Isang Iglap na Pagsambulat ng mga Kulay
ISA akong Europeo na nasa aking unang pagdalaw sa California. Sa unang umaga sa Indian Wells, lumabas ako sa maningning na araw ng disyerto. Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa patio. Habang nakatayo ako roon, walang anu-ano’y nakarinig ako ng isang malakas na higing na sa pakiwari ko ay isang malaking insekto ang sumibad sa akin.
Pagkaraan ng ilang sandali nariyan na naman ang huni at ang animo’y bahid. Naisip ko na marahil ito ay isang uri ng pagkalaki-laking bubuyog sa California na nagbababala sa akin na lumayo sa landas ng paglipad nito. Tinawag ko ang aking maybisita, “Ano ba iyong umuugong na iyon sa akin?” “Oh, iyon ay isa lamang hummingbird. Mayroon kaming daan-daan niyan dito.”
Isa lamang hummingbird! Pinukaw niyan ang aking pandamdam—narito ang isang nilikha na naririnig ko subalit hindi ko pa nakikita. Maingat akong nagmasid at biglang nakita ko ang pagkaliit-liit, gumagaralgal na kababalaghang ito na nakapuwesto sa harap ng isang bulaklak. Ang munting ibon na ito, na nakabitin sa hangin, ay paroo’t paritong humahagibis upang itubog ang mahabang tuka nito sa mahalagang nektar na pinagmumulan ng mahalagang lakas nito.
Nakatayo ako roon at nabighani habang ang iglap na pagsambulat ng mga kulay ay aali-aligid at pagkatapos ay lumipad nang paatras! Hindi ko mapigil ang aking katuwaan. Nanggaling sa gawing hilaga ng Europa, hindi pa ako nakakita ng gayon kagandang ibon. Para bang nagmamasid ka ng isang himalang nagaganap. Ang maningning na mga balahibo nito ay naglalabas ng mga kulay na mahirap ilarawan—mga pula, murado, at berde na para bang kumikinang. Ang mistulang kagandahan nito ay nagpangyari sa akin na tawagin ang aking maybahay na lumabas at masdan ang gayong pambihirang nilikha.
Hindi na ako makatiis. Kinuha ko ang aking kamera at sinimulan kong humanap ng mga anggulo at liwanag upang makakuha ng magandang larawan. Sa sulok ng patio ay may isang artipisyal na feeder o pinaglalagyan ng pagkain para sa mga ibon sa anyo ng isang pula, hugis-kampanilyang bulaklak. Sa loob nito ay may gawang-taong nektar—isang itinimplang asukal at tubig. Yamang hindi sapat ang liwanag sa sulok na iyon, hiniling ko sa aking asawa na hawakan ang feeder sa labas sa may liwanag ng araw. Habang siya ay walang katinag-tinag na nakatayo roon, sa wakas ay humahagibis na nagdatingan ang mga ibon patungo sa kaniya at labas-masok na humahagibis, sinisipsip ang enerhiyang likido. Habang ito’y nawiwili sa bagong lugar na ito, inimbestiga pa nga nito ang tainga ng aking asawa—baka mayroon ding nektar doon!
Kami kapuwa ay namangha at tuwang-tuwa na aktuwal na makita at marinig ang isang hummingbird sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay. Naisip ko, ‘Anong gandang leksiyon! Saanman tayo naroroon sa daigdig, hindi natin dapat waling-bahala ang anuman sa atin mismong lokal na mga himala.’ Gayunma’y sinabi ng aking kaibigan, “Isa lamang hummingbird”!
Ang Hummingbird Laban sa Helikopter
Habang minamasdan ko ang mga maneobra nito, wala akong magawa kundi isipin na ang pinakamalapit na naidisenyo ng tao na pagtulad sa hummingbird ay ang helikopter. Gayunman, wala itong sinabi!
