Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/1 p. 2-5
  • Ang Bantang Nuklear—Tapos na ba sa Wakas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bantang Nuklear—Tapos na ba sa Wakas?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Panganib ng Pagdami
  • Mga Bombang Ipinagbibili
  • Mapayapang mga “Time Bomb” at mga “Death Trap”
  • Saan Nila Dapat Itapon ang Basura?
  • Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?
    Gumising!—2004
  • Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
    Gumising!—1999
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Digmaang Nuklear?
    Iba Pang Paksa
  • Tapos Na ba ang Bantang Nuklear?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/1 p. 2-5

Ang Bantang Nuklear​—Tapos na ba sa Wakas?

“ANG kapayapaan sa lupa ay waring lalong posible ngayon kaysa anumang panahon sapol noong Digmaang Pandaigdig II.” Ang ganitong maaliwalas na pananaw ng isang reporter nang bandang katapusan ng dekada ng 1980 ay batay sa katunayan na ang mga kasunduan sa pagbabawas ng mga armas at di-inaasahan na mga kaguluhang pulitikal ay sa wakas tumapos sa Cold War. Subalit ang bantang nuklear ba, na katangian na ng komprontasyon ng dating mga superpower, ay tapos na rin? Talaga bang abot-kamay na ang namamalaging kapayapaan at katiwasayan?

Ang mga Panganib ng Pagdami

Noong panahon ng Cold War, samantalang umaasa sa pagkakatimbang ng kilabot upang mapanatili ang kapayapaan, nagkasundo ang mga superpower na payagan ang pagpapaunlad ng kaalaman sa nuklear upang itaguyod ang mapayapang mga layunin ngunit limitahan ang bilang ng mga bansang maaaring gumawa ng mga armas nuklear. Noong 1970 ang Nuclear Nonproliferation Treaty ay nagkabisa; nang malaunan ay pinagtibay ito ng mga 140 bansa. Subalit, ang mga bansang may kakayahang gumawa ng mga armas nuklear, tulad ng Argentina, Brazil, India, at Israel, ay tumangging lumagda hanggang sa kasalukuyan.

Gayunman, noong 1985 ay lumagda ang isa pang potensiyal na bansang nuklear, ang Hilagang Korea. Kaya nang ipatalastas nito ang kaniyang pag-atras sa kasunduan noong Marso 12, 1993, ang daigdig ay nabahala. Ganito ang sabi ng magasin ng balita sa Aleman na Der Spiegel: “Ang notisya ng pag-atras sa Nuclear Nonproliferation Treaty ay lumilikha ng isang batayan: Mayroon ngayong banta ng isang pagpapaligsahan sa mga armas nuklear, pasimula sa Asia, na maaaring maging mas mapanganib kaysa pagiging magkaribal sa bomba ng mga superpower.”

Palibhasa’y nagbunga ang nasyonalismo ng bagong mga bansa sa kagila-gilalas na antas, ang bilang ng mga bansang nuklear ay marahil dadami pa. (Tingnan ang kahon.) Nagbabala ang peryodistang si Charles Krauthammer: “Ang wakas ng bantang Sobyet ay hindi nangangahulugan na tapos na ang panganib ng nuklear. Ang talagang panganib ay ang pagdami, at ang pagdami ay kasisimula pa lamang.”

Mga Bombang Ipinagbibili

Sabik matamo ng magiging mga bansang nuklear ang prestihiyo at lakas na idinudulot ng mga armas na ito. Isang bansa ang sinasabing nakabili ng di-kukulangin sa dalawang nuclear warhead buhat sa Kazakhstan. Opisyal na inilista ng dating republikang Sobyet na ito ang mga warhead bilang “nawawala.”

Noong Oktubre 1992 maraming lalaki ang naaresto sa Frankfurt, Alemanya, taglay ang 200 gramo ng lubhang radyoaktibong cesium, na sapat makalason sa suplay ng tubig ng buong siyudad. Makalipas ang isang linggo, pitong kontrabandista na may taglay na 2.2 kilo ng uranium ang nahuli sa Munich. Ang pagkatuklas sa dalawang pangkat ng mga kontrabandista ng nuklear sa loob lamang ng dalawang linggo ay ikinagulat ng mga opisyal, yamang lima lamang ng gayong mga kaso ang inireport sa buong daigdig para sa nakaraang taon.

Hindi alam kung ang mga taong ito ay may intensiyon na magbenta sa mga grupong terorista o sa mga pamahalaan ng mga bansa. Gayunpaman, lumalaki ang posibilidad ng terorismong nuklear. Ganito ang paliwanag ni Dr. David Lowry ng European Proliferation Information Centre tungkol sa panganib: “Walang dapat gawin ang isang terorista kundi magpadala ng isang sampol ng lubhang purong uranium sa isang kilalang awtoridad para sa pagsusuri, anupat sinasabing kami’y may labis-labis nito at narito ang patotoo. Ito’y tulad ng isang kidnapper na nagpapadala ng tinagpas na tainga ng isang biktima.”

