Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 9/22 p. 15-17
  • Cheetah—Ang Pinakamatulin sa mga Pusa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Cheetah—Ang Pinakamatulin sa mga Pusa
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabilis na Pusa
  • Batik-Batik na Kagandahan
  • Pangangalaga ng mga Magulang na Pusa
  • Pangangaso sa Mangangaso
  • Ang Hari ng Tulin
    Gumising!—1996
  • Ang Aking Ekspedisyon sa Aprika—Naroon Sila Noon Para sa Akin—Naroroon Pa Rin Kaya Sila Para sa Aking mga Anak?
    Gumising!—1987
  • Leopardo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Leopardo—Isang Malihim na Pusa
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 9/22 p. 15-17

Cheetah​—Ang Pinakamatulin sa mga Pusa

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

WALANG pagbabago ang init ng araw sa tigang na kapatagan. Ang aming mga largabista ay nakatutok sa isang kawan ng mga gaselang Thomson, ang kanilang ginintuan at guhitang mga tagiliran ay kumikinang sa mga huling sinag ng liwanag mula sa paglubog ng araw. Sa di-kalayuan, nakaupo sa isang punso ng anay, isa pang nagmamasid ang nakatitig din sa direksiyon ng mga antelope. Ito ay isang batik-batik na pusa kasama ang kaniyang mga anak. Matamang pinag-aaralan ng kaniyang manilaw-nilaw na kayumangging mga mata ang tanawin. Walang anu-ano, tumigas ang kaniyang mga kalamnan, at dahan-dahan siyang tumayo at lumakad patungo sa direksiyon ng kawan. Wari bang alam ng kaniyang mga anak na hihintayin nila ang kaniyang pagbabalik.

Dahan-dahan siyang lumapit, ikinukubli ang kaniyang sarili sa likod ng maliliit na palumpong at bungkos ng mahahabang damo. Magaang at tiyak ang kaniyang mga kilos. Nang mga 200 metro na ang layo sa kaniyang tutugisin, bigla siyang naging walang katinag-tinag. Isa sa mga gasela ang tumingala at tumitig sa direksiyon nito; saka ipinagpatuloy ang pagkain nito. Minsan pa, nagpatuloy ito sa paglapit. Lumapit ito ng mga 50 metro sa walang kamalay-malay na mga hayop bago ito nagpasiyang tumakbo. Parang nakaikid na paigkas na pinakawalan, tumakbo itong matulin sa takipsilim. Biglang nagtakbuhan ang kawan ng mga gasela sa lahat ng direksiyon, subalit hindi inalis ng pusa ang mata nito sa kaniyang napiling hayop na tutugisin. Tumakbo siya sa ibayo ng kapatagan, palapit nang palapit sa matulin-tumakbong gasela.

Ang natakot na hayop ay nagpaliku-liko sa pagtakbo upang lituhin ang tumutugis sa kaniya, subalit hindi mapantayan ng nakalilitong pamamaraan nito ang gakidlat na bilis ng pusa. Pagkatapos, mga isang metro ang layo mula sa kaniyang gantimpala, iniunat niya ang kaniyang paa sa unahan upang mapatid ang kaniyang binibiktima. Sa sandaling iyon, bahagya siyang natisod. Sa isang saglit, nakatakas ang gasela.

Humihingal, dahan-dahang huminto ang cheetah, naupo, at tumingin sa direksiyon ng kaniyang gutom na mga anak. May pagkamanghang napatingin ako sa aking asawa. Katatapos lang naming masaksihan ang tulin ng kahanga-hangang cheetah.

Mabilis na Pusa

Ang cheetah ay makatatakbo nga na kasimbilis ng hangin. Hindi kapani-paniwala, maaari itong sumibad mula sa nakahintong kalagayan sa bilis na halos 65 kilometro sa isang oras sa loob lamang ng dalawang segundo! Maaabot nito ang bilis na hanggang 110 kilometro sa isang oras! Ito ang pinakamabilis na hayop sa lupa. Kung ihahambing, maaabot lamang ng isang kabayong pangkarera ang bilis na mga 72 kilometro sa isang oras, at ang asong greyhound ay makatatakbo sa bilis na mga 65 kilometro sa isang oras sa maikling distansiya. Subalit, napananatili ng cheetah ang kahanga-hangang bilis nito sa maiikling distansiya lamang.

Balingkinitan ang katawan ng cheetah, na may mahaba at payat na mga binti, at malambot at baluktot na likod. Ang mahaba’t batik-batik na buntot nito ay naglalaan ng panimbang habang ang cheetah ay pahilig na lumiliko nang mabilis. Kapag ubod-bilis na tumatakbo ito, maaari itong lumundag ng mahigit sa 6 na metro ang layo. Ang isang bagay na nakatutulong sa gayong tulin ay ang pambihirang paa nito; ang mga ito’y higit na katulad niyaong sa aso kaysa sa pusa. Ginagamit nito ang kanilang mga kuko sa pagkapit nang husto sa lupa para sa mas mabilis na pagsikad.

