Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 8/22 p. 23-25
  • Bakit Kailangang Maging Lubhang Maayos ang Aking mga Gamit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Kailangang Maging Lubhang Maayos ang Aking mga Gamit?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagiging Maayos Laban sa Pagiging Magulo
  • Ilang Pakinabang ng Pagiging Maayos
  • Ano ang Dapat Gawin sa Silid na Iyon?
  • Mga Kabataan​—Tanawin ang Inyong Kinabukasan
  • Bakit ang Higpit sa Bahay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Ang Kalinisan ay Nagpaparangal sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Siniyasat ng Isang Abogado ang mga Saksi ni Jehova
    Gumising!—2010
  • Pagpapalaki ng mga Anak sa Buong Daigdig—Pangangalaga sa mga Anak na Taglay ang Pag-ibig, Disiplina, Halimbawa, at Espirituwal na mga Pamantayan
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 8/22 p. 23-25

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Kailangang Maging Lubhang Maayos ang Aking mga Gamit?

“Ito na ang kahuli-hulihang pagkakataon na sasabihin ko sa iyo. Ayusin mo ang iyong silid!”

PAMILYAR ba iyan sa iyo? Maaaring maging pamilyar iyan sa iyo, yamang iilan sa atin ang may likas na hilig sa kaayusan.

Gayunman, ang gayong kahilingan ay maaaring magtinging di-makatuwiran sa iyo. Baka gusto mong ang iyong silid ay medyo magulo. Isa pa, yamang napakaraming tuntunin sa iba pa sa bahay, kailangan din bang magkaroon ng mga tuntunin tungkol sa paraan ng pag-aayos mo sa iyong silid? Maaaring akalain mo pa nga na sapagkat ikaw ay hindi umiinom o gumagamit ng droga gaya ng ibang kabataan, ang kaunting pagkakamali na gaya ng pagiging hindi maayos ay hindi naman malaking bagay. At hindi ba totoo na may mga kaibigan ka na mas masahol pa nga ang mga kuwarto? Kung gayon, bakit gayon na lamang ang pagkabahala ng mga magulang tungkol sa pagiging maayos? May makatuwirang dahilan ba sila sa paggawa ng gayon?

Pagiging Maayos Laban sa Pagiging Magulo

Maaaring ninanais mong sundin ng iyong mga magulang ang payo ng isang propesor sa saykayatri na nagsabi sa mga magulang: “Ang inyong pinakamabuting gawin ay basta isara ang pinto ng nakapagpapagalit na silid.” Gayunman, kinikilala ng iba na ang mga magulang ay may mabubuting dahilan sa paghiling ng kaayusan. Ang saykayatris na si Paul Adams ay sinipi sa Ladies’ Home Journal na nagsasabi: “Mabuting sabihin sa isang bata na ang kaniyang silid ay kailangang maging maayos. Ipaliwanag ang mga restriksiyon. Sabihin mo na kung hindi niya pananatilihing maayos ang kaniyang kuwarto ay aalisin mo ang ilang pribilehiyo.”

Kung iisipin mo ang tungkol dito, ang iyong mga magulang ay may karapatang maglagay ng mga tuntunin kahit na sa iyong silid, hindi ba? Gumugol sila ng maraming panahon at salapi upang magkaroon ka ng iyong sariling silid, at malamang na sila rin ang naglagay ng mga gamit dito. Kaya may katuwiran silang magtakda ng mga tuntunin kung tungkol sa pangangalaga rito. Masusumpungan mong kapaki-pakinabang ang pagsunod sa mga ito.

Binanggit ni Henry W. Longfellow, sa kaniyang tulang The Builders, ang kasabihang, “Each thing in its place is best” (Ang bawat bagay sa kani-kaniyang dako ang pinakamabuti). Maliwanag na inaakala ng iyong mga magulang na ito ay totoo, yamang may mga pakinabang sa paglalagay ng “bawat bagay sa kani-kaniyang dako.” Ano ang ilan sa mga ito?

Ilang Pakinabang ng Pagiging Maayos

Isang malinaw na pakinabang ay na mas madaling hanapin ang mga bagay-bagay. Ang isang hindi maayos na tao ay maaaring mag-aksaya ng maraming panahon sa paghahanap ng mga susi, suklay, o panyo, huwag nang sabihin pa ang tungkol sa kabilang pares ng sapatos na nasipa sa ilalim ng kama. Gayundin, ang mga damit ay nananatiling mas malinis at hindi gusot, sa gayo’y nagtatagal kapag maayos ang pagkakahanger. At, wala ring panganib na matalisod ka sa pantalon o sapatos na nakalagay sa kani-kaniyang dako. Mahalaga ito kapag kasama mo sa isang silid ang isang kapatid na lalaki o babae.

