Ang Aking Ekspedisyon sa Aprika—Naroon Sila Noon Para sa Akin—Naroroon Pa Rin Kaya Sila Para sa Aking mga Anak?
“JAMBO!” Nagulantang, pupungas-pungas kami at sumagot, “Jambo!” Ito ang aming tawag na panggising, salitang Swahili para sa “Ano ang bago?” Pagkaraan ng ilang buwang paghahanda at ilang daang libong milya ng paglalakbay, kami ay nasa isang tolda sa isang lugar na bawal ang pangangaso ng maiilap na hayop sa Kenya—sa isang ekspedisyon sa Aprika!a
Ang abentura ay talagang nagsimula kahapon. Pagdating namin ay dinala kami ng aming giya sa isang pamamasyal sa parke. “Gazelle!” ang sigaw ng isa sa amin habang kami ay aalug-alog sa loob ng aming dalawang sasakyan. Agad na kinapa ng mga kamay ang mga kamera, mga giyang-aklat sa larangan, at mga largabista.
Ang aming giya, isang masayang Ingles, ay natawa sa aming katuwaan. “Sa katunayan, iyan ay Grant’s gazelle. Kahanga-hangang mga kinapal, hindi ba?”
Maliit, maingat ang pagkakapinta, gayunman maliwanag na matatag at idinisenyo para sa bilis, ang magagandang nilikhang iyon at ang mas maliliit na Thomson’s gazelle ay makikita saanman kami magtungo. Sa panimulang pamamasyal na ito nakita rin namin at nilitratuhan ang malaking eland, ang oryx, at ang gerenuk, at nakita pa namin ang pambihirang mas malaking kudu at ang reedbuck sa bundok.
Pagliko namin, nagulat namin ang isang kawan ng mga impala. Mula sa pagkakatayo sila ay lumukso ng anim o walong piye, para bang pinalukso ng isang natatagong paigkás.b “Gaya ng maguguniguni mo, ang pagluksong ito ay nakalilito sa mga maninila,” sabi ng aming giya. Pagkatapos ay tumakbong papalayo ang mga impala, sumasakop ng 30 piye sa isang lukso.
Nakita namin ang mga zebra, napakaganda sa kanilang itim at puting guhit, at nagunita namin ang ulat sa aklat ng Bibliya na Job na nagsasabing ang mga zebra ay hindi maaaring paamuin. (Job 39:5) Tinanong ko ang giya tungkol dito. “May mga Amerikano na gumawa ng isang pelikula rito noon,” sabi niya. “Kailangan nila ng isang maamong zebra para sakyan ng isang artista subalit hindi sila makatagpo ng isa sapagkat walang maamong zebra. Kinailangan nilang pintahan ng hugitan ang isang kabayo.”
Pagbalik namin sa kampo nang unang araw na iyon, nakita namin ang isang ostrich. Nang makita niya kami siya ay tumakbong papalayo, mabilis siyang dinala ng kaniyang malakas na mga paa sa tuktok ng isang burol. Ang ostrich ay maaaring tumakbo sa bilis na 40 milya sa bawat oras, 25 piye sa isang hakbang. Ang kaniyang bilis ay nagpaalaala sa akin sa isa pang teksto sa Job: “Tatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.” (Job 39:18) Maaari rin niyang tawanan ang aming mga trak, naisip ko, habang kami ay tatalbug-talbog sa aming sasakyan.
Subalit ngayong umaga kami’y nagising ng sigaw na “Jambo!” at nadama namin na ang aming ekspedisyon ay talagang nagsisimula na. Nagtungo kami sa ibayo ng malapad na kaparangan na may ilan-ilang puno ng akasya na sakay ng kabayo, hinangaan namin ang Bundok Kenya sa kalayuan. Walang anu-ano’y sinenyasan kami ng aming giya na tumahimik at itinuro. Naroon, nagtataasan sa ibabaw ng mga tuktok ng punungkahoy, ang isang pangkat ng mga ulo—mga giraffe na nginangata ang mga dahon ng akasya!
