Ang Zoo—Huling Pag-asa ba ng Buhay-ilang?
KAMAKAILAN isang malaking pagbabago ang nangyari sa mas maunlad na mga zoo sa daigdig. Bilang panlabas na katibayan, binago nila ang kanilang mga eksibit kasuwato ng hindi malupit na ideya na “landscape immersion”—ang pagtulad sa natural na kapaligiran ng mga hayop, kumpleto na may mga halaman, gawang-bato, baging, singaw, tunog, at iba pa ngang magkatugmang mga hayop at ibon. Bagaman magastos—halos $1.2 bilyon ang ginugol sa pagpapaganda sa mga zoo at mga akwaryum taun-taon sa Estados Unidos lamang—ang mga pagbabago ay itinuturing na mahalaga dahil sa mapaghangad na bagong papel ng mga zoo.
Ang Misyon sa Susunod na Siglo
Dahil sa biyolohikal na kasalatan na nagbabanta sa planeta, tinukoy ng nangungunang mga zoo sa daigdig ang pangangalaga, edukasyon, at siyentipikong pananaliksik bilang ang kanilang misyon sa ika-21 siglo. Naganyak ng hamon at napakilos ng pagkaapurahan nito, inalis pa nga ng ilang zoo ang pangalang zoo, pinipili sa halip ang mga katagang gaya ng “kanlungan ng buhay-ilang” o “pangangalagang parke.”
Ang nangunguna sa daan tungo sa bagong kausuhan ay ang publikasyong The World Zoo Conservation Strategy. Inilarawan ito ng isang manunulat bilang “ang pinakamahalagang dokumento sa larangan ng zoo na kailanma’y nagawa,” ang Strategy ay, sa diwa, isang karta patungkol sa mga hayop; ito’y “nagbibigay-kahulugan sa mga pananagutan at mga pagkakataon ng mga zoo at akwaryum sa daigdig para sa pangangalaga ng iba’t ibang buhay-ilang sa buong globo.” Inaalis ang anumang pag-aalinlangan tungkol sa bagong mga ideya, ganito pa ang sabi ng Strategy: “Ang mismong pag-iral ng isang zoo o akwaryum sa katunayan ay depende sa kung ano ang nagagawa nito sa pangangalaga sa buhay-ilang.”
Ang edukasyon ng publiko at siyentipikong pananaliksik, lalo na tungkol sa pagpapalahi ng mga hayop na nakakulong, ay mahalaga sa bagong papel na ito. Nasa mga kabataan ngayon ang magiging mga tagapangalaga ng zoo sa hinaharap, na may pananagutang ingatan ang nasagip na mga labí ng humahabang listahan ng lipol nang mga species sa ilang. Magagampanan kaya nila ang pananagutang ito nang may katalinuhan at dedikasyon? At magkaroon kaya ang sangkatauhan ng higit na naliwanagang pangmalas sa kalikasan? Sa layuning ito, hinihimok ng Strategy ang bawat zoo na maging tagapagturo, ipakita ang sarili nito bilang bahagi ng “isang pambuong-daigdig na network na gaganyak sa budhi ng mga tao tungkol sa kanilang pakikitungo sa mga hayop.”
Nagkaisa ang mga Zoo sa Pangglobong Network
Dahil sa napakalaking atas nila, maraming zoo ang nagkakaisa upang bumuo ng isang pangglobong network, binubuo sa kasalukuyan ng mga 1,000 zoo. Pinag-uugnay ng internasyonal na mga organisasyong gaya ng The World Zoo Organization at ng International Union for the Conservation of Nature and Natural Resources, ang mga zoo na ito at naglalaan ng koordinasyon at patnubay.
Ipinakikita ang gumaganyak na dahilan para sa gayong pakikipagtulungan, ganito ang sabi ng aklat na Zoo—The Modern Ark: “Kung babawasan ang paglalahi ng iisang uri o inbreeding, na maihahalintulad sa di-napapansing maninila, hindi na nasisiyahan ang isang zoo sa pamamahala ng sarili nitong maliit na grupo ng, halimbawa, mga tigreng mula sa Siberia. Bagkus, lahat ng nakakulong na mga tigreng mula sa Siberia sa lahat ng mga zoo sa isang kontinente—o sa buong daigdig pa nga—ay kailangang ituring na gaya ng iisang populasyon.” Oo, daan-daan ng bawat species ang kinakailangan upang bawasan o alisin ang pagpapalahi ng iisang uri—isang pinagmumulan ng pagkabaog at pagkalipol—at maliwanag na ito’y wala sa kakayahan ng isang zoo. Ganito ang sabi ng Strategy: “Ang malaking pagtitipong ito ng lahat ng makukuhang yaman ay kakailanganin upang bigyan ang biosphere ng ating Lupa . . . ng hangga’t maaari’y pinakamabuting pagkakataon na makaligtas. Marami ang naniniwala na kung mabibigo tayong pangalagaan ang iba pang mga species ay hindi natin maililigtas ang ating mga sarili.” Mangyari pa, hindi isinasaalang-alang ng walang pag-asang saloobing ito ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang isasauling paraisong lupa.—Apocalipsis 11:18; 21:1-4.
