Malaki ang Nawala Kapalit ng Isa na Nakahihigit
AYON SA PAGKALAHAD NI JULIUS OWO BELLO
Sa loob ng 32 taon ay isa akong Aladura.a Naniwala ako na ang pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at ang mga panalangin ang siyang lulutas sa lahat ng aking suliranin at gagamot sa lahat ng karamdaman. Hindi ako kailanman bumili ng anumang gamot, kahit na yaong pampaalis ng kirot. Nang mga taóng iyon, walang sinuman sa aking pamilya ang naospital. Kailanma’t may magkakasakit sa aking mga anak, ipinapanalangin ko sila sa araw at gabi hanggang sa sila’y gumaling. Naniwala ako na sinasagot ang aking mga panalangin at pinagpapala ako ng Diyos.
KABILANG ako sa Egbe Jolly, ang pinakasikat na panlipunang klub sa Akure, isang bayan sa kanlurang Nigeria. Ang mga kaibigan ko ay yaong pinakamayayaman at pinakamaiimpluwensiyang tao sa aming pamayanan. Ang Deji, na siyang hari sa Akure, ay madalas na maging panauhin sa aking tahanan.
Ako ay isa ring poligamo, anupat may anim na asawa at maraming kinakasamang babae. Maunlad ang aking negosyo. Maayos naman ang lahat sa akin. Subalit, tulad ng naglalakbay na mangangalakal sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa perlas, nakasumpong ako ng isang bagay na gayon na lamang kahalaga anupat iniwan ko ang lima sa aking mga asawa, ang aking mga babae, simbahan, panlipunang klub, at ang katanyagan sa sanlibutan kapalit nito.—Mateo 13:45, 46.
Kung Paano Ako Naging Isang Aladura
Una kong narinig ang tungkol sa mga Aladura noong 1936, nang ako’y 13 taóng gulang. Isang kaibigang nagngangalang Gabriel ang nagsabi sa akin: “Kung pupunta ka sa Apostolikong Iglesya ni Kristo, maririnig mong magsalita ang Diyos.”
“Paano ba magsalita ang Diyos?” ang tanong ko sa kaniya.
Sabi niya: “Sumama ka, at malalaman mo.”
Sabik na sabik akong makinig sa Diyos. Kaya kinagabihan, sumama ako kay Gabriel sa simbahan. Punung-puno ng mga mananamba ang munting gusali. Nagsimulang kumanta ang kongregasyon: “Halikayo! Naririto si Jesus!”
Habang nagkakantahan, may sumigaw: “Bumaba ka, banal na espiritu!” May isa pa na nagpakuliling ng kampanilya, at tumahimik ang kongregasyon. Pagkatapos, isang babae ang nagsimulang magdadaldal sa isang kakatwang wika. Bigla siyang sumigaw: “O Makinig kayo sa mensahe ng Diyos! Ito ang sabi ng Diyos: ‘Ipanalangin ninyo ang mga mangangaso upang hindi sila pumatay ng mga tao!’ ” Ang paligid ay punung-puno ng damdamin.
Naniwala ako na ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan niya, kaya nang sumunod na taon ay nagpabautismo ako bilang miyembro ng Simbahang Kristo Apostoliko.
Unang Pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova
Noong 1951, tumanggap ako ng isang kopya ng magasing Bantayan buhat sa isang Saksi na nagngangalang Adedeji Boboye. Kawili-wili ang magasin, kaya ako’y sumuskribe at bumabasa nito nang palagian. Noong 1952, dumalo ako sa apat-na-araw na pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Ado Ekiti.
Humanga ako sa aking nakita sa kombensiyon. Pinag-isipan kong mabuti ang tungkol sa pagiging isang Saksi ni Jehova pero kinalimutan ko iyon. Ang problema ay na mayroon akong tatlong asawa at isang babae noon. Inakala ko na hindi ako puwedeng mamuhay nang may isang asawa lamang.
Nang makabalik ako sa Akure, pinahinto ko si Adedeji ng pagdalaw sa akin, at hindi ko na pinapanibagong-muli ang aking suskrisyon sa Bantayan. Lalo akong naging aktibo sa aking simbahan. Tutal, ang katuwiran ko, pinagpala naman ako ng Diyos mula nang umanib ako sa Simbahang Kristo Apostoliko. Nagpakasal ako sa tatlong asawa at nagkaanak ng marami. Nakapagpatayo ako ng sariling bahay. Hindi pa ako kailanman naospital. Yamang waring sinasagot naman ng Diyos ang aking mga panalangin, bakit ko pa nga ba babaguhin ang aking relihiyon?