Batik-Batik na Kagandahan

Ang mukha ng cheetah ay talagang pambihira at maganda. Dalawang itim na linya ang gumuguhit mula sa mga mata tungo sa mga gilid ng bibig, anupat nagmimistulang malungkot at halos mapanglaw ang mukha ng pusa. May maliliit at kitang-kitang mga batik, ang balahibo nito ay maikli at kadalasa’y kulay mapusyaw na mamula-mulang kape ang katawan subalit maputi ang tiyan. Mas matingkad ang kulay ng mga anak kapag isinilang ang mga ito at may makapal na kiling ng mahaba at mangasul-ngasul na abuhing buhok mula sa kanilang leeg hanggang sa kanilang buntot.

Ang cheetah ay humihiyaw sa pamamagitan ng magaralgal na tunog o humuhuning gaya ng isang ibon. Ang tunog na ito ay maririnig hanggang dalawang kilometro ang layo at ginagamit upang makipagtalastasan sa mga anak nito at sa iba pang cheetah.

Ang cheetah ay likas na mahinahon at mapayapa kung ihahambing sa mga kapuwa pusa nitong leon at leopardo. Kapag kontento, ito’y bahagyang umuungal nang mahina na gaya ng isang malaking pusang-bahay. Madali itong bumagay sa pagkanaroroon ng tao at napaamo pa nga. Mangyari pa, hindi pusang-bahay ang cheetah. Kapag husto na ang laki, ito’y tumitimbang ng 45 kilo o higit pa, at ang matatalim na ngipin at mga kuko nito ay gumagawa ritong isang mapanganib na hayop​—isa na dapat na maingat na pakitunguhan.

Ang cheetah ay hindi ipinanganganak taglay ang kakayahang mangaso at kailangang sanaying mainam ng ina nito upang gawin iyon. Kung ang anak ay pinalaki sa kulungan, nawawalan ito ng kakayahang sumubaybay nang palihim at tumugis ng biktima nito. Kapag magkasamang kumakain ang ina at ang mga anak, ginagawa nila ito nang mapayapa, walang bangayan at away na karaniwan sa kumakaing mga leon. Sa mga dakong tuyo ay kilala ang mga cheetah na kumakain ng makakatas na melon.

Ang mga turista sa reserbadong mga parke para sa mga hayop-ilang sa Aprika ay namangha kung paanong walang kinatatakutan ang mapayapang mga pusang ito. Karaniwan na para sa malaki nang cheetah na mahiga sa lilim ng sasakyan ng mga turista o lumukso sa hood ng kotse at tumitig sa salamin sa harap sa mga pasaherong nabigla at kadalasa’y natakot.

Pangangalaga ng mga Magulang na Pusa

Ang babaing cheetah ay maaaring magsilang ng hanggang anim na maliliit na anak. Buong giting na inaalagaan niya ang mga ito at itinatago nang husto ang mga ito, madalas na inililipat ang mga ito sa unang mga buwan ng kanilang buhay. Subalit, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga inang cheetah na pangalagaan ang kanilang mga anak, wari bang halos sangkatlo lamang ng mga anak ang nabubuhay hanggang sa ganap na paglaki.

Hindi madaling trabaho para sa inang cheetah ang pangangalaga sa isang pamilya ng mga anak na cheetah. Ang mga ito’y lipos ng kasiglahan at lubhang mapaglaro. Karaniwang sinusubaybayan nang palihim ng mga anak ang nagpapahingang buntot ng kanilang ina at sinusunggaban ito habang pinipilantik ito ng ina tulad ng karaniwang ginagawa ng pusa. Kadalasang wala silang kamalay-malay sa laging naroroong panganib ng mga maninila habang nagbubunuan, nagkakagatan, at naghahabulan sa isa’t isa.

Pangangaso sa Mangangaso

Maraming kaaway ang cheetah sa ilang, kabilang na ang mga leon, leopardo, at mga hyena. Subalit, ang pinakamalupit na kaaway ng cheetah ay ang tao. Ang maganda’t batik-batik na balahibo nito ay pinakahahangad para sa pananamit, alpombra, at mga tropeo. Ang matuling tumakbong nilalang na ito ay binibitag at sinasanay para sa isport na pangangaso. Palibhasa’y hindi ito nagpaparami kapag nakakulong, ang cheetah ay tinutugis sa kadulu-duluhan ng tirahang lupa nito upang tustusan ang pangangailangang ito. Nagpahirap din sa cheetah ang pagkawala ng tirahan nito, anupat sa Silangang Aprika ito’y masusumpungan lamang ngayon sa mga reserbadong parke para sa mga hayop-ilang.

Noong 1900 tinatayang may 100,000 cheetah sa 44 na bansa. Sa ngayon mayroon na lamang marahil 12,000 ang nabubuhay sa 26 na bansa, na karamihan ay sa Aprika. Sinikap na pangalagaan ang maganda’t batik-batik na pusang ito, subalit ang bilang nito ay patuloy na umuunti.

Inaakala ng ilan na ang mga cheetah ay hindi maililigtas mula sa pagkalipol. Gayunman, nakatutuwang malaman na malapit na ang panahon kapag lubusang tatanggapin ng tao ang kanilang bigay-Diyos na pananagutang alagaan, ingatan, at “magkaroon ng pananakop . . . sa bawat nilalang na buháy na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Saka lamang magkakaroon ng tiyak na garantiya na ang magagandang pusang ito na gaya ng cheetah ay magdudulot ng kaluguran sa mga maninirahan sa lupa magpakailanman.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share