Pagmamasid sa Daigdig
Pinakamaraming Kasakunaan Noong 2000
Isang pinakamataas na bilang ng likas na mga kasakunaan ang nangyari sa buong daigdig noong taóng 2000, ang ulat ng reinsurer na Munich Re. Lahat-lahat, mahigit na 850 malulubhang kapahamakan ang iniulat, na kumitil ng 10,000 katao at naging sanhi ng mahigit na $30 bilyong halaga ng pinsala. Bagaman mas mataas ang bilang ng likas na mga kasakunaan, ang kawalan sa ekonomiya at buhay ay hindi gaanong matindi kaysa noong nakaraang taon. Iyan ay dahilan sa nangyari ang karamihan sa mga kasakunaan sa hindi mataong mga lugar, sabi ng inilabas na balita ng kompanya. Ang mga bagyo ang dahilan ng 73 porsiyentong pagkalugi ng seguro, at mga baha naman ang dahilan ng 23 porsiyento. Sinasabi ng ulat na “ang mga pagkalugi na likha ng likas na kasakunaan ay dapat asahang patuloy na darami sa hinaharap” dahil sa paglago ng populasyon at sa pagtaas ng mga halaga ng ari-arian.
Naaaninag ang Laman ng mga Sobre
Isang kompanya sa Estados Unidos ang nakagawa ng isang isprey na “nagpapangyaring maaninag ang laman ng saradong sobre” nang hindi nag-iiwan ng anumang bakas, ang ulat ng magasing New Scientist. Ang isprey ay puwede sa lahat ng kulay ng sobre at ito ay “non-conductive, hindi nakalalason, likidong ligtas para sa kapaligiran,” sabi ng tagapagsalita ng kompanya na si Bob Schlagel. Maliban sa pag-iiwan ng amoy sa loob ng 10 o 15 minuto, “hindi kumakalat ang tinta sa sobre o sa sulat, walang bakas ng tubig, walang anumang katibayan,” ang susog pa ni Schlagel. Ang produkto ay ginawa upang tulungan ang mga ahensiya na nagpapatupad ng batas na matuklasan ang mga bomba sa loob ng sulat at iba pang posibleng mapanganib na mga pakete. Gayunman, ang isprey ay maaari ring gamitin upang basahin ang saradong mga sulat, anupat tinawag ng isang opisyal ng mga karapatang pantao ang produkto na kahina-hinala sa moral na paraan.
Nabigasyon ng Pukyutan
Ang kakayahan ng mga pukyutan na lumipad nang paroo’t parito mula sa bahay-pukyutan tungo sa mga bulaklak ay alam na alam. Subalit ang kuyog ng mga nandarayuhang pukyutan mula sa Assam, hilagang bahagi ng India, ay maliwanag na naglalakbay nang daan-daang kilometro at pagkatapos ay bumabalik hindi lamang sa puno ring iyon kundi sa sanga ring iyon kung saan namugad ang kanilang mga kamag-anak mga dalawang taon ang aga! Ito’y lubhang kahanga-hanga sapagkat ang mga manggagawang pukyutan ay nabubuhay sa loob lamang ng tatlong buwan o wala pa. Kaya ang mga pukyutan na bumabalik ay ilang salinlahi ang agwat mula sa mga pukyutan na nagtayo ng orihinal na bahay-pukyutan. Kung paano nila nasusumpungan ang daan pabalik ay isang hiwaga. Ang pahayagang The Sydney Morning Herald ay nag-uulat na maaaring ito’y dahil sa kanilang pang-amoy. Ang isa pang posibilidad ay na ang nabubuhay na reyna ay maaaring naghahatid ng impormasyon sa mga naghahanap na pukyutan sa pamamagitan ng isang sayaw, anupat ipinakikita sa kanila ang patutunguhang direksiyon.