Pagkasiphayong Kaakibat ng Pagiging Prominente
Nagsimula akong mag-abuloy ng malaking halaga sa simbahan. Di-nagtagal at ginawa nila akong isang matanda sa simbahan, isang posisyon na nagpangyaring makita ko ang mga ginagawa ng mga may katungkulan sa simbahan. Nabalisa ako sa aking nakita. Iniibig ng pastor at ng “mga propeta” ang salapi; nanlumo ako dahil sa kanilang kasakiman.
Halimbawa, noong Marso 1967 ay nagkaanak ako sa tatlong iba’t ibang asawa. Kaugalian sa simbahan na binyagan ang isang bata. Kaya nagdala ako ng mga kaloob—isda, lemonada, at mga soft drink na nasa bote—sa pastor bilang paghahanda sa seremonya.
Nang araw ng misa sa simbahan, sinabi ng pastor sa harap ng buong kongregasyon: “Nagtataka ako sa mga mayayaman sa simbahang ito. Gusto nila ng binyagan, pero ang dinadala lamang nila ay soft drink at isda. Walang karne! Walang kambing! Akalain mo! Naghandog si Cain sa Diyos ng malalaking tugi bilang hain, gayunma’y hindi tinanggap ng Diyos ang gayong hain dahil walang dugo iyon. Ibig ng Diyos ng mga bagay na may dugo. Nagdala si Abel ng hayop, at tinanggap ang kaniyang hain.”
Dahil doon, ako’y tumayo at nagdadabog papalabas. Gayunman, nagsimba pa rin ako. Kadalasan, mas malaking panahon ang ginugugol ko sa pakikisalamuha at pagdalo sa mga pulong ng aking klub. Kung minsan ay dumadalo ako sa mga pulong sa Kingdom Hall, at nagpanibagong-muli ng aking suskrisyon sa Ang Bantayan. Gayunpaman, hindi pa ako handang maging isa sa mga Saksi ni Jehova.
Ang Pasiya na Maglingkod kay Jehova
Dumating ang malaking pagbabago para sa akin noong 1968. Isang araw ay nagbasa ako ng isang artikulo sa Ang Bantayan na naglalarawan sa malupit na pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Malawi. Binanggit nito ang tungkol sa isang 15-taóng-gulang na babae na iginapos sa isang punungkahoy at hinalay nang anim na beses dahil sa tumanggi siyang ipakipagkompromiso ang kaniyang pananampalataya. Palibhasa’y nagimbal ako, nabitiwan ko ang magasin, pero patuloy kong pinag-isipan ang tungkol doon. Natanto ko na walang batang babae sa aking simbahan ang magpapamalas ng gayong uri ng pananampalataya. Kinagabihan, kinuha ko ang magasin at binasang muli ang pahina.
Sinimulan kong taimtim na pag-aralan ang Bibliya. Habang lumalago ang aking kaalaman, nakita ko kung paano kami iniligaw ng simbahan nang gayon na lamang. Tulad noong sinaunang panahon, ang aming mga pari ay ‘walang ginagawa kundi ang mahalay na paggawi.’ (Oseas 6:9) Ang gayong mga tao ay kabilang sa mga bulaang propeta na tungkol sa kanila’y nagbabala si Jesus! (Mateo 24:24) Hindi na ako naniniwala sa kanilang mga pangitain at makapangyarihang mga gawa. Nagpasiya akong kumalas sa huwad na relihiyon at tulungan ang iba na gawin din ang gayon.
Pagsisikap na Mapanatili Ako sa Simbahan
Nang matanto ng matatanda sa simbahan na determinado akong umalis sa simbahan, nagpadala sila ng isang delegasyon upang makiusap sa akin. Ayaw nilang mawalan ng isang mahalagang pinagkukunan ng kita. Nag-alok silang gagawin akong Baba Egbe, ang patron ng isa sa mga simbahang Kristo Apostoliko sa Akure.
Tinanggihan ko sila at sinabi sa kanila kung bakit. “Nagsisinungaling sa atin ang simbahan,” sabi ko. “Sinasabi nila na lahat ng mabuting tao ay pupunta sa langit. Pero nabasa ko ang Bibliya, at ako’y kumbinsido na tanging 144,000 tao lamang ang pupunta sa langit. Ang iba pang matuwid na mga tao ay mabubuhay sa isang paraisong lupa.”—Mateo 5:5; Apocalipsis 14:1, 3.