Mula nang araw na iyon mga limang taon na ang nakalipas, natawag ang aking pansin ng kagandahan at disenyo ng hummingbird. At marami pa akong natuklasan tungkol sa pagkaliliit na mga kinapal na ito ng disenyo at lakas o enerhiya. Halimbawa, sang-ayon sa aklat na Hummingbirds: Their Life and Behavior, mayroong “humigit-kumulang 338 mga uri at 116 na klase ng pamilyang Trochilidae, ang pinakamaliit na mga ibon sa daigdig.” Sa katunayan, ang iba ay napakaliit anupa’t mas mabigat pa rito ang isang Britanong penny o sentimo o isang sentimo ng E.U. at halos kasinlaki ng isang bubuyog. Ang pinakamalaki ay halos dalawampung centimetro ang haba.
Balikan natin ang paghahambing sa helikopter—nagsiyasat ako sa Sikorsky Aircraft upang alamin kung ilang pag-ikot sa bawat minuto ang nagagawa ng mga rotor blade o umiikot na talim habang lumilipad ang helikopter. Ang sagot ay sa pagitan ng 200 at 300 mga pag-ikot sa bawat minuto. At ang hummingbird? Habang umaaligid, ang ilan sa kanila ay nakagagawa ng isang kumpas ng pakpak na 78 ulit sa bawat segundo, o 4,680 mga kumpas sa bawat minuto!
Napakaraming Matututuhan
Ang ilan sa mga pangalan na ibinansag dito sa ibang mga wika ay makahulugan. Tinatawag ito ng mga Portuges na beija flor, na nangangahulugang “manghahalik ng bulaklak.” Tinatawag ito ng mga Kastila na chupaflor, na ang ibig sabihin ay “tagasipsip ng bulaklak.” Sa wikang Italyano ito ay colibrì, at kilala rin ito bilang uccello mosca, ang “ibong langaw,” dahil sa napakaliit nito.
Nakakita ka na ba ng isang hummingbird sa inyong dako ng daigdig? Maliban kung ikaw ay nakatira sa Kanlurang Hemispero, hindi ka magkakaroon ng pribilehiyong iyan. Ang lawak nito ay mula sa Alaska hanggang sa kalakhang bahagi ng Estados Unidos, paibayo sa Mexico at sa Caribbean, at patungo sa Timog Amerika. Subalit sa nakakita ka man o hindi ng isa nito, maguguniguni mo ang aking katuwaan sa pagkakita at pagkarinig ko ng aking kauna-unahang hummingbird.
Sa lahat ng bahagi ng daigdig ay may kagila-gilalas na mga nilikha na napakaganda ng kanilang disenyo at kagandahan. Kahit na yaong ipinalalagay natin na pangit ay nagtatanghal din ng kasindak-sindak na disenyo. Gayunman, ang makilala ang lahat ng mga ito at maunawaan ito ay isang napakalaking atas para sa napakaikling buhay. Ang malaman lamang ang lahat ng malalaman tungkol sa mga hummingbird ay mangangailangan ng mga taon ng pag-aaral at obserbasyon. Gayunman, sinasabi ng ilan na ang buhay na walang-hanggan ay magiging kabagut-bagot—sa kabila ng napakaraming matututuhan!
Aking nagunita ang sinaunang makatang mga pananalita, na original na naisulat sa Hebreo: “Anong pagkasarisari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat. Ang lupa ay punô ng iyong mga gawa.” (Awit 104:24) Hindi kataka-taka na nang mapansin ng salmista ang gayong mga nilikha na gaya ng “mga ibon sa langit,” siya ay naudyukan na sabihin pa: “Oh Jehova aming Panginoon, anong pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!”—Awit 8:8, 9.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Kung ihahambing sa kagandahan at disenyo ng isang hummingbird, ang isang helikopter ay walang sinabi
[Credit Line]
G. C. Kelley photo
Ito lamang ang ibon na maaaring lumipad nang paatras
[Credit Line]
G. C. Kelley photo
Ang timbang ng ilan ay wala pang isang sentimo
[Credit Line]
D. Biggins/U.S. Fish & Wildlife Service
[Larawan sa pahina 18]
Ang ilang hummingbird ay may kumpas ng pakpak na 78 ulit sa bawat segundo, samantalang ang rotor ng isang helikopter ay umiikot lamang ng 4 o 5 ulit sa isang segundo
[Credit Line]
G. C. Kelley photo
[Picture Credit Line sa pahina 15]
G. C. Kelley photo