Konserbasyon Laban sa Pagkalipol
ANG alitan sa pagitan ng konserbasyon at pagkalipol ay nagpapatuloy. Ginigipit ng maraming mapagkawanggawang organisasyon ang mga pamahalaan na magtaguyod ng mas mahigpit na mga batas sa konserbasyon upang pangalagaan ang species na nanganganib malipol.
Halimbawa, kamakailan ay nakipagtagpo ang iba’t ibang grupo sa mga opisyal na Intsik at nakamit ang pakikipagtulungan nila sa mga pagsisikap na alisin ang pagsilo sa mga osong itim sa Asia. Ang mga hayop na ito ay hinuhuli dahil sa kanilang apdo at mga pinagsisidlan ng apdo, na ginagamit sa tradisyunal na medisina sa Silangan.
Internasyonal na Tulong
Upang pangalagaan ang isang species sa isang bansa subalit babarilin naman ito hanggang malipol sa ibang dako ay hindi hahantong sa preserbasyon nito. Dahil dito, ang internasyonal na mga kasunduan ay napatunayang napapanahon—at napakarami nito. Ang Convention on Biological Diversity, ang Rio Treaty, ay nagkabisa noong pagtatapos ng 1993, kasunod ng isang Kasunduan Tungkol sa Konserbasyon ng mga Paniki sa Europa. Idinagdag naman ng International Whaling Commission ang Southern Ocean na kanlungan ng mga balyena sa Indian Ocean sa pagsisikap na pangalagaan ang malalaki at minke na mga balyena. Subalit marahil ang pinakamalakas na kasunduan ay ang Convention on International Trade in Endangered Species.—Tingnan ang kahon.
Marami pang dapat matutuhan ang tao tungkol sa mga kaugnayan ng mga nilalang, sa isa’t isa. Ang mga mangingisda sa Silangang Aprika na naglagay ng isdang Nile perch sa Lawa ng Victoria upang magparami ng panustos na pagkain ang pinagmulan ng tinatawag ng dalubhasa sa hayop na si Colin Tudge na “ang pinakamalaking ekolohikang sakuna sa dantaong ito.” Mga 200 sa 300 katutubong uri ng isda sa lawa ang nalipol. Bagaman sinisisi ng katibayan kamakailan ang pagkaagnas ng lupa na siyang gumulo sa pagkakatimbang ng mga species, ang mga pamahalaan ng tatlong bansa na nasa hangganan ng lawa ay nagtatag ngayon ng isang organisasyon upang tumiyak kung aling uri ng isda ang maaaring ilagay sa lawa nang hindi isinasapanganib ang katutubong mga isda.
Pakikialam ng Tao
Ang isang larangan na nag-uulat ng tagumpay ay ang programa ng captive breeding (pagpaparami samantalang nakakulong) na isinasagawa sa maraming zoo. “Kung talagang gagamitin ng lahat ng zoo sa daigdig ang kanilang impluwensiya sa captive breeding, at kung talagang susuportahan ng publiko ang mga zoo, kung gayon maaari silang gumawang magkasama upang iligtas ang lahat ng hayop na uring vertebrate na malamang ay nangangailangan ng captive breeding sa malapit na hinaharap.”—Last Animals at the Zoo.
Ang zoo sa maliit na Britanong isla ng Jersey ay nagpaparami ng pambihirang mga hayop taglay ang layuning ibalik ang mga ito sa iláng. Noong 1975, 100 lamang ng loro sa Sta. Lucia ang nanatili sa kanilang tirahan sa Caribbean. Pito sa mga ibong ito ang ipinadala sa Jersey. Noong 1989, ang zoo ay nakapagparami ng 14 pa at ibinalik ang ilan dito sa Sta. Lucia. Ngayon mahigit na 300 ang iniulat na matatagpuan sa islang iyon.
