Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 11/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TINULIGSA ANG BAGONG KATESISMO
  • AIDS​—MALUNGKOT NA KINABUKASAN
  • “GINTONG MINA” NA DAMONG-GAMOT
  • EPIDEMYA NG PANINIGARILYO
  • PAGSULONG SA KAWAYAN
  • KAPAG ANG BUHAY AY NAGDADALA NG KAMATAYAN
  • NANGANGANIB ANG MGA RELIKYA NG EHIPTO
  • BAGONG MGA URING NATUKLASAN
  • EPEKTO NG BUHAY PAMPAMILYA
  • Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay
    Gumising!—2001
  • Mga Tagapagdala ng AIDS—Ilan ang Maaaring Mamatay?
    Gumising!—1988
  • AIDS—Ang Kalunus-lunos na Pinsala Nito sa mga Bata
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 11/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

TINULIGSA ANG BAGONG KATESISMO

Sa unang pagkakataon mula noong ika-16 na siglo, binabago ng Vaticano ang katesismo nito. Subalit ang 434-pahinang buod ng doktrinang Romano Katoliko ay tinuligsa ng ilang obispo sa Estados Unidos. “Sinabi nila sa Vaticano na ang bagong katesismo ay gumagamit ng lipas na sa panahong kaalaman mula sa Bibliya at ng pinakaseksing wika at dinadaya ang ekumenikal na pagsulong kamakailan,” sabi ng U.S.News & World Report. “Pinuna ito ng mga obispo dahil sa pagkuha ng isang literal na pangmalas sa mga ulat ng paglalang at dahil sa pagtrato sa ilang talata sa Bagong Tipan bilang ‘tuwirang makasaysayang pag-uulat.’ ” Isang maling impresyon ang naibigay, sabi ng mga obispo, “na ang lahat ng larangan ay pare-parehong mahalaga.” Ikinakatuwiran nila na ang “mahalagang” mga doktrina ng simbahan, gaya ng pagkabuhay-muli ni Jesus, ay dapat na makilalang mabuti mula sa mga paniniwala na, sa kanilang palagay, ay hindi gaanong tiyak, gaya ng pag-iral ng mga anghel at ang pagbaba ni Kristo sa impierno. Kapag nakompleto, ang bagong katesismo ay “magsisilbi lamang patnubay sa mga lider ng simbahan sa bawat bansa habang ginagawa nila ang kani-kanilang katesismo,” sabi ng U.S.News & World Report.

AIDS​—MALUNGKOT NA KINABUKASAN

Walo hanggang sampung milyong tao sa buong daigdig ang nahawaan na ng virus ng AIDS, ulat ng WHO (World Health Organization), isang pagdami na nagpapabanaag ng dumaraming heteroseksuwal na paglilipat ng virus. “Maliwanag na ngayon na ang kabayaran ng impeksiyon ng HIV sa buong globo ay mabilis na lumalala, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa,” sabi ni Dr. Michael H. Merson, isang direktor ng ahensiya. Hinuhulaan din ng WHO na ang pagdami ng impeksiyon ay magdadala ng kamatayan sa hindi kukulanging tatlong milyong mga babae at mga sanggol sa 1990’s, anim na beses na mahigit ang bilang sa mga namatay sa AIDS noong 1980’s. Ang bilang ng mga lalaki na mamamatay dahil sa AIDS sa loob ng dekada ay inaasahang mas mataas pa. Dahil sa kamatayan ng kanilang mga magulang, angaw-angaw na mga batang hindi nahawaan ay magiging ulila. Sang-ayon sa ulat, ang AIDS ang siya nang nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga babae mula 20 hanggang 40 anyos sa malalaking lungsod ng Amerikas, Kanlurang Europa, at sub-Saharan Aprika, kung saan 1 sa 40 adultong mga lalaki at babae ang sinasabing nahawaan.

“GINTONG MINA” NA DAMONG-GAMOT

Maaari kayang gawin ng mga bansang gaya ng Brazil na kapaki-pakinabang ang kanilang mga kagubatan? Maaari, sang-ayon sa isang artikulo sa Scanorama (magasin ng Scandinavian Airlines Systems): “Iminumungkahi ng WHO [World Health Organization] . . . ang pagsasaka ng mga hardin ng damong-gamot at ang pagbibili ng mga halamang pangmedisina. Ang taga-Denmark na dalubhasa sa mga halaman na si Ole Hamann ay nagsasabi na itinuturing niya ang mga proyektong iyon na isang potensiyal na ‘minang ginto’ para sa nagpapaunlad na mga bansa.” Papaano? Ang saganang mga tanim sa mga kagubatan, na sa maraming kaso ay hindi pa nasusubok ang mga katangiang pangmedisina, ay isang hamon sa mga mananaliksik. Halos 250,000 mga halaman ang nakilala na, subalit “tinataya ng mga dalubhasa sa halaman na mayroon pang 30,000 uri ng halaman, karamiha’y tropikal, ang hindi pa kilala ng siyensiya.” Marami sa mga halamang ito ang maaaring kapaki-pakinabang sa paglaban sa sarisaring sakit, yamang “sa lahat ng mga inireresetang gamot na ginagamit sa Kanluran, hindi kukulangin sa 25 porsiyento, at marahil halos kalahati ng inireresetang gamot, ay naglalaman ng natural na mga sustansiyang galing sa mga halaman.”