Ang pinakamataas na mga hayop sa daigdig, ang mga giraffe ay wari bang mabait, mapagwalang bahala, walang labang mga kinapal. Hindi gayon; ang kanilang mahahabang leeg ay kapaki-pakinabang hindi lamang upang pakanin sila sa mga tuktok ng punungkahoy kundi upang bigyan rin sila ng mahusay na katayuan na doo’y maaari nilang ipokus ang kanilang malaki, malayo ang natatanaw na mga mata sa kanilang mga anak, sa kanilang kawan, o sa lumalapit na panganib. Sa atin ay wari bang sila’y kumikilos nang mabagal at maganda, subalit ang isang giraffe ay makatatakbo ng 35 milya isang oras at maaaring sipain ang isang leon na maaaring bumali sa tadyang ng leon. Maaari rin niyang ihampas ang kaniyang ulo na parang isang maso. Minsan isang giraffe sa zoo ang hinampas ng gayon ang isang 1,000-librang eland at ito’y humagis na may baling balikat!c
Kami’y nagtungo sa gitna nila sakay ng mga kabayo. Kung kami’y naglakad, maaaring sila’y nangalat, ngunit sakay ng mga kabayo kami ay itinuring nila na isa lamang kawan ng mga hayop na nanginginain. Ang ilang mga gazelle at mga eland ay nasa malapit, gayundin ang mga zebra na ibang-iba sa mga nakita namin kahapon—mas matataas, mas maliliit ang guhit, at may kahanga-hanga, malaki’t bilugang mga tainga.
“Grévy’s zebra,” sabi sa amin ng aming giya. “Ang uring ito ay patuloy na umuunti, pangunahin nang dahilan sa ganda ng kanilang balat. Ang mga decorator ay nagbabayad ng malaking halaga para sa mga ito.” Anong lungkot nga na sinisira ng tao ang napakarami sa mga kinapal na ito at ang kanilang tirahan! Subalit mayroon pang mas malungkot na balita.
Sakay ng isang trak, dinalaw namin ang lugar ng mga rhino, isang 5,000 acre na kulungan na pinaliligiran ng isang 10-piye-taas na bakod na may kuryente at binabantayan ng nasasandatahang mga bantay.d Ito ang tirahan ng 13 itim na rhino at isang puting rhino. Maingat na tumitigil na malapit sa isa sa mahirap talunin na mga nilikhang ito, ang aming mga trak ay biglang naging parang mahina at maliit.
“Ang rhino ay may mahinang paningin,” sabi ng giya. “Kung ang mga oxpecker na nasa likod nito ay pumiyak at lumipad dahil sa takot, hindi nakikita ng rhino kung ano ang lumigalig sa kanila at biglang dinadaluhong anuman ito, upang amuyin ito. Siya’y nabubuhay sa daigdig ng mga amoy. Ngayon ang rhino ay pinangangaso hanggang sa punto ng pagkalipol.”
Habang papalubog ang araw, kami ay bumalik sa aming kampo sa katahimikan. Nang gabing iyon, habang kami ay nauupo sa paligid ng siga ng apoy at nag-uusap-usap tungkol sa kapalaran ng rhino, nagulat kaming marinig ang isang malakas, maindayog na ungal. Ito’y tinugon ng iba pa.
“Mga leon,” sabi ng aming giya, mahinahong sinusundot ang apoy. “Sila’y, ah, waring napakalapit, di ba?” nininerbiyos na tanong ko. “Hindi naman. Milya-milya ang layo nila. Ang ungal ng leon ay maaaring umabot ng limang milya o higit pa.” Nabigyan ng katiyakan, kami’y natulog, umaasang makikita ang ilan sa malalaking pusang ito sa Masai Mara game reserve, ang aming susunod na pupuntahan. Hinding-hindi kami nabigo.
