Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakahirap Iwasan ang Masturbasyon?
“ANG mga bisyo ay tulad ng malambot na kama—napakadaling mahiga rito subalit napakahirap bumangon mula rito.” Gayon ang sabi ng isang kasabihan. At anong totoo nga nito kung tungkol sa masturbasyon! Isang lalaki na gumagawa nito mula sa edad na 10 hanggang sa siya ay 43 anyos ay nagsabi: “Ang bisyong ito ay mas nakaliligalig kaysa bisyo ng paninigarilyo, na akin nang inihinto bagaman ito ay hindi madali.”
Ipinakita ng isang naunang artikulo kung bakit ang masturbasyon ay nakapipinsala.a Bakit, kung gayon, napakadaling masangkot ng mga tin-edyer sa gawaing ito?
Ang Kasariwaan ng Kabataan
Ang isang nagbibinata o nagdadalaga ay pumapasok sa isang yugto ng panahon na tinatawag sa Bibliya na “kasariwaan ng kabataan,” kung kailan ang mga pagnanasa sa sekso ay nagiging malakas. (1 Corinto 7:36) Yamang inihahanda ng katawan ang kaniyang sarili para sa pagiging magulang, inilalabas nito ang malakas na mga hormone na nakakaapekto sa mga sangkap sa pag-aanak. Sa panahong ito, natatalos ng isang kabataan na ang mga sangkap na ito ay maaaring lumikha ng kasiya-siyang mga pakiramdam. Kung minsan, ang pag-uusyuso at paninibago sa bago, kasiya-siyang mga pakiramdam na ito ay umaakay sa ilang kabataan na mag-eksperimento sa pamamagitan ng sinasadyang paghawak sa mga sangkap na ito para sa karagdagang kasiyahan o upang mapukaw na husto.
Dahilan sa mga pagbabagong nagaganap sa loob ng kaniyang katawan, ang isang kabataan ay baka mapukaw nang husto sa sekso kahit na siya ay hindi naman nag-iisip tungkol sa sekso. Sa gitna ng mga lalaki, halimbawa, ang mga kaigtingan na dala ng iba’t ibang mga pag-aalalá, takot, o mga kabiguan ay maaaring makaapekto sa kaniyang sensitibong mga sistema sa nerbiyos at maaaring pumukaw sa sekso. Ang pagdami ng daloy-binhi (semen) ay maaaring magpangyari ng paglalabas nito habang natutulog (wet dream), karaniwan nang sinasamahan ng isang erotikong panaginip, o magpangyari sa isang lalaki na magising na seksuwal na napukaw. Sa gayunding paraan, maaaring masumpungan ng mga kabataang babae na sila ay di-sinasadyang mapasigla sa sekso. At ang isang dalagita ay maaaring magkaroon ng matinding seksuwal na pagnanasa bago o pagkatapos ng kaniyang pagriregla.
Kung nakaranas ka ng gayong inaayawang pagkapukaw, wala namang diperensiya sa iyo. Ito ay normal na pagtugon ng isang nakababatang katawan. Ang gayong mga pakiramdam, kahit na kung napakatindi, ay hindi katulad ng masturbasyon, yamang ang mga ito ay karaniwan nang hindi kusa. Habang ikaw ay nagkakaedad at nilalampasan mo ang “kasariwaan ng kabataan” na ito, ang tindi ng mga pakiramdam na ito ay huhupa rin.
“Gatong sa Isipan”
Gayunman, kung minsan ang pagpukaw ay higit pa kaysa pagkilos lamang ng mga hormone ng isa. Halimbawa, inilalarawan ng Bibliya ang isang binata na nakatagpo ng isang handalapak na babae. Hinahalikan siya ng babae at sinasabi: “Halika, . . . tayo’y magpakasiya sa mga pagsisintahan.” Pagkatapos ay ano ang nangyayari? “Pagdaka ay sumusunod siya sa kaniya, gaya ng toro na naparoroon sa patayan.” (Kawikaan 7:7-22) Maliwanag, ang pita ng kabataang ito ay napukaw ng kaniyang nakita, narinig, at naranasan—hindi basta ng kaniyang mga hormone! Sa gayunding paraan, isang binatilyo ang may sabi: ‘Ang ugat ng aking problema tungkol sa masturbasyon ay dahil sa kung ano ang inilalagay ko sa aking isipan. Panonoorin ko ang mga programa sa TV na kinapapalooban ng imoralidad at sa ilang mga kaso ay panonoorin ko ang mga programa sa cable TV na nagpapakita ng mga hubo’t hubad. Ang gayong mga eksena ay nakasisindak anupa’t ang mga ito ay nananatili sa iyo. Muli itong lilitaw sa aking isipan, naglalaan ng gatong sa isipan upang magsagawa ng masturbasyon.’
