Pagmamasid sa Daigdig
Isinasapanganib ng AIDS ang Asia
Isinasapanganib ng nakamamatay na sakit na AIDS ang Asia sa pamamagitan ng isang epidemya, babala ng WHO (World Health Organization). “Kung hahayaan nating sumabog ang AIDS sa Asia, tayo ay talagang magkakaproblema,” sabi ng direktor-heneral ng WHO na si Halfdan Mahler, sang-ayon sa internasyonal na pahatid balitang organisasyon ng Reuters. Bagaman ang Hilaga at Timog Amerika ngayon ang may pinakamataas na bilang ng iniulat na mga kaso ng AIDS at ang Asia ang may pinakamababang bilang, ikinatatakot ng WHO na samantalang ang nakamamatay na virus ay kumakalat sa mataong mga bansa sa Asia, hindi masasawata ng mga pamahalaan ang paglaganap nito. “Natatakot ako na mayroon kayong isang potensiyal na malaking kapahamakan,” sabi ni Mahler. “Iyan ang ikinatatakot ko.”
Para sa mga Ibon
“Mas maraming eruplanong pandigma ng mga Israeli ang bumagsak pagkatapos ng mga pagkabunggo sa mga ibon kaysa yaong mga napababagsak sa mga labanan sa himpapawid,” ulat ng pahayagang Aleman na Die Zeit. Angaw-angaw na malalaking ibong nandarayuhan, na gaya ng mga stork, tagak, at mga pelikano, ang nandarayuhan taun-taon. Upang makatipid ng eherhiya kapag sumasalimbay, ginagamit ng mga ibon ang mainit na paitaas na kilos ng hangin mula sa lupa na nagdadala sa kanila sa taas na mahigit 6,500 piye (2,000 m). Gayunman, ang dami ng naaaksidenteng eruplano ay nabawasan kamakailan nang isaayos ng mga ornitologo na samahan ng mga glider ang pagkalaki-laking mga kawan ng ibon upang mas madaling babalaan ang mga piloto ng jet tungkol sa kanilang “mga kakompetensiyang ibon.”
“Negosyong Unggoy”
Kung ang negosyo mo ay niyog, sino ang uupahan mong mamimitas ng niyog? Sa timugang lalawigan ng Surat Thani, Thailand, isang kompaniya ang nag-eempleo ng mga 800 unggoy upang gawin ang trabahong iyon. Sa ilalim ng isang $4,000 (U.S.) tulong na inilaan ng maharlikang pamilya ng Thailand, ang mga unggoy ay sinanay ng mga propesyonal kung paano pipitasin ang mga niyog mula sa mga puno. Gayunman, “hindi uubra ang kahit na sinong unggoy,” ulat ng The Economist. Kung ito ay binabayaran ng sahod na katumbas ng trabaho nito, malaki pa ang kita nito kaysa isang karaniwang manggagawa sa pamahalaang Thai. Sa kabila na ang itinatagal lamang nito sa trabaho ay halos limang taon, sulit ang puhunan sa mga ito. Sila ay nagkakahalaga ng $40 upang sanayin.
Ang Lubhang Kinatatakutan ng mga Bata
Sinurbey kamakailan ng isang sikologo sa Melbourne ang mahigit 3,000 mga bata sa Australia sa pagitan ng edad na 8 at 16 tungkol sa kanilang mga kinatatakutan. Inilathala ng The Sydney Morning Herald ang kaniyang mga resulta at itinala ang mga takot na ipinahayag ng mga bata. Ang mga ito ay ayon sa pagkakasunud-sunod: (1) ang hindi makahinga; (2) ang mabundol ng isang kotse o isang trak; (3) mga bomba at pagsalakay; (4) mga lindol; (5) ang masunog; (6) ang mahulog mula sa matataas na dako; (7) mga magnanakaw; (8) mga ahas; (9) kamatayan o mga patay; (10) mga pagkuryente. Ang mga batang babae ay doble ang kinatatakutan kaysa mga batang lalaki, at ang mga batang mula walo hanggang sampung taóng gulang ang pinakamatatakutin.
Mas Mahaba ang Buhay ng mga Babae
Malaon nang nalalaman na ang mga babae ay mas mahaba ang buhay kaysa mga lalaki. Ipinakita ng nakalipas na pananaliksik na, kahit na bago pa ipanganak, ang kamatayan ng mga ipinagbubuntis, sa katamtaman, ay 50 porsiyentong mas mataas sa gitna ng mga lalaking ipinagbubuntis kaysa mga babaing ipinagbubuntis. Ngayon, pinatutunayan ng isang artikulong inilathala sa British Medical Journal na ang mga babae pa rin ang mayroong mas mahabang buhay kaysa mga lalaki. Napansin ni Alan Silman, ang may-akda at lektyurer sa The London Hospital Medical College, na kahit na sa hindi maunlad na mga bansa, ang mga babae sa katamtaman ay halos anim na taon na mas mahaba ang buhay kaysa mga lalaki. Iniulat niya na sa Inglatera at sa Wales, dalawang-katlo ng mga babaing ang edad ay 65 ang maaaring umabot pa sa edad na 80, kung ihahambing sa dalawang-kalima lamang sa mga lalaki. Ang mga dahilan? Wari bang ang mga babae ay sumusuong sa mas kaunting panganib, dumadalaw nang madalas sa kanilang doktor, at marahil mas mahalaga, hindi sila gaanong naninigarilyo. Isa pa, ang malakas na pag-inom ng alak ay hindi karaniwan sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Gayunman, sang-ayon kay Mr. Silman, “may disbentaha riyan.” Ang ekstrang mga taon na itinatagal ng mga babae ay kadalasang may “mahinang kalidad,” na ginugugol sa pag-iisa at kahirapan.
