Natakasan Ko ang Pandaraya ng Relihiyon
NATATANDAAN ko ang unang “himala” na nakita ko. Ako noon ay anim at kalahating taóng gulang. Kami ng nanay ko ay nasa pulong na ito ng Pentecostal na ginanap sa isang bahay. Ang predikador ay umaawit, at tumanggap siya ng espiritu, gaya ng ginagawa ng mga Pentecostal kapag sila ay umaawit. Taglamig noon, at may malaking bilog na kalan sa gitna ng silid. Nakita kong inabot niya ang kalan, umaawit pa rin at humihiyaw, at kinuha niya ang malaking tipak ng baga na mapulang nagbabaga. Hinawakan niya ito sa dalawang kamay, dinadala ito sa paligid ng silid at naghihihiyaw at umaawit din. Nang panahong ito ang iba pa ay umaawit at humihiyaw at sumasayaw sa paligid niya. Pagkatapos ng pulong, ang lahat ay patuloy na tumitingin sa kaniyang mga kamay kung ang mga ito ay napaso. Wala man lamang marka ang mga ito!
At isa lamang ito sa mga tanda ng simbahang Pentecostal na ito sa Kentucky na dinaluhan ng aking ina. Sila’y naniniwala sa ika-16 na kabanata ng Marcos, simula sa ika-17 talata Mar 16:17, kung saan binabanggit nito ang tungkol sa pagsasalita ng mga wika, pagpapagaling sa mga maysakit, paghawak sa mga ahas, at pag-inom ng lason. (Ang mga talatang Mar 16:17-20 ito ay hindi totoo, yaon ay, wala ito sa pinakamatandang mga manuskrito ng Bibliya.) Hindi lahat ng mga simbahang Pentecostal ay naniniwala sa mga bagay na ito. Subalit kapag nakikita mo ang mga ito na nangyayari, bueno, para bang ang Diyos ay nasa relihiyon na nakagagawa ng mga tandang ito at ang mga tao ay hindi nasasaktan.
Pagkatapos ay lumipat kami sa Indiana. Ako’y nabinyagan nang ako ay 12 anyos, noong 1953. Natuto akong tumugtog ng gitara at sinasaliwan ko ang mga pag-awit ng grupo sa mga pulong. Inaakala ko na ito ay bahagi ng aking paglilingkod sa Diyos—sa mga pag-awit na ito na tinatanggap ng mga Pentecostal ang espiritu. Nang tanggapin ko ang espiritu at magsalita ng mga wika, hindi ko alam ang pinagsasabi ko, ngunit mabuti ang pakiramdam ko.
Hindi ako humahawak ng mga ahas, datapuwat natatandaan ko isang dulo ng sanlinggo dinalaw ko ang simbahan sa Kentucky kung saan ako dating dumadalo. Isang dumadalaw na predikador ang tumanggap ng espiritu at hinila ang isang malaking rattlesnake mula sa isang kahon ng mga ahas na dala niya. Ipinulupot niya ito sa kaniyang kamay at siya’y sumisigaw. Nasa likuran niya ako sa entablado na kasama ng mga mang-aawit, at tandang-tanda kong nakita kong dumaloy ang dugo sa pagitan ng kaniyang mga daliri. Pagkatapos ang predikador na nakita kong humawak ng apoy mga ilang taon na ang nakalipas ay tumanggap ng espiritu, at siya’y lumapit at kinuha ang ahas mula sa kamay niyaong isang predikador at ibinalik ito sa kahon. Subalit ang lalaking tinuklaw ng ahas ay hindi nagkasakit. Gayunman, natatandaan ko na tatlong taong nakikilala ko ang tinuklaw ng ahas at namatay. Ang aking biyenang lalaki ay isa sa kanila.
Nang ako ay 19, napangasawa ko ang isang binata na sinasabing ligtas na. Subalit siya ay hindi isang malakas na Pentecostal. Nakita ko na siyang humawak ng mga ahas minsan, gayunman wala siyang espiritu na katugma ng espiritung taglay ko. Siya ay saglit na nagiging isang mabuting Pentecostal, pagkatapos siya’y hihinto, magsisimulang manigarilyo, gagawa ng iba pang mga bagay na hindi namin pinaniniwalaan. Gayunman, ang mga bagay na ito tungkol sa mga espiritu ay isang bagay na nakaligalig sa akin. Kapag ang mga Pentecostal ay tumatanggap ng espiritu, ang mga espiritu ay hindi laging pareho. Ang ilan ay mas malakas, ang ilan ay hindi magkasundo, at ang iba ay nakakabangga pa nga ng iba.