Ang kahawig na mga pamamaraan sa iba pang dako ay napatunayang matagumpay. Ang National Geographic ay nag-uulat na ang 17 pulang lobo (wolf) na natitira sa Hilagang Amerika ay naparami nang husto habang nakakulong anupat mahigit na 60 na ang naibalik sa iláng.
Lubhang Matagumpay?
Ang mga hayop na nasa panganib ay hindi naman laging kinakailangang nanganganib na malipol. Ayon sa aklat na Endangered Species—Elephants, sa pagitan ng 1979 at 1989, ang bilang ng mga elepante sa Aprika ay bumaba mula sa 1,300,000 tungo sa 609,000—ang ilan dito ay bunga ng ilegal na pangangaso dahil sa garing. Pagkatapos nito ang panggigipit ng publiko upang ipagbawal ang pangangalakal ng garing ay tumindi. Subalit, ang pagsalansang sa pagbabawal sa garing ay naging masidhi. Bakit?
Kapuwa sa Zimbabwe at sa Timog Aprika, ang mga patakaran sa konserbasyon ay napatunayang lubhang matagumpay anupat ang kanilang pambansang mga parke at mga reserbadong dako para sa mga buhay-iláng ay naging tirahan ng napakaraming elepante. Iniulat ng New Scientist na kinailangang alisin ng Zimbabwe ang 5,000 elepante mula sa Pambansang Parke ng Hwange. Mariing inirekomenda ng mga grupo na nanggigipit ang relokasyon. Ipinagbili ng mga opisyal sa parke ang sobrang mga elepante at iminungkahi na ang mga ahensiya sa Kanluran na tutol sa pagpatay sa sobra o sa mahina nang mga elepante na “magbigay ng tulong na salapi batay sa kanilang ipinayo at ilipat ang mga ito.”
Di-Tiyak na mga Pag-asa
Gayunman, nagkaroon ng mga kabiguan. Marami ang nagpahayag ng pagkabahala sa kalagayan ng mga species na ibinalik sa iláng. Ang tigre sa Siberia ay nabubuhay nang mas mabuti kung nakakulong, subalit sa iláng ito ay nangangailangan ng mga 260 kilometro kuwadrado ng kagubatan, na walang ilegal na mga mangangaso. Isa pa, “kung ibabalik mo ang isang tigreng pinalaki sa zoo sa kapaligirang ito,” sabi ng The Independent on Sunday, “ito ay tiyak na magugutom.” Isa ngang malungkot na pag-asa!
Sa totoo lang, hindi lahat ng species ay may kaniyang sariling pantanging pangkat ng mga katulong. At hindi lamang basta isang kakulangan ng kawani ang nagpapalala sa problema. Gaano man kadedikado ang mga dalubhasa sa konserbasyon, kapag napaharap sa katiwalian, kasakiman, at kawalang-interes ng mga opisyal ng pamahalaan gayundin sa digmaan at sa banta pa nga ng kamatayan, anong pag-asa mayroon sila na magtagumpay? Ano, kung gayon, ang lunas sa problema ng species na nanganganib malipol? At paano ka nasasangkot?
[Kahon sa pahina 7]
Isang Internasyonal na Sandata
Ang Convention on International Trade in Endangered Species ay isang malakas na sandata sa pakikipagbaka laban sa ilegal na pangangalakal ng species na nanganganib malipol. Ang mga balat ng leopardo, garing ng elepante, buto ng tigre, sungay ng rhino, at mga pagong ay kabilang sa ipinagbabawal na mga kalakal sa kasalukuyan. Saklaw ng kasunduan ang mga punungkahoy at mga uri ng isda na nanganganib malipol.
Subalit, nagbabala ang Time: “Malibang makasumpong ang mga miyembrong bansa ng paraan upang ipasunod ang mga tuntunin, . . . baka masumpungan nila na ang mga hayop na sinisikap nilang pangalagaan ay hindi na umiiral.”
[Larawan sa pahina 8]
Naging lubhang matagumpay ba ang mga pagsisikap ukol sa konserbasyon?
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ni Clive Kihn