Mga Kasangkapang Tutulong Upang Magtagumpay ang mga Zoo
Ang krisis tungkol sa pagkalipol ay gumanyak din sa paglikha ng ilang makabagong teknolohiya, na nakukuhang mga tulong sa buong daigdig para sa pagpapalahi ng mga hayop na nakakulong: mga aklat-palahian, ang International Zoo Yearbook (IZY ), at ang nakabase-sa-computer na International Species Information System (ISIS).
Ang bawat aklat-palahian ng mga hayop ay detalyadong nagtatala ng lahat ng mga hayop ng isang partikular na species na nakatira sa zoo, saanman dako ng daigdig sila naroon. Bilang isang internasyonal na rekord, ito ang susi upang ingatan ang isang malusog na kalipunan ng mga gene at bawasan ang ‘di-napapansing maninila’ na iyon, ang pagpapalahi ng iisang uri. Noong 1923, binuksan ng Berlin Zoo ang kauna-unahang aklat-palahian ng zoo, nang simulan nito ang pagpapalahi ng wisent, o European bison, na halos malipol na dahil sa Digmaang Pandaigdig I.
Upang mapadali ang pangglobong pamamahagi ng siyentipikong impormasyon gaya ng mga aklat-palahian na iyon, ng IZY, at demograpikong mga impormasyon, ang ISIS ay nakonekta sa mga sistema sa computer sa Estados Unidos noong 1974. Ang lumalawak na elektronikong network nito at ang napakalaki, dumaraming kalipunan ng mga impormasyon ay tumutulong sa mga zoo na gumawang magkakasama upang magkatotoo ang ideya ng megazoo.
Kabilang sa biyolohikal na mga kagamitang ginamit ng mga zoo ang DNA fingerprinting, paglilipat ng mga binhi, pertilisasyon sa labas ng katawan, at cryogenics (pinapagyeyelo ang similya at mga binhi). Ang DNA fingerprinting ay tumutulong sa mga zoo na 100-porsiyentong makilala nang may katumpakan ang mga pinakamagulang, na mahalaga sa pagkontrol sa pagpapalahi sa iisang uri sa mga species na gaya ng mga hayop na namumuhay nang kawan-kawan, kung saan mahirap masubaybayan ang pinagmulang magulang. Samantala, ang paglilipat ng binhi at ang pertilisasyon sa labas ng katawan, ay nagpapabilis sa pagpaparami. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa kalipunan ng “magulang” ng nanganganib malipol na mga species. Ang kanilang mga binhi ay maipapasok sa malapit na mga kamag-anak—maging ng domestikadong mga hayop—na sa pagkakataong iyon ay nagsisilbi bilang mga kahaliling ina. Ang pamamaraang ito ay nagpangyari na maisilang ng isang holstein cow ang isang gaur (kapong baka sa ilang) at maisilang ng isang domestikadong pusa ang lubhang nanganganib malipol na disyertong pusa ng India. Binabawasan din nito ang gastos, panganib, at trauma ng paghahatid ng mga hayop na nanganganib malipol na pinararami ang lahi. Isang pakete ng mga binhi o pinagyelong similya lamang ang kailangang ilipat mula sa isang lugar tungo sa ibang lugar.
Dahil sa maaaring lubusang maglaho ang ilang species, sinimulan ng maraming zoo ang siyensiya ng cryogenics—pinapagyeyelo ang similya at mga binhi para sa pangmatagalang pag-iimbak. Ang pinagyelong zoo na ito ay nagbibigay ng pag-asa na maisilang ang mga supling sa susunod na mga dekada, marahil ay mga dantaon pa nga, pagkatapos ng pagkalipol! Bagaman puno ng mga di-katiyakan, ito’y binansagang ang “huling matatakbuhang garantiya para sa proteksiyon o kaligtasan.”
Nakatulong sa mga Zoo ang Masusing Pagsusuri sa Ilang Upang Maparami ang Anak ng mga Hayop
Ang siyentipikong pagsusuri sa mga hayop, pati na sa kanilang paggawi sa likas na mga tirahan, ay mahalaga sa pagpapalahi sa mga hayop na nakakulong at siyang inspirasyon sa likod ng “immersion” na mga eksibit. Upang manatiling malusog ang mga hayop at magparami, dapat isaalang-alang ng mga zoo ang kanilang katutubong gawi at panatilihin silang “masaya.”
Halimbawa, ang lalaki’t babaing cheetah ay nananatiling nakabukod sa ilang at nakikipagtalastasan lamang sa pamamagitan ng amoy ng kanilang ihi at mga dumi. Ang ilong ng lalaking cheetah ang nagsasabi sa kaniya kung handa nang asawahin ang babaing cheetah, at pagkatapos ay kasa-kasama ng lalaki ang babae sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Nang mapag-alaman ng mga zoo ang tungkol sa paggawing ito, binago nila ang kanilang mga kulungan upang paghiwalayin ang lalaki’t babae sa lahat ng panahon maliban sa sandaling panahon ng pag-aasawa, at ito’y nagtagumpay; sila’y nag-asawa at nagkaroon ng mga kuting.