Hindi ko ito maunawaan. Ito ay nagpangyari sa akin na magtanong kung bakit napakaraming iba’t ibang espiritu. Natatandaan ko pang nanalangin noong panahong ako’y isang Pentecostal: “Ito lamang ang tanging relihiyon na nalalaman ko, Diyos, na maaaring maging tama. Subalit kung hindi ako naglilingkod sa paraan na kalugud-lugod sa iyo, Diyos, nais kong malaman ito. Kung hindi ito ang tamang relihiyon, pakisuyong ituro mo sa akin ang tamang relihiyon.” Idinalangin ko ang panalanging iyon nang maraming beses.
Noong panahon ng unang pag-aasawang ito na nakita ko ang mga magasing Bantayan at Gumising! Lumipat kami sa Cincinnati noong 1962, at dumating sa aming bahay ang mga Saksi ni Jehova. Gusto silang kausap ng aking asawa, datapuwat ako ay hinding-hindi nakipag-usap sa kanila. Nananatili ako sa kusina kapag sila ay dumarating. Ang aking asawa ay sumuskribe sa mga magasin, gayunman ay hindi binabasa ang mga ito. Subalit binasa ko ito. Batid kong hindi ko dapat basahin ito, nakadarama ako ng pagkakasala kapag binabasa ko ito, ngunit hindi ko matiis ang anumang bagay sa paligid nang hindi binabasa ito. Itinatapon ko pa nga ang mga magasin sa basurahan at pagkatapos ay kukunin ko ang mga ito at babasahin ito!
Natutuhan ko mula sa Ang Bantayan at Gumising! ang tungkol sa lupa na magpapatuloy magpakailanman—isang makalupang paraiso na punô ng matuwid na mga tao. Ito ang pinakamahalagang bagay na narinig ko. Ito ay nakatawag-pansin sa akin sapagkat kaming mga Pentecostal ay hindi naniniwala riyan tungkol sa lupa. Natatandaan kong nabasa ang tungkol sa lupang Paraisong ito na mananatili magpakailanman, at naisip ko, ‘Hindi ito tama!’ Datapuwat gusto kong basahin ito. Nagbabaka sa loob ko. Nanalangin ako tungkol dito. Sa wakas, hiniling ko sa aking asawa na ihinto na ang pagkuha ng mga magasin, at inihinto niya.
Ang aking asawa ay napasangkot sa isa pang babae, at pagkaraan ng pitong taon ng pagsasama bilang mag-asawa, kami ay nagdiborsiyo. Ang aking dalawang anak na lalaki at ako ay nakitira kay Olene, isang matagal nang kaibigan na napangasawa ng tiyo ko. Siya ay isang mahusay na mang-aawit, at magkasama kaming nagtutungo sa mga pulong ng Pentecostal at umaawit sa iba’t ibang simbahan. Si Olene ay anak din ng predikador na humawak ng apoy.
Dalawang beses akong “pinagaling.” Una ay nang ako’y makunan at dinudugo. Sa kabila nito, nagpunta pa rin ako sa pulong ng Pentecostal. Mahinang-mahina ako kaya naisip kong umuwi. Saka ko narinig si Olene at ang kaniyang ama na umawit. Tinanggap nila ang espiritu. Naghawakan sila sa balikat ng isa’t isa. Lumapit sila at ipinatong ang kanilang mga kamay sa akin. Bigla akong nawalan ng malay. Nang magkamalay ako, mabuti na ang pakiramdam ko! Hindi na ako dinudugo!
Ang ikalawang pagkakataon ay nang ako ay magkaroon ng sakit sa gilagid. Pustiso ang aking ngipin sapol nang ako ay 15 anyos. Ngayon, pagkalipas ng mga taon, ang bibig ko ay namaga sa gawing ilalim ng aking itaas na pustiso. Tatlong buwan akong walang ngipin at likido lamang ang pagkain ko. Ako’y lubhang nawalan ng pag-asa at nagtungo ako sa isang doktor sa medisina. Sinuri niya ang aking bibig. “Hindi ako ang kailangan mo; kailangan mo ang isang oral surgeon.” Sinabi niya ang pangalan ng sakit, papillomatosis, at inirekomenda ang isang dentista.
Hindi ako nagpunta sa dentista. Kami ni Olene ay patungo sa simbahan sa Kentucky. Nang maglaon ng gabing iyon ako ay umaawit, sinisikap kong mabuti na tumanggap ng espiritu. Ipinatong ni Olene ang kaniyang mga kamay sa akin, ako’y nawalan ng malay, at bumagsak ako sa sahig. Nang ako’y magkamalay, inilura ko ang mga piraso ng wari ba’y tuyo, nginatang karne. Pagdating ko sa bahay, nagamit ko na ang aking pustiso. Hindi na ako nagkaroon ng anumang problema mula noon.
