Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/8 p. 16-18
  • Kilalanin ang Mahiwagang Snow Leopard

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kilalanin ang Mahiwagang Snow Leopard
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pusa na Nasa Matataas na Lugar ng Daigdig
  • Bakit Bihirang Makita ang mga Ito?
  • Ang Snow Leopard sa Helsinki
  • Ang Leopardo—Isang Malihim na Pusa
    Gumising!—1995
  • Leopardo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Niyebe
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isang Kumot ng Taglamig
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/8 p. 16-18

Kilalanin ang Mahiwagang Snow Leopard

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

KAKAUNTING hayop lamang ang mahiwaga na gaya ng snow leopard. Iilang tao pa lamang ang nakakita sa hayop na ito sa ilang, at talagang kakaunti lamang ang nalalaman kung paano nabubuhay ang mga hayop na ito.

Ang snow leopard ay isang kilalang atraksiyon sa Helsinki Zoo sa Finland. Ang kakatwang mga kilos ng pusa na ito​—na kinikilala ng marami bilang ang pinakamaganda sa lahat ng malalaking pusa​—ang nagpapangyari rito na maging isang kawili-wiling nilalang.

Ang Pusa na Nasa Matataas na Lugar ng Daigdig

Bagaman ito ay matatagpuan sa di-kukulangin sa 12 bansa mula Bhutan hanggang Russia, ang snow leopard ay karaniwan nang nauugnay sa Himalayas. Ang mga bundok na ito​—ang pinakamatataas sa buong daigdig​—ay may makapigil-hiningang kagandahan. Subalit ang mga ito ay hindi angkop na dako para sa mga tao. Oo, ang mga bundok ng Gitnang Asia ay kabilang sa pinakamalalamig at pinakabaku-bakong lugar sa daigdig.

Gayunman, ang snow leopard ay lubos na komportable sa lugar na may taas na 3,000 hanggang 4,500 metro. Ang makapal na balahibo nito ay naglalaan ng sapat na pananggalang laban sa lamig, samantalang ang malaking nasal cavity nito ang nagpapangyari sa hayop na makalanghap ng sapat na oksiheno sa hangin ng kabundukan na may kakaunting oksiheno. Ang malapad at mabalahibong pangalmot ng snow leopard ang nagpapangyari rito na kumilos nang mabilis at maliksi sa malawak na niyebe. Subalit kumusta naman ang baku-bakong kalupaan ng bundok? Hindi ito suliranin sapagkat gamit ang kaniyang mabalahibong buntot bilang timon, makatatalon ang snow leopard nang 15 metro mula sa isang dalisdis tungo sa kabila, anupat nalalampasan pa ang pagtalon ng isang abuhing kangaroo.

Karaniwan nang tumitimbang ang snow leopard nang mga 27 hanggang 45 kilo at may sukat na 60 sentimetro ang taas at 2 metro ang haba mula ilong hanggang buntot. Subalit ang talagang natatangi sa snow leopard ay ang likas na ugali nito. “Napakaamo nito,” sabi ni Leif Blomqvist, tagapangasiwa ng Helsinki Zoo. “Ang snow leopard ay madaling mapalapít sa mga tao, at tuwing umaga sa zoo, lumalapit ito upang batiin ang nag-aalaga sa kaniya.” Idinagdag pa ni Blomqvist na ang kaamuan ay napansin din sa maliliit na anak nito. “Hindi sila lumalaban kapag sila ay tinitimbang at iniiniksiyunan ng mga kawani ng zoo,” sabi pa niya. Subalit paano kung hahawakan mo ang iba pang uri ng leopardo na gayundin ang edad? “Halos imposibleng magawa ito,” ang sabi ni Blomqvist. “Kailangan mo ang pananggalang na damit at guwantes, yamang lubhang agresibo ang mga ito.”

Bakit Bihirang Makita ang mga Ito?

