Ang Kinabukasan ng Protestantismo—At ang sa Iyo!
“AKO’Y nag-aral ng teolohiyang Lutherano sa loob ng pitong semestre na at ako sa gayon ay magiging isang ministro ng simbahan,” pasimula ng isang liham sa editor sa isang pahayagang Aleman noong Nobyembre 1986. Sabi pa nito: “Nais kong itawag-pansin ang bagay na ang aming pagsasanay ay pangunahin nang binubuo ng pagsira sa Bibliya—iniiwan lamang ang mga pabalat nito. . . . Samantalang ang pananampalataya ng estudyante o ang pundasyon nito, ang Kasulatan, ay sinisira, karamihan sa kaniyang mga lektyurer ay nagtuturo sa kaniya ng ‘bagong ebanghelyo’ ng sosyalismo, sa gayo’y binibigyan ang simbahan ng isang ganap na bagong diwa. Ang Diyos ay patay—mabuhay ang sosyalismo! Si Jesus ay nabulok na sa kaniyang libingan, dapat nating iligtas ang ating sarili! Ito ang mensahe na dinadala ng maraming ministro sa kaniyang pulpito, sa bawat Linggo. Kailangang-kailangan natin ang bagong mga pasilidad upang turuan tayo tungkol sa Bibliya, subalit sa ngayon pinipigil ito ng simbahan.”
Sapagkat ang Salita ng Diyos ay hinahamak-hamak nang gayon na lamang, may anumang pag-asa ba na ang simbahan at mga tagaparokya nito ay makabawi pa sa kanilang espirituwal na kaguluhan? Ganito ang may kawastuang sabi ng isang tagasalin ng Bibliya noong ika-18 siglo: “Ang kalagayan ng kalusugan ng simbahan ay tinitiyak sa pamamagitan ng pagtrato nito sa Kasulatan.”
Makatutulong kaya ang Isang Bagong Repormador?
“Si Dietrich Bonhoeffer ay pinarangalan at sinisipi ngayon nang higit kaysa alinman sa iba pang mga teologo ng ating dantaon,” sabi ng propesor sa teolohiya na si Georg Huntemann. Si Bonhoeffer, isang kilalang membro ng “Confessional Church,” ay ibinilanggo ng mga Nazi noong 1943 at binitay noong 1945 dahil sa ipinaparatang na pagkasangkot sa isang balak na pagpatay kay Hitler. Sinabi ni Huntemann na si Bonhoeffer ay baka siyang bagong repormador na kailangan ng simbahan. Pansinin ang sumusunod na halaw mula sa ilan sa kaniyang mga sermon. Tanungin ang iyong sarili: Ano kaya ang magiging kahulugan ng pagsunod sa kaniyang mga salita para sa Iglesya Lutherano? para sa aking simbahan?
“Sa relihiyon isang bagay lamang ang totoong mahalaga, na ito’y maging totoo.” Ito’y kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan.”a—Juan 4:24; tingnan din ang Juan 8:32; 14:6; 16:13.
Nakatitiyak ka ba na ang lahat ng itinuturo ng iyong relihiyon ay talagang totoo? Itinuturo ba nito na ang tao ay mayroong isang kaluluwang hindi namamatay—isa na hindi maaaring mamatay—o ito ba ay sumasang-ayon sa Bibliya, na nagsasabi: “Ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay”? (Ezekiel 18:4, 20) Itinuturo ba ng iyong relihiyon na ang Diyos ay walang pangalan o na ang kaniyang pangalan ay Jesus, o ito ba ay sumasang-ayon sa Bibliya, na nagsasabi: “Ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay kataas-taasan sa buong lupa”? (Awit 83:18) Itinuturo ba ng iyong relihiyon na lahat ng mabubuting tao ay dadalhin sa langit kapag ang lupa ay wasakin ng apoy, o ito ba ay sumasang-ayon sa Bibliya, na nagsasabi: “Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailanman”?—Awit 37:29; tingnan din ang Awit 104:5.
“Dapat pagsikapan nito [ng simbahan] ang kadalisayan ng turo.” Ito’y kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Magsipag-ingat sa lebadura . . . , ang mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”—Mateo 16:12; tingnan din ang 1 Corinto 5:8.
Tinatanggap ba ng iyong relihiyon ang “isang malawak na pagpapahayag ng indibiduwal na pagpapakahulugan,” o ito ba’y kumikilos na kasuwato ng banal na payo: “Mga kapatid, tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran laban sa aral na inyong nangapag-aralan; kayo’y magsilayo sa kanila”?—Roma 16:17; tingnan din ang 2 Timoteo 2:16-18; 2 Juan 9, 10.
“Tungkol sa Araw ng Paghuhukom, tiyak na hindi itatanong sa atin ng Diyos: Ipinagdiwang mo ba ang maringal na mga kapistahan ng Repormasyon, kundi bagkus: Iyo bang pinakinggan ang aking Salita at tinupad ito?” Ito’y kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Diyos, at ginagawa.”—Lucas 8:21; tingnan din ang Mateo 7:21; Juan 15:14.