Mapayapang mga “Time Bomb” at mga “Death Trap”

Nang magsimula ang 1992, 420 nuclear reactor ang ginamit sa mapayapang paghahanap ng mapagkukunan ng elektrisidad; 76 pa ang itinatayo. Subalit sa paglipas ng mga taon, ang mga aksidente sa reactor ay umakay sa paglabas ng mga report ng dumaraming sakit, ng mga babaing nakukunan, at ng mga isinisilang na may mga depekto. Sinasabi ng isang report na pagsapit ng 1967 ang mga insidente sa isang plantang Sobyet ng plutonium ang sanhi ng pagsingaw ng radyoaktibidad na tatlong beses ang dami kaysa sa kapahamakan sa Chernobyl.

Sabihin pa, ang huling nangyaring ito sa Chernobyl, Ukraine, noong Abril 1986 ang siyang laman ng mga ulong-balita. Ipinaliwanag ni Grigori Medwedew, deputy chief nuclear engineer sa planta sa Chernobyl noong mga taon ng 1970, na ang “napakalaking masa ng pangmatagalang radyoaktibidad” na tumapon sa atmospera “ay maihahambing sa sampung bombang ginamit sa Hiroshima kung tungkol sa pangmatagalang epekto.”

Sa kaniyang aklat na Tschernobylskaja chronika, itinala ni Medwedew ang 11 grabeng mga insidente sa nuclear reactor sa dating Unyong Sobyet noong kalagitnaan ng mga taon ng 1980 at sa 12 pang nasa Estados Unidos. Sa huli ay kasali ang kakila-kilabot na aksidente noong 1979 sa Three Mile Island. Tungkol sa pangyayaring iyan ganito ang sabi ni Medwedew: “Iyon ang unang matinding dagok laban sa lakas nuklear at pumawi ng mga maling haka tungkol sa pagiging ligtas ng mga planta ng lakas nuklear sa isip ng marami​—subalit hindi sa isip ng lahat.”

Ito ang dahilan kung kaya nagaganap pa rin ang mga aksidente. Noong 1992 ang mga ito ay dumami sa Russia nang halos 20 porsiyento. Pagkatapos ng isa sa mga insidenteng ito, noong Marso ng taóng iyon sa planta ng koryente sa Sosnovy Bore sa St. Petersburg, Russia, ang antas ng radyasyon ay tumaas nang 50 porsiyento sa hilagang-silangang Inglatera at naging doble ng ipinahihintulot na pinakamataas na antas sa Estonia at sa timugang Pinlandiya. Inaamin ni Propesor John Urquhart ng Newcastle University: “Hindi ko mapatunayan na ang Sosnovy Bore ang sanhi ng pagtaas​—ngunit kung hindi ang Sosnovy Bore, ano iyon?”

Sinasabi ng ilang awtoridad na may depekto ang pagkadisenyo ng istilong-Chernobyl na mga reactor at talagang napakamapanganib na paandarin. Gayunpaman, mahigit na isang dosena ang ginagamit pa rin upang makatulong na matustusan ang malaking pangangailangan sa elektrisidad. Ang ilang nagpapaandar ng mga reactor ay inakusahan ng pagsasara ng mga safety override system upang mapalakas ang produksiyon ng koryente. Ang mga report na tulad nito ay sumisindak sa mga bansang tulad ng Pransya, na gumagamit ng mga plantang nuklear sa produksiyon ng 70 porsiyento ng elektrisidad nito. Isa pang “Chernobyl,” at maraming planta sa Pransya ang mapipilitang ipasara nang permanente.

Kahit ang “ligtas” na mga reactor ay waring nagiging hindi ligtas habang tumatagal. Maaga noong 1993, sa isang regular na safety check, mahigit na sandaang depekto ang natuklasan sa sistema ng mga bakal na tubo sa reactor sa Brunsbüttel, isa sa pinakamatatagal na sa Alemanya. Nakakatulad na mga depekto ang natuklasan din sa mga reactor sa Pransya at Switzerland. Ang unang malubhang aksidente sa isang planta sa Hapón ay naganap noong 1991, na ang posibleng isang dahilan ay ang pagiging napakatagal na nito. Ito’y masamang balita para sa Estados Unidos, na kung saan mga dalawang katlo ng mga reactor na pangkomersiyo ay mahigit nang sampung taon ang tagal.

Ang mga aksidente sa mga nuclear reactor ay maaaring mangyari saanman at anumang oras. Mientras maraming reactor, lalong malaki ang banta; mientras matagal na ang reactor, lalong malaki ang panganib. May dahilan ang isang pahayagan na tagurian ang mga iyon bilang tumutunog na mga time bomb at radyoaktibong mga death trap.