Higit sa lahat, kung gagawin ng bawat membro ng pamilya ang kaniyang bahagi, iniingatang maayos at malinis ang kaniyang silid, binabawasan nito ang pasanin ng iba at sa gayo’y nakatutulong sa isang mas maligayang pamilya. Sa bagay na ito ganito ang sulat ng 14-anyos na si Carolyn: “Napakaraming trabahong ginagawa ni nanay sa bahay. . . . Mayroong anim na mga bata bukod sa akin at walang isa man sa kanila ang nag-aayos ng kanilang mga ikinalat kaya ang nanay ko pa ang gagawa nito at may diperensiya ang kaniyang likod.” Kung ang pitong mga anak na iyon ay pananatilihin ang “bawat bagay sa kani-kaniyang dako,” tiyak na pagagaanin nito ang pasan ng kanilang ina, hindi ba?

Isa pang pakinabang ay na kung iniingatan mong maayos ang iyo mismong silid, malamang na gayundin ang gawin mo sa ibang lugar. Ang ugaling ito ng pagiging maayos ay makikita rin sa paraan ng pangangalaga mo sa kotse ng pamilya at iba pang pag-aari at malamang na magpatuloy hanggang sa pagtanda mo. Balang araw kapag ikaw ay nagtatrabaho na, ang pagiging maayos ay maaaring magpaganda ng iyong mga pagkakataon na umasenso​—isang kapaki-pakinabang na hinaharap, hindi ba?

Na praktikal ang sumunod sa tuntunin ng iyong mga magulang ay pinatutunayan din ng sumusunod: Karamihan ng mga kabataan ay sabik na sabik magmaneho ng kotse. Subalit kailan sila dapat magsimula? Hindi karaka-raka kapag sila ay tumuntong na sa hustong gulang na kahilingan ng batas. Ganito ang sabi nina Dr. J. E. Schowalter at W. R. Anyan, Jr., sa The Family Handbook of Adolescence: “Kapag ang tin-edyer ay maaari nang maasahan na sumunod sa mga tuntunin at totoong maaasahan, malamang na ang mga katangian ding ito ay susupil sa kaniyang paggawi samantalang nagmamaneho.” (Amin ang italiko.) Inaakala mo ba, kung gayon, na kapaki-pakinabang na sanayin ang iyong sarili na maging maaasahan at mapagkakatiwalaan at sundin ang mga tuntunin kahit na man lamang ang pangangalaga sa iyong silid? Ang Bibliya ay nagsasabing: “Ang taong tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami.”​—Lucas 16:10.

Gayunman, para sa kabataang Kristiyano ang pangunahing dahilan sa pagiging maayos at malinis ay ibinigay ni apostol Pablo, na sumulat: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Isinulat din niya: “Kayo’y magsitulad sa Diyos, na gaya ng mga anak na minamahal.”​—1 Corinto 14:33; Efeso 5:1.

Ang kaayusang ito sa bahagi ng Diyos ay nakikita sa kaayusan na ginawa niya sa tabernakulo, o tolda, ng pagsamba ng bansang Israel. Tanging ang mga membro lamang ng makasaserdoteng mga pamilya (ang mga Levita) ang pinahihintulutan sa loob ng tabernakulo. Higit pa riyan, ipinasulat ni Jehova kay Moises kung ano ang mismong bagay na ilalagay sa loob ng tabernakulo, at ibinigay Niya ang detalyadong mga instruksiyon sa kung ano ang gagawin dito ng mga saserdote at ng mga Levita. (Exodo 40) Sa ganitong paraan, mailalarawan ng Israelitang hindi Levita ang lahat ng ginagawa sa loob ng tabernakulo may kaugnayan sa kanilang pagsamba kay Jehova. Tiyak na ipadarama nito sa kanila na sila’y bahagi ng mga nagaganap doon at ipinadarama nito na sila’y kasali roon. Sa palagay mo kaya hindi ba sila ay nagpapasalamat na si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan?

Ano ang Dapat Gawin sa Silid na Iyon?

