Pagmamasid sa Daigdig
“Araw na Walang Tabako”
Ang Abril 7, 1988, ay ipinahayag ng WHO (World Health Organization) bilang ang kauna-unahang “Araw na Walang Tabako” sa daigdig. Si Dr. Halfdan Mahler, Director-General ng WHO, ay nagsasabi na ang paggamit ng tabako ay nagdudulot ng di-napapanahong kamatayan sa 2.5 milyong mga tao taun-taon—halos kasindami ng kabuuang kamatayan kung 20 jumbo jets ang bumabagsak araw-araw sa loob ng isang taon! Inaasahan ni Dr. Mahler na kung ang mga tao ay hihinto sa paninigarilyo sa isang araw ito ang magiging unang hakbang nila tungo sa pagbabawas ng paninigarilyo o paghinto pa ngang manigarilyo. Isinasagawa ng WHO ang ipinangangaral nito; hindi nito ipinahihintulot ang paninigarilyo sa alinmang tanggapan nito. “Ang WHO ay isang organisasyong hindi-naninigarilyo sapol noong 1987,” sabi ni Miss Kindermann, opisyal tungkol sa impormasyon sa WHO, sa Gumising!
Airlines na Walang-Tabako
Ang Disyembre 1, 1987, ang araw nang ipagbawal ng lahat ng lokal na airlines sa Australia ang paninigarilyo sa lahat ng mga eruplano. Ang mga kompaniya ng airline ay magmumulta nang malaki kung hindi nila ipatutupad ang ganap na pagbabawal sa paninigarilyo, at ang mga lumalabag ay maaaring magmulta ng hanggang $500 (Australian). Sang-ayon sa The Canberra Times, ang minister sa transportasyon at komunikasyon ay nagsabi: “Kami’y kumikilos bilang pagtatanggol sa hindi naninigarilyong naglalakbay na publiko na walang alinlangang nagtitiis ng matinding kagipitan at pagkabalisa—mapananagutan ko iyan, sapagkat ako mismo ay isa sa kanila.”
Ayuno sa Panonood ng TV
Natutuklasan ng mga pamilyang Aleman ang mga pakinabang ng tinatawag na ayuno sa panonood ng TV. Nag-uulat tungkol sa karanasan ng 80 mga lalaki, mga babae, at mga bata sa Westphalia na nagpasiyang “apat na linggong hindi manonood ng TV,” ang pahayagang Aleman na Augsburger Allgemeine Zeitung ay nagsasabi: “Ang mga hapon at gabi ay lubusang nabago. Ang ekstrang panahon ay ginagamit ngayon sa mas mabungang paraan, na may higit na personal na pagkukusa kaysa noon.” Ang panahon na ginugol sa hindi panonood ng TV ay nagdulot ng nagtatagal na pakinabang. Ang karamihan ng mga nakibahagi ay nagsabi: “Ang aming ugali sa panonood ngayon ay iba na. Kami ay higit na mapamili; hindi kami gaanong nanonood at madalas naming pinapatay ang TV.”
“Brain Implants”
Noong nakaraang Setyembre ang kauna-unahang pagkakataon na inilipat ng mga doktor ang himaymay ng ipinagbubuntis na sanggol sa mga utak ng dalawang adulto na mayroong Parkinson’s disease. Iniulat ng bagong isyu ng The New England Journal of Medicine na ang himaymay mula sa utak at sa glandula adrenal ng kusang nalaglag na 13-linggong-gulang na ipinagbubuntis na sanggol ang ginamit. Ang madulang pamamaraan ay naganap sa La Raza Medical Center, Mexico City. Inilipat ng mga eksperimentong ito ang etikal na mga suliranin na nakapaligid sa paggamit ng himaymay na kinuha mula sa ipinagbubuntis na sanggol bilang isang anyo ng medikal na paggagamot mula sa larangan ng teoretikal na debate tungo sa aktuwal na terapi.
Napakalaking Lumulutang na Yelo
Isang lumulutang na yelo na 305 metro ang kapal, 40 kilometro ang lapad, at humigit-kumulang 160 kilometro ang haba ay natipak buhat sa Antartica noong nakaraang Oktubre. Ang lumulutang na yelo—halos doble ang laki sa estado ng Rhode Island—ang pinakamalaking lumulutang na yelo na nakita sapol noong 1963. Tinataya ng mga eksperto na ang lumulutang na yelo ay kukuha ng mga sampung taon bago magtungo sa karagatan. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang lumulutang na mga yelo upang tiyakin kung baga iniinit ng polusyon ang atmospera ng lupa at lumilikha ng greenhouse effect. Maaaring tunawin ng gayong init ang yelo sa polo, taglay ang panganib na ang paglaki ng tubig sa dagat ng .6 metro ay maaaring paapawin ang karamihan ng malalaking daungan sa daigdig.
Sakit ng mga Adolesente
Ang paggamit ng alak, tabako, at droga ay nagkakaroon ng malaking impluwensiya sa mga kabataan sa Pransiya na ang edad ay 16 hanggang 18. Gayon ang natuklasan ng isang surbey na isinagawa ng French Institute of Health and Medical Research. Sang-ayon sa surbey, “40 porsiyento ng mga lalaki at 28 porsiyento ng mga babae ang naninigarilyo ng hindi kukulanging sampung sigarilyo isang araw,” ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. “Limampu’t dalawang porsiyento ng mga lalaki at 21 porsiyento ng mga babae ang palagiang umiinom ng alak. Gayunding kasukat ang nalalasing tatlong beses sa isang taon.” At, ipinakikita ng surbey na “26 na porsiyento ng mga lalaki at 16 na porsiyento ng mga babae ang sumubok na ng ipinagbabawal na gamot.” Napatunayan ng mga mananaliksik at ng institute ang kaugnayan sa pagitan ng pagdepende sa alak at paggamit ng droga ng mga kabataan. Sinasabi nila na “ang paulit-ulit na pagnanasang malasing sa maagang gulang ay isang mahalagang palatandaan na ang ipinagbabawal na gamot ay gagamitin sa dakong huli.”