Saan Nila Dapat Itapon ang Basura?

Ang mga tao ay nagtaka kamakailan nang makita ang isang lugar na pinagpipiknikan sa tabi ng ilog sa French Alps na binakuran at binabantayan ng pulisya. Nagpaliwanag ang pahayagang The European: “Ang regular na pagsusuring iniutos pagkamatay ng isang babaing tagaroon dahil sa pagkalason sa beryllium dalawang buwan na ang nakalipas ay nagsiwalat ng antas ng radyoaktibidad sa lugar na pinagpipiknikan na 100 beses na mas mataas kaysa mga lugar sa palibot.”

Ang beryllium, na isang napakagaang na metal na nagagawa sa pamamagitan ng iba’t ibang proseso, ay ginagamit sa industriya ng eroplano at, kapag nahantad sa radyasyon, ginagamit sa mga plantang nuklear. Maliwanag na isang pabrikang may produksiyon ng beryllium ang nagtapon doon ng basura buhat sa mapanganib na proseso ng paghahantad sa radyasyon o sa malapit sa lugar na pinagpipiknikan. “Ang alabok na beryllium, kahit na hindi napahantad sa radyasyon,” ayon sa The European, “ay isa sa kilalang nakalalasong uri ng basura buhat sa industriya.”

Samantala, mga 17,000 lalagyan ng basurang radyoaktibo ang naiulat na itinapon sa loob ng 30 taon sa katubigan ng baybayin ng Novaya Zemlya, na ginamit ng mga Sobyet bilang isang lugar na pinagsusubukan ng nuklear noong bandang pasimula ng dekada ng 1950. Isa pa, ang radyoaktibong mga seksiyon ng nuklear na mga submarino at mga bahagi ng di-kukulangin sa 12 reactor ang itinapon sa kombinyenteng basurahang ito.

Sinadya man o hindi, mapanganib ang nuklear na polusyon. Tungkol sa isang submarinong lumubog noong 1989 malapit sa baybayin ng Norway, ang Time ay nagbabala: “Ang lumubog ay sinisingawan na ng cesium-137, isang isotope na pinagmumulan ng kanser. Hanggang sa kasalukuyan itinuturing na ang sumisingaw ay napakaliit upang makaapekto sa mga buhay sa dagat o sa kalusugan ng mga tao. Subalit ang Komsomolets ay may kargang dalawang nuklear na torpido na naglalaman ng 13 kg [29 libra] ng plutonium na ang kalahati ng panahong itatagal ay 24,000 taon at napakatapang ng lason anupat ang isang maliit na butil lamang ay maaaring makamatay. Nagbabala ang mga ekspertong Ruso na ang plutonium ay maaaring tumapon sa tubig at maapektuhan ang malaking bahagi ng karagatan sing-aga ng 1994.”

Sabihin pa, ang pagtatapon ng basurang radyoaktibo ay hindi isang suliranin na tangi lamang sa Pransya at Russia. Ang Estados Unidos ay may “bunduk-bundok na radyoaktibong basura at walang permanenteng lugar na mapag-imbakan nito,” ang ulat ng Time. Sinasabi nito na isang milyong bariles ng nakamamatay na materyal ang pansamantalang nakaimbak taglay ang laging-nagbabantang “panganib na mawala, nakawin at puminsala ng kapaligiran bunga ng maling paggamit.”

Waring upang ipaghalimbawa ang panganib na ito, isang tangke ng basurang nuklear sa isang dating planta ng mga armas sa Tomsk, Siberia, ang sumabog noong Abril 1993, na naging sanhi ng nakatatakot na larawan sa isip ng isang ikalawang Chernobyl.

Maliwanag, anumang pagsigaw ng kapayapaan at katiwasayan salig sa ipinagpapalagay na wakas ng bantang nuklear ay walang matibay na saligan. Subalit ang kapayapaan at katiwasayan ay malapit na. Papaano natin nalalaman?

[Kahon sa pahina 4]

MGA BANSANG NUKLEAR

12 at Dumarami Pa Rin

DEKLARADO o SA AKTUWAL: Belarus, Britanya, Tsina, Pransya, India, Israel, Kazakhstan, Pakistan, Russia, Timog Aprika, Ukraine, Estados Unidos

POSIBLE: Algeria, Argentina, Brazil, Iran, Iraq, Libya, Hilagang Korea, Timog Korea, Syria, Taiwan

[Larawan sa pahina 5]

Kahit ang mapayapang paggamit ng lakas nuklear ay maaaring maging mapanganib

[Credit Line]

Larawan sa likuran: U.S. National Archives

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Cover: Stockman/International Stock

[Picture Credit Line sa pahina 3]

U.S. National Archives

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share