Ang Malalaking Pusa sa Mara
Habang dinaraanan namin ang malawak na damuhan sa gawing hilagang ekstensiyon ng napakalawak na Kapatagan ng Serengeti, tuwang-tuwa kami sa sigaw ng tsuper na “Simba!” Maingat kaming huminto upang makita hindi lamang ang isang leon kundi isang buong pangkat—mga 40 lahat. Ilang babaing leon na pangkat-pangkat na nakahilata. Ang ilan pa na may mga kuting ay lumabas mula sa mga palumpon. Ang ilan ay nagsisiksikan sa paligid ng isang maliit na lawa ng tubig ulan upang uminom. Ang mga batang leon ay nagbubunô at naghahabulan sa isa’t isa.
Gustung-gusto naming lumabas at makipaglaro sa kanila subalit pinigil namin ang aming mga sarili nang makita namin ang mga kalamnan o muskulo sa ilalim ng balat ng mga inang leon at nang mapansin namin ang dalawang malalaking lalaking leon na may malagong buhok na nakaunat na parang sphinx—malalaking ginintuang mga pusa na kontentong ikinukurap ang kanilang dilaw na mga mata sa huling mga sikat ng araw. Ang panahon para sa pakikipaglaro sa mga batang leon ay sa hinaharap pa.—Isaias 11:6-9.
“Ang mga leon ay nagpapahinga ng mga 20 oras sa loob ng 24 na oras,” sabi ng aming giya. “Mas mahaba pa sa mga lalaki. Ang mga babae ang gumagawa ng lahat halos ng pangangalaga sa mga batang leon at 90 porsiyento ng pangangaso, gayunman ang mga lalaki ang laging nauunang kumain.” Inaakala ng mga babae sa aming pangkat ang mga bagay na ito na nakatutuwa! Subalit walang gaanong pangangalaga sa mga batang leon at mapayapang pagkain kung wala ang nagtatanggol na mga lalaki sa pangkat ng mga leon. Kung ang mga ito ay binabaril bilang mga salot sa mga magpapastol o bilang mga tropeo para sa mga mangangaso, ang pangkat ng mga leon ay karaniwang nagkakawatak-watak, at ang mga batang leon ay iniiwan.
Bagaman pinanghahawakan ng leon ang karapatan nito ngayon laban sa panganib na malipol, ang cheetah ay hindi gayon. Kinabukasan ay nakita namin ang dalawa sa magilas at magandang kumilos na mga nilikhang ito. Ito’y isang ina na tinuturuan ang kaniyang anak na mangaso. Silang dalawa ay marahang lumapit sa kawan ng mga Thomson gazelle, at samantalang ang ina ay marahang sumubaybay sa kawan ng mga gazelle, hinabol naman ng kaniyang padalus-dalos na anak ang mga gazelle. Nagtutumulin siya sa kaniyang bantog na 70-milya-isang-oras na pagtakbo, nagiging parang isang ginintuang-batik na bahid. Walang nangyari! Ang mga cheetah ay maaari lamang tumakbong mabilis sa maikling mga distansiya, kaya nakaalis ang mga gazelle, nagpangalat.
Sumubok siyang muli at muling nabigo. Sa wakas bigo at hinihingal, hinayaan niyang ipakita sa kaniya ng kaniyang ina kung paano ito ginagawa. Ang ina’y lihim na sumusubaybay sa gazelle hanggang sa malapit na malapit at saka niya gagamitin ang kaniyang mabilis na takbo sa malapitang distansiya. Binahaginan niya ang kaniyang anak ng maliit na huli.
“Tingnan ninyo!” bulalas ng giya, na itinuturo. Isang hyena ang lumitaw mula sa kung saan. Hinabol niya ang mga cheetah, itinataboy sila mula sa kanilang pinagpagurang-gantimpalang gazelle, at tinangay ito.