Ang pakikipaglaro ng taguan sa snow leopard ay magiging lubhang nakasisiphayo, sapagkat ang kulay puti at abuhing pusa na ito ay gaya ng hunyango na hindi madaling makita sa kalupaan ng bundok. Ang mabisang pagbabalatkayo nito ang isang dahilan kung bakit napakakaunti lamang na snow leopard ang nakikita sa ilang. Aba, may ilang mananaliksik na sumuong sa baku-bakong mga bundok upang pag-aralan ang mahiwagang pusa na ito subalit umuwing hindi man lamang nasulyapan kahit minsan ang hayop na ito!

Ang pagiging mapag-isa ng mga snow leopard ay isa pang dahilan kung bakit napakahirap hanapin ang mga ito. Karagdagan pa, ang kanilang mga teritoryo ay totoong malaki, yamang ang mga sinisila nito, na kadalasan ay tupang gubat o kambing, ay karaniwan nang madalang sa kabundukan. Nakalulungkot, ang mga ilegal na mangangaso​—na sakim sa balahibo ng snow leopard​—ay isa sa mga dahilan sa pag-unti ng populasyon ng hayop anupat sa ngayon ay kabilang na ang snow leopard sa nanganganib nang malipol na mga uri.a Lubos na sinisikap ng mga zoo na ingatan ang pambihirang hayop na ito.

Ang Snow Leopard sa Helsinki

Ang Helsinki Zoo ay totoong naging matagumpay sa pagpaparami ng mga snow leopard. Sa katunayan, noong 1976 ay binigyan ng atas ang pasilidad na ito na ingatan ang internasyonal na aklat-palahian ng mga snow leopard. Ang aklat-palahian ay isang kapaki-pakinabang na kasangkapan sa pangangasiwa sa populasyon ng snow leopard na nakakulong sa mga zoo.

Iniingatan ang katulad na mga aklat-palahian ng iba pang mga uri ng hayop na nasa mga zoo ngunit lalung-lalo na yaong sa mga nanganganib na uri. Ang isang aklat-palahian ay nagtatala ng mga detalye ng isang partikular na uri ng hayop na nakatira sa zoo. Pananagutan ng mga zoo na ipaalam sa tagapag-ingat ng aklat-palahian ang tungkol sa mga bagong silang na mga hayop gayundin ang mga paglipat at pagkamatay ng mga hayop. Ang mga aklat-palahian ay ginagamit upang piliin ang angkop na kapareha sa pagpaparami ng mga hayop sa zoo. “Dahil sa kakaunti ang gayong mga hayop, madaling mangyari ang paghina ng kalidad ng lahi at madaling maganap ang pagpaparami sa loob ng iisang uri,” ang paliwanag ni Blomqvist.

Mahigit sa sandaang bagong silang na snow leopard ang ipinanganak na sa Helsinki Zoo pa lamang, at ang karamihan sa mga ito ay ipinadala na sa mga zoo sa ibang mga bansa. Upang tiyakin ang pagkakasari-sari sa populasyon ng mga ito, ang mga nakakulong na snow leopard ay madalas na inililipat-lipat sa iba’t ibang zoo. Marami na ngayon ang populasyon ng nakakulong na mga snow leopard kaya hindi na kailangan pang hulihin yaong mga nasa ilang.

Maraming zoo, kabilang na ang isa sa Helsinki, ang nakatutulong sa pangangalaga ng buhay-ilang sa pamamagitan ng pagsisikap na maingatan ang populasyon ng mga hayop na malusog sa henetikong paraan. Sabihin pa, pinangyayari rin ng mga zoo na buong-pagkabighaning masulyapan ng mga panauhin ang natatanging mga hayop na ito. Tunay, ang snow leopard ay nagdudulot ng namamalaging impresyon at karangalan sa Maylalang, na siyang ‘gumawang maganda sa lahat ng bagay.’​—Eclesiastes 3:11.

[Talababa]

a Mahirap matiyak kung gaano pa karaming snow leopard ang natitira.

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Pahina 16: Gitna: ©Aaron Ferster, Photo Researchers; pahina 17: Kanan sa itaas: © Korkeasaaren Eläintarha/Markku Bussman; ibaba: ©T. Kitchin/V. Hurst, Photo Researchers

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Chuck Dresner/Saint Louis Zoo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share