniyang kuwarto at nakipagbuno sa kaniya. Gaya ng pagkakasabi rito ni Roberts: “Nadama ko ang mga kamay na iyon sa aking lalamunan, at sinasakal niya ako. Tinawag ko ang aking asawa, ‘Honey, halika!’ Pumasok siya at ipinag-utos sa diyablo na lumabas. Nakahinga ako at bumangon ako sa aking kama na malakas.” Sa wari, ang kaniyang asawa ay may higit na kapangyarihan sa Diyablo kaysa kaniya.
Noong 1980 ang mga pondo ay humihina, sinabi niya ang pagkakita sa isang 270 metrong Jesus na nakatayo na nakatapak at nakikipag-usap sa kaniya. Ang pangitaing ito ay humantong sa $5,000,000 mga donasyon. Sinasabi niyang nakabuhay na siya ng mga taong patay. Noong minsan, iniulat niya: “Kinailangan kong ihinto ang isang sermon, bumalik at buhayin ang isang taong patay.” Lahat ng ito ay nagpangyari sa Newsweek na magkomento: “Sinasabi ni Oral Roberts na nakabuhay na siya ng mga patay, datapuwat pangingilak lamang ng salapi ang ginagawa niya.”
Ang predikador na Pentecostal na si Jimmy Swaggart ay sinasabing ang pinakapopular na ebanghelista sa TV, nakararating sa walong milyong mga tagapanood sa bawat Linggo. Isang nangungunang mang-aawit ng musikang pang-ebanghelyo, siya ay kumita ng $100 milyon mula sa kaniyang mga rekording. Tungkol sa iskandalo ni Bakker, ang sabi ni Swaggart: “Inaakala ko na ang ganap na kabiguan ay isang kanser na kinakailangang alisin mula sa katawan ni Kristo.” Noong dakong huli idinagdag pa ni Swaggart: “Sasabihin ng mga tao, ‘Hey, sinisira nila ang publiko.’ At tatapatin ko kayo, iyan nga ang ginagawa nila.”
Datapuwat sa mga ulat ng balita wari ngang si Swaggart mismo ay hindi nahuhuli. Iniulat ng Newsweek na si George Jernigan, isang dating tagapamahala ni Swaggart, ay nagsasabing si Swaggart ay “nakapangilak ng $20 milyon pondo para sa mga bata subalit gumugol ng wala pang 10 porsiyento nito sa programa. Sabi ni Jernigan: ‘ang natira ay ginugol sa Baton Rouge kung saan, iniulat ng WBRZ-TV, ang looban ni Swaggart ay kinabibilangan ng $1 milyong na tahanan ni Jimmy, ng $776,000 rantso ng kaniyang anak na lalaki at ng air-conditioned na bahay-bahayan sa punungkahoy ng kaniyang apo.”
Sa isang serye ng mga programa na Nightline ng ABC tungkol sa mga ebanghelista sa telebisyon, ang kabalitaan ng ABC na si Marshall Frady ay nagsabi: “Sa paano man, gaya ng napuna ng ilan, ang lahat ng palamuti ng modernong ebanghelismo sa telebisyon ay wari ngang malayung-malayo na sa orihinal na kasimplihan ng mahiwagang kabataang iyon na taga-Galilea na walang ari-arian, walang anumang lupon ng mga direktor, na basta naglakad sa maalabok na sulok ng lupa na nakikipag-usap, dalawang libong taon na ang nakalipas.”
Totoo na “lahat ng palamuti ng modernong ebanghelismo sa telebisyon” ay malayung-malayo sa mga paraan ni Jesus. Totoo rin na ang mga panahon ay nagbago. Upang mangaral sa buong daigdig sa angaw-angaw ay nagsasangkot sa paggamit ng modernong mga pasilidad at mahusay na organisasyon, at ito’y nangangailangan ng malaking halagang salapi. Gayumpaman, ang mga pangunahing bagay tungkol sa paraan ng buhay ni Jesus ay nananatiling huwaran para sa mga Kristiyano. Ang mga kahalagahan at mga simulain na ibinigay niya ang siya pa ring tanging daan para sa mga Kristiyano ngayon.—1 Pedro 2:21.
