Ang Naglalahong Buhay-Ilang ng Lupa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
HINDI ka ba natutuwang makita at marinig ang buháy na mga hayop sa ilang—ang isang tigre, balyena, o isang gorilya? Mag-alaga ng isang koala? Madama ang dagundong ng lupa dahil sa yabag ng maraming nandarayuhang kawan na hanggang sa matatanaw ng iyong mata? Subalit, nakalulungkot nga na maraming tao ang maaaring hindi na kailanman matamasa ang gayong mga abentura—maliban kung maituturing na isang abentura ang isang museo, aklat, o computer screen. Bakit nga ganito?
Sapagkat habang binabasa mo ang artikulong ito, libu-libong halaman at hayop ang sapilitang nalilipol. Tinatantiya ni Dr. Edward O. Wilson, isang biyologo sa Harvard University, na 27,000 species (uri ng halaman at hayop) taun-taon, o tatlo sa bawat oras, ang nalilipol. Sa bilis na ito, hanggang 20 porsiyento ng mga species sa lupa ang maaaring lipol na sa loob ng 30 taon. Subalit ang bilang ng nalilipol ay nagbabago; ito’y dumarami. Inaasahang maaga sa susunod na siglo, daan-daang species ang maglalaho sa bawat araw!
Nasa bingit ng pagkalipol ang itim na rhinoceros ng Aprika. Lubhang binawasan ng ilegal na pangangaso ang bilang nito mula sa 65,000 tungo sa 2,500 sa loob ng wala pang 20 taon. Wala pang 5,000 oranggutang ang natitira sa lumiliit na mga kagubatan ng Borneo at Sumatra. Ang paglipol ay umabot din sa mga tubig ng lupa. Ang isang biktima ay ang magandang lampasot na baiji sa Ilog Yangtze ng Tsina. Dahil sa polusyon at walang-pinipiling pangingisda ay isang daan na lamang ang natira, at malamang na mawala na ang lahat sa loob ng isang dekada.
“Ang mga siyentipiko mula sa iba’t ibang larangan ay tumututol tungkol sa maraming bagay,” sabi ni Linda Koebner sa Zoo Book, “subalit kung tungkol sa pagkaapurahan na iligtas ang mga species at ang biyolohikal na kalusugan ng planeta, sila’y nagkakaisa: Mahalaga ang susunod na limampung taon.”
Sino ang Dapat Sisihin?
Pinabibilis ng dumaraming populasyon ng tao ang pagkalipol, subalit hindi masisisi ang problema ng populasyon sa lahat ng nangyayaring pagkalipol. Maraming kinapal—ang nandarayuhang kalapati, ang moa, great auk, at ang thylacine, upang banggitin lamang ang ilan—ay lipol na bago pa naging banta mismo ang populasyon ng tao. Ganito ang sabi ni Dr. J. D. Kelly, direktor ng Zoological Parks Board of New South Wales, Australia, tungkol sa rekord ng bansang iyon: “Ang pagkawala ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop mula nang kolonisasyon noong 1788 ay isang pambansang kahihiyan.” Ang obserbasyong ito ay walang alinlangang totoo sa maraming iba pang bansa. Ipinahihiwatig din nito ang mas masamang mga sanhi ng pagkalipol—kawalang-alam at kasakiman.
Dahil sa krisis ng pagkalipol sa buong globo, isang bago at tila hindi kakampi ang sumuporta sa panig ng mga hayop na ipinakikipaglaban—ang mga zoo. Parami nang parami, ang mga lugar na ito sa gitna ng lunsod ang huling kanlungan para sa maraming species. Subalit ang mga zoo ay may limitadong lugar, at ang mga hayop sa ilang ay kapuwa magastos at mahirap alagaan. Nariyan din ang aspekto sa etika tungkol sa pagkulong sa mga ito, bagaman ito ay makatao. Bukod pa riyan, sa loob ng zoo sila ay lubusang umaasa sa salaping ibinibigay ng mga tao at sa mahina, kadalasa’y mabuway, na mga sistema sa pulitika at ekonomiya. Kaya gaano kaligtas ang mga takas na ito mula sa ilang?
[Kahon sa pahina 3]
Natural ba ang Pagkalipol?
“Hindi ba bahagi ng natural na kaayusan ng mga bagay ang pagkalipol? Ang sagot ay hindi, sa paano man hindi sa antas na ito’y nangyari kamakailan lamang. Sa kalakhan ng nakalipas na 300 taon ang dami ng nalilipol na mga species ay halos isa sa bawat taon. Sa kasalukuyan ang dami ng nalilipol na mga species na pinangyari ng tao ay hindi kukulangin sa sanlibong ulit na kasindami niyan. . . . Ang dahilan ng mabilis na pagkalipol ay kagagawan ng tao.”—The New York Public Library Desk Reference.
“Ako’y nabighani sa marami, di-karaniwang naglahong mga kinapal, at nalungkot, madalas ay nagalit, sa kanilang pagkalipol. Sapagkat sa karamihan ng kaso ang kasakiman at kalupitan, kawalang-ingat o kawalang-malasakit ng Tao ang naging sanhi ng mga pagkalipol na ito.”—David Day, The Doomsday Book of Animals.
“Ang ginagawa ng tao ang nagpapangyari sa pagkalipol ng mga species bago pa man ito maitala.”—Biological Conservation.