Pag-ukit ng Kahoy—Isang Sining ng Sinaunang Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
ANG mga mang-uukit ng kahoy ay naging abala sa loob ng mahabang panahon sa Lunsod ng Benin, na matatagpuan sa tinatawag ngayong timugang Nigeria. Sa nakalilipas na apat na raang taon, ang Lunsod ng Benin ay naging kabisera ng isang makapangyarihan at lubhang organisadong kaharian sa kagubatan. Ang mga panauhin mula sa Europa ay humahanga sa malapad, tuwid na mga lansangan ng lunsod, sa maayos na hanay ng mga bahay nito, at sa mga tao nitong marangal at masunurin sa batas. Sa loob ng daan-daang taon ang Lunsod ng Benin ay umunlad sa pagiging isa sa pinakamahalagang sentro ng komersiyo at kultura sa kanlurang Aprika.
Ang kaharian ng Benin ay pinamahalaan ng sunud-sunod na hari na tinatawag na mga oba. Ang mga oba ay aktibo sa pagpapaunlad ng sining. Ang kanilang maningning na templo sa Lunsod ng Benin ay pinalalamutian ng inukit na mga ulo, maririkit na plakéng pandingding na minolde sa bronse, at mga obra-maestra ng garing na maselan ang pagkakaukit. Bagaman ang sinaunang mga inukit na kahoy ay hindi nakatagal dahilan sa pamiminsala ng panahon at ng mga anay, maliwanag na naging aktibo ang mga mang-uukit ng kahoy sa kaharian. Si Martins Akanbiemu, isang dating namamahala ng National Museum sa Lagos, ay sumulat: “Ang kapisanan ng mga mang-uukit ng kahoy . . . ay maliwanag na siyang pinakamatandang nagtrabaho sa sining para sa Oba.”
Noong 1897, dinambong ng mga puwersa ng Britanya ang Lunsod ng Benin at dinala sa Europa ang ngayo’y walang-kasinghalagang kayamanan ng sining nito—mahigit sa 2,000 piraso. Ngayon, ang pinakamalaking koleksiyon ng sinaunang sining ng taga-Benin ay nakatanghal, hindi sa Nigeria, kundi sa museo ng London at Berlin.
Pag-ukit ng Kahoy sa Ngayon
Sa ngayon ang Lunsod ng Benin ay isang abalang lunsod gaya rin ng maraming iba pa sa Nigeria. Gayunman, ang bakas ng kaniyang dating kaluwalhatian ay nananatili. Ang palasyo ay muling itinayo, at ang kasalukuyang oba ay tumitira doon. Makikita mo ang katibayan ng malalim na bambang na nakapalibot sa sinaunang lunsod; at kung ikaw ay matamang makikinig, maririnig mo ang banayad na tiktik ng pait sa kahoy.
Isang lalaking nagngangalang Johnson ang nag-uukit ng mga iskulturang kahoy sa Lunsod ng Benin sa loob ng 20 taon. Sa nakaraang mga siglo, napanatili ng mga ulong kahoy at tanso ang alaala niyaong mga namatay; ang mga ito’y nakapalamuti sa mga altar ng pagsamba sa mga ninuno. Subalit ang mga ulo na inukit ni Johnson ay hindi nakakatulad niyaong mga dating ginamit para sa mga layuning relihiyoso. Ang kaniyang mga ukit ay pandekorasyon lamang.
Si Johnson ay gumagamit ng ebano, isang matigas, malutong na kahoy na tamang-tama para sa pag-uukit. Kalimitan niyang ginagamit ang pinakaubod ng kahoy, o ang pinakaloob na bahagi ng punungkahoy. Ang pinakaubod ng kahoy na ebano ng Nigeria ay kadalasang napakaitim, bagaman ang ilang punungkahoy ay nagkakaroon ng pinakaubod na guhitan o kulay abo na papaitim. Isinasama niya ang ilang sapwood, o gawing labas ng kahoy, sa pag-uukit; naidaragdag nito ang isang kasiya-siyang kulay pula, na bumabagay sa itim. Ang kapuwa pula at itim na ebano ay napakikintab upang magkaroon ng magandang brilyo.
Maraming ebano sa Nigeria. Kapag ang punong ebano ay ibinuwal, kadalasa’y iniiwan ito sa kagubatan sa loob ng ilang buwan upang matuyo. Kahit madala na ang troso ng ebano sa kaniyang pagawaan, hinahayaan ni Johnson na matuyo ang kahoy ng ilan pang buwan bago niya gamitin ito. Ito’y mahalaga, yamang ang kahoy na hindi natuyo ay maaaring magbago ng hugis at magkabitak.
Kapag handa na siyang umukit, gumagamit si Johnson ng isang lagaring pangkamay upang pumutol ng isang pirasong kahoy na may 15 pulgada ang haba. Pagkaraang maghintay ng isa pang linggo upang matiyak na hindi magkakaroon ng bitak ang pirasong iyon, minamarkahan ni Johnson ng yeso ang kahoy upang gumawa ng balangkas ng ulo na nais niyang ukitin, at pagkatapos ay nagsisimula na siyang magtrabaho.