Si Olene ay basa nang basa ng Bibliya. Sandaling panahon pagkaraang lumipat kami na kasama niya, tinawag niya akong pumasok sa silid kung saan siya ay nagbabasa. Mayroon siyang katanungan. Binasa niya ang Eclesiastes 1:4: “Isang salinlahi ay yumayaon, at ibang salinlahi ay dumarating: ngunit ang lupa ay nananatili magpakailanman.” (King James Version) Pagkatapos ay sinabi niya: “Nais kong ipaliwanag mo sa akin ang kasulatang ito. Hindi tayo naniniwala rito. Kaya ano ba ang tinutukoy nito?” Talagang naligalig ako.
“Nais kong malaman,” sabi niya, “kung bakit lubha kang naliligalig tungkol sa kasulatang ito. Ito’y nasa Bibliya, at kailangan nating malaman kung ano ang kahulugan nito!” Kaya ako’y nagpaliwanag: “Nababasa ko ang tungkol diyan sa Ang Bantayan at Gumising!, at ayaw kong ipaalam sa iyo na nabasa ko ang mga magasing iyon na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.” Karaka-raka ay nais niyang hanapin ang mga Saksi.
“Huwag ka nang mag-abala,” sabi ko. “Kung tayo ay magtatagal dito, darating sila sa ating pinto. Lagi ka nilang masusumpungan.” Pagkaraan ng dalawang linggo nang ako’y dumating mula sa trabaho, nasa pinto siya at naghihintay sa akin, na nakangiti. “Hulaan mo kung sino ang pumarito?” Hindi ko alam. “Ang mga Saksi ni Jehova! Nakipag-ayos ako ng isang pag-aaral sa Bibliya para sa ating dalawa!” Natigilan ako. Ayaw kong makipag-aral sa kanila. Natatakot ako sa kanila.
Subalit kami’y nag-aral. Inanyayahan nila kami sa mga pulong. Ayaw sumama ni Olene, ngunit sumama ako. Ang aking bunsong anak na lalaki ay halos tatlong taon nang panahong ito, at kami’y nagpunta sa Kingdom Hall. Nang matapos namin ang aklat na Katotohanan sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya, natalos namin ni Olene na ang relihiyong Pentecostal ay mali. Datapuwat, si Olene ay huminto sa pag-aaral, kaya’t huminto rin ako.
Iyan ay noong 1972. Noong 1974 nakatanggap ako ng tawag buhat kay Olene—hindi na kami magkasama sa tirahan noon. Tinanong niya sa akin kung nais kong mapangasawa ang kaniyang ama—ang lalaking nakita kong humawak ng apoy nang ako ay anim at kalahating taóng gulang. Bueno, ang aking pag-aasawa sa aking unang asawa ay nagwakas mahigit nang pitong taon, kaya ako’y nagpakasal sa tatay ni Olene noong Enero 1975.
Siya ay nakatira sa Kentucky, malapit sa simbahang Pentecostal ding iyon na pinupuntahan ko noong ako’y bata. Nang mapangasawa ko siya, sinabi ko sa kaniya na hinding-hindi na ako babalik sa mga Pentecostal, na kung ako ay muling mapapasangkot sa anumang relihiyon, ito ay sa mga Saksi ni Jehova. Sumang-ayon siya rito. Subalit mga ilang buwan pa lamang kaming nakakasal nang nais niyang pumaroon ako sa kaniyang pulong sa Pentecostal. Pumaroon ako nang minsan. Hindi ko matagalan ang pag-upo sa buong pulong. Ang pagkanaroroon ng mga demonyo ay nangingibabaw!
Nang panahong ito nalaman ko na si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang kaniyang mga ministro rito sa lupa ay maaaring magsagawa ng mga tanda at mga kababalaghan at na ang pakikipagbaka ng mga Kristiyano ay laban sa gayong mga puwersa ng demonyo sa makalangit na mga dako. (Exodo 7:11, 22; 8:7, 18, 19; 2 Corinto 11:13-15; Efeso 6:11, 12) At, natutuhan ko na ang makahimalang mga kaloob ng sinaunang iglesyang Kristiyano ay para sa pagtatatag nito mula sa pagkasanggol nito at nang maglaon, sa pagkamatay ng mga apostol, lilipas ang gayong mga kaloob. Tungkol sa kaloob ng pagsasalita ng mga wika, halimbawa, ay nasusulat: “Maging ang mga wika, ay titigil.” Ang pag-ibig, pananampalataya, at pag-asa ang ngayo’y mga pangunang sandigan ng maygulang na relihiyong Kristiyano.—1 Corinto 13:8-13.