Kaya, kadalasan nang kung ano ang binabasa, pinanonood, o pinakikinggan ng isa bilang libangan, pinag-uusapan, o pinag-iisipan, ang gumagawa sa masturbasyon na mahirap iwasan. Samakatuwid, ang pagiging maingat tungkol sa kung ano ang ipinapasok mo sa iyong isipan ay mahalaga upang ihinto ang bisyong ito. Gaya ng ipinagtapat ng isang 25-anyos na babae: “Para bang hindi ko talaga maihinto ang bisyo. Gayunman, ako’y nagbabasa ng mga nobela tungkol sa romansa, at ito ang naging dahilan ng problema.” Kapuna-puna, hindi lamang ang maruming mga kaisipan tungkol sa sekso ang umakay sa kaniya sa pagsasagawa ng masturbasyon. Oo, ipinakikita ng kaniyang karanasan marahil ang pinakamalaking dahilan kung bakit ang bisyo ay napakahirap ihinto.
Isang Emosyonal na “Trangkilayser”
Ang dalagita ay nagpapatuloy: “Karaniwang ako’y nagsasagawa ng masturbasyon upang ilabas ang panggigipit, kaigtingan, o pagkabalisa. Ang panandaliang aliw na iyon ay katulad ng iniinom na alak ng isang alkoholiko upang huminahon ang kaniyang pakiramdam.” Siya ay hindi natatangi. Ang mga mananaliksik na sina Suzanne at Irving Sarnoff ay sumulat: “Sa ibang mga tao ang masturbasyon ay maaaring maging isang bisyo na kanilang binabalingan upang maaliw kailanma’t sila’y tinatanggihan o nangangamba tungkol sa isang bagay. Gayunman, ang iba ay maaaring lumayo sa ganitong paraan paminsan-minsan, kapag sila ay nasa ilalim ng pinakagrabeng emosyonal na kaigtingan.”
Ganito pa ang sabi ni Dr. Sherwyn Woods: “Ang malaking bahagi ng mga karanasan sa masturbasyon ay hindi gaanong inuudyukan ng erotikong pangangailangan kaysa udyok ng panlahat na pagkabalisa, tensiyon, at pagkabagot kung saan ito ay nagiging isang hinahangad na trangkilayser.” Kaya kapag ang isa ay balisa, nanlulumo, nalulumbay, o maigting ang bisyong ito ay nagiging isang magaling na “trangkilayser” upang alisin ang mga problema ng isa. (Ihambing ang Kawikaan 31:6, 7.) Samakatuwid, upang maiwasan ang masturbasyon, dapat mong mabatid na ito ay isang hindi maygulang na paraan ng pakikitungo sa mga problema at maging handang . . .
‘Iwanan ang mga Ugali ng Isang Bata’
Ang apostol na si Pablo ay sumulat: “Nang ako’y isang bata, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata; ngunit ngayon na maganap na ang aking pagkatao, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata.” (1 Corinto 13:11) Ang masturbasyon ay ugaling bata na reaksiyon sa mga problema. Minsang maitanim, ang “mga ugali ng bata” na ito ay maaaring magpatuloy hanggang sa pagkamaygulang. Bilang halimbawa, sa gulang na siyam, noong minsan nakaharap ng isang batang lalaki ang isang napakahirap na matematikal na problema sa paaralan. Una siyang bumaling sa masturbasyon upang pahinahunin ang kaniyang isipan. Pagkatapos niyan siya ay bumabaling sa bisyong iyon kailanma’t magagawa niya kapag nakakaharap niya ang isang mahirap na problema. Ngayon, bilang isang may sapat na gulang, sabi niya: “Hanggang sa araw na ito, ang isang napakahirap na piraso ng gawain ng isipan ang pinakamalakas na nag-uudyok sa akin na magsagawa ng masturbasyon. Kung wala ito, hindi ako makapagtatrabaho.”
