Ang Rebeldeng Arsobispo
ANG peryudistang Pranses ay sumakay sa isang taksi sa Roma at hiniling na siya ay ihatid sa Palasyo Rospigliosi-Pallavicini. Ang tsuper ng taksi ay tumingin sa kaniya nang may kahulugang tingin at nagsabi “Si,” ihahatid niya ang lalaki sa “il vescovo ribelle!” (ang rebeldeng obispo).
Sa loob ng mga ilang araw ang sinuman sa Roma ay nasa katayuan ng pananabik. Sa malaking galit ng mga awtoridad sa Vaticano, si Prinsesa Elvina Pallavicini, isang membro ng isa sa kilalang maharlikang pamilya sa Roma, ay sumang-ayon na tulungan ang rebeldeng arsobispong Katolikong Pranses na si Marcel Lefebvre na ipahayag ang kaniyang mga palagay sa Roma, nagpadala pa nga ng daan-daang mga paanyaya sa isang semipribadong press conference. Ipinagamit niya kay Lefebvre ang palasyo ng pamilya na tinirhan ng isang papa at ilang mga kardinal na kabilang sa kaniyang mga ninuno. Upang palalain pa ang mga bagay, papayagan niyang ganapin ni Lefebvre ang kaniyang komperensiya sa silid ng trono sa ilalim ng pagkalaki-laking kulandong ni Papa Clemente IX.
Sa kabila ng maraming panggigipit sa kaniya ng matataas na pinuno ng Vaticano, ang prinsesa ay nanindigan sa kaniyang pasiya. Iniulat ng lahat ng pahayagang Romano ang tungkol sa miting na ito, ipinalalagay na isang “pampagalit” doon mismo “sa bungad ng pinto ng Vaticano.” Maliwanag na sumusubaybay sa lokal na balita ang tsuper ng taksi!
Ang Simbahan “Ay Hindi Na Katoliko”
Binigyang-matuwid ni Prinsesa Pallavicini ang kaniyang pasiya, binabanggit na ang Iglesya Katolika ay nahahati at na ang gayong “malubhang mga problema ay hindi maaaring lutasin ng malabong katahimikan kundi ng may tibay-loob na kaliwanagan.” Sa pagbibigay kay Arsobispo Lefebvre ng pagkakataon na ipahayag ang kaniyang mga palagay, inaasahan niya na mapaunlad ang “kapayapaan at katahimikan sa loob ng daigdig ng mga Katoliko.” Pinasalamatan ng prelado ang kaniyang babaing maybisita at binasbasan siya at ang kaniyang sambahayan, binabati sila sa “pananatili sa tradisyunal na pananampalataya.”
Halos isang libo katao ang dumalo sa miting, karamihan ay mga Katolikong tradisyunalista na kumakatawan sa ilang mga bansa, pati na ang maraming kinatawan ng pahayagan at peryudista ng TV. Ipinahayag ng arsobispo ang kaniyang matinding pagtutol sa opisyal na patakaran ng simbahan sapol nang Ikalawang Konsilyong Vaticano (1962-65). Ang pahayagang Pranses na Le Monde ay nagkomento: “Sa loob halos ng dalawang oras ipinahayag [ni Arsobispo Lefebvre] ang mga reklamo laban sa bagong simbahan ‘na hindi na Katoliko.’ Wala siyang itinira: ang katesismo, mga seminaryo, Misa, ekumenismo, huwag nang banggitin pa ang ‘pagsasama-sama sa mga sakramento’ at ‘mga kardinal na pamilyar-sa-Komunista.’”
Si Arsobispo Lefebvre ay naghinuha: “Ang kalagayan ay kalunus-lunos. Ang Simbahan ay tumutungo sa isang direksiyon na hindi Katoliko at sa direksiyong sumisira sa ating relihiyon. Dapat ba akong sumunod o manatiling isang Katoliko, isang Romano Katoliko, isang Katoliko habang-buhay? Nakapagpasiya na ako sa harap ng Diyos. Ayaw kong mamatay na isang Protestante.”
Binanggit ni Kardinal Poletti, bikaryo ni Paul VI sa diyosesis ng Roma, na sa pag-oorganisa ng komperensiyang ito sa Roma, “pinasasakitan ni Monsinyor Lefebvre ang pananampalataya, ang Iglesya Katolika, at ang kaniyang banal na Panginoong Jesus [at] personal na sinugatan niya ang damdamin ng papa, inaabuso ang kaniyang pagtitiis at nagtatangkang guluhin ang kaniyang apostolikong sede.”
