Ang Leopardo—Isang Malihim na Pusa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
ANG araw ay lumulubog. Ginugol namin ang aming araw sa panonood at paglilitrato sa kagila-gilalas na buhay-iláng sa Masai Mara Game Reserve sa Kenya. Bago magpahinga sa gabi sa toldang mga tirahan sa loob ng game reserve, naranasan namin ang isa pang kapana-panabik na pagtatanghal. Ang entablado ay inihahanda para sa pagtatanghal na ito nang isa sa mga kawani ng tirahan ay lumakad-lakad sa isang tulay na yari sa lubid sa Ilog Talek, isang pigi ng karne ng kambing ang nakasakbat sa kaniyang balikat. Itinali niya ang karne sa isang nagsangang sanga sa itaas ng isang puno ng acacia.
Habang ang mga kulay ng sandaling tropikal na takipsilim ay naglaho sa kadiliman, isang malaking lalaking leopardo ang tahimik na umakyat sa puno at nagsimulang hatakin at gutayin ang karne. Siya’y inilawan ng mga spotlight mula sa panoorang terasa. Gayunman, buhos na buhos sa kaniyang pagkain, hindi kami pinansin ng leopardo habang kami’y nagmamasid taglay ang pagkasindak at paghanga. Kami’y sinabihan nang maglaon na ang kaniyang pagdalaw sa puno na may pain ay isang kaugalian tuwing gabi, isa na ginagawa niya sa loob ng anim na taon. Kaya nang sumunod na gabi ay napanood namin ang isang muling pagtatanghal!
Talagang mapahahalagahan natin kung bakit ang leopardo ay inilarawan bilang “ang pinakasakdal sa malalaking pusa, maganda sa hitsura at maganda sa pagkilos nito.” Tumitimbang ng 60 kilo o higit pa, ang leopardo ay isa sa nagtataglay ng pinakamalakas na kalamnan sa mga hayop, sumusukat ng katamtamang mahigit na animnapung centimetro ang taas mula sa balikat at dalawang daang centimetro mula sa ilong hanggang sa dulo ng buntot nito. Minamasdang mabuti ang likas nitong batik-batik na itim na nakaayos sa mga grupo sa kayumangging balat nito, nagunita namin ang tanong na minsa’y itinanong ni propeta Jeremias: “Mababago ba ng isang Cushita ang kaniyang balat? o ng leopardo ang kaniyang batik?”—Jeremias 13:23.
Lalo nang kapansin-pansin ang kaniyang nagliliwanag na berdeng mata. Ito’y nasasangkapan ng isang pantanging suson ng mga selula—ang tapetum—na nagbibigay sa kaniya na katangi-tanging paningin sa gabi. Ang leopardo ay maaaring makakita kahit sa ikaanim na bahagi lamang ng liwanag na kinakailangan ng mata ng tao. Ang suson na ito ng selula, na nagpapabanaag ng liwanag pabalik sa pamamagitan ng retina, ay lumilikha ng nagniningning na epekto na nakikita kapag isang sinag ng liwanag ay tumatama sa mga mata niya sa gabi.
Kung mamasdan mo ang leopardo na namamahinga sa araw, mapapansin mo na siya’y humihingal na para bang nasa bingit na ng pagkahapo. Gayunman, ang kaniyang mabilis na paghinga ay bahagi ng isang mahusay na sistema ng pagpapalamig. Sa pamamagitan ng kaniyang paghingal nang hanggang 150 beses sa isang minuto, ang halumigmig ay maaaring sumingaw mula sa kaniyang dila, bibig, at mga daanan sa ilong.
Ang pinakamahusay makibagay sa malalaking pusa, ang mga leopardo ay maaaring masumpungan sa mga disyerto at mga kagubatan; sa mga kabundukan at sa antas ng dagat; sa iba’t ibang bansa na gaya ng Tsina, India, at Kenya. Sa kabila ng panghihimasok ng tao sa karamihan ng mga tirahan ng leopardo, tinataya ng mga siyentipiko na may halos isang milyon sa Aprika at Asia lamang. Magkagayon man, sa loob ng mga dantaon ay naiwasan ng leopardo ang seryosong siyentipikong pag-aaral. Kuning halimbawa ang leopardo sa Sinai. Muling natuklasan kamakailan lamang sa iláng ng Judea, ang leopardong iyon ay malaon nang itinuring na lipól na!
Ang Mapag-isang Pusa
Paano naiiwasan ng leopardo na makita ng tao? Ginagawa niya ito sa pagiging pangunahin nang isang panggabing hayop—at isa pa ito’y isang tahimik at malihim na hayop. Sa mga lugar kung saan ang tao ay nagiging isang banta, ang leopardo ay maingat na nananahimik. Kapag siya ay ginalit lamang saka niya ilalabas ang nagbababalang tulad-leong mga ungol at pag-ubo. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ang kaniyang pag-ungol ay hindi nakatatakot: isang magaralgal na tunog—tulad ng tunog ng isang lagareng pumuputol ng kahoy. Ayon sa aklat na Animals of East Africa, ni C. T. Astley Maberly, ito’y tulad ng “Grunt-ha! Grunt-ha! Grunt-ha! Grunt-ha!—karaniwang nagwawakas sa isang magaralgal na pagbubuntunghininga.” Kasuwato ng kaniyang hilig na magtago, ang leopardo ay naglalabas din ng sari-saring mahihinang tunog, karamihan nito’y hindi naririnig ng mga tao.
Isa pa, di-gaya ng palakaibigang leon, ang leopardo ay hindi isang palakaibigang pusa. Bagaman mga pares ang makikita sa pana-panahon, ang mga leopardo ay mapag-isang mga mangangaso. Upang bawasan ang di-inaasahan o masamang mga pagtatagpo, tinatakdaan ng leopardo ang mga hangganan ng personal na teritoryo na maaaring sumaklaw ng mula 25 hanggang 65 kilometro kudrado. Siya’y nag-iisprey ng isang amoy mula sa pantanging mga glandula upang itakda ang mga hangganan ng kaniyang tirahan. Maaaring ipabatid ng natatanging amoy na nagtatakda sa kaniyang teritoryo sa ibang leopardo ang sekso, edad, seksuwal na katayuan, at malamang pati na kung sino ang “may-ari.”
Ang pangangaso ay ginagawa sa pamamagitan ng katangian ng leopardo na pagiging tahimik at malihim. Noong panahon ng Bibliya siya ay nakilala na naghihintay sa kalapit na mga bayan, handang sunggaban ang maaamong hayop na may kabilisan. (Jeremias 5:6; Oseas 13:7; Habacuc 1:8) Upang ingatan ang kaniyang huli mula sa mga hayop na kumakain ng patay na hayop, gaya ng mga hyena at mga jackal, itinatabi niya ang mas malalaki niyang huli sa sanga ng isang puno mga 9 o 12 metro sa ibabaw ng lupa. Subalit paano niya nahihila ang bangkay ng isang antelope o ng isang isa-at-kalahating-metro-ang-taas na batang giraffe sa gayong taas? Hindi ito isang lihim na agad na inihahayag ng leopardo. Subalit sinasabi ng matiyagang mga nagmamasid na ito ay nagagawa dahil sa pisikal na lakas nito. Pinipili ng mga leopardo na kumain nang dahan-dahan, ang mga katawan ay may katamarang nakabitin sa mga sanga ng puno, at sa ganap na pagkamalihim, ikinukubli ng mga sanga at mga dahon.
Kapag hindi hinahamon, ang mga leopardo ay tila ba mahiyain at kimî at umiiwas sa pakikipagtagpo sa tao. Kaya bagaman naiwala ng ilang leopardo ang kanilang takot sa mga tao at naging mga mangangain-ng-tao, ang karamihan ay hindi banta sa mga tao. Gayunman, kapag nasaktan o nasukol, ang leopardo ay walang takot anupaman ang kaniyang kaaway. “Ang isang galit na leopardo,” sulat ni Jonathan Scott sa The Leopard’s Tale, “ang mismong larawan ng kabangisan, . . . nagagawang ituon ang lahat ng lakas nito sa maikling distansiyang pagsalakay na simbilis ng kidlat.”
Mga Inang Leopardo
Hindi kataka-taka, kung gayon, na inaaruga ng mga leopardo ang mga anak nila sa katulad na pagkamalihim. Ang bagong silang na mga leopardo ay itinatago, kadalasan sa isang kuweba, sa unang dalawang buwan ng buhay. Bagaman ang ama ay hindi nakikibahagi sa pag-aaruga sa mga batang leopardo, ang ina ay nagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa mga ito sa pamamagitan ng pagpapakain at paglilinis sa mga ito at pagpapainit sa kanila. Sa dakong huli, maaaring ilipat ng ina ang kaniyang mga anak na dalawa o tatlong batang leopardo sa isang bagong tahanan, dinadala sila sa kaniyang bibig kung sila’y maliliit pa o basta tinatawag sila na sumunod sa kaniya kapag sila’y mas malaki na.
