Pagmamasid sa Daigdig
Halaga ng Krimen
Ang katamtamang halaga ng paglalagay sa isang kriminal sa bilangguan sa Estados Unidos ay sa pagitan ng $12,000 at $24,000 sa isang taon para sa mga bilangguan ng estado o pederal. “Sa ganiyang halaga ng salapi makapagpapaaral ka ng isang bata sa Harvard,” sabi ng magasing Forbes. Gayunman, sa mga lunsod na gaya ng New York ang halaga ay maaaring umabot ng kasintaas ng $35,000 sa isang taon. Ang pagkabalisa sa gayong magastos na pagkabilanggo ay nadaragdagan pa ng “pagdagsa ng mga bilanggo” na nadaragdag sa bawat taon. Ipinakikita ng makukuhang mga estadistika na mayroong humigit-kumulang 550,000 mga lalaki at mga babae sa bilangguan sa Estados Unidos. “Isa sa bawat 450 mga Amerikano ay nasa bilangguan,” ulat ng Forbes, “ang pinakamataas sa Kanluraning Daigdig.” Gayunman, nakadaragdag pa sa pasanin ang 35,000 hanggang 40,000 mga bilanggo na naidaragdag taun-taon, na “katumbas ng isang bagong bilangguan tuwing apat na araw.”
Malungkot na Nanalo
Ang manalo ng multimilyong-dolyar na jackpot ay pangarap ng maraming taong walang trabaho. Natupad ng isang walang-trabahong 27-anyos ang gayong pangarap nang siya ay manalo ng $6.4 milyon sa paglalaro ng loterya. Gayunman, mula nang manalo siya, ang milyunaryong si Bob Campbell ay nagsabi: “Hindi ko hahangarin ito sa sinuman.” Bakit hindi? Sang-ayon sa The Toronto Star, nasumpungan niya na ang pagbili ng materyal na mga bagay ay hindi nagdudulot ng malaking kagalakan at kasiyahan. “Magiging maligaya rin ako kahit wala nito,” sabi ni Campbell. Bagaman inaamin niya na naalis nito ang panggigipit na dala ng paghanap ng trabaho, “iyon lang ang nagawa nito,” sabi niya. Binabalaan niya ang iba na walang kagyat na kaligayahan na nauugnay sa pagkapanalo ng maraming salapi.
Ang Problema ay Nananatili
Kung paano nagkaroon ng milyun-milyong umiiral na uri o species ay isang problema na nakalilito sa mga ebolusyunista sa loob ng mahabang panahon. Upang ang mga species ay maging species, hindi ito maaaring paramihin ng ibang species—kahit na ng isa na ipinalalagay na pinagmulan nito. Kung magkaroon man ng anak, alin sa ito ay baog (gaya ng sa kaso ng mga mola) o namamatay bago pa umabot sa pagkamaygulang. Sang-ayon sa magasin sa siyensiya na Discover, sinasabi ngayon ng mga dalubhasa sa genetiks na natuklasan na nila ang “isang pansagip na gene, isang bahagyang pagkakamali sa hadlang na species” na, bagaman pinahihina ang mga langaw na nagdadala nito, pinapangyari naman nitong mabuhay ang ilang mistisong uri ng fruit-fly. “Gayunman, hindi lubusang nakapasok ang gene sa hadlang ng species; hindi nito magawang maaaring magkaanak ang mga lalaki,” sabi ng artikulo. Ito ay nagbabangon ng “magulong problema,” sabi ng Discover. “Kung ang mga magulang na nagdadala nito ay hindi nakikinabang mula rito, at ang anak na nagmamana nito ay hindi ito maipasa, paano nga posibleng sumulpot na lamang ang gene?”
Ginawa Upang Tumagal
Isang artipisyal na daluyan ng dugo na “lumalaki” sa pinagkalooban nito ay nagawa na ng mga mananaliksik na Haponés sa Okayama University, ulat ng ng The Japan Times. Ang bagong mga daluyan ay ginawa mula sa isang anyo ng proteina na kilala bilang collagen na nakukuha buhat sa may depektong mga daluyan ng dugo na inalis sa panahon ng pag-oopera. Ang bagong mga daluyan ay nababalot ng isang sintetikong pambalot na hibla at pinagtibay ng isang pantanging pandikit. Upang hadlangan ang pamumuo ng dugo, ang pandikit na ito ay gumagawa ng manipis na suson ng tubig sa loob ng ikinabit na daluyan na humahadlang sa paglitaw ng hindi ninanais na mga enzyme sa pamumuo. Yamang ang mga daluyan ay may pambihirang kakayahang “lumaki” sa pasyente, ang mga sanggol na may abnormal na mga arteriya at ugat sa puso ay inaasahang siyang makikinabang nang husto.