Wika at ang Utak
Ang dalawang dako sa utak na ginagamit ng mga taong nakaririnig kapag inuunawa at sinasalita ang wika ay ginagamit din naman ng mga taong bingi kapag ginagamit ang wikang pasenyas (sign language), ang ulat ng Science News. Ipinakikita ng mga scan para sa utak na “ang mga dakong ito ng himaymay sa utak ay agad na kumikilos sa mga taong bingi na gumagamit ng wikang pasenyas,” ang sabi ng ulat. Ayon kay Laura-Ann Petitto ng McGill University sa Montreal, na nanguna sa pag-aaral, nagpapahiwatig ito na ang mga dakong ito ng utak ang siyang sumusupil sa “pangunahing mga bahagi ng wika na maaaring ipahayag alinman sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsenyas.” Idiniriin nito ang pangangailangan para sa higit pang pag-aaral sa kakayahan ng utak ng tao na sumunod upang madaling matutuhan ang wika. Ganito ang sabi ng Science News: “May ilang pagsasanib na umiiral sa pagitan ng mga bahagi ng utak na ginagamit sa wikang sinasalita at sinisenyas.”
Pagpapawalang-Sala sa Prostitusyon
Napagpasiyahan ng isang hukuman sa Alemanya na ang prostitusyon ay “hindi naman imoral,” kung ito ay hindi nagsasangkot ng kriminal na pamimilit, ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ipinasiya ng pampangasiwaang hukuman ng Berlin na maaaring ipagpatuloy ng isang restawran sa Berlin-Wilmersdorf ang pagpapatakbo nito, kahit na ginagamit ito ng mga babaing nagbibili ng aliw upang makatagpo ang kanilang mga parokyano at pagkatapos ay umupa ng mga silid sa malapit. Sinabi ng mga hukom na ipinakikita ng kanilang pasiya ang nagbagong saloobin ng lipunan tungkol sa prostitusyon. Ipinakikita ng isang surbey sa 1,002 katao na 62 porsiyento ang nag-aakalang ang prostitusyon ay dapat kilalanin bilang isang karaniwang hanapbuhay. Ayon sa mga hukom, isinisiwalat ng ikalawang surbey na ipinapalagay ng karamihan na “ang pagsasama ng seksuwal na mga paglilingkod sa kayarian ng ekonomiya” ng Alemanya ay malaon nang nangyari.
Tulog at Memorya
Natuklasan ng mga mananaliksik sa pagtulog na ang pagkakaroon ng mabuting pagtulog sa gabi, sa halip na pagpupuyat, “ay isang kahilingan upang magkaroon ng mahusay na paggunita sa susunod na mga linggo,” ang komento ng The Independent ng London. Gumamit si Propesor Robert Stickgold ng Harvard Medical School ng 24 na boluntaryo—kalahati sa kanila ay pinayagang matulog sa gabi pagkatapos ng isang sesyon sa pag-aaral, samantalang ang iba pa ay pinanatiling gising sa buong magdamag. Ang dalawang grupo ay saka natulog nang normal sa sumunod na dalawang gabi upang tulungan ang grupo na napagkaitan ng tulog na makabawi sa kanilang puyat. Ipinakita ng isang pagsubok sa memorya na yaong mga natulog sa unang gabi “ay kapansin-pansin at walang-pagbabagong mas mahusay sa pagmememorya, samantalang ang ikalawang grupo ay hindi nagpakita ng anumang pagsulong, sa kabila ng bagay na sila ay nakabawi na sa tulog.” Sapagkat ang tulog ay maliwanag na tumutulong upang matipon ang mga alaala, ipinakikita ng mga tuklas na ito na ang paghahalili ng pag-aaral sa pagtulog—lalo na sa mahimbing, o “slow wave,” na pagtulog—ay may kaunti lamang pakinabang.
Mga Panganib ng Mutasyon sa Chernobyl
“Ang mga halaman na tumutubo malapit sa inalis na plantang nuklear sa Chernobyl sa Ukraine ay nasumpungang anim na ulit ang dami ng henetikong pinsala kung ihahambing sa normal na mga halaman,” ang ulat ng The Independent ng London. Ang mga mananaliksik mula sa Switzerland, Britanya, at Ukraine ay nagtanim ng dalawang magkaparehong pananim ng trigo—ang isa ay sa kontaminadong lupa at ang isa naman ay mga 30 kilometro ang layo sa kahawig subalit hindi kontaminadong lupa. Pagkatapos ay ginamit nila ang mga binhi mula sa pananim na ito upang maghasik ng higit pang pananim sa dalawang dako ring iyon. Bagaman nahantad sa kakaunting radyasyon, ang trigo na malapit sa dako ng nuklear na reactor ay nakitaan ng nakababahala at mataas na antas ng henetikong pinsala, o mutasyon. Ang nababahalang mga siyentipiko ay nagbabala na ang labis na pagkahantad sa mga radyasyong iyon ay maaaring magkaroon ng mga epekto na hindi pa alam. Ang mga tuklas na ito ay nagbangon ng pantanging pagkabahala para sa hinaharap na mga salinlahi ng mga halaman, mga hayop, at mga taong nahantad sa radyasyon sa Chernobyl.
