Pagmamasid sa Daigdig
“Ang Di-kilalang Planeta”
Ang tatlong dating di-kilalang mga uri ng unggoy ay nasumpungan sa kagubatan ng Amazon sa loob ng dalawang taon lamang. Sa buong mundo, ang katamtamang bilang na tatlong bagong mga uri ng ibon ang natutuklasan sa bawat taon. Halos 1,200 uri ng uwang ang natuklasan sa isang pagsisiyasat sa 19 na puno sa Panama, at 80 porsiyento sa mga ito ay hindi kilala noon. Sabi ng magasing UNESCO Sources: “Ang napakaraming bilang ng anyo ng buhay ay nananatiling hindi namin kilala.” Halimbawa, “tinatayang 40 porsiyento ng isda sa tubig-tabang sa Timog Amerika ay nananatiling inuuri. . . . At ano ang masusumpungan natin sa napakalawak na di pa nagagalugad na kalaliman ng karagatan?” Ang problema ay lumalala kapag isinaalang-alang mo ang napakaraming mas maliliit na anyo ng buhay: ang baktirya, fungi, nematode, arachnid, insekto, at mga halaman na hindi pa natutuklasan. Ang “isang gramo [lamang] ng tropikal na lupa, halimbawa, ay maaaring magtaglay ng hanggang 90 milyong baktirya at mikrobyo.” Tinataya ng ilan na ang bilang ng mga uri sa lupa ay maaaring “kasindami ng 200 milyon,” sabi ng UNESCO Sources. Sa kabila ng malawakang paggalugad, ang lupa ay nananatili pa ring “ang di-kilalang planeta.”
Ang Mabilis na Pagbabago sa mga Pamantayan ng Canada
“Wala pang isang salinlahi, ang mga taga-Canada—kapuwa ang mga Ingles at Pranses—ay tumanggi sa awtoridad ng simbahan, ng estado at ng mga monopolyo at oligopolyo na dating naglalaan ng katiwasayan at kaayusan sa larangan ng negosyo at sa lipunan,” ulat ng The Toronto Star. Bakit? Ibig nila ng kagyat na kasiyahan sa materyal. May pagtatangka na “kamtin ang lahat na ito.” “Ang Judeo-Kristiyanong pamantayan sa moral ay napalitan na ng makamundong saloobing pantao, ang Katolikong tatag na turo ay napalitan ng paniniwala sa materyal na kaluguran. Kakaunti ang handang ipagpaliban ang kasiyahan sa kabilang buhay, lalo na ang pagtanda,” sabi pa ng Star. Ang Diyos ay hindi na minamalas bilang makapangyarihang isa. Sa gayon, wala ang pagkatakot, walang pagkadama ng pagkakasala. Ang espirituwal na mga interes ay bumabagsak habang ang lahat ng pagsisikap ay natutuon sa pagpapalawak ng mga gantimpala sa daigdig ng materyal.
Pananaw sa Ika-20-Siglo
Maiisip ba ninuman na nabuhay sa nakalipas na siglo ang makabagong-panahong pag-unlad gaya ng mga kotse, transportasyong pang-masa, elektronikong musika, at mga fax machine? Noong 1863, ang Pranses na nobelistang si Jules Verne, kilala sa mga akdang gaya ng Around the World in 80 Days at 20,000 Leagues Under the Sea, ay humula sa gayong mga pag-unlad at marami pa sa noo’y di pa nailalathalang nobela na pinamagatang Paris in the 20th Century. Bagaman tinanggihan ito ng tagapaglathala ni Verne na ipinalagay itong imposible at di-kapani-paniwala, ang kamakailang natuklasang mga pinta ay kamangha-manghang tumpak na naglarawan ng buhay sa ating ika-20 siglo, lakip na ang modernong mga armas, ang silya elektrika, polusyon, at nagsisikip na trapiko. Nakini-kinita rin ni Verne ang maraming tao na ligalig ng problema na nawalan ng interes sa nakalipas na klasikal na mga kahanga-hangang tagumpay at kultura, isang lipunan na inalipin ng komersiyalismo at nahumaling sa teknolohiya. Ganito ang sabi ng International Herald Tribune sa Paris: “Hindi lamang nahulaan ni Verne ang maraming kamangha-manghang gawa ng makabagong teknolohiya, kundi nabatid din niya ang ilan sa pinakanakatatakot na mga kahihinatnan.”
