Pagmamasid sa Daigdig
Pangkaraniwang Digmaan—Nuklear na Banta?
Kahit na ang isang pangkaraniwang digmaan na ipakikipagbaka sa Europa ay “magkakalat ng radyoaktibidad sa malawak na mga dako at magpapangyaring ang malalawak na sukat ng lupa ay manatiling hindi maaaring tirhan sa loob ng mga salinlahi,” sabi ng magasing New Scientist. Ang dahilan, sang-ayon sa isang report ng School of Peace Studies ng Bradford University, ay na ang mga pagsalakay ay hindi maiiwasang magsasangkot sa mga plantang nuklear. “Ang Alemanya lamang ay mayroong mga 30 nuklear na mga reactor, ang Britaniya ay mayroong 38 at ang Europa sa kabuuan ay mayroong [mahigit] 120,” sabi ng report. “Marami pang reactor ang pinaplano. Ang mga istasyong ito ay masasalakay.” Sang-ayon sa pag-aaral, isang pagsalakay sa Pederal na Republika ng Alemanya lamang ay magbubunga ng isang “dosenang mga Chernobyl” samantalang tinitira at winawasak ng mga bomba ang nuklear na mga reactor.
Komplikasyon sa AIDS
Ang pag-iral ng isang bagong virus ng AIDS na maaari ring pagmulan ng sakit ay pinatunayan ng mga mananaliksik mula sa Pasteur Institute sa Paris. Sa isang report, na inilathala sa The New England Journal of Medicine, sabi nila: “Lumalabas na maliwanag na ang HIV-2, isang virus na nauugnay subalit kakaiba sa HIV-1, ang sanhi ng AIDS sa ilang mga taga-Kanlurang Aprika at na posibleng magkaroon ng isang bagong epidemya ng AIDS.” Dati’y doon lamang sa Kanlurang Aprika, iniulat na mayroon na ring virus na ito sa Britaniya, Pransiya, Pederal na Republika ng Alemanya, at Brazil. Yamang ang dalawang virus ay genetikong magkaiba, ang pamantayang mga pagsubok na sumusuri ng AIDS sa dugo ay malamang na hindi makita ang virus ng HIV-2. Ikinatatakot na ang kaibahan sa pagitan ng dalawa ay lalo pang pahihirapin ang mga pagsisikap na humanap ng isang mabisang bakuna laban sa sakit.
Matatalinong Ibon
Kilala sa kakatuwang mga pugad nito at sa kahusayan nitong makibagay, ang yellow-throated spinetail ng Brazil ay may talino sa pagbigo sa mga maninila nito—tao man o hayop. Ang ibon ay karaniwang gumagawa ng hanggang limang pugad sa tinitirhan nitong punungkahoy—isa na paninirahan at ang iba’y bilang pangatî o decoy. Ang magulong-tingnang mga pugad ay karaniwang ginagawa na may ilang mga pasukan—ang iba ay huwad—sa itaas, sa ilalim, o sa mga tabi. Ang mga piraso ng iwinaksing balat ng ahas ay maaaring isama sa paggawa ng pugad sa pagsisikap na panghinain-loob ang mga manghihimasok. Ang ornitologong taga-Brazil na si Flávio Crispi Araújo ay nag-uulat na samantalang dumarami ang mga maninila ng ibon, dumarami rin ang mga pugad na pangatî. Ang ibon ay napansin kamakailan na gumagawa ng kasindami ng 12 mga pugad sa isang punungkahoy!
Parang Tunay na Tunay
Sinasabi ng mga kritiko na ang baril na Lazer Tag, na may kakayahang tamaan ang isang target na ginagamit ang isang sinag ng infrared na liwanag, ay marahil idinisenyo na parang tunay na tunay. Ang laruang baril na ito ay napatunayang nakamamatay sa isang 19-anyos. Samantalang naglalaro ng barilan isang gabi na kasama ng kaniyang tatlong mga kabataang kaibigan, pinaputok ni Leonard Falcon ang kaniyang baril na plastik sa isang tao na inaakala niyang isang kabataan. Sa halip ito pala ay isang opisyal ng pulis na tinawagang pumaroon sa lugar na iyon upang imbestigahan ang isang report tungkol sa mga gumagala-gala na may mga baril. Sa kadiliman, napagkamalan ng pulis ang liwanag mula sa baril na laser ng batang lalaki na tunay na putok ng baril at, karaka-raka, nagpaputok ng dalawang de-sabog, na pumatay sa binata. Nababahala na ang iba ay baka umani rin ng kahawig na mga resulta sa paggamit ng parang tunay na tunay na laruang lazer, ang ama ng batang lalaki ay nagsabi: “Mayroong dapat gawin upang babalaan ang mga tao.”
Mahusay Makipagtalastasan
Sa isang liham na inilathala sa labas kamakailan ng Life and Work, isang publikasyon ng Church of Scotland, pinuri ni Russel Moffat, isa sa ministro ng simbahan, Ang Bantayan at gayundin ang Gumising! Nagkukomento tungkol sa pagdami ng mga Saksi ni Jehova, sinabi ni Moffat na ang tagumpay ng mga Saksi ay dahilan, sa bahagi, sa “kalidad ng kanilang literatura.” Ipinaliwanag niya ang tungkol sa Ang Bantayan at gayundin ang Gumising! na ang bawat isa “ay kaakit-akit na inihaharap (may kulay na mga larawan), naglalaman ng mga artikulo tungkol sa mga paksang nakababahala at kawili-wili, naninindigang matatag sa moral na mga isyu, nagbibigay ng malinaw at maliwanag na turo at payo, (halimbawa, ang isang labas kamakailan ng magasing Bantayan ay may artikulo tungkol sa ‘Mga Babae sa Lugar ng Trabaho’ na may kinalaman sa problema ng seksuwal na panliligalig at nagbibigay ng praktikal na payo sa mga babaing Kristiyano) at mahalaga sa lahat, inihaharap nito ang paniniwala ng sekta sa isang payak, madaling maunawaan, salig sa Bibliyang paraan. Sa maikli,” sabi pa niya, “mahusay silang makipagtalastasan.”