Bagaman ang naunang mga kaso ay maaaring maging kalabisan, naririyan ang panganib sa paggamit sa “trangkilayser” na ito upang iwasan ang emosyonal na mahihirap na kalagayan. Ngunit sa halip na mental na takasan ang mga ito sa pamamagitan ng masturbasyon, magpakita ng “kakayahan ng pag-iisip” at harapin mismo ang problema. (Kawikaan 1:4) Kung ang mga problema at mga kabiguan ay tila mandin pagkarami-rami, matutong “ilagak ang lahat ng inyong kabalisahan sa [Diyos], sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya” at nauunawaan niya ang iyong problema, kahit na inaakala mong walang taong nakauunawa sa iyo. (1 Pedro 5:6, 7) Hayaan mong tulungan ka ng Diyos “na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu sa inyong panloob na pagkalalaki [o pagkababae].” (Efeso 3:16) Sa halip na may kahinaang bumaling sa masturbasyon bilang isang “trangkilayser,” “magpakalalaki kayo [at magpakababae kayo, hindi gaya ng mga sanggol], kayo’y magpakalakas.”—1 Corinto 16:13.
Ang mga Sarnoff sa kanilang aklat na Masturbation and Adult Sexuality ay nagsasabi: “Anuman ang dahilan o anumang kakulangan ang nadarama ng mga tao, ang kanilang pasiyang magsagawa ng masturbasyon ay nangangahulugan na hindi nila sinisikap na maayos ang kakulangan sa pamamagitan ng makabuluhang sosyal na gawain. . . . Totoo, maaaring sundin ng isang tao ang panlahat na patakaran na sikapin kapuwa na malutas ang kaniyang mga problema at magsagawa ng masturbasyon kailanma’t nakararanas siya ng kaigtingan. Ngunit ang tukso na paburan ang huling banggit na ‘lunas’ ay napakalaki, yamang lagi mong dala ang iyong katawan. Kaya pinakamabuting pagtuunan ang pag-iisip at pagsasagawa ng tunay na mga lunas sa iyong mga problema.” Kung ang isa ay nagsasagawa ng masturbasyon kapag nakakaharap niya ang mga problema sa halip na lutasin ang mga ito, ang bisyo ay maaaring mauwi sa isang malakas na pagkasugapa.
“Isang Napakalakas na Pagkasugapa”
Pagkatapos makipagbaka sa masturbasyon sa loob ng mahigit na 15 taon mula nang siya ay 11 anyos, ganito ang sabi ng isang lalaki: “Ito’y isang napakalakas na pagkasugapa—hindi ito biru-biro. Maaari itong makasugapa na gaya ng anumang droga o alak.” Ang aklat na Your Growing Child ni Penelope Leach ay nagpapaliwanag: “Ang kasiyahan at ginhawa na maaari niyang makuha mula sa masturbasyon ay nagiging masidhi sapagkat ang iba pang aspekto ng kaniyang buhay ay hindi niya matiis. Tulad ng isang tunay na sugapa, dapat siyang higit at higit na magsagawa ng masturbasyon, at sa paggawa ng gayon lalo niyang inihihiwalay ang kaniyang sarili sa mapagpipiliang mga kasiyahan.”
Ang simbuyong bumaling sa masturbasyon dahil sa kasiyahan kapag ang mga bagay-bagay sa buhay ng isa ay hindi mabuti ay kay daling humila sa isa na maging isang ‘walang isip na alipin sa iba’t ibang pita at kasiyahan.’ (Tito 3:3) Gayunman, si apostol Pablo ay nagsasabi: “Hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anuman.” (1 Corinto 6:12) Hindi niya hahayaang ang kaniyang mga pita ang maging tulad ng isang malupit na panginoon. Sa kabaligtaran, si Pablo ay sumulat: “Hinahampas ko ang aking katawan [mga pitang makalaman] at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Hinigpitan niya ang kaniyang sarili! Ang kahawig na pagsisikap ay magpapangyari sa sinuman na makaalpas mula sa masturbasyon—gaano man kahirap gawin iyon.b
[Mga talababa]
a Tingnan ang Setyembre 8, 1987, na labas ng Gumising!
b Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung paano ito mapaglalabanan ng isang tao upang makaalpas mula sa bisyong ito.
[Larawan sa pahina 18]
Ang panonood ng imoral na mga eksena ay maaaring maglaan ng “gatong sa isipan” para sa masturbasyon