Kung Bakit Nasa Panganib ang mga “Species”
ANG mga species ay nalipol sa iba’t ibang kadahilanan. Isaalang-alang ang tatlong pangunahing dahilan. Ang mga tao ay di-tuwirang may pananagutan sa dalawang kadahilanan at tuwirang may pananagutan sa isa pa.
Pagsira sa Tirahan
Ang pagsira sa tirahan ay malaki ang nagawa sa pag-unti ng mga species. Inilalarawan ito ng The Atlas of Endangered Species na “ang pinakamalaking banta” gayundin “ang pinakamahirap hadlangan.” Ang mabilis na pagdami ng populasyon ng daigdig ay nagtutulak sa mga tao na higit at higit na panghimasukan ang lupain na dating tirahan ng buhay-iláng. Isang kapansin-pansing halimbawa nito ay mula sa mga masinsing kagubatan (rain forest) ng daigdig.
‘Sa loob ng 40 taon wala nang matitirang mga masinsing kagubatan’ ang nakatatakot na tantiya na nagtutuon ng pansin sa kalagayan na itinuturing ng marami bilang isang nakapanghihinayang na pagkawala ng mahalagang yaman. Sa katunayan, halos sangkapat ng lahat ng gamot na kilala sa Kanluraning daigdig ay nanggaling sa mga halaman sa masinsing kagubatan sa tropiko. Bagaman ang mga masinsing kagubatan ay sumasaklaw lamang ng tinatayang 7 porsiyento ng sukat ng lupa sa planeta, ito’y tahanan para sa apat na ikalimang bahagi ng mga pananim sa lupa ng daigdig.
Ang pagtotroso at ang mga pagbabago ng mga pamamaraan sa agrikultura ay nag-alis sa mga masinsing kagubatan sa Kanlurang Aprika ng kanilang saganang mana ng mga punungkahoy. Ang pagkalbo sa kagubatan sa bahagi ng kontinente ng India ay bumago pa nga sa lagay ng panahon, nabawasan ang patak ng ulan sa ilang lugar subalit naging sanhi naman ng mga pagbaha sa ibang lugar.
Habang pinuputol ng tao ang mga punungkahoy upang hawanin ang lupa para sa agrikultura, namamatay ang mga halaman, hayop, ibon, reptilya, at mga insekto. Tinatantiya ng propesor sa Harvard na si Edward Wilson na sa bawat taon 1 porsiyento ng umiiral na kagubatan ang nawawala, at tinitiyak nito ang posibleng pagkalipol ng libu-libong species. Ikinatatakot na maraming species ang maglalaho bago pa man ito mabigyan ng isang siyentipikong pangalan.
Gayundin ang kalagayan kung tungkol sa mga latian sa daigdig, isa pang nanganganib na tirahan. Inaalisan ng tubig ng mga developer ang mga lugar na ito upang makapagtayo sila ng mga bahay, o ginagawa ito ng mga magsasaka na mga lupang masasaka. Sa nakalipas na 100 taon, kasindami ng 90 porsiyento ng tuyong pastulan sa Europa ang ginamit para sa agrikultura. Ang pagkawala ng mga pastulan sa Britanya sa nakalipas na 20 taon ay nagpangyari ng 64 na porsiyentong pag-unti sa bilang ng mga umaawit na pipit.
Bagaman tinatawag ng magasing Time ang isla ng Madagascar na “isang heolohikang daong ni Noe,” ang masaganang pagkasari-sari ng buhay-iláng nito ay nasa panganib. Kapag dumarami ang populasyon at ang pagkakautang nito sa ibang bansa, tumitindi ang panggigipit sa mga maninirahan na gawing mga taniman ng palay ang mga kagubatan. Sapagkat tatlong-kapat ng tirahan ng hayop na golden bamboo lemur ay naglaho sa nakalipas na 20 taon, 400 na lamang ng mga hayop na ito ang natitira.
Ang radikal na pagbabago sa paggamit ng tao sa lupa ay tiyak na sumisira sa buhay-iláng sa rehiyon. Ang isa pang halimbawa, isaalang-alang ang mga taga-Polynesia, na dumating sa Hawaii 1,600 taon na ang nakalipas. Dahil sa kanilang gawain, 35 uri ng ibon ang nalipol.
Ang mga unang maninirahan na nagtungo sa Australia at New Zealand ay umangkat ng domestikong mga pusa, na ang ilan ay naging mailap. Ayon sa magasing New Scientist, ang mababangis na pusang ito ay naninila ngayon sa 64 na uri ng katutubong mamal sa Australia. Kasama ng inangkat na mga sorong pula mula sa Europa, sinasalakay nila ang natitirang populasyon ng nanganganib na mga species.