“Ah, ang kontrabidang iyan!” busa ng aming giya. Hinabol niya ang hyena upang bawiin ang nahuli ng mga cheetah, subalit wala na ang magnanakaw. Ang mga hyena ay hindi naiibigan ng mga tao. Gayunman hindi kailanman isinapanganib ng hyena ang anumang uri ng hayop sa pagkalipol. Sana’y gayundin ang masabi sa mga tao!
Nakatutuwang mga Pamilya
Bukod sa malalaking pusa, nakita rin namin ang napakaraming iba’t ibang uri ng buhay pamilya sa Mara reserve. Nagdaan ang isang pamilya ng ostrich, ang pitong-talampakang-taas na mga magulang ay pinapastol ang kawan ng mukhang-nanlilimahid na mga munting ostrich sa pagitan nila. Naglipana rin ang mga pamilya ng warthog, napakapangit anupa’t nakatatawa ang mga ito. Kahanga-hangang maliksi at matalino, taas-noo silang naglalakad na ang kanilang mukha’y hugis-pala at may pangil. Ang kanilang manipis na buntot ay nakataas, na parang antena ng kotse.
Itinaas ng aming Masai na tsuper ang kaniyang hintuturo at tumawa, “Iyan ang paraan ni Mr. Warthog ng pagsasabing, ‘Ako ang numero uno.’”
Ang mga pamilya ng unggoy din naman, ay isang pinagmumulan ng kasiyahan. Ang masiglang itim-mukhang mga vervets (isang uri ng unggoy) ay lumukso at nagdadadaldal sa mga punungkahoy samantalang ang kanilang mga anak ay nag-aaral umakyat sa pamamagitan ng magulong paglalaro sa ibaba. Ang mga unggoy na colobus, na nagtatanghal ng akrobatiks sa itaas namin na kulay itim at puti ang balat, ay parang mga paring naloloko. Ang mga pamilya ng baboon ay makikita rin saanman, ang mga anak ay karaniwang nakasakay sa kanilang mga ina na parang munting mga hinete. Ang mga baboon ay paos at lubhang mausisa. Sa Tanzania, itinaboy namin ng aking asawa ang isang baboon na palabas sa aming silid sa otel!
Ang Pinakamalaki ng Aprika
Sa isa sa mga kagubatan ng Mara, nakita namin ang mga elepante, ang kanilang dambuhalang abuhing hugis na walang kaingay-ingay na kumikilos sa pagitan ng mga punungkahoy. Ito’y isang kawan ng walong mga elepante, na may isang munting tatlong-buwang-gulang na batang elepante na anak ng matriyarka. Ikukubli ng kawan ang munting elepanteng ito sa aming paningin habang siya ay walang takot na kumikilos sa gitna ng tulad-haliging mga paa nila, hinahanap ang ina at sumususo paminsan-minsan. Ang kawan, natutuhan ko, ay iaayon ang lakad nito sa lakad ng batang elepante at tatayong sama-sama upang ipagsanggalang ito. Sa katunayan, halos daluhungin ng matriyarka ang aming tsuper—ang tsuper ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng trak!
Ang mga barakong elepante ay kadalasang nag-iisa. Sa Ngorongoro Crater sa Tanzania, nakita namin ang isang matandang lalaking elepante na may mahaba, kumikislap na puting mga pangil. Maaari niyang gamitin ang mga ito upang humukay ng butas para sa asin at mga mineral o upang humukay ng mga balon ng tubig na maaaring gamitin ng iba pang mga hayop kung tag-init. Anong laking kabalintunaan na ang magagandang gamit na ito, na maliwanag na idinisenyo upang tulungan ang mga elepante na makaligtas, ay pumukaw ng gayon na lamang kaimbutan sa tao anupa’t maaari nilang pangyarihin ang kaniyang pagkalipol!
Pangalawa lamang sa elepante sa laki ay ang malaki at mabigat na hippopotamus. (Ang iba ay nagsasabi na ang puting rhinoceros ang pangalawang pinakamalaking mamal sa lupa.) Huminto kami malapit sa isang ilog upang tingnan ang isang buong kawan nito na nagpapainit, sumisingasing at naghihikab.