Mas pinahahalagahan ba ng iyong relihiyon ang mga ritwal, seremonya, at mga gusali kaysa ang pagkakamit ng tumpak na kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos? Ang paminsan-minsang pagdalo ba sa simbahan kung mga kapistahan ay sapat na, kung ihahambing sa payo na “huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon . . . lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw [ng paghuhukom]”?—Hebreo 10:25.
Pinasisigla ka ba ng iyong relihiyon na basahin ang Salita ng Diyos araw-araw, binibigyan ka ng personal na tulong sa pag-unawa rito at sa pagbibigay ng pangganyak na gawin ang hinihiling nito?
“Ang relihiyon ay gawain, marahil ang pinakamahirap at tiyak na ang pinakabanal na gawain na maaaring gawin ng isang tao.” Ito ay kasuwato ng sinabi ni Jesus: “Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa.”—Juan 4:34.
Sinasabihan ka ba ng iyong relihiyon na ang gawain ng Diyos para sa mga Kristiyano ngayon ay ang ipangaral ang “ebanghelyong ito ng kaharian . . . sa buong sanlibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa”? (Mateo 24:14; tingnan din ang Mateo 28:19.) Inuudyukan ka ba nito na ibahagi ang maluwalhating mensaheng ito ng Kaharian sa “bawat tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo”?—1 Pedro 3:15.
Sa paanuman sa nabanggit na mga halimbawa, si Bonhoeffer ay nagbigay sa kaniyang simbahan ng mabuting payo. “Subalit bakit ang kaniyang mga salita, ang kaniyang nakabubuting payo sa simbahan, ay lubusang hindi pinakikinggan?” ang tanong ni Huntemann. Gayunman, mas mahalaga pa ang katanungan na: Bakit ang may awtoridad na mga salita ni Kristo Jesus ay lalo pang hindi sinusunod?
Ang teologong si Ulrich Betz ay nagsasabi na ang lipunan sa Kanlurang Aleman ay nag-iisip at kumikilos sa isang “pagkatapos ng panahong Kristiyano, huwag nang sabihin pa sa neopaganong” paraan. Ang Iglesya Lutherano ay dapat tumanggap ng sisi sa hindi kukulanging 25 milyong mga membro ng lipunang iyan na mga Lutherano. Kung paanong ang isang punungkahoy na nagbubunga ng bulok na bunga ay pinaghihinalaan, gayundin naman ang isang simbahan o relihiyon na nagbubunga ng mga Kristiyanong-huwad. Si Jesus ay nagpaliwanag: “Hindi maaari na ang mabuting punungkahoy ay magbunga ng masama, ni ang masamang punungkahoy man ay magbunga ng mabuti.”—Mateo 7:16-18.
Gawin ang matapat na pagtatasang ito. Anong uri ng bunga ang ibinubunga ng iyong relihiyon? Pinabubuti ba nito ang mga personalidad ng mga membro nito? Itinataguyod ba nito ang kapayapaan at pagkakaisa sa pamilya, sa pamayanan, at sa pangglobong mga antas? Ito ba’y isang moog o kuta laban sa pagkasugapa sa droga, imoralidad, at krimen? Masasabi mo ba, nang walang pag-aatubili, na ang daigdig ay magiging isang mas mabuting dakong pamuhayan kung ang lahat ay kabilang sa iyong relihiyon?
Pansinin sa kabilang pahina kung bakit ang ilan sa mga Lutherano sa Alemanya, pagkatapos gawin ang gayong matapat na pagsusuri, ay bumaling sa ibang dako para sa espirituwal na patnubay.
Kung ang Iyong Relihiyon ay Hindi Kikilos, Ikaw ba’y Kikilos?
Subalit, kung pagkaraang gumawa ng isang matapat na pagsusuri, ikaw ay hindi nasisiyahan sa iyong nakikita, huwag lamang basta magreklamo. Isang peryudista, samantalang nagkukomento tungkol sa pananalita ni Karl Barth na ang relihiyon ay ang mga membro nito, ay makatuwirang naghinuha: “Ang mga membro ng relihiyon . . . ay may pananagutan sa kung ano ang sinasabi at ginagawa ng relihiyon.” Kaya tanungin ang iyong sarili: Handa ba akong makibahagi sa pananagutan sa lahat ng sinasabi at ginagawa ng aking relihiyon? Maipagmamalaki ko ba ang pagkakaroon ng lahat ng membro nito bilang espirituwal na mga kapatid?
Samantalang isinasaalang-alang ang mga katanungang ito, pansinin ang kahulugan ng Apocalipsis 18:4, 8. Binabanggit ang tungkol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na hindi nakalulugod sa Diyos, sabi nito: “Magsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot . . . [sapagkat] darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan, at pagluluksa, at gutom; at siya’y lubos na susunugin sa apoy: sapagkat malakas ang Panginoong Diyos na humatol sa kaniya.”