Sinasang-ayunan ang Pagbugbog-sa-Asawang Babae
Ang sorpresang resulta ng isang ala-suwerteng surbey sa 1,500 mga lalaki at mga babae sa buong Australia ay nagsisiwalat na, sa katamtaman, 20 porsiyento (mga babae, 17 porsiyento; mga lalaki, 22 porsiyento) niyaong mga sinurbey ay sang-ayon sa pagbugbog-sa-asawang babae. Bagaman sarisari ang lawak ng pisikal na karahasan na ipinahihintulot, sang-ayon kapuwa ang mga lalaki at mga babae sa pagsalya, pagsipa, o pagsuntok ng lalaki sa kaniyang asawa “kung ang babae ay hindi sumusunod sa kaniya, nag-aaksaya ng pera, hindi pinananatiling malinis ang bahay, ayaw tumabi sa kaniya sa pagtulog o inaamin na siya ay natulog na kasama ng ibang lalaki,” ulat ng The Australian. Ipinakikita rin ng surbey ang pag-aatubili sa bahagi ng iba na isumbong sa pulisya ang anumang karahasan sa loob ng bahay na nakikita nilang ginagawa ng kanilang kapitbahay. Hindi kukulangin sa sangkatlo niyaong mga sinurbey ang may palagay na ang karahasan sa loob ng tahanan ay isang pribadong bagay.
Pagsubok sa AIDS para sa mga Monghe
Ang mga monghe sa 20 monasteryo ng Eastern Orthodox na nasa Bundok Athos (Gresya) ay nabubuhay sa isang “kalagayan ng matinding pagkabalisa,” ulat ng Pranses na ahensiya sa balita na AFP. Ang dahilan? Isa sa kanilang dating nobisyo, nalaman nila, “ay isang tagapagdala ng virus ng Aids.” “Pinag-aaralan ngayon ng mga lider ng mga monasteryo na ang lahat ng 2000 o mahigit pang mga monghe at mga hermitanyo na pasailalim ng pagsubok ng Aids.”
Gumagapang na Panganib sa Kalusugan
Samantalang ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga ipis ay mga nilikha na kinaiinisan ng mga tao, ipinaliwanag ng siyentipikong mananaliksik na si Dr. Bann Kang sa isang seminar tungkol sa entomolohiya kamakailan sa Washington, D.C., na ang mga ipis ay mapanganib din sa kalusugan. Sang-ayon sa isang report sa The New York Times, sinabi ni Kang na ang mga alerdyi dahil sa mga ipis ay mas karaniwan kaysa inaakala at na ang “pagdami ng hika sa panloob na mga lunsod ng Amerika ay maaaring dahil sa napakaraming ipis sa mga lugar na iyon.” Ang fungi, protozoans, baktirya, at mga virus ay sinasabing pawang dinadala ng mga ipis. Nagkukomento tungkol sa pagdami ng ipis sa mataong mga lugar, si Dr. Stephen C. Frantz, isang siyentipikong mananaliksik para sa Kagawarang ng Kalusugan ng Estado ng New York, ay nagsabi: “Sa kalakhang bahagi taglay natin ang mga problemang ito sapagkat nililikha natin ang mga kalagayan na nagpapangyari sa mga nilikhang ito na mabuhay na kasama natin.”