Bagaman lalong napapamahal sa isang cheetah ang kaniyang kapareha kapag napapalayo sa kaniya, hindi ganito sa flamingo. Ito’y nag-aasawa lamang kapag napakarami ng kawan na ang laki ay hindi naman kayang pangalagaan ng karamihan ng mga zoo. Kaya isang zoo sa Inglatera ang nag-eksperimento—“dinoble” nito ang dami ng kawan sa pamamagitan ng isang malaking salamin. Sa kauna-unahang pagkakataon, aktuwal na sinimulan ng mga ibon ang kanilang madulang ritwal ng pagliligawan! Ang mga halimbawa bang ito ay nagpapatunay sa iyo sa kasalimuutan ng buhay-ilang ng lupa? Tiyak na ang mga zoo ay mayroong di-karaniwang hamon.
Gaano Katotoo ang Tunguhing Iligtas ang mga Hayop?
Ipinahihiwatig ang potensiyal ng bagong programa, ang ilang species na pinarami sa kulungan ay ibinalik sa kanilang likas na mga tirahan. Kabilang sa mga ito ang California condor, ang European bison, ang American bison, ang Arabian oryx, ang ginintuang leong tamarin, at ang kabayong Przhevalski. Gayunman, ang pangmatagalang mga pag-asang iligtas ang nanganganib na mga species ay tila madilim.
“Napakasalimuot ng lipunan ng tao, at napakarami ng mga problema ng daigdig,” sabi ng Strategy, “anupat sa kabila ng paglago sa kabatiran at pagkabahala tungkol sa kalikasan at sa kapaligiran, hindi posibleng ihinto ang marami sa mapangwasak na mga proseso.” Bunga nito, “ang mga nangangalaga ay dapat na maging handang humanap ng isang paraan upang maligtasan ang inaasahang kritikal na panahon,” ang susog nito. Natural, ito’y nangangailangan ng pagtutulungan sa lahat ng antas ng lipunan. Ang kasalukuyang pagtutulungan, ayon sa isang manunulat sa siyensiya, ay “kapos na kapos sa kung ano ang kinakailangan.” Kung ang mga panggigipit na nagtutulak sa pagkalipol ay babawasan lamang at hindi babaguhin, baka mawalang saysay kahit ang pinakamagaling na mga pagsisikap. Ang tunay at kumpletong mga tirahan—hindi lamang maliliit na dako, na humahantong sa pagpapalahi ng iisang uri—ay dapat gawin. Saka lamang may pagtitiwalang mapakakawalan ng mga zoo ang mga hayop na kanilang pinalaki pabalik sa ilang. Subalit makatotohanan ba ang gayong pag-asa, o ito ba’y pangarap lamang?
Lalo pang mahirap paniwalaan na malulutas ng pangglobong megazoo ang problema. “Ang malungkot na katotohanan,” sabi ni Propesor Edward Wilson, “ay na ang lahat ng mga zoo sa daigdig ngayon ay makasusustine lamang ng 2,000 species ng mamal, ibon, reptilya at ampibyan”—ganggakalingkingan lamang. Kaya ang mga zoo ay may mahirap na atas na magpasiya kung aling species ang pipiliin para pangalagaan habang ang natitira pang species ay sumasama sa mahabang listahan niyaong mga patungo na sa pagkalipol.
Para sa mga eksperto sa larangan ng pangangalaga, ito’y nagbabangon ng isang katanungang nagbabanta ng masama, Dahil sa pagkaumaasa ng lahat ng nabubuhay na bagay, kailan babagsak sa kritikal na punto ang iba’t ibang halaman at hayop kung saan ito’y pagmumulan ng matinding pagkalipol na maaaring sumira sa maraming natitirang buhay sa lupa, kasali na ang sangkatauhan? Maaari lamang manghula ang mga siyentipiko. “Ang pag-alis ng isa o dalawa o limampung species ay magkakaroon ng mga epekto na hindi natin mahuhulaan,” sabi ni Linda Koebner sa Zoo Book. “Ang pagkalipol ay lumilikha ng pagbabago bago pa man natin maunawaan ang mga resulta.” Samantala, ganito ang sabi ng aklat na Zoo—The Modern Ark, “ang mga zoo ay nananatiling ang pinakamahalagang kanlungan ng buhay sa pangglobong pagsalakay sa buhay-hayop, isang digmaan na ang lawak ay hindi mahulaan subalit isa na lubhang sisingilin sa atin ng hinaharap na mga salinlahi.”
Kaya may anuman bang saligan para sa pag-asa? O nakatalaga bang mapahamak ang hinaharap na mga salinlahi sa isang daigdig na wala ang pagkasari-sari ng buhay anupat naghihintay ang lubusang pagkalipol sa kanila?
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang tao ang kanilang pinakamatinding kaaway
[Credit Line]
Tigre at mga Elepante: Zoological Parks Board of NSW
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang ilang nanganganib malipol na mga hayop—bison, cheetah, at itim na rhinoceros
[Credit Lines]
Bison at mga Cheetah: Zoological Parks Board of NSW
Rhinoceros: National Parks Board of South Africa