Ang Golden Gate Bridge—50 Taóng Gulang
ANG iba ay nag-aakala na ito ay isang bahagyang paglindol! Subalit hindi, ito’y epekto ng hangin at ng bigat at pagkilos ng tinatayang 250,000 katao na nagsiksikan sa daanan ng Tulay ng Golden Gate ng San Francisco para sa ika-50 anibersaryo nito noong Mayo 24, 1987. Isa pang pulutong ng 500,000 ang nagkalat sa mga daan na patungo sa tulay. Dali-daling kinalkula ng mga inhinyero na makakayanan ng tulay ang bigat na iyon.
Taglay ang pangunahing balantok na 1,280 metro, ang Golden Gate ang pinakamahabang tulay sa daigdig na nakabitin sa kawad nang ito’y mayari noong 1937. Ang pinakamatataas na barko sa daigdig ay maaaring dumaan nang ligtas sa ilalim ng nakataas na haywey na nakabalantok ng mga 19 na palapag sa ibabaw ng tubig.
Isang kabuuan ng 129,000 kilometro ng kawad ang bumubuo sa dalawang kable kung saan nakabitin ang tulay. Ang bawat isa ay 90 centimetro sa diyametro at 2,330 metro ang haba, at mayroong tinatayang lakas na 91 milyong kilo.
Dahilan sa ekselenteng disenyo at patuloy na pagmamantensiyon, tinatayang ang tulay ay tatagal ng mga 200 taon.