Ang ilan sa mga simulaing iyon ay ang sumusunod: ‘Tinanggap ninyo ang katotohanan nang walang bayad, ibigay ninyong walang bayad. Huwag kayong mabalisa tungkol sa materyal na mga bagay. Hanapin muna ang Kaharian. May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap. Magturo kayo sa mga tahanan ng mga tao. Ang Salita ng Diyos ay katotohanan. Ibigin mo ang Diyos, ibigin mo ang iyong kapuwa. Gawin mo sa iba ang nais mong gawin nila sa iyo. Pakanin mo ang aking kawan.’ Ang tunay na Kristiyanismo ay hindi nagbago; ang mga pasilidad lamang sa pagpapalaganap nito ang nagbago.
Hindi ang pagkalalaking halaga ng salapi na nasasangkot ang tinututulan. Nangangailangan ng milyun-milyon upang mangaral sa buong daigdig. Ang salapi ay hindi masama. Ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang mga paraan ng pagkuha ng salapi—ang mga pagsamo, ang mga gimik o palabas, ang paghingi ng limos, ang pandaraya, ang mga kasinungalingan—ang siyang masama. Ang mapanlinlang na pagkuha nito mula sa mahihirap sa pamamagitan ng mga laro ang siyang masama. At ang pagkolekta para sa isang layunin, pagkatapos ay paggamit nito sa ibang layunin, para sa personal na pagpapayaman—iyan ay paglustay. Ang mga Fariseo ay mga maibigin sa salapi. Ipinagbili ni Judas si Kristo dahil sa salapi. Maraming pastol ng relihiyon ngayon ang tumutulad sa kanila sa halip na tumulad kay Jesus.
Pinakakain nila ang kanilang mga sarili, hindi ang kawan. At hindi lamang ang mga Pentecostal. Ang mga pundamentalista man ay nagtuturo ng Trinidad, apoy ng impierno, ang lupa’y susunugin—pawang mga doktrinang pagano ng sinaunang Babilonya at Ehipto. Ikinakaila ng mga modernista ang Bibliya—hindi kinasihan, nagkakamali, ang mga aklat nito ay hindi isinulat niyaong sinasabing sumulat nito o sa panahong sinasabing isinulat ito, at itinataguyod hindi ang paglalang kundi ang ebolusyon. Nariyan pa ang mga predikador na ibinibenta ang popular na sikolohiya, ang mga mahusay ang bokadora na nagsasabi ng mga bagay na kumikiliti sa mga tainga ng mga hindi tumatanggap sa prangkang katotohanan ng Bibliya. Hindi ang trigo kundi ang ipa ang siyang ipinakakain nila sa kanilang mga kawan.—Isaias 30:10; 2 Timoteo 4:3, 4.
Tunay, kung paano noong kaarawan ni Jesus gayundin sa ngayon: “Nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) At pagkakita sa kanila, “siya’y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.” (Marcos 6:34) Si Jesus ay may mga tagasunod ngayon sa lupa na tumutulad sa kaniya, nangangaral na gaya niya, at itinuturo ang mga katotohanan ng Bibliya na nakababawas sa espirituwal na gutom.—Amos 8:11.
Ang mga tagasunod na iyon ay ang mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang pambuong daigdig na gawaing pangangaral ay nangangailangan ng malaking salapi, subalit ito’y nagmumula sa boluntaryo, hindi ipinangingilak na mga kontribusyon. Ang mga literatura ay inililimbag at ipinamamahagi sa maliit na halaga. Ang lingguhang mga pag-aaral sa Bibliya ay idinaraos sa mga tahanan nang walang bayad. Ang mga pulong ng kongregasyon ay walang bayad, walang mga koleksiyon, walang ginagawang mga pagsamo para sa pera, walang ibinabayad na mga suweldo. Maraming mga Saksi ang sekular na nagtatrabaho para sa kanilang ikabubuhay at nagbibigay ng panahon at salapi upang maisagawa ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14; Gawa 1:8.
Sila’y gumagawa na gaya ng itinagubilin ni Jesus: “Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.” Ginagawa nila ang itinagubilin ni Pedro: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; ni dahil sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; ni gaya ng kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging halimbawa kayo sa kawan.”—Mateo 10:8; 1 Pedro 5:2, 3.
[Blurb sa pahina 6]
“Sinasabi ni Oral Roberts na nakabuhay na siya ng mga patay, subalit pangingilak lamang ng salapi ang ginagawa niya”
[Blurb sa pahina 6]
”Ang daya ng pangangaral ng ebanghelyo samantalang hinuhuthutan ang mahihirap”
[Blurb sa pahina 8]
“Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad”