Ang Clownfish at ang Anemone
Ang tulungang-buhay (symbiosis) ay nangangahulugan ng “pamumuhay na magkasama.” Kapag ang magkapareha ay kapuwa nakikinabang, ang paraang ito ay tinatawag ding mutualism. Ganiyan ang kaugnayan sa pagitan ni Mr. Clownfish at Mr. Carpet Anemone.
Paano gumagana ang kaugnayan?
Ang mga galamay ng anemone ay natatakpan ng nandudurong mga selula. Kapag ang mga maninila ay naaakit na pumasok sa paghabol sa papaga-pagaspas na clownfish, sila ay naduduro, namamatay, at kinakain ng anemone. Ang clownfish, naman, ay kumakain sa tira-tirang pagkain mula sa anemone—kadalasa’y kinukuha ito mula sa bibig ng anemone.
Subalit bakit hindi naduduro at kinakain ang clownfish ng maybisita nito, lalo na kapag kinukuha ng isda ang pagkain mula sa bibig ng maybisita nito?
Natuklasan ng mga siyentipiko na ang imyunidad ng clownfish ay hindi dahilan sa kinikilala ng carpet anemone ang paglilingkod ng tumitira rito. Bagkus, isang pagbabago sa malauhog na takip ng isda ang humahadlang sa paglalabas ng nakalalasong dumudurong mga selula ng anemone. Si Mr. Anemone ay nakikinabang sa kaugnayan, subalit si Mr. Clownfish ang siyang kumukontrol sa pagpapalakad.