“Ang hippo,” sabi sa amin ng aming giya, “ay pahila-hilata sa tubig sa maghapon upang huwag masunog ng araw, pagkatapos ito ay umaahon upang manginain sa gabi. Ang langis sa balat nito ay nagsasanggalang sa kaniya mula sa labis na araw at tubig. Nakapagtataka,” susog pa niya, “ang hippo ay pumapatay ng mas maraming tao kaysa iba pang hayop sa Aprika. Hindi sila kumakain ng laman o karne, subalit lumangoy ka o sumagwan kang malapit—at isang kagat lang ay tapos ang kuwento!”
Minamasdan ang mga ito, mauunawaan natin kung bakit ang aklat ng Job ay nagsasabi na kahit na kung bumubugso ang isang ilog sa bunganga ng behemot na ito siya ay tiwasay. Ang kaniyang ulo lamang ay maaaring tumimbang ng hanggang isang tonelada!—Job 40:23.
Ang Kapatagan ng Serengeti
Naglakbay kami patimog tungo sa Tanzania, humihinto sa kagila-gilalas na Ngorongoro Crater, isang 12-milya-ang-lawak na animo’y mangkok na namumutiktik sa maiilap na hayop. Isa sa mga mababaw na lugar nito, ang alkalinong mga lawa nito ay para bang may malarosas na ulap sa ibabaw nito sa malayo. Ito’y natatakpan ng maliliit na flamingo, mas maliit at mas kulay rosas na uri. Sila’y bumubulong at kumakakak samantalang nagkakalipumpunang lumalakad nang magilas, ang kanilang mga paa ay parang isang palumpon ng matingkad pulang mga dayami na yuyuko’t dili.
Ang kapatagan ng Serengeti sa hilagang-kanluran ng bunganga ng bulkan ay malawak na mga damuhan na may animo’y batik-batik na mga pulo na tinatawag na mga kopje. Ang dambuhala, bilad sa araw na mga grupo ng malalaking bato, ang mga kopje ay pinamumutiktikan ng mabalahibong mga rock hyrax at makulay na mga bubuli. Sa kalapit na palumpon ay nakita namin ang dik-dik, isang sampung-libra, isang-piye-ang-taas na antelope na ang tanging depensa ay magtago.
Nagtungo kami sa isang kawan ng mga wildebeest na nakakalat sa abot-tanaw sa lahat ng direksiyon. Sila’y nagsasama-sama para sa kanilang paglipat, umuungâ at nakakatawang nagdadamba. Natawa ako sa kanilang dami at ingay, at naisip ko, ‘Narito sa wakas ang isang hayop na hindi malipol ng tao!’
Ang aming giya ay tuwang-tuwa. “Mayroong dalawang milyon niyan sa taóng ito, tiyak ko. Ngayon sila ay patungo sa pinakamalapit na pag-ulan—alam nila ito kahit na sa layong 30 milya!”
Isang dakong hapon sa kapatagan, kami’y nagmamasid ng mga ibon, tuwang-tuwa kami na kami’y nakakita ng halos 200 iba’t ibang uri, lahat ay pawang magaganda.
“Hindi maaari!” nangangapos hiningang sabi ng kapatid kong babae, na tumuturo. Lumingon ako at tumingin, inaasahan kong makikita ang pambihirang ibon, subalit sa halip ay nasumpungan ko ang isang leopardo, na maringal na nakaunat sa mga sanga ng punong akasya wala pang 20 yarda ang layo.e Tinitigan din niya kami nang mahinahon at humikab, para bang panatag na panatag siya. Ang mga leon ay nakaaakyat din ng mga punungkahoy, subalit dahil sa mahigit dalawang beses ang timbang sa mga leopardo, bihira nilang gawin ito, upang iwasan ang init at mga langaw. Ang mga leon na nakita namin sa isang punungkahoy ay mukhang asiwa at hindi komportable doon sa itaas anupa’t kaming lahat ay natawa. Subalit ang mga leopardo ay kumakain, natutulog, halos tumitira sa mga punungkahoy.