Bahagi Lamang na mga Solusyon
“Malamang na hindi matularan ng teknolohiya ang masalimuot na kalikasan ng likas na mga bahagi ng katawan,” sabi ng internasyonal na kongreso tungkol sa artipisyal na mga bahagi ng katawan sa Munich. Ayon sa report sa Süddeutsche Zeitung ng Munich, “ang balakid ng mekanikal na mga bahagi” ay nasa pagbabawas nila sa “pisikal na gawain tungo sa isahang gawain, bagaman ito ay maaaring maging ang pangunahin o mahalagang gawain.” Ang puso ng tao, halimbawa, ay higit pa ang ginagawa kaysa pagbomba lamang ng dugo, at ang bato ay higit pa ang ginagawa kaysa salain ang mga lason—gumagawa rin ito ng mga hormone. Bagaman ang artipisyal na puso ay maaaring magbomba ng dugo at padaanin ito sa sistema na naghahatid ng dugo, wala itong reaksiyon sa mga hudyat mula sa mga hormone o sa mga nerbiyos, ni maaari man kaya nitong ‘impluwensiyahin ang masalimuot na mga sistema sa pag-aayos na nagpapanatiling timbang sa sirkulasyon ng dugo,’ sabi ng artikulo. Hindi rin kayang halinhan ng dayalisis “ang masalimuot na likas na sistema ng mga lamad ng selula” sa bato ng tao: “Hanggang sa ngayon hindi nalalaman ng mga doktor nang tiyak kung aling mga sustansiya ang dapat alisin sa plasma ng dugo upang hadlangan ang pagkalason ng organismo.”
Babala sa Pukyutan
“Ikinatatakot ng mga nag-aalaga ng pukyutan sa Canada ang tahimik na pagsalakay ng Asian mites o napakaliit na mga insekto mula sa Asia [varroa jacobsoni] na nagbababala na sa mga pukyutan,” ulat ng The Sunday Star, isang pahayagan sa Canada. Samantalang ang pukyutan ay isa pa lamang pupa, sumasalakay ang napakaliit na insekto, sinisiksip “ang katas mula sa mga pukyutan” at pinaiiksi ang buhay ng pukyutan nang kalahati. Tinatawag ng isang awtoridad tungkol sa mga pukyutan ang babala ng Asian-mite na “pinakagrabeng” krisis para sa mga nag-aalaga ng pukyutan sa loob ng 300 taon. “Hinuhulaan ng mga eksperto sa pukyutan na ang bawat bahay-pukyutan sa Estados Unidos . . . ay sasalakayin sa susunod na dalawang taon at malaki ang epekto nito sa agrikultura,” sabi ng Star. Ang malaking pagbaba sa populasyon ng mga pukyutan ay magbabawas sa mahalagang polinasyon ng mga pananim.
Pag-opera ng Bala ng Baril
Isang 22-anyos na lalaki na “may di-masawatang ugali na maghugas nang daan-daang beses sa isang araw” ay di-sinasadyang “nagsagawa ng matagumpay na pag-oopera sa kaniya mismong utak” samantalang nagbabalak magpatiwakal, ulat ng Daily ng New York. Nag-aalala sa kaniyang di-normal na paggawi, “inilagay niya ang .22-kalibreng baril sa kaniyang bibig at pinaputok ito na tumama sa kaliwang front lobe ng kaniyang utak,” sabi ng News. Sa halip na mapatay ang kaniyang sarili, aktuwal na naalis ng binata ang bahagi ng utak na inaakalang kumukontrol sa di-normal na ugali, iniulat ni Dr. Leslie Solyom sa British Journal of Psychiatry. Napalaya sa kaniyang di-masawatang ugali, ang binata ay nakasumpong ng bagong trabaho at kasalukuyang pumapasok sa kolehiyo.
Walang Malay Ngunit Gising?
Ang mga pasyenteng may anestisya ay walang malay subalit hindi naman bingi,” ulat ng magasing Geo. Isinisiwalat ng mga pag-aaral na ang kakayahan ng utak na magrehistro ng akostikong pangganyak ay makapananatiling maayos kahit na ang pasyente ay sapat na nabigyan ng anestisya. Ito ay makapagpapaliwanag kung bakit ang mga pasyenteng may anestisya ay, sa ilang mga okasyon, napansin ang mga bagay na sinasabi sa silid ng operasyon at pagkatapos ay naaalaala ito. Ganito ang sabi ng isang doktor sa Munich: “Dapat tratuhin ng isa ang pasyenteng may anestisya na para bang siya ay gising.” Kasama na rito ang paggawa ng optimistikong komento at pag-iwas sa mapang-uyam o nakasasakit na mga pangungusap tungkol sa pasyente.