Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ang Paglalayas Ba ang Lunas?
SA NOBELANG Tom Sawyer, isinaysay ng awtor na si Mark Twain ang tungkol sa panahon nang si Tom ay maglayas na kasama ng kaniyang dalawang matalik na kaibigan, sina Joe Harper at Huckleberry Finn. Ang tatlong batang lalaki ay lumayas noong hatinggabi, sakay ng isang balsa patungo sa isang isla sa dulong bahagi ng ilog. Ginugol nila roon ang isang linggo, nabubuhay sa mga panustos na dala nila at isda na nahuli nila. Hindi nagtagal sila ay naging mga miron sa eksena ng mga taong bayan na naghahanap sa ilog para sa kanilang “nalunod” na mga bangkay. Sa wakas, sina Tom, Joe, at Huck ay palihim na nagbalik sa bayan, nagtago sa palko ng simbahan, at nasaksihan nila ang kanila mismong libing. Ang kuwento ay nagwakas na sila ay maligayang muling nakasama ng kanilang pamilya at mga kaibigan, at pinupog ng halik at mga pasasalamat.
Para kay Tom, Joe, at Huck, ang paglalayas ay isang matapang na abentura na may masayang wakas. Ito ay nakatutuwa. Subalit hindi iyan ang kaso para sa karamihan ng mga kabataan na naglalayas ngayon. “Para sa maraming naglalayas, problema ang karaniwang paglalarawan ng buhay sa lansangan,” sabi ni Margaret O. Hyde sa kaniyang aklat na My Friend Wants to Run Away. “Bibihirang mga naglalayas ang aktuwal na nakakakuha ng trabaho at nakakapamuhay sa ganang sarili. Subalit, para sa karamihan sa kanila, ang buhay ay masahol pa kaysa nang bago sila lumayas.”
Marahil inaakala mo na ikaw ay magiging eksepsiyon. Tunay, ang mga bagay ay magiging mas mabuti kaysa kalagayan na umiiral sa tahanan. Gayon ang akala ni Amy. Siya’y lumayas sa gulang na 14 anyos sapagkat wala siyang malapit na kaugnayan sa kaniyang mga magulang at hindi niya sila makausap. “Inaakala ko na walang nakauunawa sa akin,” aniya. “Inaakala kong ang paglayo sa aking mga magulang at pagtungo sa bahay ng isang ‘kaibigan’ ay magiging mas mabuti. Natitiyak ko na makikinig ang ‘kaibigan’ ko.”
Si Sandi, pinabayaan ng kaniyang ina at niligalig ng kaniyang lolo-lolohan, ay lumayas sa edad na 12 anyos. Si Peggy ay lumayas sa edad na 16 anyos. “Gayon na lang ang panggigipit sa akin sa bahay,” sabi niya. “Madalas akong sigawan ng aking inay at minumura ako.” Ipinadama sa kaniya ng kaniyang ina na siya’y inaayawan at hindi mahal, “para bang sinasabi niyang sana’y hindi na ako ipinanganak o iba pang bagay.” Hindi nakakausap ang kaniyang ina nang hindi nagtatalo at laging minamaliit at pinagtatawanan, siya ay lumayas upang hanapin ang kaligayahan sa ibang dako.
Si Julie ay lumayas mga ilang taon na sapagkat siya ay seksuwal na inabuso sa bahay. Si Danny ay makalawang naglayas. Ang una’y upang takasan ang isang madrastang nagsasabi ng masasamang bagay tungkol sa kaniya. Agad niyang natanto kung gaano kahirap mamuhay sa labas nang walang anumang kabuhayan na panustos, kaya’t siya’y umuwi ng bahay—upang tumanggap lamang ng masamang argumento at itakwil din ng kaniyang ama. Si Julie at si Danny ay kapuwa 12 anyos lamang.
Oo, ang buhay sa bahay para sa maraming naglalayas ay waring kay hirap batahin. Nais nilang layasan ito. Nais nilang maging malaya. “Subalit hindi nasusumpungan ng mga tin-edyer ang kalayaan sa mga lansangan,” sabi ng magasing ’Teen. “Sa halip, nasusumpungan nila ang iba pang mga naglayas o pinalayas—gaya nila—na nakatira sa nilisan nang mga gusali, kung saan wala silang proteksiyon buhat sa mga manggagahasa o mga mambubugbog. Nasusumpungan din nila ang maraming tao na ang maruming negosyo’y pagsamantalahan ang mga kabataan, at ang mga naglalayas na mga tin-edyer ay madaling target.”
Kung Ano ang Karaniwang Nangyayari
Ang “kaibigan” ni Amy, halimbawa, isang 22-anyos na lalaki, ay pinagbayad siya sa kaniyang pagtira “sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kaniya at sa siyam niyang mga kaibigan.” Siya rin ay “naglasing at nagdroga.” Si Sandi ay naging patutot, namumuhay sa mga lansangan at natutulog sa mga bangko sa parke o saanman siya maaaring matulog. Karaniwan sila sa maraming naglalayas. Bakit gayon ang nangyayari?
“Kapag ang isang bata ay unang naglalayas, maaaring mayroon siyang ilang pera sa kaniyang bulsa, maaari pa nga siyang nakapag-ipon ng pera, subalit minsang maubusan na siya ng pera, iilan lamang ang kaniyang mapagpipilian,” sabi ni Sarhento Jose Elique, dating direktor ng Port Authority Runaway Squad Police ng New York. “Kapag nagutom ang mga bata, kailangan nilang kumain, at kapag sila’y gininaw, kailangan nila ng tirahan, kaya talagang wala silang gaanong mapagpipilian. Kung may lalapit sa kanila kapag sila’y talagang gutom at walang-wala at hihilingin silang gumawa ng isang bagay—ito’y maaaring anumang ilegal o napakasamang imoral na mga akto, para sa salapi o droga—kung gayon ang batang ito ay magiging higit na masunurin, anuman ang palagay niya tungkol sa sekso at droga noon.”