“Nakasisindak, di ba?” sabi ng aming giya. Nakalulungkot sabihin, sabi pa niya, “karamihan ng mga turista ay umuuwi nang hindi nakakakita ng isang leopardo sa mga panahong ito. Ang mga ito ay lubhang pinangangaso ng ilegal na mga mangangaso dahil sa kanilang magandang mga balat.” Lahat ng aming kamera ay nagtunugan habang ang araw ay lumulubog sa kapatagan. Ewan ko kung ang leopardong iyon ay buháy pa ngayon, mga ilang buwan lamang ang nakakaraan.
Naroroon Pa rin Kaya Sila para sa Ating mga Anak?
Samantalang ang aming eruplano ay lumilipad pauwi, tumingin ako sa ibaba sa Serengeti at ako’y nalungkot. Nakalulungkot, sa isang bagay, na iwan ang magandang lugar na ito. Lubusan akong naapektuhan nito. Subalit ang ilan sa nagbabalik sa alaala na mga tema ng ekspedisyon ay malulungkot na mga alaala.
Halimbawa, ang bilis ng cheetah, ang mga pangil ng elepante, ang leeg ng giraffe, ang mga katangian ng bawat nilikha na nakita namin, lahat ay tumuturo sa isang Tagapagdisenyo na pinagsasama ang kagandahan at kapakinabangan, anyo at gawain, sa lahat niyang mga gawa. Ang mga tagapagdisenyong tao ay punúng-punô ng papuri kapag halos naaabot ng kanilang mga gawa ang gayong uri ng pagkakatimbang. Gayunman ang Tagapagdisenyo ng di-mabilang na mas dakilang mga gawa ay bihirang kilalanin bilang isang tagapagdisenyo. Sa halip, ang papuri ay ibinibigay sa bulag na puwersa ng bilyun-bilyong mga aksidente, na tinatawag na ebolusyon. Malungkot.
Masahol pa, ang mga gawa mismo ay walang tigil, walang habag na sinisira. Sa kabila ng matapang na mga pagsisikap niyaong mga naghihirap upang panatilihin ito, katakut-takot na mga suliranin ang nagpapatuloy tungkol sa maiilap na hayop ng Aprika. Maligtasan kaya ng mga kinapal na ito ang patuloy na ilegal na pangangaso at pagpatay sa mga ito at ang mga panggigipit ng patuloy na lumiliit na tirahan? Naroroon pa rin kaya sila para sa ating mga anak, sa ating mga apo?
Nakaliligalig na mga tanong nga. Gayunman, sa nag-iisip na mga tao, ang gayong mga katanungan ay umaakay sa isa pang lalong mahalagang katanungan: Pababayaan na lang kaya at mamasdan ng matalinong Tagapagdisenyo ng lupa at ng lahat ng mga nilikhang ito na lahat ito ay mapahamak? Hindi; siya ay nangangakong “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” Higit pa riyan, siya’y nangangako ng isang panahon sa malapit na hinaharap kung kailan ang sangkatauhan ay makikipagpayapaan sa mga hayop.—Apocalipsis 11:18; Isaias 11:1-9.
Oo, ang Maylikha ay naglalaan ng maligaya, mapagkakatiwalaang kasagutan sa ating pinakanakaliligalig na mga katanungan. Ang pag-iisip tungkol sa kaniyang mga pangako ay nag-aalis ng aking kalungkutan tungkol sa suliranin ng maiilap na hayop sa Aprika. Hindi lamang sila naroroon ngayon; sila’y mananatili roon sa hinaharap.—Isinulat.
[Mga talababa]
a 1 mi = 1.6 km.
b 1 piye = 0.3 m.
c 1 lb = 0.5 kg.
d 1 a. = 0.4 ha.
e 1 yd = 0.9 m.