Kung Paano Nagsimula ang Paghihimagsik
Ang komperensiyang iyon ay ginanap noong Hunyo 6, 1977. Subalit kasing-aga pa ng 1965, bago matapos ang Ikalawang Konsilyong Vaticano, may usap-usapan na tungkol sa isang “pagkakahati-hati” sa Iglesya Katolika. Inaakala ng maraming konserbatibong mga Katoliko na ang Vatican II ay nagdadala ng mga pagbabago na nagtalusira sa tradisyunal na Katolisismo.
Si Arsobispo Lefebvre, dating arsobispo ng Dakar, Senegal, at ang obispo ng Tulle, sa timog-sentral ng Pransiya, ay nakibahagi sa Ikalawang Konsilyong Vaticano. Noong 1962 siya ay nahalal na superyor heneral ng “Holy Ghost Fathers” sa Pransiya. Subalit ang dumaraming di-pagkakasundo sa mga patakaran ng Vatican II na ikinakapit sa loob ng Iglesya Katolika ay nagpangyari ng kaniyang pagbibitiw sa posisyong iyon noong 1968.
Noong 1969 binigyang-kapangyarihan ng isang Suisong obispong Katoliko ang rebeldeng arsobispo upang magbukas ng isang seminaryong tradisyunalista sa loob ng diyosesis ng Fribourg, Switzerland. Nang sumunod na taon, itinatag ni Arsobispo Lefebvre ang tinawag niyang “Saint Pius X Sacerdotal Fraternity” at nagbukas siya ng isang seminaryo sa Ecône sa Suisong estado ng Valais. Ginawa niya ito taglay ang pagsang-ayon ng obispong Katoliko sa Sion.
Sa simula, ang seminaryong ito ay bahagya lamang na rebelde. Mangyari pa, ang mga seminarista ay nakasutanang itim at tumanggap ng purong tradisyunalistang edukasyon. Ang Misa ay binibigkas sa wikang Latin, samantalang ipinag-utos ni Papa Paul VI na ang rebisadong Misa ay bigkasin sa katutubong wika. Subalit ang seminaryo ay pinahihintulutan ng opisyal na mga awtoridad ng simbahan sapagkat hindi iminungkahi ni Arsobispo Lefebvre nang panahong iyon na sanayin ang mga magiging pari hanggang sa kanilang ordinasyon. Inaasahan niya na makukompleto nila ang kanilang edukasyon sa kung ano ang ipinalalagay niyang dalawang huling natitirang kuta ng tradisyunal na Katolisismo, ang Latran Pontifical University sa Roma, at ang Fribourg University sa Switzerland.
Ang problema ay talagang nagsimula nang maghinuha si Arsobispo Lefebvre na kahit na ang dalawang Katolikong mga unibersidad na ito ay hindi maaasahan sa pagsasanay sa magiging mga pari sa ipinalalagay niyang tunay na tradisyong Katoliko. Ipinasiya niya na siya na mismo ang mag-oordina sa magiging mga pari na sinanay sa seminaryo sa Ecône. Upang palubhain pa ang mga bagay, inilathala niya noong 1974 ang isang manipesto na nagpapahayag ng marahas na pagsalansang sa karamihan ng mga pagbabago sa Ikalawang Konsilyong Vaticano. Nang panahong iyon ang Ecône ay mayroong mahigit na isang daang mga semenaristang sinasanay ng isang pangkat ng mga propesor na tradisyunalista.
Noong 1975, kumikilos sa pamamagitan ng lokal na mga obispong Suiso, inalis ng Vaticano ang awtorisasyon nito sa seminaryo sa Ecône. Hindi pinapansin ito, si Arsobispo Lefebvre ay patuloy na nag-ordina ng bagong mga pari habang ang mga ito ay natatapos sa kanilang mga pag-aaral. Dahil dito, sinuspende siya ni Papa Paul VI noong 1976 mula sa lahat ng mga tungkulin ng pari, pati na ang pagmimisa, panunungkulan sa unang mga komunyon, pagsasagawa ng mga sakramento, at, bilang obispo, sa pag-ordina sa mga pari. Yamang ang Ecône ay nagpatuloy sa kabila ng pagsuspende, ito ang nagpangyari ng balighong kalagayan ng isang seminaryong masyadong Katoliko na gumagawa ng maraming masyadong tradisyunalistang mga paring Katoliko na inordina ng isang itinatuwang obispong nag-aangking mas Katoliko pa sa papa!