Kakulangan ng Doktor sa Aprika
Sang-ayon sa isang report ng WHO (World Health Organization), ang bilang ng mga doktor sa Aprika ay bumaba sa isang doktor sa bawat 10,000 katao sa yugto ng 1980-86. Sa kabaligtaran naman, binabanggit ng magasing base-London na Panoscope na “sa industrialisadong daigdig, napakaraming kawaning pangmedisina ang sinanay, at ang marami ay alin sa walang trabaho o walang sapat na trabaho.” Sa Europa, halimbawa, mayroon ngayong 24 na ulit na mas maraming doktor, mga dentista, at parmaseutiko sa bawat 10,000 mamamayan kaysa sa Aprika.
Huwag-Mo-Akong-Limutin
Samantalang nagdiriwang ng ilang kapistahan, maaaring mabigla ang isang Haponés na tumanggap ng isang liham mula sa isang patay na kamag-anak. Ang inihatid na liham, tinatawag na Makalangit na Paglilingkod ng Koreo, ay walang kaugnayan sa daigdig ng espiritu. Sa isang kabayaran, isang kompaniya sa Nagoya, Hapón, ay tumatanggap ng utos mula sa may edad na mga tao na ipinagkakatiwala sa kanila na ihatid ang pantanging-araw na mga pagbati, mga regalo, at mga mensahe pagkamatay nila. Ang pinakamababang halaga ng isang liham buhat sa “langit” ay 10,000 yen ($75, U.S.). Para sa mga bagay na ihahatid pagkalipas ng mahigit na isang taon, 18 porsiyentong interes ang ipinapatong sa isang taon. Samakatuwid, ang isang liham na ihahatid pagkalipas ng sampung taon ay magkakahalaga ng 55,442 yen ($414, U.S.). Sulit ba ito? Ang presidente ng kompaniya ay nagpapaliwanag: “Parami nang paraming tao ang nagnanais na makatiyak na ipapasa nila ang kanilang mga alaala, gayundin ang katibayan na sila’y nabuhay, sa kanilang mga anak at mga apo kahit na pagkamatay nila.”
“Kamatayan Dahil sa Dote”
Sa pang-araw-araw na mga ulat sa mga pahayagan sa India tungkol sa mga kabataang babae na nagsusunog sa kamatayan, sabi ng The Economist ng London, “karaniwang kaalaman na na ang marami, marahil ang karamihan, ay mga kamatayan dahil sa dote.” Ang mga ito ay nangyayari sapagkat ang pamilya ng lalaki ay hindi nasisiyahan sa ibinayad na dote. Kung minsan hindi kaya ng pamilya ng babae ang sinang-ayunang halaga, o higit pang salapi ang hinihiling pagkatapos ng kasal. Ito ay naglalagay ng mabigat na pasanin sa bagong kasal na babae at sa kaniyang ama. Ang ibang mga asawang babae ay nabubuyong magpakamatay kapag ang halaga ay hindi mabayaran, o sila’y maaaring pinatay sa pag-asang higit pang salapi ang dadalhin ng susunod na asawang babae. “Nasusumpungan ng maraming ama ang kanilang mga sarili na baon sa utang,” sabi ng report. “Hindi kataka-taka na ang isang lalaking may limang anak na babae at walang anak na lalaki ay mag-akalang siya’y isinumpa.”
“Brown Dwarf”?
Natuklasan ng mga siyentipiko ang malakas na katibayan ng wari’y isang tulad-planetang bagay na umiikot sa isang bituin wala pang 50 light-years mula sa lupa, ulat ng babasahing Britano na Nature. Kung ang tuklas ay susuportahan ng karagdagang pananaliksik, ito ang magiging kauna-unahang napatunayang “brown dwarf,” isang kalahating-planeta, kalahating-bituin na maraming taon nang ipinaliliwanag ng mga astronomo subalit hindi nila nakikita. Inilarawan ng mga siyentipiko, mula sa University of California sa Los Angeles at sa University of Hawaii, ang bagay na ito na binubuo ng mga gas na mas malaki kaysa alinman sa siyam na planeta sa ating sistema solar. Ang brown dwarf ang siya ring magiging unang tulad-planetang bagay na nakilala sa labas ng ating sistema solar.
Mataas na Halagang Kalidad
Isang botelya ng alak na Aleman na buhat pa noong 1735—marahil “ang pinakamatandang naiinom na puting alak sa daigdig”—ay isinubasta kamakailan sa monasteryo sa Eberbach, Alemanya. Ang ilang patak ay sapat na upang tuksuin ang panlasa ng mga eksperto sa alak. “Ang bango, ang natatanging katangian ng alak ay walang katulad,” sabi ng ekspertong si Robert Englert, sang-ayon sa pahayagang Aleman na Schweinfurter Tagblatt. Sinasabing ang isang baso ng alak na naubos ang laman ay patuloy na naaamoy pa rin sa hangin pagkalipas ng ilang oras, pinagtitibay ang napakahusay na kalidad ng ika-18-siglong alak. Binili ng isang negosyanteng taga-Canada ang botelya ng suwabeng alak sa halagang 53,000 German marks ($33,390, U.S.).