EPIDEMYA NG PANINIGARILYO

“Sa loob ng nakalipas na dalawang dekada, ang paggamit ng tabako ay dumami sa buong daigdig ng halos 75%, ulat ng JAMA (The Journal of the American Medical Association), at “ito’y may pananagutan sa halos 2.5 milyong labis at wala sa panahong kamatayan sa bawat taon​—halos 5% ng lahat ng kamatayan.” Samantalang ang pangangailangan sa mga produkto ng tabako ay nabawasan sa mayayamang bansa, napansin ang pagdami ng mga taong naninigarilyo sa nagpapaunlad na mga bansa, lalo na sa Timog-silangang Asia, Aprika, at Latin America. Halimbawa, nasumpungan ng Estados Unidos ang sarili nito na nasa nakahihiyang kalagayan ng pagtaguyod sa isang kampanya laban sa paninigarilyo sa loob ng bansa samantalang ipinipilit nito ang pagbubukas ng bagong mapagbibilhan ng mga produkto nito ng tabako sa ibang bansa upang mabawasan ang pagkakautang sa negosyo. Sang-ayon sa ulat, tinatayang 200 milyong mga bata na wala pang 20 anyos ay mamamatay sa wakas dahil sa paggamit ng tabako, at ang mga kamatayan dahil sa kanser sa bagà ay darami sa buong daigdig hanggang sa dalawang milyon sa taóng 2000.

PAGSULONG SA KAWAYAN

Kawayan. Sang-ayon sa Asiaweek sangkapat ng populasyon ng daigdig ay tumitiwala rito para sa pagkain, pagkain ng mga hayop, muwebles, andamyo, at mga produktong papel. Ang dambuhalang mga panda ay nabubuhay rito. Ito’y malakas, hindi madaling mabulok, at magaang. Subalit ang karamihan sa uri ng kawayan ay namumulaklak at gumagawa ng binhi minsan lamang, na kumukuha ng mula 12 hanggang 120 taon upang gawin iyon, maliwanag ayon sa isang panloob na orasan, at pagkatapos ang buong pananim ay namamatay. Hanggang ngayon, ang katangiang ito ay bumigo sa mga pagsisikap ng siyensiya na makagawa ng pinagbuting uri, yamang ang mga uring pinakamahalaga sa ekonomiya ay kumukuha ng 30 taon upang mamulaklak at sa gayo’y nadadaig nito sa haba ng buhay ang mga siyentipikong nasasangkot sa pag-aaral. Binabanggit ng magasing Nature na sinasabi ngayon ng mga dalubhasa sa halaman na nakasumpong sila ng paraan upang daigin ang orasan sa dalawang uri ng kawayan at pangyarihing mamulaklak nang maaga upang maging posible na gumawa ng mas mabuting uri at magkaroon ng sapat na suplay ng mga binhi para sa pagtatanim sa mga kagubatan. Sa paglalagay ng mga batang halaman sa isang pantanging halo ng pampalaki, ang adulto-ang-laki na mga bulaklak ay nagawa sa loob lamang ng ilang linggo, at ang karamihan ng mga binhing nagawa ay namumulaklak.

KAPAG ANG BUHAY AY NAGDADALA NG KAMATAYAN

“Isip-isipin,” sabi ng obstetrician na si Malcolm Potts, “na sa bawat anim na oras, araw-araw, isang jumbo jet ang bumabagsak at lahat ng nakasakay ay namatay. Ang 250 mga pasahero ay mga babae, karamihan ay nasa kasariwaan pa ng buhay, ang ilan ay mga tin-edyer pa. Silang lahat ay alin sa nagdadalang-tao o kapapanganak lamang. Karamihan sa kanila ay may nagsisilaking mga anak sa tahanan, at mga pamilya na umaasa sa kanila.” Ipinakikita ng ilustrasyon ang kalahating milyong mga babae sa buong daigdig na namamatay sa panahon ng pagdadalang-tao o panganganak taun-taon. “Nobenta’y nuebe porsiyento ng mga kamatayang ito ng mga ina ay nangyayari sa Third World,” sabi ng New Scientist. “Pinakamarami ang namamatay dahil sa pagdurugo, impeksiyon, pagkalason ng dugo, panganganak na suhi at hindi bihasang aborsiyon.” Ang inaayawang pagdadalang-tao ay humahantong sa taunang lansakang pagpatay sa mga ina at mga ipinagbubuntis na sanggol. “Taun-taon sa pagitan ng 40 at 60 milyong mga babae ang naghahangad ng aborsiyon,” sabi ng magasin.