Mas Nagugustuhang Bagay
Sa loob ng 15 taon ang Stanford Court Hotel sa San Francisco, California, ay may mga Bibliya sa bawat isa sa 402 mga silid nito. Pagkatapos iminungkahi na maglagay rin sila ng mga diksiyunaryo sa mga silid. Mga $7,000 ang ginugol sa proyekto. Bagaman walang Bibliya ang nawala, noong lamang unang buwan, 41 mga diksiyunaryo ang ninakaw.
Mga Ladrilyo Mula sa Basura
Para sa maraming lunsod sa industriyal na mga bansa, ang pagtatapon ng basura ay isang lumalaking problema. Ang Shanghai, ang pinakamataong lunsod ng Tsina, ay hindi naiiba. Araw-araw, 10,000 tonelada o mahigit pa ng mga basura ang dapat itapon, marami rito ang kinukuha at ginagawan ng paraan ng isang planta na pinaaandar ng lunsod. Ang ilan sa mga basurang ginawan ng paraan ay ginagamit para sa abono at panambak. Gayundin, ang magasing China Reconstructs ay nag-uulat na nasumpungan ng mga Intsik na sa paghahalo ng abo, bato, at mga piraso ng ladrilyo kasama ng ginawan ng paraan na basura, sila ay makagagawa ng mga ladrilyong magagamit sa konstruksiyon. Nitong nakalipas na mga taon, ilang milyong mga ladrilyo ang sinasabing nagawa. Ang mga ladrilyo ay mabiling-mabili dahilan sa kasalukuyang malakas na negosyo ng lokal na konstruksiyon.
Namumuhay Ayon sa Kanilang Pag-aangkin
Ang mga vegetarian (taong kumakain lamang ng gulay) ba ay nabubuhay nang mas mahaba? Waring gayon nga, sabi ng German Cancer Research Centre sa Heidelberg. Pagkaraang pag-aralan ang isang pangkat ng 1,904 na mga vegetarian sa loob ng limang taon, napansin ng ahensiyang ito na 36 lamang ang namatay dahil sa sakit sa puso—isang bilang ng mga namatay na 80 porsiyentong mas mababa kaysa katamtamang bilang sa Pederal na Republika ng Alemanya. Bihira rin ang mga kamatayan dahil sa kanser sa suso, sa prostate, at bituka. “Ang bilang lamang ng mga namatay dahil sa kanser sa sikmura ang halos kapantay ng pambansang katamtamang bilang,” sabi ng Asiaweek, “bagaman yaong mga namatay sa grupo dahil dito ay mga edad otsenta na.” Ang pag-aaral ay magpapatuloy pa ng limang taon “upang magkaroon ng mas malawak na mga resulta.”
Mga Kaláng Luad
Ang mga pagsisikap na iligtas ang umuunting mga kagubatan ng daigdig ay nagpangyari sa mga mananaliksik sa Ethiopia na gumawa ng isang kalan na matipid-sa-enerhiya at gatong na kahoy. Sang-ayon sa The New York Times, nakapagdisenyo sila ng isang kalan na yari sa luad at dayami. Yamang ang mga kalan ay mas mahusay, mas kaunting kahoy ang kinakailangan upang lutuin ang pagkain. Ang isang pamantayang dalawang-kaserolang kalan ay nakagagamit ng 24 na porsiyento ng enerhiya na nakukuha sa gatong na kahoy. Kung ihahambing, 5 lamang hanggang 10 porsiyento ang nagagamit kung walang kalan. Ang bagong modelong kaláng luad na kasalukuyang sinusubok ay nagpapakita ng mahusay na grado na 33 porsiyento. Inaasahan na ang paggamit sa luad-at-dayaming “aplayans” na ito ay tutulong upang mapabagal ang pagkalbo ng kagubatan na nararanasan ng mga bansa sa Aprika na gaya ng Ethiopia. Ang kagubatan doon ay nabawasan mula 40 porsiyento sa sukat ng lupa hanggang sa wala pang 3 porsiyento mula nang pumasok ang bagong siglo.
Mga Tao—Nanganganib na Malipol?
Ang kasalukuyang mga hilig sa kapaligiran ay nagbabantang lubhang maaapektuhan ang lupa anupa’t ang buhay ng tao ay nanganganib malipol, hinuha ng World Commission on Environment and Development. Noong 900 araw sapol nang unang miting ng komisyon, ang mga sakit na nauugnay sa malnutrisyon at maruming iniinom na tubig ay sumawi ng 60 milyong mga bata. Ang tagtuyot sa Aprika ay sumawi sa mga buhay ng isa pang angaw na mga tao. Ang industriyal na mga aksidente, na gaya niyaong sa Bhopal, India, at Chernobyl, U.S.S.R., ay kumitil ng 3,000 buhay at angaw-angaw pa ang naapektuhan. Ano ba ang magiging kalagayan sa susunod na 30 taon? Sang-ayon sa The Times ng London, ang sinasakang lupa na kasinlaki ng Saudi Arabia ay magiging disyerto, at mga kagubatan na kasinlaki ng India ay mawawasak. Ang komisyong tatag ng UN ay nagsasabi na “kailangang-kailangan ang tiyak na pandaigdig na pagkilos” upang tiyakin ang kaligtasan ng tao.