Lawak ng Paghihimagsik
Ang paghihimagsik ng arsobispong Pranses na ito ay hindi karapat-dapat na banggitin kung ito ay limitado lamang sa isang seminaryo na nakatago sa paanan ng Swiss Alps. Subalit si Arsobispo Lefebvre ay mabilis na naging isang tagapagtipon ng maimpluwensiyang bahagi ng Katolisismo sa buong daigdig. Sa kaniyang aklat na L’Église Catholique 1962-1986—Crise et renouveau (Ang Iglesya Katolika 1962-1986—Krisis at Pagbabago), ang awtor na si Gérard Leclerc ay sumulat: “Hindi ipinababanaag ng alitang tradisyunalista ang hilig ng isang maliit na minoridad. Ipinahahayag nito ang mga palagay ng napakaraming mga tapat na Katoliko.”
Si Arsobispo Lefebvre ay tumatanggap ng pinansiyal na tulong mula sa maraming konserbatibong mga Katoliko sa buong daigdig. Ito ay nagpangyari sa kaniya na maglakbay sa maraming lugar, kadalasan sa paanyaya ng mga pangkat ng mga Katolikong tradisyunalista. Binatikos niya ang Vatican II sa harapan ng maraming mga tagapakinig sa maraming bansa, binibigkas ang Misa ayon sa liturhiyang Latin ng ika-16 na siglo ng Konsilyo ng Trent, na tinatawag na liturhiyang Tridentine, o Pius V. Ang tradisyunalistang mga miting na ito kung minsan ay ginaganap sa pinakapambihirang mga dako, gaya ng isang hindi ginagamit na supermarket sa hilaga ng London, Inglatera.
Ang malaking pinansiyal na suportang ito ay nagpangyari sa rebeldeng arsobispo na magbukas ng karagdagang mga seminaryo para sa pagsasanay ng tradisyunalistang mga paring Katoliko sa Pransiya, Alemanya, Italya, Argentina, at Estados Unidos. Noong Pebrero 1987, iniulat ng pahayagang Pranses na Le Figaro na ang mga institusyong ito ay nagsasanay nang panahong iyon ng 260 mga semenarista. Si Arsobispo Lefebvre ay nag-oordina sa pagitan ng 40 at 50 mga pari sa isang taon mula sa maraming bahagi ng daigdig, pati na sa Aprika.
Marami sa mga paring tradisyunalistang ito ay nangangasiwa sa 75 “tahanang relihiyoso” na itinatag ng “Kapatiran” ni Arsobispo Lefebvre sa 18 mga bansa sa Hilaga at Timog America, Europa, at Aprika. Ang mga paring ito ay nagdaraos ng Misa sa wikang Latin para sa konserbatibong mga Katoliko sa mga bansang iyon.
Ang mga serbisyong tradisyunalista ay karaniwang ginaganap sa pantanging ginawang mga kapilya. Subalit parami nang paraming konserbatibong mga Katoliko ang nakikipaglaban sa kinikilalang herarkiyang Katoliko upang magkaroon ng karapatan na gamitin ang karaniwang mga simbahan ng relihiyong Katoliko para sa kanilang mga serbisyo. Ito ay nagbangon ng mga kalagayan na lubhang nakagulo sa maraming taimtim na mga Katoliko.
Labanan Dahil sa mga Simbahan
Sapol noong 1969, nang ipakilala ni Papa Paul VI ang bagong Misa na may kaugnayan sa paggamit ng katutubong wika at iba pang mga reporma, ang mga Katolikong tradisyunalista ay nag-organisa ng pribadong mga Misa na ginagamit ang matandang liturhiya sa wikang Latin. Sa Paris, Pransiya, daan-daan sa kanila ang nagtitipon sa Wagram Hall, malapit sa Arc de Triomphe. Yamang ang bagong liturhiya ay sapilitan nang panahong iyon, ayaw silang pahintulutan ng lokal na arsobispong Katoliko na gamitin ang isang simbahan.
Sa wakas, noong Pebrero 27, 1977, inilagay ng mga tradisyunalista ang batas sa kanilang sariling mga kamay at, sa pangunguna ng isang konserbatibong pari, puwersahang inokupa nila ang simbahan ng Saint-Nicolas-du-Chardonnet, sa Latin Quarter. Nasumpungan ng regular na mga paring Katoliko at ng mga tagaparokya ang kanilang mga sarili na napaalis sa kanila mismong simbahan. Nang sinikap nila pagkaraan ng mga ilang araw na magdaos ng Misa sa loob ng simbahan, nagkaroon ng labanan. Isang pari ang kinailangang dalhin sa ospital, at ang iba ay nanganlong sa kalapit na presbiteryo.
Sa kasalukuyan, pagkalipas ng sampung taon, ang Saint-Nicolas-du-Chardonnet ay okupado pa rin ng mga Katolikong tradisyunalista, sa kabila ng dalawang mga utos ng hukuman na nagpapaalis sa kanila. Halos 5,000 katao ang dumadalo sa limang Misa sa wikang Latin na idinaraos doon tuwing Linggo. Ang mga serbisyo ay ginagampanan ng isang paring inordina sa Ecône ni Arsobispo Lefebvre, at ang “rebeldeng prelado” ay regular na pumupunta sa simbahang ito para sa kumpil ng mga anak ng mga Katolikong tradisyunalista.