NANGANGANIB ANG MGA RELIKYA NG EHIPTO

Ang pagtatayo ng Aswân High Dam noong 1960’s “ay nagdala ng malaking pagbabago sa kapaligiran ng Nile Valley,” sabi ng The New York Times. “Ang tubig sa ilalim ng lupa sa ilalim ng mga monumento ay tumaas; ang hangin ay naging mas maumido sapagkat ang mga kanal na patubigan ay laging may laman; ang asin sa lupa ay napupunta sa sinaunang mga patsada, natutuklap mula sa bato sa ilalim; sinira ng mga dumi sa imburnal ang lupa.” Bunga nito, ang arkeolohikal na mga kayamanan ng Ehipto​—ang pinakamalaki sa buong daigdig—​na nakaligtas sa loob ng maraming milenyo ay malubhang nanganganib ngayon. Dumarami ang katibayan na kahit na ang hindi pa nahuhukay na mga dako, na dati’y inaakalang ligtas at protektado, ay napinsala. Ang mga eksperto ay nahahadlangan dahil sa kalakihan ng problema, na hindi alam kung ano ang gagawin. “May mahigit na 2,000 libingan, maraming monumento, piramide, at mga bantayog,” sabi ni Sayed Tawfiq, direktor ng Egyptian Antiquities Organization sa Cairo. “Kung bawat libingan ay bibigyan mo ng dalawang taon ng pagsasauli, iyan ay nangangahulugan ng 4,000 taon.”

BAGONG MGA URING NATUKLASAN

Taun-taon natutuklasan ng mga siyentipiko ang mahigit na 10,000 bagong mga uri ng halaman at hayop. Marami rito ay mga insekto, na may lima hanggang sampung bagong mammal at gayunding dami ng ibon na nakikilala sa bawat taon. Sa wari’y marami na ito, subalit marami pa ang tutuklasin ng mga biyologo. May tinatayang 50 milyong uri ng halaman at hayop sa daigdig, at wala pang 1.5 milyon ang nakita at nauri. Ang pagkatuklas ng isang bagong primate, ang itim-mukhang leong tamarin, ay nakatawag-pansin kamakailan, samantalang ito’y natuklasan wala pang 320 kilometro mula sa pangatlong pinakamalaking metropolis ng daigdig, sa lubhang mataong baybayin ng Brazil. Habang naglalaho ang tropikal na mga gubat, ikinatatakot na ang mga uri ng halaman at hayop ay mas mabilis na maglalaho kaysa pagkasumpong sa mga ito.

EPEKTO NG BUHAY PAMPAMILYA

“Ang kayarian ng pamilya ay malaki ang nagagawa sa kalusugan at pag-unlad ng mga bata,” sabi ng isang artikulo sa The Wall Street Journal. Ipinakikita ng mga estadistika mula sa isang “surbey ng pamahalaan [ng E.U] sa kalusugan at emosyonal na katayuan ng 17,000 mga bata na ang edad ay mula sa pagkasanggol hanggang 17” na “ang mga batang namumuhay sa hindi tradisyunal na mga pamilya ay mayroon mas maraming problema kaysa roon sa mga namumuhay na kasama ng dalawang likas na mga magulang.” Ang panganib na pagkakaroon ng isang aksidente o pinsala sa taon bago ang surbey ay 20 hanggang 30 porsiyentong mas mataas sa mga batang nakatira sa isang diborsiyada o muling nag-asawang ina. Kung ihahambing doon sa mga nakatira na kasama ng kanilang biyolohikal na mga magulang, ang mga batang iyon ay mula 40 hanggang 75 porsiyentong malamang na umulit ng isang baitang sa paaralan. Ang mga bata sa sirang pag-aasawa ay 70 porsiyentong mas malamang na masuspende o mapaalis sa paaralan; at yaong mga ina na hindi kailanman nag-asawa ay mahigit sa doble na magkaroon ng mga problemang iyon. Ang mga bata sa mga pamilyang pinamumunuan ng ina ay 50 porsiyento rin na malamang na magkahika.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share