Karamihan ng mga naglalayas ay may iilang mapakikinabangang kasanayan. Nasusumpungan nila ang modernong lipunan na napakahirap at masalimuot na pakitunguhan. Ni mayroon man kaya silang anumang mahalagang mga papeles upang sila’y upahang magtrabaho: sertipiko ng kapanganakan, social security card, permanenteng tirahan. “Kailangan kong magnakaw, upang may makain,” sabi ni Luis, “subalit pangunahin nang nagnanakaw ako sapagkat walang nagbibigay sa iyo.” Mga 60 porsiyento ng mga naglalayas ay mga babae. “Ano ang magagawa ng isang 13-anyos na batang babae maliban sa ipakita ang kaniyang katawan?” tanong ng isang batang babae. Siya’y inalok ng maraming salapi upang magpalitrato nang hubo’t hubad. Malamang na ang mga larawang iyon ay gagamitin sa dakong huli upang kuwartahan siya sa pamamagitan ng pananakot upang ipagawa sa kaniya ang higit pa.
Ang mga pornograpo, mga dealer ng droga, at mga bugaw ay madalas sa mga istasyon ng bus at naghahanap ng mga naglalayas upang pagsamantalahan. Sila’y mga sanay sa pambubola. Inaalok nila ang natatakot ng mga bata ng isang lugar na matutulugan at pagkain na makakain. Ibinibigay nila sa kanila kung ano ang hindi nila tinanggap sa bahay—ang damdamin na sila ay talagang natatangi at minamahal. Sila’y ipinakikilala sa iba pang mga kabataan, na nasangkot na, na tumatanggap sa kanila. Dahan-dahan sila’y nagiging bahagi nito. Maaari pa ngang isaayos ng bugaw na gahasain ng isa ang isang batang babae at pagkatapos ay ipapangako na ipagsasanggalang siya at na ito ay hindi na muling mangyayari. O maaaring ipasubok niya sa tin-edyer ang droga, gawin siyang gumón dito, at pagkatapos ay pilitin na siya’y magtrabaho sa kaniya kung nais niyang patuloy na makakuha ng kaniyang suplay na droga. Ang iba ay gumagamit ng pambubugbog o malupit na dahas upang gawin ang ibig nila. Gaya ng maguguniguni mo, maraming naglalayas ang nagwawakas na malubhang napipinsala o namamatay pa nga.
Ano ba ang Mapagpipilian?
Isang tin-edyer na nag-iisip na maglayas ang maaaring mag-akala na may ilang mga mapagpipilian, lalo na kung siya ay inaayawan o hindi tinatanggap sa tahanan. Ang mga gayon ay tinatawag na itinataboy o mga patapon. At, nalalaman ng karamihan ng mga kabataan na naglalayas na kapag sila’y mahuli ng mga pulis, ang mga pulis ay makikipag-ugnayan sa kanilang mga magulang, at malamang na sila ay pauwiin sa bahay. At kung ang kalagayan sa bahay ay hindi pa nagbago, sila’y muling maglalayas. Gayunman, mientras mas bata sila at mientras mas matagal sila sa lansangan, mas malamang na magkaroon ng problema. Kaya ang lunas ay dapat na matagpuan.
Una, sikaping ayusin ito sa bahay. Gumawa ng lahat ng pagsisikap—at iyan ay nangangahulugan ng higit kaysa minsan—na makipag-usap sa iyong mga magulang. Ipaalam sa kanila kung ano ang nadarama mo at kung ano ang nangyayari. Kung mabigo iyan, ipakipag-usap sa iba na maaaring makatulong. Ang ilang mga kabataan ay nakipag-usap sa kanilang tagapayo sa paaralan, sa isang social worker, o sa isang superbisor sa isang youth services bureau. Ginamit ng iba pa ang walang bayad na mga linya sa telepono na itinayo sa ilang bansa upang tulungan kapuwa ang mga magulang at mga anak. Gayunman, ang Kristiyanong mga kabataan ay may bentaha na bumaling sa hinirang na mga matatanda sa kanilang kongregasyon at tumanggap ng maibigin, personal na tulong at salig sa Kasulatang payo. Subalit tandaan ang susing salita: MAKIPAG-USAP. Ito ang makatutulong sa iyo at sa iyong mga magulang. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap,” sabi ng Bibliya, “ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawang mga plano.”—Kawikaan 15:22.
Ang naisagawang bagay ay maaaring isang mas mahusay na buhay pampamilya na magbibigay sa iyo ng pag-asa sa hinaharap. Maaari nitong pagalingin ang mga dating sugat at ikintal ang damdamin ng pagtitiwala, pag-ibig, at kaligayahan. Madarama mo ang iyong halaga bilang isang indibiduwal. Kahit na kung ang buhay sa bahay ay maaaring hindi huwaran, isaisip na ang pinakamasamang mga bagay ay maaaring mangyari kapag ikaw ay naglalayas.
Anuman ang iyong kalagayan, tandaan na laging mayroong Isa na nagmamalasakit at nais na tumulong. Yaong bumabaling sa Diyos ay makatitiyak ng kaniyang tulong at proteksiyon.—Kawikaan 18:10.
[Larawan sa pahina 15]
Maaaring may magbigay sa iyo ng pagkain, tirahan, at katuwaan. Subalit ano kaya ang nais niyang kapalit?