Pagdagsa ng Krimen sa Hapón
Ang Hapón, na ipinalalagay hanggang sa kasalukuyan na ligtas sa krimen, ay nakararanas ng pagdagsa ng krimen na isinisisi ng pulisya sa pagbagsak ng ekonomiya, lumulubhang pagpupuslit ng baril, at ang humihinang kapangyarihan ng organisadong krimen. Ayon sa opisyal ng pulisya na si Takaji Kunimatsu, ang mga krimen na may kaugnayan sa baril ay umabot na sa antas ng di-mapapantayang ulat at, kung pababayaan, ay siyang “yayanig sa pundasyon ng kaayusang bayan” sa Hapón. Ayon sa Mainichi Daily News, ang mga krimeng isinagawa ng “pangkaraniwang tao” ay dumarami rin, bahagyang sanhi ng “di-mapabawang kaigtingan mula sa siksikang buhay sa lungsod.” Upang matulungang makaraos ang mga nakatira sa lungsod, ang propesor sa sosyologo na si Susumu Oda ay nagmungkahi ng sumusunod: Panatilihin ang pangunahing mga gawi ng paggalang, gaya ng pagbati, pagsasabi ng “mawalang-galang na po” kung kailangan, at pagngiti “upang pawiin ang anumang kaisipan ng pagkapoot.” Pag-aralan ang sining ng magalang na pagtanggi. Ugaliin ang paggamit ng pangkaligtasang mga kadena sa mga pinto. Ituring ang pulis bilang mga kakampi. At “huwag ituring ang kasanayan sa karate bilang paraan ng pagsasanggalang sa iyong sarili mula sa krimen—mas malamang na may masaktan nang malubha ang isa.”
Mga Panganib ng Pagpapasalin ng Dugo
“Ang panustos na dugo ng Canada ay maaaring suriin sanlibong taon mula ngayon at ang mga panganib sa pagpapasalin ng dugo ay iiral pa rin,” ulat ng The Toronto Star. Nagpapatunay sa harap ng komisyon na nag-iimbestiga sa pagiging ligtas ng panustos na dugo sa Canada, ganito ang sabi ni Dr. William Noble ng St. Michael’s Hospital: “Ang mga ito (mga panganib) ay umiiral at palaging iiral ang mga ito.” Kalakip sa mga panganib ng pagsasalin ng dugo ay “mula sa alerdyi hanggang sa pagkahawa sa AIDS mula sa kaloob na dugo,” sabi ng Star. Ang mga dalubhasa sa pagsasalin ng dugo ay nagsabi na parami nang paraming pasyente sa ngayon ang nababahala tungkol sa pagkahawa ng AIDS mula sa dugo. Ani Dr. Noble: “Walang araw na lumilipas na hindi namin napag-uusapan ang may kinalaman sa ‘Dapat ba akong magsalin o hindi?’ ”
Mga Bahagi ng Katawan ng Oso
“Ang ipinagbabawal na pagnenegosyo ng mga bahagi ng katawan ng itim na oso mula sa Canada ay maaaring maging higit na malaking negosyo kaysa pagsali sa internasyonal na negosyo ng droga,” sabi ng The Toronto Star. May di-pangkaraniwang pangangailangan para sa apdo at mga paa ng itim na oso ang mga nagsasagawa ng tradisyunal na paggamot sa mas mayayamang bansa sa Asia, gaya ng Tsina, Timog Korea, Hapón, Taiwan, at Hong Kong. “Tinaya ng isang opisyal na tagapagpatupad sa California ang ‘street value’ (ang halaga para sa bumibili) ng isang kilo ng apdo ng oso sa Asia na tumaas nang mahigit na $1 milyon (U.S.) sa panahong ang apdo ay ‘nabantuan’ (nahaluan) ng apdo mula sa mga baka o mga baboy,” sabi pa ng Star. “Kung ihahambing, ang street value ng cocaine sa Metro Toronto ay tinataya na $100,000 bawat isang kilo.” Ang dalubhasa sa nanganganib na mga uri ng hayop na si Carole Saint-Laurent, mula sa World Wildlife Fund/Canada, ay nagsabi nang ganito: “Ito ay napakalaking negosyo.” May pangamba na ang pangangailangan para sa mga bahagi ng katawan ng oso ay patuloy na tataas. Ang populasyon ng oso ay halos nalipol na nang husto sa Asia.