Tinangka ng pastor ng simbahan na udyukan ang aking mga asawa na sumalungat sa akin. Sinabihan niya sila na huwag papasukin sa aming tahanan ang mga Saksi ni Jehova. Isa sa aking mga asawa ang naglagay ng lason sa aking pagkain. Dalawa sa kanila ang nagbabala sa akin tungkol sa pangitaing nakita nila sa simbahan. Ipinakita ng pangitain na mamamatay ako kung iiwan ko ang simbahan. Sa kabila nito, patuloy akong nagpatotoo sa aking mga asawa, anupat inanyayahan silang sumama sa akin sa mga pulong. “Makakakita kayo roon ng ibang asawa,” sabi ko. Gayunman, wala sa kanila ang nagpakita ng interes, at patuloy nilang sinikap na sirain ang aking loob.
Sa wakas, noong Pebrero 2, 1970, nang makauwi ako mula sa isang biyahe sa isang karatig na bayan, nasumpungan kong walang tao sa aking bahay. Umalis ang lahat ng aking asawa kasama ang mga bata.
Pananatiling May Iisang Kabiyak
‘Maitutuwid ko na ngayon ang aking kalagayan bilang may asawa,’ naisip ko. Inanyayahan ko ang aking pinakaunang asawa, si Janet, na bumalik sa tahanan. Pumayag siya. Gayunman, matinding sinalansang ng kaniyang pamilya ang bagay na iyon. Nang malaman ng aking ibang mga asawa na niyaya kong bumalik si Janet, pumunta sila sa bahay ng kaniyang ama at tinangka siyang gulpihin. Nang magkagayon ay ipinatawag ako ng kaniyang pamilya sa isang pulong.
Mga 80 katao ang naroroon sa pulong. Ang tiyuhin ni Janet, na siyang ulo ng pamilya, ay nagsabi: “Kung ibig mong muling pakasalan ang aming anak, kung gayo’y kailangan mo ring tanggaping muli ang iba pang babae. Ngunit kung ibig mong sundin ang iyong bagong relihiyon at manatiling may iisang asawa, kung gayo’y humanap ka ng ibang babae. Kung kukunin mong muli si Janet, papatayin siya ng iyong ibang asawa, at ayaw naming mamatay ang aming anak.”
Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, natanto ng pamilya na ako’y desididong magkaroon ng isa lamang kabiyak. Sa wakas ay pumayag sila. Sinabi ng tiyuhin: “Hindi namin kukunin ang asawa mo. Puwede mo na siyang isama.”
Noong Mayo 21, 1970, kami ni Janet ay nagpakasal nang ayon sa batas. Pagkaraan ng siyam na araw ay nabautismuhan ako bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang Disyembre ng taon ding iyon, nabautismuhan din si Janet.
Pagtatamasa ng Pagpapala ni Jehova
Inihula ng aming dating mga kamiyembro sa simbahan na kung kami’y magiging mga Saksi, kami’y mamamatay. Halos 30 taon na ang nakalipas mula noon. Kahit na mamatay ako ngayon, iyon ba ay dahil sa ako’y naging isang Saksi ni Jehova? Kung mamatay ngayon ang aking asawa, masasabi ba ng sinuman na iyon ay dahil sa siya ay naging isang Saksi ni Jehova?
Nagsisikap akong ipakita sa aking 17 anak ang daan ng katotohanan. Bagaman marami sa kanila ang nasa hustong gulang na nang ako’y maging Saksi, pinasigla ko silang mag-aral ng Bibliya at dinala ko sila sa mga pulong at mga kombensiyon. Kagalakan ko na lima sa kanila ang kasama kong naglilingkod kay Jehova. Ang isa ay kapuwa ko naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Ang isa naman ay ministeryal na lingkod sa isang karatig na kongregasyon. Dalawa sa aking mga anak ang naglilingkod bilang mga regular pioneer.
Kapag ginugunita ko ang nakalipas, namamangha ako sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pagtulong sa akin na maging kaniyang lingkod. Totoong-totoo nga ang mga salita ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin”!—Juan 6:44.
[Talababa]
a Mula sa salitang Yoruba na ang kahulugan ay “isa na nananalangin.” Tumutukoy iyon sa miyembro ng isang Aprikanong simbahan na nagsasagawa ng espirituwal na pagpapagaling.