Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Ebanghelismo sa TV—Paraan ba ng Diyos?
Kung si Jesu-Kristo ay narito sa lupa ngayon, ang sabi ng ebanghelista sa TV na si Jim Bakker: “siya’y kailangang nasa TV.” Bakit telebisyon? Sapagkat, sang-ayon kay Bakker, “iyan ang tanging paraan na mararating niya ang mga taong iniibig niya.” Tulad ni Bakker, dumarami ang mga predikador na pundamentalista sa Estados Unidos na naniniwala na ang telebisyon ang pinakamagaling na paraan para sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Subalit, isang pag-aaral noong 1984 ang nagpapakita na sa kalakhang bahagi, ang mga ebanghelisador sa TV ay “nagpapatibay sa mga taong dati nang nakapanata sa ebanghelikong relihiyon.”
Interesanteng sabihin, sa isang liham sa editor ng magasing Ministry, isang mambabasa ang sumulat: “Sinabi mo na sila [television sets] ang pinakamabisang paraan ng paghahasik ng ebanghelyo ng simbahan, gayunma’y sinasabi ng Diyos na ang pinakamahalagang gawain ay ang bahay-bahay na pagdalaw—paghahanap ng mga kaluluwa . . . Ang ating Manunubos ay mahilig na bumukod sa karamihan, at pagkatapos Siya’y nagbabahay-bahay—naghahanap ng mga kaluluwa. Ang kaluluwang tagapakinig ang Kaniyang kaluguran. . . . Hindi baga dapat ding gawin natin iyan?”
Sang-ayon kay Jesu-Kristo, ang layunin ng Kristiyanong ministeryo ay hindi lamang ‘magpalaganap ng Salita’ kundi “gumawa ng mga alagad.” (Mateo 28:19, 20) Kaniyang itinagubilin sa kaniyang mga tagasunod na humayo at pumaroon sa mga tahanan ng mga tao. (Mateo 10:7, 11-13) Sinunod ni apostol Pablo ang paraang ito ng pangangaral at sinabi niya tungkol sa kaniyang ministeryo: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anumang bagay na mapapakinabangan ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Ang personal na bahay-bahay na ministeryo ng mga alagad ay nagbunga ng mabuti.—Gawa 5:42; 20:20.
Kung si Jesus ay gumamit ng ganitong paraan ng pangangaral upang gumawa ng mga alagad, bakit nga ang maraming mga ebanghelista ay TV ang ginagamit sa kanilang pangangaral? Ang The Courier-Mail ng Brisbane, Australia, ay nagsasabi na ang mga ebanghelisador sa TV ay “kumikita ng hanggang $120 milyon isang taon sa pagbibili ng kaligtasan. Sila’y lumalabas sa 300 istasyon ng TV na pinagagana ng koryente sa gitna ng nakasisilaw na kaningningan, at sila’y sinasamba na gaya ng mga popular na idolo. . . . Sa kabila ng lahat ng kanilang mga taktika, ang mga taong ito na nag-aangking siyang mga nagmamaniobra sa kilos ng Diyos ay sa bandang huli wala kundi negosyo pala. Padalhan ninyo sila ng $10 at kanilang ipapadala kayo sa langit.”
Walang Pananampalatayang Pangunguna
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Gayunman, “marami sa mga teologong Katoliko sa mga unibersidad at seminaryo ay hindi makasasang-ayong magsabi na sila’y naniniwala, o kundi man ay naniniwalang literal, sa pagkabuhay-muli,” ang report ng magasin sa balita na Insight.
Paano ngang ang mga Romano Katoliko na taimtim na naghahangad na sumunod sa mga turo ng Bibliya ay mapatitibay ang pananampalataya kung ganiyan ang mga tagapagturo? Hindi maaari, sapagkat si apostol Pablo ay sumulat: “Datapuwa’t kung walang pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi rin nga muling binuhay si Kristo. At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, at wala ring kabuluhan ang inyong pananampalataya.”—1 Corinto 15:13, 14.
Kung Saan Walang Kapayapaan
Noong Oktubre 24, 1985, ang United Nations General Assembly ay nagpahayag na ang 1986 ay siyang International Year of Peace. Ang resolusyon ay nagsasabi na ang taon ay “itatalaga sa pagtutuon ng mga pagsisikap ng United Nations at ng mga Miyembrong Estado sa pagtataguyod at ikapagtatagumpay ng mga mithiin sa kapayapaan sa pamamagitan ng lahat ng posibleng pamamaraan.” Paano nila inaasahang maisasakatuparan ito? Sa pamamagitan ng “patuloy at positibong pagkilos ng mga Estado at mga bayan na ang pakay ay mahadlangan ang digmaan.”
Ngayon na tayo ay papalapit na sa katapusan ng taon ng “Kapayapaan,” ano ba ang nakikita natin? Ang gayong dakilang mga intensiyon ay mistulang duwende kung ihahambing sa mga digmaan na patuloy na nagaganap sa buong daigdig. “Mga paghihimagsik ng mga rebelde, mga alitan tungkol sa teritoryo, mga pagkakaiba ng ideolohiya at ng lahi at mga ‘banal’ na digmaan ang lahat-lahat ay umaabot sa 19 na mga pangunahing alitan, at marami pang maliliit,” ang sabi ng The West Australian. Sang-ayon sa artikulo sa pahayagan ay halos isang milyong sundalo ang kasalukuyang nasa armadong pagbabaka sa buong daigdig. Maliwanag, para sa angaw-angaw na biktima ng ganiyang mga digmaan, walang kapayapaan.
Ang mga lider bang tao ay makaaasa ng tunay na solusyon sa pamamagitan ng panghinaharap na mga proklamasyon na humihingi ng kapayapaan? Hindi, sapagkat ang Jeremias 10:23 ay nagsasabi: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Ihambing ang Jeremias 6:14.) Oo, ang tunay na kapayapaan ay manggagaling lamang sa Diyos.