Tuwirang Pagsalakay
Ang pangangaso ay hindi na bagong gawain. Inilalarawan ng ulat ng Bibliya sa Genesis ang rebeldeng si Nimrod, isang mangangaso na nabuhay mahigit nang 4,000 taon ang nakalipas. Bagaman walang ulat tungkol sa paglipol niya sa isang buong species, gayunman siya ang kinatatakutang bihasang mangangaso.—Genesis 10:9.
Sa nakalipas na mga dantaon nalipol ng mga mangangaso ang mga leon mula sa Gresya at Mesopotamia, ang mga hippopotamus mula sa Nubia, ang mga elepante mula sa Hilagang Aprika, mga oso at beaver mula sa Britanya, ang maiilap na baka mula sa Silangang Europa. “Noong mga taon ng 1870 at 1880, pinatay ng mga mangangaso ang sangkapat ng isang milyong elepante sa Silangang Aprika lamang,” ulat ng talaang magasin ng BBC, ang Radio Times. “Sa loob ng kalahating siglo, umalingawngaw sa Aprika ang rapidong putok mula sa mga taong kilala, mayaman, at may katungkulan, na nagpapaputok sa mga elepante, rhino, giraffe, malalaking pusa at anumang makita nila. . . . Kung ano sa wari’y nakasisindak sa ngayon ay lubusang kaayaayang paggawi noon.”
Balikan natin ang kalagayan ng maringal na tigre. Ipinakikita ng mga sensus noong mga taon ng 1980 na ang mga pagsisikap para sa konserbasyon nito ay nagtagumpay. “Gayunman, ang mga bagay ay hindi gayon,” sabi ng 1995 Britannica Book of the Year. “Ang mas maingat na pagbilang ay nagsisiwalat na ang dating mga sensus ay dinagdagan ng mga opisyal na alin sa nakikipagsabwatan sa mga ilegal na mangangaso o mga masugid na naghahangad na hangaan ng kanilang mga pinuno. . . . Ang palihim na pangangalakal ng mga bahagi ng katawan ng tigre ay umunlad samantalang ang umuunting suplay ay lalo namang nagpapataas sa presyo.” Kaya nga, noong 1995, ang isang tigreng mula sa Siberia ay tinatayang nagkakahalaga ng mula $9,400 hanggang $24,000—hindi, hindi lamang para sa lubhang pinahahalagahang balat nito kundi rin naman para sa mga buto, mata, tutsang, ngipin, panloob na mga sangkap, at ari nito, pawang itinuturing na mahalaga sa tradisyunal na medisina sa Silangan.
Ang kalakalan ng garing ng elepante, sungay ng rhino, balat ng tigre, at iba pang mga bahagi ng hayop ay isa na ngayong multibilyong-dolyar na ilegal na negosyo, pangalawa lamang sa pagpupuslit ng droga, sabi ng Time. At hindi ito natatakdaan sa malalaking mamal. Noong 1994 ang tradisyunal na medisinang Intsik ay nakakonsumo ng nakagugulat na 20 milyong sea horse, naging sanhi ng iniulat na 60 porsiyento pagbaba sa mga huli sa dalawang taon sa ilang lugar sa Timog-silangang Asia.
Hindi mahirap makilala kung sino ang dapat sisihin kapag ang isang species ay hinuhuli hanggang sa ito’y malipol. Kung gayon, kumusta naman ang tungkol sa mga kolektor? Ang isang nanganganib malipol na ibong macaw, ang golden conure, ay pinagkakakitaan ng isang ilegal na mangangalakal sa Brazil ng iniulat na halagang $500. Subalit kapag ibinenta niya ito sa ibang bansa, kumikita siya ng mahigit na tatlo at kalahating ulit ng halagang iyan.
Ang mga digmaan at ang masasamang epekto nito, ang dumaraming pulutong ng mga nagsisilikas, pati na ang tumataas na bilang ng mga ipinanganganak, tumitinding polusyon, at ang turismo pa nga, ay nagbabanta sa species na nanganganib malipol. Ang mga nagliliwaliw sakay ng mga bangkang de motor ay nakapipinsala sa mga lampasut (dolphin) na pinagkakalipumpunan nilang makita, at ang ingay sa ilalim ng tubig ay maaaring makasagabal sa maselan na echo-location system ng mga lampasut.
Pagkatapos ng nakalulungkot na talaang ito ng pamiminsala ng tao, maaaring itanong mo, ‘Ano ba ang ginagawa ng mga dalubhasa sa konserbasyon upang maingatan ang nanganganib na species, at gaano ba sila katagumpay?’
[Larawan sa pahina 6]
Ang mga halaman, hayop, ibon, reptilya, at mga insekto ay namamatay habang pinuputol ng tao ang mga punungkahoy