Dumaraming Malaking Kapahamakan
Itinala ng isang Suisong kompaniya sa seguro ang 2,305 malaking mga kapahamakan na humampas sa buong daigdig sa pagitan ng 1970 at 1985. Sang-ayon sa mga estadistika, “sa katamtaman, isang malaking sakuna ang nangyayari saanman sa daigdig sa bawat tatlong araw, kinikitil ang buhay ng mahigit na 20 katao o pumipinsala ng mahigit sa sampung milyong dolyar,” sabi ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Halos 1.5 milyon katao ang nasawi sa loob ng 15 mga taon na ito, mga 50 milyon ang nawalan ng tahanan, at ang pinagsamang halaga sa pambansang kabuhayan ay 700 bilyong dolyar. “Kasabay ng mga bagyo at mga baha, dumadalas din ang mga lindol, kadalasang iniiwan ang mga lunsod na wala kundi mga durog na bato,” sabi ng pahayagan. “Sa nakalipas na 16 na taon, 90 gayong mga lindol ang naitala.” Dahilan sa dumaraming malaking kapahamakan, dumarami ang binabayaran ng mga kompaniya sa seguro na mga bayad-pinsala.
Saykayatris Laban sa Computer
Ang ipinograma nang wasto na mga computer ay maaaring magbigay sa mga may agoraphobia (di-normal na takot sa malawak o mataong lugar) ng panlunas na kasintagumpay niyaong iminumungkahi ng mga saykayatris, ulat ng Institute of Psychiatry sa London, Inglatera. Pagkatapos pag-aralan ang 71 mga pasyente na may iba’t ibang phobia, pati na ang 40 mga agoraphobic, natuklasan ng mga mananaliksik na ang isang kuwalipikado o lisensiyadong saykayatris, ang isang manwal na tulungan-ang-sarili, at isang mahusay na ipinogramang computer ay may magkakatulad na tagumpay kapag isinasagawa ang tinatawag na exposure treatment, ulat ng The Times ng London. Sang-ayon kay Dr. Isaac Marks, propesor ng experimental psychopathology, ang kaugnay na mga pag-aaral ay nagpapakita na “ang mga alkoholiko na kinapanayam ng isang computer ay umamin na umiinom nang mas marami kaysa mga alkoholiko na kinapanayam ng isang saykayatris.” Nakakaharap ang dumaraming katibayan na ang karamihan ng gawain ng saykayatris ay “maaaring gawin kahit sa malayo,” ang mga doktor na naniniwalang ang kanilang propesyonal na kahusayan ay mahalaga “ay maaaring hindi malulon ang mga resultang [ito],” hinuha ng report.
Bagong Terapi?
Ang osteoreflexology ang pangalan ng isang bagong terapi sa Unyong Sobyet. Ano ba ito? Ang paggamot sa kirot at ilang mga karamdaman sa paggamit sa pagiging sensitibo ng himaymay ng buto. Sinasabi ng mga doktor na Sobyet na nararamdaman ng mga buto ang mga pagbabago sa presyon ng dugo, temperatura, at ang kayarian ng sarisaring kemikal, ulat ng The Times ng London. Ipinakita ng kanilang mga eksperimento na inihahatid ng mga buto ang masalimuot na sensory signals sa utak at sa sentral na sistema nerbiyosa at na ang mga buto ng malulusog na tao ay naghahatid ng impormasyon na lubhang kakaiba roon sa hindi malulusog. Sa pagpapasok ng mga karayom sa isang buto na malapit sa isang makirot na dako o sa paligid ng apektadong sangkap, sinasabi ng mga doktor na pinasisigla nito ang mga impulso ng nerbiyos anupa’t, ito naman, ay nakatutulong sa paggamot ng rayuma, artritis, mga diperensiya sa sirkulasyon ng dugo, at myopia.
Mga Bibliya sa Haponés
Ang Japan Bible Society ay naglalathala ng isang bago, 1987 na salin ng Bibliyang Haponés, na tinatawag na Karaniwang Bibliya. Mga Katoliko at Protestanteng iskolar ang gumawa ng pagsasalin, ginagawa itong ang ikatlong ekomenikal na Bibliya sa daigdig pagkatapos niyaong sa Kanlurang Alemanya at Korea. Ang pinansiyal na pahayagan ng Hapón na Nihon Keizai Shimbun ay nagsasabi na ang pagsasalin ay kumuha ng 18 taon upang mabuo sapagkat “sinikap [ng mga iskolar] na makagawa ng isang salin na tapat sa orihinal na teksto at isali ang interpretasyon ng magkabilang panig.” Inaasahan ng Japan Bible Society na ang Karaniwang Bibliya ay makaaakit ng maraming mambabasa at dumami ang kanilang pamamahagi ng mga Bibliya. Noong 1985 ang Samahan na iyon sa Bibliya ay nagbili ng 180,000 kompleteng mga Bibliya. Gayunman, limang taon na ang nakalipas ang Watch Tower Bible and Tract Society ay naglathala ng kompletong New World Translation of the Holy Scriptures sa Haponés. Noong 1985, 232,055 mga kopya ng New World Translation, pati na ang Reference Bible, ay ipinadala mula sa palimbagan nito sa Hapón.