Maaaring taimtim na naniniwala kang ang iyong relihiyon ay hindi bahagi ng huwad na relihiyon na sinasabi ng Diyos na malapit na niyang lipulin. Subalit ang iyong buhay ay nakasalig sa pagiging 100 porsiyentong segurado. Segurado ka ba?
Ang huwad na relihiyon ay walang kinabukasan, o yaon mang mga tumatangkilik dito. Ang tunay na relihiyon ay mananatili magpakailanman, pati na yaong mga nagsasagawa nito. Pumili ka alinsunod sa mga ito.
[Talababa]
a Lahat ng mga sinipi ay mula sa King James Version.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Sa kanilang mga kombensiyon—halimbawa, sa pamamagitan ng mga drama na makikita rito—ang mga Saksi ni Jehova ay binibigyan ng praktikal na tagubilin sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa pang-araw-araw na buhay. Ang malinaw na tunog na ito ng trumpeta ng katotohanan, na hindi pinipilipit ng pulitikal na pagpilipit o mga pagkakaiba sa doktrina, ay nagpapatibay ng kanilang pag-asa sa hinaharap at nag-uudyok ng Kristiyanong paggawi at gawain. Daluhan ang isang kombensiyon at tingnan para sa iyong sarili!
[Kahon sa pahina 11]
Ipinaliliwanag ng Dating mga Lutherano Kung Bakit Sila Ngayon ay mga Saksi ni Jehova
“Ang unang nakatawag-pansin sa akin tungkol sa mga Saksi ni Jehova ay ang kalinisan at katapatan na nakita ko sa isa sa kanilang mga kombensiyon. Hinihimok ko ang iba na daluhan ang isa nito at maranasan para sa kanilang mga sarili ang tunay na pag-ibig sa gitna ng mga Saksi.”—W. R., dating opisyal ng simbahan.
“Dumadalo ako sa simbahan tuwing Linggo. Subalit ang sermon, na mga 20 minuto ang haba, ay bihirang sagutin ang aking mga katanungan tungkol sa layunin ng buhay o tungkol sa kabilang buhay. Sinagot ako ng mga Saksi ni Jehova mula mismo sa Bibliya, at maaari akong makipag-usap sa kanila nang tao-sa-tao. Dapat ay higit pa ang ilakip sa banal na mga paglilingkod kaysa basta pagtugon lamang sa mga kalembang ng simbahan tuwing Linggo ng umaga, pag-awit ng mga awit, at pakikinig sa isang sermon. Walang taimtim na naghahanap ng katotohanan ang maaaring masiyahan diyan! Nais niyang gumawa ng isang bagay.”—E. B., dating guro sa Sunday-school.
“Ang gawain ko bilang isang elder sa simbahan ay walang kaugnayan sa mga bagay tungkol sa Bibliya, kundi ang mga bagay lamang tungkol sa negosyo. Ang nakatulong sa akin nang malaki ay ang pagkaalam ko sa pangalan ng Diyos, Jehova, isang pangalan na hindi ko narinig na binanggit sa simbahan. Hangang-hanga ako sa napakaraming katotohanan na nasa Bibliya.”—E. M., dating elder ng simbahan.
“Nang unang makipag-usap sa akin ang mga Saksi ni Jehova, maliwanag ang kaibahan [sa pagitan nila at natin]. Na nais nilang ipakipag-usap sa akin ang tungkol sa Bibliya ay lubusang bago at naiiba. Ang unang tanong ko ay na kung sila ba ay binabayaran sa kanilang gawain. Sabi nila ay hindi. Ang ikalawang tanong ko ay kung sila ay nakipagbaka noong panahon ng digmaan. Ipinaliwanag nila na maraming mga Saksi ang nasa mga piitang kampo. Sa wakas, natagpuan ko ang mga taong handa, kung kinakailangan, na mamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya.”—H. M., dating opisyal ng simbahan.
“Nang hilingin ko sa aking pastor na ipaliwanag kung bakit ang bawat pastor ay may kani-kaniyang pagpapakahulugan, sinabi niya: ‘Bawat pastor ay may karapatang ilarawan sa isip ang Diyos sa paraan na magpapahintulot sa Kaniya na ilagay sa pinakamabuting gamit ang kongregasyon.’ Nang maglaon ay isa-isa kong dinaluhan ang dalawang magkaibang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Namangha ako sa ganap na pagkakasuwato sa gitna nila. At ang mga lektyur ay naglalaman ng gayon na lamang kapaki-pakinabang na materyal, na laging sinusuhayan ng mga teksto sa Bibliya na maaari mong basahin kaagad sa iyo mismong Bibliya! Anong laking pagkakaiba sa maraming sermon na napakinggan ko!”—U. P., dating social worker ng simbahan at nars ng parokya.
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga pandistritong kombensiyon ay nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova na gawin ang gawain na pangangaral ng Kaharian ng Diyos