Ang sinisikap ng asawa ko ay pabalikin akong muli sa mga Pentecostal at umawit na kasama niya at tumugtog ng gitara. Sa halip, nagsimula akong bumalik sa Kingdom Hall. Pagdating niya mula sa dulo ng sanlinggong pangangaral sa mga simbahang Pentecostal, ipakikita niya sa akin ang isang pitaka na punô ng pera na tinanggap niya mula sa mga koleksiyon na ibinigay sa kaniya ng mga Pentecostal. Natatawa siya sapagkat binibigyan siya ng mga tao ng lahat ng perang ito, gayong wala naman siyang ginawa na karapat-dapat dito.
Sa wakas, ang aking anak na lalaki ay nagtungo sa mga pulong na kasama ko at naging aktibong Saksi. Galit na galit ang asawa ko kapag ako’y gabi nang umuuwi mula sa mga pulong. Isang gabi ako’y umuwi ng mga alas diyes, at ikinandado ng asawa ko ang pinto. Kami ng anak ko ay natulog sa loob ng kotse. Nangyari ito ng mga ilang beses. Dala niya ang isang baril sa kaniyang kotse, at kapag nasumpungan niya akong nagbabasa o nag-aaral, kukunin niya ang kaniyang baril at babarilin ang ilalim ng aking silya nang apat o limang beses. Kapag dinadala ko ang mga bote ng softdrink palabas sa patio, babarilin niya ang mga bote sa karton. Hindi naman niya sinisikap na patayin ako; sinisikap niya lamang na magalit ako. Subalit ako’y nananalangin kay Jehova at nanatiling mahinahon, at iyon ang nagpagalit sa kaniya.
Isang araw ako’y naghahandang magtungo sa pulong, at siya’y nagtanong: “Ikaw ba’y talagang magiging isa sa mga Saksi ni Jehova? Talaga bang ikaw ay maglalakad-lakad sa pangangaral sa bahay-bahay?” At sinabi ko, “Oo, gagawin ko iyan.” “Bueno,” aniya, “bibigyan kita ng dalawang linggo upang umalis ng bahay.” Kaya kami ng anak kong lalaki ay umalis. Lumipat kami sa isang maliit na bahay na hindi tinitirhan sa loob ng mga ilang taon. Walang tubig, kaunting-kaunti ang muwebles, at walang pera.
Subalit napakasarap na magkaroon ng kalayaan na magtungo sa isang pulong nang hindi nag-aalala na mapagsarhan ng bahay o barilin at makapaglingkod kay Jehova sa pangangaral sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Kapag natatagpuan ko ang mga Pentecostal sa tahanan, kadalasa’y nadarama ko ang pagkanaroroon ng mga demonyo. Saka ko sasabihin: “Jehova, alam ko na ikaw ay mas malakas kaysa mga demonyo. Alam kong ikaw ay may kapangyarihan na tulungan ako, at kailangan ko ang inyong tulong. Kailangan ko ang inyong banal na espiritu upang makayanan ko ito.” At lagi siyang tumutulong.
Ako’y nabautismuhan noong Setyembre 1976. Ang aking anak na lalaki ay nabautismuhan noong Hulyo 1977. Ang aking kapatid na babae ay isa nang nag-alay na Saksi. Ang aking ina ay nakipag-aral at nagsimulang mangaral sa bahay-bahay. Kaya marami akong pampatibay-loob buhat sa aking pamilya at maraming tulong mula kay Jehova at sa kaniyang bayan. Napakamatiisin sa akin ni Jehova. Nawa’y maging mapagpahinuhod rin siya sa angaw-angaw pang iba na ‘ang kabutihan ng Diyos ang siyang umaakay sa pagsisisi.’ (Roma 2:4)—Gaya ng inilahad ni Ireta Clemons.
[Blurb sa pahina 11]
Tatlong taong nakikilala ko ang tinuklaw ng ahas at namatay
[Blurb sa pahina 12]
Nang panahong ito natutuhan ko na si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang kaniyang mga ministro rito sa lupa ay maaaring magsagawa ng mga tanda at mga kababalaghan
[Larawan sa pahina 10]
Si Ireta Clemons, ngayo’y isa nang Saksi