Paano, kung gayon, magagawa mong ayusin ang iyong silid? Gaya ng nabanggit kanina, ang iyong mga magulang ay baka may mga espisipikong kahilingan na. Subalit marami kang magagawa sa iyong sariling pagkukusa. Simulan mo sa mga bagay na nakikita: Ihanger mo ang anumang damit na nagkalat sa paligid. Iingatan na maayos ng mga hanger ng damit ang mga kamisadentro, blusa, at mga damit. Malaki ang nagagawa ng mga lalagyan ng sapatos (o plastik na bag) sa paglalagay sa mga sapatos sa kanilang dako, pinagaganda ang hitsura ng aparador. Kumusta naman ang maruruming damit? Sa halip na basta ihagis ang mga ito sa isang sulok, bakit hindi magkaroon ng isang rupero o kahit na man lamang isang bag para sa layuning iyan? Pagkatapos, ang kama. Ang ilang minuto sa isang araw ay gagawa ng kaibahan sa pagitan ng isang magulong-tingnang kama at isang maayos na kama. Bakit hindi piliin ang isang maayos na kama?

Ngayon naman ang mga bagay na hindi gaanong halata o kita. Piliin ang isang aparador sa kuwarto sa isang panahon at ayusin ito, itapon ang anumang walang-silbing bagay at itago ang iba. Baka naisin mong maglagay sa aparador ng ilang maliliit na kahon o malinaw na mga bag ng plastik, ginagamit ang isa para sa iyong mga damit na panloob, ang isa pa ay para sa mga medyas, at iba pa. Sa sandaling panahon ang iyong silid ay magkakaroon ng isang lubhang kakaibang ayos, at maipagmamalaki mo ito.

Mga Kabataan​—Tanawin ang Inyong Kinabukasan

Sulit ba ang napakaraming panahon at pagsisikap upang matutong maging maayos? Nagugunita pa ni Carol, na nasa mga edad 20’s ang pagpupunyagi niya. Kapag nasumpungan ng kaniyang ina ang silid ni Carol na hindi nakatutugon sa pamantayan (halimbawa, kung ang mga medyas at mga panloob na kasuotan ay hindi maayos ang pagkakatiklop sa aparador), itatapon niya ang lahat ng laman ng aparador sa sahig at ipasasauli nang maayos ang lahat ng ito kay Carol. O, bilang parusa, si Carol ay maaaring hindi palabasin ng bahay sa dulo ng sanlinggo.

Ginugunita ang mga bagay, inaakala ba ni Carol na ang kaniyang ina ay hindi makatuwiran? “Hindi, marami akong natutuhan mula rito. Ngayon ay marunong akong magplantsa ng aking mga damit at kung paano ko iingatang maayos at malinis ang mga bagay-bagay. Marahil ay hindi ayon sa mga pamantayan ni Inay, subalit sa paano man ay maaari kong iwang bukás ang pinto ng aking kuwarto.”

Kung si Carol ay magkaroon ng kaniyang sariling mga anak sa hinaharap, ano ang ituturo niya sa kanila tungkol sa pagiging maayos? Sabi niya: “Sa palagay ko’y hindi ko titingnan ang kanilang mga aparador, subalit kung ang kanilang silid ay mukhang maayos, OK na ito.” Nang tanungin kung anong payo ang maibibigay niya para sa mga kabataan, si Carol ay sumagot: “Sundin ang mga pamantayan ng inyong mga magulang tungkol sa pagiging maayos. Sa dakong huli ito ay makauugalian na ninyo.”

Sinasabi na ang tao ay isang nilikha ng mga pag-uugali. Ang ilan sa mga pag-uugaling ito ay kapaki-pakinabang, ang iba ay hindi. Kaya, si Elbert Hubbard ay may katalinuhang sumulat: “Linangin lamang ang mga pag-uugaling handa kang sumupil sa iyo.”

Aling ugali ang nais mong sumupil sa iyo​—yaong sa pagiging maayos o yaong sa pagiging magulo? Habang pinag-iisipan mo ito, isaisip ang mga pakinabang ng pag-uugali na pagiging maayos: Ito’y may saligan sa Kasulatan, nakapagtitipid ng panahon at salapi, nililinang ang paggalang-sa-sarili, nililinang nito ang paggalang sa iyo ng iba. At gaya ng pagkakasabi ng kabataang si Carolyn: “Talagang kailangan ng aking inay ang aking tulong, at pinahahalagahan niya nang labis kung ako ay nakakatulong.”

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Alin ang gugustuhin mo: ito . . . o ito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share