Nanganganib Malipol na Uri ng mga Hayop sa Brazil
“Ang Brazil ay tatlong ulit ang kahigitan sa tropikal na mga kagubatan kaysa alinmang bansa, ang nangunguna sa daigdig sa biyolohikal na pagkasari-sari, at may pinakamarami pa ring uri ng hayop na mamal, 460 uri, sa teritoryo nito,” sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo. “Subalit ang Brazil ang nangunguna sa may nanganganib malipol na uri ng hayop, 310, kung saan 58 ay mga mamal.” Bagaman walang mamal sa kasalukuyan ang lipol na, “12 porsiyento ng mga mamal sa Brazil ang nanganganib,” gaya ng “lion tamarin, na umiiral lamang sa Brazil.” Ang ilang nanganganib na uri ng hayop ay “nakatira sa ipinagbabawal na mga lugar anupat ang anumang pakikialam sa kanilang tirahan ay maaaring humantong sa kanilang pagkalipol.” Ayon sa pahayagan, ang uri ng hayop ay ipinalalagay na lipol na kung ang 50 taon ay lilipas na walang anumang uri ang masusumpungan sa ilang.
Mga Tao sa Planeta
Ayon sa estadistika ng UNFPA (United Nations Population Fund), ang dami ng mga tao sa planeta ay umabot sa 5.66 na bilyon sa kalagitnaan ng 1994. Tinataya ng mga hula na ang bilang ay tataas hanggang 6 na bilyon sa 1998, 8.5 bilyon sa taóng 2025, at 10 bilyon sa 2050, na halos ang lahat ng pagdami ay magaganap sa Asia, Aprika, at Latin Amerika. Ang Aprika, na may taunang pagdami ng populasyon sa bilis na 2.9 na porsiyento, ang pinakamabilis dumaming rehiyon sa daigdig. Ang Europa ang pinakamabagal—0.3 na porsiyento. Sinasabi rin ng UNFPA na sa katapusan ng dantaon, limang taon lamang mula ngayon, kalahati ng mga tao sa mundo ay maninirahan sa mga lungsod. Sa panahong yaon, 300 lungsod sa nagpapaunlad na mga bansa ay magkakaroon ng mahigit na isang milyong tao, kung ihahambing sa 125 lungsod sa ngayon.
Mabuting mga Kaugnayan ang Susi
“Ang uri ng kaugnayan mayroon ang mga kabataan—at hindi ang uri ng pamilya—ang nagpapahiwatig kung ang mga kabataan ay magdodroga o magkakaroon ng mga problema sa pag-uugali,” sabi ng The Toronto Star. Isiniwalat ng pagsusuri ng Addiction Research Foundation sa 2,057 kabataan sa Ontario na “ang likas na mga kaugnayan sa pamilya ay mayroong mas malakas na impluwensiya kaysa kayarian ng pamilya mismo,” sabi ng siyentipiko na si Ed Adlaf. Ang mga kabataan sa mga pamilyang may mabuting kaugnayan, bagaman kasama ng nag-ampon o pangalawang mga magulang o nagsosolong ina, ay mas mabuti pa ang kalagayan kaysa mga pamilyang sama-sama na may di-mabuting pampamilyang kaugnayan na umiiral. “Yaong malimit na ipakipag-usap ang kanilang mga problema sa kanilang mga magulang ay may pinakamababang bilang ng pagkadelingkuwente,” sabi ng Star. “Yaong hindi man lamang nakikipag-usap sa kaninuman sa kanilang magulang tungkol sa mga problema ay may pinakamataas na bilang ng labis na pag-inom, paggamit ng droga at pagkadelingkuwente.” Kung gaano karaming oras ang ginugugol ng mga kabataan sa kanilang pamilya, ang uri ng mga kaugnayan, at kung ang mga magulang ay sumusubaybay o hindi sa mga pinupuntahan at gawain ng kanilang mga anak ay pangunahing mga salik sa pagbawas ng mga problema. Ganito ang sabi ni Adlaf: “Mahalaga na gumugol ng panahon at gumawang kasama ng mga anak.”