Teolohiya sa Pagpapalaya—Tutulungan Kaya Nito ang Mahihirap?
Angaw-angaw na ‘namumuhay sa mga dampa ang lubhang nagpapagal upang magkaroon lamang ng mga pangangailangan sa buhay: nag-iigib sila ng tubig; naglalakbay sila sa pamamagitan ng paglalakad, sakay ng kabayo, o kariton; kumakain sila ng kanin, balatong at saging. Bagaman ang lupain sa paligid nila ay mataba, batid nila na sila ay malamang na manatiling mahirap. Kaya dahil sa karalitaan, dahil sa pagpupunyagi, dahil sa pinakamalupit na pang-aapí, isang bagong anyo ng “sinaunang simbahan” ang isinilang.’—The Christian Century.
“ANG kinabukasan ng simbahan ay wari bang nasasalalay sa mahihirap.” Gayon ang ulat ng magasing Newsweek. Ang iba ay naniniwala na ang “bagong simbahan” na ito na gumagawa para sa pagpapalaya ay maaaring maging “ang tanging pinakamagaling na pag-asa” para sa mahihirap at sa pagdadala ng mapayapang pagbabago sa kanilang mga bansa. Gayon nga ba?
Una muna, suriin natin ang teolohiya sa pagpapalaya mula sa pangmalas ng tagataguyod nito. Bakit lubhang kailangan ang armadong pakikipaglaban upang palayain ang mahihirap? Anong mga kalagayan ang sinasabi upang bigyang-matuwid ang teolohiya sa pagpapalaya?
Karalitaan at Paniniil
Dalawang-katlo ng populasyon ng daigdig—karamihan sa Latin Amerika, Aprika, at Asia—ay namumuhay sa imbing karalitaan, at mga ulat tungkol sa pulitikal na karahasan mula sa mga kontinenteng ito ay karaniwan. Para sa “mga taong apí na ito,” ang karalitaan, paghihirap, at pagkabihag ang sa tuwina’y siyang paraan ng pamumuhay. Narito ang ilan sa mga ulat:
◻ Sinasabi ng teologo sa pagpapalaya na taga-Brazil na si Leonardo Boff na sa kaniyang bansa “isang magsasaka ang pinapatay sa bawat 22 oras.”
◻ “Ang Nicaragua ay nagsisikap na mag-organisa ng isang bansa sa kapakanan niyaong mga inapí sa loob ng mga salinlahi—80 porsiyento ng mga mamamayan.” Gayunman, mahigit na 40 porsiyento ng kabuhayan ng bansa ay iniulat na ginagamit para sa depensa militar.
◻ Sang-ayon sa pahayagan ng Mexico City na El Universal, 40 milyong mga tao ang sinasabing namumuhay sa karalitaan dahilan sa “kawalang-katarungan sa lipunan.” Apatnapung porsiyento ng populasyon ang sinasabing nakakaabot sa “pinakamababang antas ng pantawid-buhay,” samantalang 18 porsiyento lamang ang mayroong “timbang na pagkain.”
◻ Binabanggit ng isang report sa Guatemala na 80 porsiyento ng masasakang lupa ang pag-aari ng 2 porsiyento lamang ng populasyon. Sa mga batang wala pang limang taóng gulang, 81 porsiyento ang dumaranas ng malnutrisyon. Sa loob ng nakalipas na 30 taon, mayroong 100,000 pulitikal na karahasan at 38,000 mga pagkidnap.
◻ Sa Pilipinas, 2 porsiyento ng populasyon ang nagmamay-ari sa 75 porsiyento ng mga kayamanan. “Kung hindi natin lulutasin iyan,” sabi ng madreng Pilipino na si Mary John Mananzan, “wala tayong malulutas na anumang bagay!”
Ang mga tao sa maraming lupain ay sinasabing namumuhay sa walang tigil na takot sa mga awtoridad, sa hindi opisyal na mga hukbo, at sa mga pangkat ng vigilante. Libu-libo ang tumakas sa kalapit na mga bansa.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga preladong Katoliko ay “ipinakikipagbaka ang kapakanan ng mahihirap.” “Marami na tayong narinig tungkol sa mga kompesór, mga birhin at mga propeta,” sabi ni Boff, subalit “kumusta naman ang tungkol sa mga magsasaka at mga manggagawa?” Gayunman, ano naman ang iminumungkahi ng mga teologo sa pagpapalaya upang lunasan ang kalagayang ito? Ano ba ang kahulugan ng ‘pagkampi sa mahihirap’?