Magkaiba ang Pakikinig ng mga Lalaki at Babae
Natiyak ng mga mananaliksik na ang mga babae ay gumagamit ng dalawang panig ng kanilang utak sa pakikinig, samantalang ang mga lalaki ay gumagamit ng isang panig lamang ng kanilang utak, ang ulat ng Discovery.com News. Sa isang pag-aaral, 20 lalaki at 20 babae ang sumailalim ng masusing pagsusuri sa utak samantalang nakikinig sa isang tape recording ng isang aklat. Ipinakikita ng mga scan para sa utak na ang karamihan sa pakikinig ng mga lalaki ay ginagawa sa kaliwang panig ng kanilang utak, na nauugnay sa pakikinig at pananalita. Sa kabilang dako naman, ang mga babae ay nagpakita ng pagkilos sa dalawang panig ng utak. Si Dr. Joseph T. Lurito, isang kasamang propesor sa radyolohiya sa Indiana University School of Medicine, ay nagsasabi: “Ipinakikita ng aming pananaliksik na ang pagproseso ng wika ay naiiba sa mga lalaki at babae, subalit hindi naman ito nangangahulugan na magiging magkaiba ang kanilang paggawa.” Ang iba pang mga pag-aaral ay waring nagpapahiwatig na ang mga babae ay “maaaring makinig sa dalawang pag-uusap nang sabay,” sabi ni Dr. Lurito.
Relihiyon na Sariling Gawa
Tumitindi ang paghina ng relihiyon sa Pransiya. Ito ang isa sa mga hinuha ng isang surbey na itinaguyod ng babasahing Katoliko na La Vie. Nang hilingang pumili mula sa isang listahan ng 14 na priyoridad, 7 porsiyento lamang ng mga tinanong ang pumili sa “espirituwal na paghahangad” bilang mahalaga sa kanila. Ang mga napili na una pa sa espirituwal na paghahangad ay malayang panahon, propesyonal na tagumpay, personal na kalayaan, kultural na buhay, seksuwal na buhay, at tagumpay sa materyal. Ayon sa mga sosyologong sina Pierre Bréchon at Gérard Mermet, ipinakikita ng surbey na ang relihiyon ay isang biktima ng indibiduwalisasyon. Sa anong diwa? “Pinagsasama-sama” ng mga tao ang iba’t ibang paniniwala, anupat pinipili “ang sa wari’y nakatutugon sa kanilang sariling paraan ng pamumuhay at pag-iisip,” ang sabi ni Bréchon.
Legal na Pagpapatiwakal
Noong nakaraang Abril ang Netherlands ang unang bansa na pormal na gumawang legal sa pagpapatiwakal na may tulong, ang ulat ng NRC Handelsblad ng Rotterdam. Sinang-ayunan ng senadong Olandes ang panukalang-batas na tinatawag na mercy killing (pagkitil sa maysakit sa paraang walang pagdurusa dahil sa awa) sa pamamagitan ng boto na 46 sa 28. Ang batas ay nagpapahintulot sa mga manggagamot na tulungang wakasan ang buhay ng mga pasyenteng may malalang sakit o napapaharap sa walang-tigil at napakasakit na “paghihirap.” Hinihiling ng mga mambabatas na matugunan ng mga pasyenteng gusto nang mamatay sa paraang walang pagdurusa (euthanasia) ang sumusunod na mahigpit na mga panuntunan: Ang kahilingan ng pasyente ay dapat na maging boluntaryo. Ang pasyente at doktor ay dapat na sang-ayon na wala nang makatuwirang mapagpipiliang lunas na kanais-nais sa pasyente. Sa paanuman, dapat suriin ng isa pang hindi kaanib na doktor ang pasyente. At ang pagkitil sa paraang walang kirot ay dapat isagawa sa kanais-nais na medikal na paraan.