Mga ilang buwan pagkaraan na ang Saint-Nicolas-du-Chardonnet ay unang maokupa ng mga tradisyunalista, ilang daang progresibong mga Katoliko ang nagdaos ng isang miting upang magprotesta laban sa puwersahang pag-okupa sa simbahang ito. Ilang mga pari at mga propesor na Katoliko mula sa Sorbonne at sa Institut Catholique de Paris ang nakibahagi. Walang anu-ano, isang pangkat ng mga kabataang Katolikong tradisyunalista ang sapilitang pumasok sa bulwagan at pinahinto ang miting, gumagamit ng mga baretang bakal at isang bombang usok. Ilang mga tao ang nasaktan, at isang propesor na Katoliko ang kinailangang dalhin sa ospital.
Ang obispong Katoliko ng Strasbourg sa gawing silangan ng Pransiya ay niligalig ng mga Katolikong tradisyunalista nang sikapin niyang pumasok sa isang simbahan na okupado nila upang idaos ang Misa sa Latin. Sa Paris “mga komando” ng mga Katolikong tradisyunalista ay biglang pumapasok sa mga simbahang Katoliko upang ihinto ang mga serbisyo. Ginawa nila ito sapagkat isang babae ang ginagamit upang basahin ang ebanghelyo sa panahon ng Misa o sapagkat ang mga ministrong Protestante o Orthodoxo ay naroroon para sa isang ekumenikal na serbisyo.
Noong Marso 1987 halos magsuntukan ang tradisyunalista at karaniwang Katoliko sa Port-Marly, sa kanluran lamang ng Paris, at kinailangang awatin ng mga pulis. Ang away ay tungkol sa kung sino ang dapat gumamit ng simbahang Katoliko sa Saint Louis. Nang sumunod na buwan ginamit ng mga Katolikong tradisyunalista ang isang pantibag upang gibain ang napapaderang pinto at pinasok ang simbahan upang idaos ang Misa sa Latin para sa Linggo ng Palaspas. Iniulat ito ng The Times ng London, Inglatera, sa ilalim ng paulong balita na “Digmaan ng St Louis—Ang Pranses na mga rebeldeng Katoliko ay nagbalik sa pinag-aawayang simbahan.” Ang Misang Latin ay binigkas para sa kanila ng isang paring inordina ng rebeldeng arsobispo na si Lefebvre.
Isang Sugat sa Tagiliran ng Iglesya
Ang Katolikong awtor na si Gérard Leclerc ay sumulat: “Pagkalipas ng 20 taon pagkatapos ng Konsilyo [Vaticano], ang paghihimagsik ng tradisyunalista ay nananatiling isang bukás na sugat sa tagiliran ng Iglesya.” At sa kanilang aklat na Voyage à l’intérieur de l’Église catholique (Isang Paglalakbay sa Loob ng Iglesya Katolika) sina Jean Puyo at Patrice Van Eersel ay nagsabi: “Kung ang Roma ay lubhang nadismaya sa mga gawain ni Monsinyor Lefebvre, ito’y dahilan sa siya’y nagtatanong ng mahahalagang katanungan. Si Obispo Mamie ng Fribourg at Geneva, na naobligang hatulan ang mga gawain ng kaniyang rebelyosong kasama, ay prangkang nagsabi sa amin: ‘Ang pagkabalisa niyaong mga tapat na sumunod sa kaniya ay may saligan. Ang sanlibong-taóng-gulang na doktrina ng Iglesya ay nasa malubhang panganib.’”
Kaya, mula sa maluhong mga palasyong maharlika sa Roma hanggang sa angaw-angaw na hamak na mga tirahan sa buong daigdig, maraming taimtim na mga Katoliko ang lubhang naguguluhan. Sila’y nagtatanong: “Bakit ba nahahati ang aking relihiyon?” Ang dahilan kung bakit, at kung ano ang ginagawa rito ng ilang mga Katoliko, ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 6]
Si Arsobispo Marcel Lefebvre
[Credit Line]
UPI/Bettmann Newsphotos
[Larawan sa pahina 7]
Ang Ecône, ang tradisyunalistang seminaryo ng rebeldeng arsobispo sa Swiss Alps
[Larawan sa pahina 9]
Ang simbahan ng Saint-Nicolas-du-Chardonnet, sa Paris, ay ilegal na inokupa ng mga Katolikong tradisyunalista sa nakalipas na sampung taon