Sinisikap rin ng isang inang leopardo na ingatan ang kaniyang mga anak mula sa paningin ng mga kaaway, gaya ng mga baboon. Ngunit kapag sinalakay ng mga baboon ang kaniyang mga anak, sasalakayin niya ang mga ito, isinasapanganib ang kaniyang sarili upang bigyan ang kaniyang mga anak ng pagkakataon na tumakas tungo sa kaligtasan. Sinusuong din niya ang nakatatakot na mga panganib upang pakanin ang kaniyang mga anak. Ang normal na kiming pusa ay lalakad sa isang kawan ng nagtutrumpetang mga elepante upang dalhin ang karne sa kaniyang gutom na mga anak.
Kapansin-pansin, hindi ipinamamalas ng mga batang leopardo ang kanilang independiyenteng espiritu sa loob ng ilang panahon. Ang mga anak ng leopardo ay naaawat sa loob halos ng anim na buwan subalit hindi sila pumapatay ng kanilang biktima hanggang sila’y isang taóng gulang. Ang mga lalaki ay hindi nagiging mapag-isang mga adulto hanggang sila ay halos dalawa at kalahating taóng gulang. Ang mga batang leopardo na babae ay maaaring patuloy na makisama sa tahanang teritoryo ng kanilang ina bilang mga adulto.
Ang Leopardo—Payapa sa Wakas?
Ngunit ang masarap kargahing mga kuting na iyon ay lumalaking mga mamamatay-tao. Kaya maaaring mahirap paniwalaan ang mga salita ng propetang si Isaias na magkatotoo: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing.”—Isaias 11:6.
Ang mga pagsisikap kamakailan na paamuin ang mga leopardo ay nagkaroon lamang ng kaunting tagumpay. Si Sieuwke Bisleti van der Laan at ang kaniyang asawang lalaki ay nagpalaki ng mga anak ng leopardo sa kanilang bukid sa Aprika. Tuwang-tuwa ang mga batang leopardo sa “ganap na kalayaan” at madalas na pinaglalaanan ng pagkain. Subalit sila ay hindi kailanman talagang napaamo. Ganito ang sulat ni Sieuwke Bisleti: “Minsang ganap na lumaki ang isang leopardo, itinataguyod nito ang isang independiyenteng buhay. Ang isang leon ay laging magmamahal at susunod sa iyo; ang isang leopardo ay laging kikilala sa iyo subalit nagpapasiya para sa kaniyang sarili kung paano siya kikilos sa anumang sandali.”
Sa wakas waring mapanganib na payagan ang malalaking anak ng leopardo na patuloy na malayang gumala-gala sa bukid. Ang pasiya ay ginawa upang ibalik sila sa iláng. Napalayaw ba ang batang mga leopardo dahil sa sila’y pinalaki sa gitna ng palakaibigang mga tao? Hinding-hindi. Sa loob ng tatlong araw ng kanilang paglaya, ang lalaking leopardo ay nakitang nakaupo sa tabi ng isang waterbuck na napatay niya.
Gayunpaman, ang gayong limitadong tagumpay sa pagpapaamo ng mga leopardo ay hindi nagpapawalang-bisa sa kinasihang hula ni Isaias tungkol sa kapayapaan sa pagitan ng leopardo at ng kambing. Ang nakagugulat na pangyayaring ito ay magaganap, hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos. Gayunman, higit pa ang gagawin ng pamamahala ng Diyos kaysa pagdadala lamang ng kapayapaan sa kaharian ng mga hayop. “Ang lupa ay tiyak na mapupunô ng kaalaman ni Jehova,” hula ni Isaias. (Isaias 11:1-9) Samakatuwid itatakwil kahit ng mga tao ang makahayop na gawi na pinagmulan ng digmaan at pagkakabaha-bahagi. Kasabay nito, ang saloobin ng tao sa daigdig ng mga hayop ay magbabago rin. Hindi na magiging biktima ng walang patumanggang pagpatay ang anumang mga hayop. Ni sisirain man ng tao ang kanilang tirahan o isasapanganib man ang kanilang pag-iral, sapagkat ‘dadalhin [ni Jehova] sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.