Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Aking Buhay na May Sakit Akong Hemophilia
Nais kong ipabatid na nabagbag ang aking damdamin sa ulat ni John A. Wortendyke na “My Life With Hemophilia.” (Hunyo 22, 1987, sa Ingles) Ang laki ng pananampalataya na ipinakita niya sa Diyos na Jehova ay tunay na kahanga-hanga. Ako sa kasalukuyan ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, at nang mabasa ko ang karanasan ni John ay wari bang nagtinging maliit ang aking mga problema kung ihahambing sa kaniya at nagpangyari sa akin na maging determinado na huwag manghina sa aking paglilingkuran sa Diyos.
A. C., Inglatera
Sa lahat ng kahanga-hangang mga karanasan sa inyong mga magasin, ito ang pinakamakabagbag-damdamin, nakapagpapatibay-pananampalatayang artikulo na aking nabasa. Nais kong sabihin kay John Wortendyke na aking isinasama siya at ang kaniyang may tibay-loob na pamilya sa aking mga panalangin! Habang binabasa ko ang artikulo, para bang naninigas ang aking sikmura sa tuwing dumaranas siya ng yugto ng pagdurugo. Ito ang karanasan na iingatan ko sa aking isipan kailanma’t magkaroon ako ng matinding mga sakit ng ulo dahil sa sinus, migraines, o mga pag-atake ng artritis!
D. S., Estados Unidos
Mga Aprikanong Umiinom ng Gatas
Ang inyong artikulong “Will Africa Ever Be Free From Hunger?” ay totoong nakapagtuturo. (Marso 8, 1987, sa Ingles) Gayunman, pakisuyong alamin na ang inyong larawan sa pabalat tungkol sa isang bata na may mansanas at isang basong gatas ay hindi siyang nais naming makita sa Aprika. Hindi kukulangin sa 70 porsiyento ng mga mamamayang itim sa daigdig ay hindi hiyang sa gatas. Wala tayong magagawang kabutihan sa katutubong mga Aprikano sa pamamagitan ng paghimok sa kanila na uminom ng gatas.
G. H., M.D., Hawaii
Ang Aming kabalitaan sa Timog Aprika ay nagsasabi: “Kami’y nakipag-alam sa ilang mga Aprikano, at sila ay nagsasabi na silang lahat ay uminom ng gatas noong sila ay bata. Ang gamit ng baka at ng gatas nito ay mahalaga sa mga buhay ng mga taong itim sa timog ng Aprika mula pa noong bago manirahan doon ang mga Europeo. Sa katunayan, ang wikang Zulu ay may isang salita, ang ‘ukukleza,’ na naglalarawan sa gawain ng mga pastol na Aprikano ng paggagatas sa isang baka nang tuwiran sa kanilang mga bibig. Mangyari pa, ang kalagayan ay maaaring naiiba sa iba pang dako sa Aprika.”—ED.
Pag-alpas sa mga Droga
Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makakaalpas sa mga Droga?” (Pebrero 22, 1986) Mga ilang taon na noon, ako ay nagkasakit dahil sa pagkabalisa at kaigtingan, at inireseta ng aking doktor ang isang banayad na trangkilayser para sa akin. Hindi nagtagal at bumuti ang aking pakiramdam at ako’y napasasalamat sa medikasyon. Nang malaunan, nang malaman ko ang mga panganib ng mga gamot na ito at natatalos na hindi ko na kinakailangan ito, ako’y nagpasiya na ihihinto ko na ang pag-inom nito. Pagkatapos ng apat at kalahating taon ng pagdepende rito, batid ko na magkakaroon ako ng ilang mga epekto dahil sa paghinto ko sa paggamit ng mga drogang ito. Subalit sa pamamagitan ng palaging pagkakapit ng angkop na patnubay at payo na nasa artikulo, ako’y nagtagumpay sa wakas.
G. O., Inglatera
Ano ang Nangyayari sa Ating Kagubatan?
Salamat sa inyong labas na “Ano ang Nangyayari sa Ating Kagubatan?” (Hunyo 22, 1987) Naghahanda para sa isang oral na eksamen sa heograpiya tungkol sa suliraning pang-ekolohiya, ginamit ko ang mga artikulong ito, na malaking tulong. At ako’y nakakuha ng magandang resulta sa eksamen. Nagamit ko na ang mga artikulong inilathala ng Gumising! noon sa pananaliksik sa paaralan. Tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat!
G. C., Italya