Ang Labanan sa Third World
“Ang karalitaan ay isang kawalan ng katarungan” sabi ng mga teologo sa pagpapalaya. Kaya ang “karapatan sa pagpili alang-alang sa mahihirap” ay upang “tulungan silang humanap ng isang marangal na buhay na doo’y mayroon silang karapatan.” Sa kaniyang aklat na The Power of the Poor in History, ang Peruvianong si Gustavo Gutiérrez, na itinuturing na ama ng teolohiya sa pagpapalaya, ay nagsasabi na “ngayon higit kailanman, mahalaga na mapabilang sa mga tumututol, sa mga lumalaban, sa mga naniniwala at umaasa.” Subalit sang-ayon sa mga teologo sa pagpapalaya, posible lamang ito sa pamamagitan ng “pagkatupad ng katarungang panlipunan sa pamamagitan ng malaking mga pagbabago sa kayarian ng lipunan.” Paano ginagawa ito sa ilang mga dako sa daigdig?
◻ Sa Haiti, ang Iglesya Katolika ay sinasabing tumulong upang ibagsak ang “paniniil” ni Duvalier.
◻ Si Jaime Cardinal Sin ng Manila ay iniuulat na nakagawa ng “higit kaysa kaninuman sa Pilipinas upang ibagsak ang diktadura ni Ferdinand Marcos.”
◻ Ganito ang paliwanag ni Bonganjalo Goba ng Timog Aprika: ‘Ang karanasan natin ay tungkol sa mga taong dumarating na may hawak na Bibliya sa isang kamay at isang baril sa kabilang kamay, na nangangakong ipagtatayo ang Diyos ng isang simbahan kung bibigyan niya tayo ng lupa.’
Subalit ang karalitaan ay isa lamang sa mga problema. Ang kamangmangan, kawalan ng trabaho, gutom, at sakit ay mga resulta rin ng isang mahinang sistema sa lipunan at kabuhayan sa maraming lupain. Kaya, ang mahihirap at mga apí ay gumaganti.
Gayunman, paano nangangatuwiran ang mga teologo sa pagpapalaya, gaya ni Gutiérrez at ni Boff, tungkol sa bagay na ito na ginagamit ang Bibliya?
Ang mga Teologo sa Pagpapalaya at ang Bibliya
“Ang pagpapalaya ay isang mahalagang bahagi ng Bibliya,” sabi ng paring Katoliko sa Timog Korea na si Augustine Ham Sei Ung. Subalit upang ipaliwanag ito, si Gutiérrez ay nagsasabi na ang “kasaysayan . . . ay dapat na muling basahin mula sa panig ng mahihirap.”
Kaya, sinasabi ng mga teologo sa pagpapalaya na ang ilang ulat ng Bibliya, gaya niyaong “pagpapalaya sa Israel,” ay pulitikal na pagkilos. “Isinisiwalat ng Diyos . . . ang kaniyang sarili sa . . . ‘mga mahihirap’ at ‘mga kapus-palad,’” sabi ni Gutiérrez. “Kung nais ng simbahan na maging tapat sa . . . Diyos . . . , dapat itong magkaroon ng kabatiran ng kaniyang sarili mula sa nakabababa, mula sa mahihirap ng daigdig na ito.” Kaya, “ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan,” ikinakatuwiran nila, “ay maaari ring ipakita sa pulitikal na paraan” sa ngayon.
Ano ang palagay ng mga teologo sa pagpapalaya tungkol sa kaugnayan ng Bibliya sa pulitika? Si Leonardo Boff ay nagpaliwanag sa Gumising! na “hindi tungkulin ng Bibliya na maging isang aklat ng mga inspirasyon sa mga pamamaraang pulitikal at pulitikal na mga mapagpipilian; bagkus, ang Bibliya ay isang pinagmumulan ng inspirasyon sa paghanap sa mas matuwid na mga kaugnayang pantao.” Gayunman, ano ba ang mga resulta ng pakikibahagi ng klero sa repormang panlipunan?
Ang karahasan ay karaniwang humahantong sa kamatayan. Hindi dapat waling-bahala ang bagay na ang klero ay may malayang pagkilos sa daigdig ng pulitika sa loob ng mga dantaon. Sila mismo ay pumanig sa mga hari ng daigdig at sa mga diktador o sa mga piling tao ng mga uring namumuno na umapí sa mahihirap. Bunga nito, maraming buhay ang nasawi.
Isang “Karapatan sa Pagpili”?
Ang modernong “mga kilusan sa pagpapalaya” ay walang ipinagkaiba. Ang mga ito man ay umakay sa maraming kamatayan. Gaya ng inaamin ni Gustavo Gutiérrez: “Ngayon, ang lumulubhang gutom at pagsasamantala, gayundin ang pagpapatapon at pagbibilanggo . . . , pagpapahirap at kamatayan . . . , ang halagang ibinabayad dahil sa paghihimagsik laban sa isang sekular na paniniil.”
Kaya, tunay, walang teolohiya ng tao ang makaaalis sa dalamhati ng sangkatauhan. Habang umiiral ang kasakiman at pagkapoot, mananatili ang pangangailangan para sa isang bagay na mas mabuti. Subalit mayroon bang mas mabuting pagpili para sa mahihirap?
[Larawan sa pahina 6]
“Mahalagang mapabilang sa mga tumututol, sa mga lumalaban, sa mga naniniwala at umaasa.”—Gustavo Gutiérrez