Gumagamit muna siya ng lapad na pait, at pagkatapos ay ng kurbadang pait, at pagkatapos ay ng isang pinong pait. Pagkatapos, kaniyang pinararaanan ito ng magaspang na kikil. Pagkaraan ay ginagamit naman ang lanseta ng mang-uukit upang ukitin ang detalye. Habang nagtatrabaho si Johnson, nakapako ang kaniyang pansin sa kahoy. Ang kawalang-ingat ay magbubunga ng isang iskulturang may kakaibang ngiti o may isang mata na nakatingin sa maling direksiyon.
Pagkatapos na makapag-ukit, pinakikinis ito ng mga aprentis ni Johnson sa pamamagitan ng mga lihang papino nang papino. Sa wakas, pinapahiran nila ito ng pampakintab ng muwebles o ng biton ng sapatos at pinararaanan ng iskoba ng sapatos upang ito’y kuminang. Kailangan ang dalawang araw upang ukitin ang isang kahoy na ulo gaya niyaong nasa mga larawan. Kailangan ang tatlo pang araw upang lihahin at pakintabin ito.
Kapag tapos na ang inukit, itinatabi muna ito ni Johnson sa loob ng dalawang buwan upang matiyak na walang lilitaw na bitak. Kung ang kahoy ay tuyung-tuyo bago pinasimulan ang pag-uukit, hindi ito magkakabitak. Ito ang karaniwang nangyayari. Kapag nagkabitak, ang inukit ay ibinabalik sa paggawaan para masilyahan, lihahin, at pakintabin.
Pagkatuto sa Sining ng Mang-uukit
Si Johnson ay may anim na aprentis, mula sa 10 hanggang 18 taong gulang. Natututuhan nila ang sining ng mang-uukit nang paurong, mula sa huling trabaho tungo sa umpisa. Sa ganitong paraan ang unang bagay na natututuhan ng aprentis ay ang pagpapakintab. Pagkatapos ay natututuhan niya ang pagliliha. Sumunod, ipinakikita sa kaniya ang paggamit ng kikil. Sa wakas, ang araw ay dumarating na daramputin niya ang isang lapad na pait upang gumawa ng mga unang ukit sa isang bagong bloke ng kahoy.
“Hindi lahat ay magiging isang mang-uukit,” wika ni Johnson. “Una, kailangang mayroon kang hilig at kakayahang magpako ng pansin. Kailangang matutuhan mo rin ang pagiging matiisin sa iyong pagsulong at kung paano haharapin ang iyong mga kabiguan. Kailangan mo rin ang pagtitiyaga, yamang kailangan ang di-kukulangin sa tatlong taon upang maging mahusay sa pag-uukit. Subalit hindi pa ito ang katapusan—ang pagkatuto ay hindi kailanman nagwawakas. Sa pagsasanay, patuloy ka pang susulong.”
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
Ang Langgam at ang Mang-uukit ng Kahoy
Sinasabi ng ilan na may utang ang Aprikanong sining sa puting langgam, o anay. Lumilikha ng eskultura ang mang-uukit ng kahoy, at sinisira naman ito ng puting langgam (katulong ang ilang epekto ng klimang tropikal), kung minsa’y sa loob lamang ng ilang araw! Sa nakalipas na daan-daang taon ginawang abala ng puting langgam ang mang-uukit ng kahoy. Ito’y isang walang katapusan subalit nakabubuting siklo: Ang langgam ay sumisira, at ang mang-uukit naman ay muling gumagawa, taglay ang mga pagkakataong mapasulong ang kaniyang kakayahan at makabuo sa imahinasyon ng mga bagong istilo.
Ang aklat na African Kingdoms ay nagsasabi: “Ang amag at ang masipag na puting langgam ay nag-aalis sa kabuuan ng anumang pagkakataon upang maitanim ng matatandang gawa ang kanilang detalye sa gawa ng sumusunod na mga lahi. Samakatuwid, kasama ng paulit-ulit na pangangailangan para sa bagong mga gawa, mayroon ding isang lalong malaking pagkakataon para sa pagkakaiba-iba ng anyo; malayo ang pangongopya, at higit na umaasa sa indibiduwal na kakayahan at imahinasyon.”
Sinasabi ng ilan na ang ugnayang ito sa pagitan ng langgam at ng mang-uukit ng kahoy ay tumutulong upang maipaliwanag ang kagalingan sa sining na nagpangyaring lubhang mapabantog ang Aprikanong sining. Sa kaniyang aklat na Nigerian Images, ang iskolar na si William Fagg ay nagsabi: “Tayo nawa’y . . . magbigay ng parangal sa puting langgam, na bagaman hindi kanais-nais sa tao ang karamihan sa kaniyang ginagawa, ito’y nagkaroon ng bahagi sa isang patuluyan at napakabungang pakikipag-ugnayan sa tropikong mang-uukit ng kahoy sa loob ng daan-daang taon at milenyo.”
[Picture Credit Line]
Sa kagandahang-loob ni Dr. Richard Bagine
[Mga larawan sa pahina 19]
Pag-uukit:
1. pagpili ng pinakamagandang piraso ng kahoy,
2. paghugis sa korte ng ulong uukitin,
3. paggamit ng pait, 4. pagliha, 5. pagpapakintab