Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 1/08 p. 22-23
  • Ang Tulay na Ilang Ulit Nang Ginawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tulay na Ilang Ulit Nang Ginawa
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bagong Disenyo
  • Buhay sa Tulay
  • Isang Trahedya
  • Tower Bridge—Pintuang-daan ng London
    Gumising!—2006
  • Ang Golden Gate Bridge—50 Taóng Gulang
    Gumising!—1987
  • Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama
    Gumising!—1998
  • Mga Tulay—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala ang mga Ito?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2008
g 1/08 p. 22-23

Ang Tulay na Ilang Ulit Nang Ginawa

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BULGARIA

NASA ibabaw ng Ilog Osŭm sa hilagang-sentral ng Bulgaria ang may bubong na tulay ng Lovech. Gaya ng mga taong dumaraan dito, ang kahanga-hangang tulay na ito ay may makulay na kasaysayan.

Isa sa mga unang nagtampok sa tulay ang heologong taga-Austria na si Ami Boué na pumunta sa Lovech noong unang kalahatian ng ika-19 na siglo. Sumulat siya tungkol sa “isang tulay na batong may bubong at puno ng maliliit na tindahan.” Oo, ang kakaibang tulay ng Lovech na nagdurugtong sa magkabilang bahagi ng bayan ay hindi lamang daanan kundi pamilihan din naman! Kaya naging palatandaan na ito ng pamayanan.

Ang unang tulay na ito ng Lovech na may bubong ay gawa sa kahoy, hindi sa bato. Pero sa paglipas ng mga taon, paulit-ulit itong nasira ng baha at kinailangang kumpunihin. Tuluyan nang nawasak ang tulay noong 1872, kaya hindi na ito matawiran ng mga tao.

Hindi biro ang magtayong muli ng tulay. Kaya inupahan ang kilalang tagapagtayo mula sa Bulgaria na si Kolyo Ficheto para magdisenyo at gumawa ng bago at mas matibay na tulay.

Bagong Disenyo

Sinunod ni Ficheto ang orihinal na konsepto at nagdisenyo ng tulay na may bubong at maliliit na mga tindahan. Bilang pansuporta sa tulay na 84 na metro ang haba at 10 metro ang lapad, nagdagdag siya ng biluhabang mga paa na ang makikitid na panig ay nakásalubóng sa agos ng tubig. Ang mga paang ito na limang metro ang taas ay may naiibang disenyo. Mula sa gitna hanggang sa bandang itaas ng mga ito, may butas na nagsisilbing lagusan ng tubig kapag baha. Sa ibabaw ng mga ito, naglagay si Ficheto ng mga biga at tabla na purong kahoy ng ensina. Ang iba pang bahagi ng tulay, kasama na ang 64 na tindahan sa makabilang panig, ay gawa naman sa kahoy ng punong beech. Ginamit din ang kahoy na ito na balangkas ng bubong na yero.

Sa disenyo ni Ficheto, kapansin-pansin din na gumamit siya ng mga kahoy na pako at panghugpong para pagdugtungin ang mga bigang pinakasuporta ng tulay sa halip na pinanday na mga pako at bakal na pandugtong. Para magawa naman ang kalsada ng tulay, nilatagan muna ng mga bato ang tablang sahig nito at saka binuhusan ng graba. May maliliit na bintana sa gilid at bubong nito para makapasok ang liwanag kung araw. Ang tulay ay naiilawan naman ng mga lampara kung gabi. Ang pagdidisenyo ng bagong tulay pati na ang pagtatayo nito ay natapos sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon [1].

Buhay sa Tulay

Kumusta ba ang buhay sa tulay? Ganito ang paglalarawan ng isang nakapunta roon: “Ang mga nagtitinda, nagdaraan, at nag-uusyoso, na bihirang maabala ng pagdaan ng sasakyan, kariton na hinihila ng kabayo, o burikong may pasan, ay nakikipagsabayan sa ingay ng mga latero . . . at hiyaw ng mga nagbebenta ng kanilang paninda. May sariling mundo ang tulay. Ang makukulay na tindahang punung-puno ng nakatirintas na lana, abaloryo, at sari-saring paninda, ay may kani-kaniyang rutin at tradisyon.”

Bukod sa pamimili sa tulay, dumadayo roon ang mga tao para maglibang yamang marami sa mga may-ari ng tindahan ay manunugtog din. Ganito pa ang sinabi ng taong sinipi kanina: “Sa barberya, may lima o anim na barberong hindi lamang naggugupit ng buhok kundi mahuhusay ring tumugtog lalo na ng mga instrumentong de-kuwerdas. Kadalasang may panahon silang tumugtog, at wiling-wili ang mga parokyano habang hinihintay nila silang matapos.” Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, itinatag ng ilan sa mga barberong ito ang tinaguriang Orkestra ng mga Barbero.

Isang Trahedya

Sa loob ng mga 50 taon, nakayanan ng tulay ni Ficheto ang mga pagbaha, digmaan, at iba pang kalamidad. Ngunit noong gabi ng Agosto 2/3, 1925, nagliwanag ang kalangitan ng Lovech nang lamunin ng apoy at maging abo ang magandang tulay ng bayan. Ano ang pinagmulan ng sunog? Hanggang sa ngayon, hindi pa matiyak kung bunga ito ng kapabayaan o panununog. Anuman ang dahilan, wala na namang tulay ang Lovech na magdurugtong sa magkabilang pampang nito.

Noong 1931, isa na namang tulay na may bubong, kasama ang maliliit na tindahan at pagawaan sa loob nito, ang muling itinayo [2]. Pero sa halip na kahoy at bato, bakal at kongkreto ang ginamit ng bagong tagapagtayo nito. Ibang-iba ang kabuuang disenyo nito sa ginawa ni Ficheto. Salamin ang bubong at walang mga pader ang gitnang bahagi ng tulay. Pagsapit ng 1981/82, muli na namang ginawa ang tulay ayon sa orihinal na disenyo ni Kolyo Ficheto [3].

Ang may bubong na tulay ng Lovech ay sagisag ng bayan at larawan ng tagumpay ng bihasang tagapagtayo. Sa ngayon, umaakit pa rin ito ng pansin ng mga residente at mga dumadayo rito habang tumatawid sila sa tulay na may nakahilerang mga tindahan.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

BULGARIA

SOFIA

Lovech

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Larawan 2: From the book Lovech and the Area of Lovech

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share