Ang Bagong Pagkakabahagi
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
ANG Hunyo 30, 1988, ay magiging isang tinandaang petsa sa kasaysayan ng Iglesya Katolika Romana. Noong araw na iyon, ang arsobispong Pranses na si Marcel Lefebvre ay lumaban sa Vaticano. Kinonsagra niya ang apat na obispo sa kaniyang tradisyunalistang seminaryong Katoliko sa Switzerland. Ang pagkilos na ito ang naging dahilan ng pagiging eskomulgado ni Lefebvre at ng apat na bagong obispo. Lumikha ito ng unang pagkakabahagi sa Iglesya Katolika sapol noong 1870. Noong taóng iyon ang tinatawag na mga Dating Katoliko ay umalis sa inang simbahan dahil sa suliranin tungkol sa hindi pagkakamali ng papa.
Ang mga Dahilan ng Pagkakasirâ
Ang hidwaan sa pagitan ng Vaticano at ng makakanang (right wing) konserbatibong kilusang Katoliko ni Arsobispo Lefebvre ay lumalala sa loob ng ilang panahon. Ang dahilan ng pagkakabahagi ay bumabalik sa Ikalawang Konsehong Vaticano, na ginanap mula 1962 hanggang 1965. Si Papa John XXIII, na siyang nagtipon sa konseho, ay nagbigay ng dalawang layunin para sa pagtitipon. Ang una ay tinatawag na aggiornamento (pagsunod sa panahon), at ang isa pa ay ang pagkakaisang-muli ng lahat ng tinatawag na mga relihiyong Kristiyano.
Bagaman si Arsobispo Lefebvre, bilang isang preladong Katoliko, ay nakibahagi sa Vatican II, hindi siya sang-ayon sa alinman sa mga layuning ito. Bilang isang ganap na tradisyunalista, inaakala niyang ang Iglesya Katolika ay hindi na kinakailangang isunod sa panahon. Buong-pusong naniniwala sa pangmalas ng tradisyunal na Katoliko na “walang kaligtasan sa labas ng Simbahan,” kumbinsido si Lefebvre na ang tanging paraan upang ang “mga Kristiyano” ay magkaisang-muli ay na umanib ang lahat ng mga di-Katoliko sa pananampalatayang Romano Katoliko.
Laban sa Relihiyosong Kalayaan
Isang taon pagkaraan ng kaniyang ekskomunikasyon, si Arsobispo Lefebvre, na nagsasalita alang-alang sa konserbatibong mga Katoliko na sumusuporta sa kaniyang kilusan, ay nagsabi: “Kami ay tiyak na laban sa ideya ng relihiyosong kalayaan at sa mga resulta nito, lalo na ang ekumenismo, na talagang hindi ko matanggap.”
Hindi siya gumagawa ng pagbabago. May katapatang sinusunod niya ang tradisyong Katoliko. Noong Agosto 15, 1832, inilathala ni Papa Gregory XVI ang ensiklikong Mirari vos, kung saan hinatulan niya ang kalayaan ng budhi bilang isang “maling pangmalas, o bagkus ay kabaliwan.” Pagkalipas ng tatlumpu’t dalawang taon, inilathala ni Papa Pius IX ang kaniyang “Syllabus of Errors,” kung saan hinatulan niya ang ideya na “ang bawat tao ay malayang tanggapin at ipahayag ang relihiyon na, sa liwanag ng katuwiran, ay pinaniniwalaan niyang totoo.”
Sa pagtanggi sa ekumenismo, ipinakikita lamang ni Arsobispo Lefebvre ang pagmamahal niya sa kung ano ang tinatawag ng doktrinang Katoliko na “pagkakaisa ng Simbahan,” yaon ay, na mayroon lamang “Isa, Banal, Katoliko at Apostolikong” iglesya.
Galit sa Misang “Protestante”
Ang mga pagbabago sa tradisyunal na liturhiyang Katoliko na dala ng Vatican II ay lalo nang nakagagalit na paksa kay Arsobispo Lefebvre at sa kaniyang mga tagasunod. Ipinalalagay ng rebeldeng prelado na “ginawang Protestante” ng gayong mga pagbabago ang Misa. Hindi lamang ito tungkol sa bagay na paggamit ng modernong mga wika sa halip ng Latin; inaakala ni Lefebvre na sobra-sobra na ang binago upang akitin ang mga Protestante at na kahit na sa Latin ang liturhiyang sinang-ayunan ni Papa Paolo VI ay “hidwang paniniwala.”
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng tradisyunal na Misang Latin, si Arsobispo Lefebvre ay nagtayo ng isang seminaryo sa Ecône, Switzerland, noong 1970. Ito’y pinamahalaan ng Priestly Fraternity of Saint Pius X, na itinatag ni Lefebvre nang taon ding iyon. Habang lumalakas ang kaniyang kilusan, nagtatag siya ng iba pang konserbatibong mga seminaryong Katoliko sa Europa at sa Amerikas. Doon daan-daang binata ang tumanggap ng napakakonserbatibong pagsasanay para sa pagkapari.
Ang rebeldeng prelado ay nag-ordina ng mahigit na 200 paring tradisyunalista, bagaman pinagbawalan siya ni Papa Paolo VI na gawin iyon noong 1976. Ang mga ito’y nagdaraos ng Misa sa Latin sa mga priyora at sa mga simbahang Katoliko na ilegal na ginagamit.a Tinatanggap ng Vaticano na si Lefebvre ay may halos isang daang libong militanteng tradisyunal na mga tagasunod sa buong daigdig, subalit ang ibang mga opisyal ng simbahan ay umaamin na ang bilang ay halos mga kalahating milyon. Sinasabi mismo ni Lefebvre na milyun-milyong Katoliko ang naniniwala sa kaniyang mga palagay.
Ang Pangangailangan Para sa Isang Kahalili
Sa Iglesya Katolika, ang obispo ay maaaring umordena ng mga pari. Gayunman, tanging ang papa lamang ang maaaring mag-aproba sa ordinasyon ng isang obispo. Dahil sa kailangan ang isang obispo upang umordena sa bagong mga pari, batid ng matanda nang si Lefebvre na ang kaniyang Priestly Fraternity ay nanganganib na mamatay pagkamatay niya. Maliwanag na umaasang mangyayari ito, ang Vaticano ay pumasok sa isang mahabang pag-aareglo sa kaniya, sa wakas ay naglabas ng isang ultimatum. Alin sa tatanggapin niya ang ordinasyon ng isang sinang-ayunan-ng-Vaticanong obispo o kung magpapatuloy siya mismo sa pag-oordina ng obispo, siya ay magiging eskomulgado.
Noong Hunyo 30, 1988, sa isang seremonyang dinaluhan ng libu-libo sa kaniyang mga tagasunod, kinonsagra ng rebeldeng prelado ang apat na tradisyunalistang obispo. Ang pahayagang International Herald Tribune ng Paris ay nag-uulat: “Ang pagkonsagra ni Arsobispo Lefebvre ng apat na obispo ay naghahagis ng anino sa konseho ng Vaticano kung saan itinaas ng papa ang 24 na obispo sa Kolehiyo ng mga Kardinal. Kinansela ng Vaticano ang isang pantanging konsiyerto upang ipakita ang ‘matinding sama ng loob’ nito sa ikinilos ni Arsobispo Lefebvre. ‘Araw ito ng pagdadalamhati,’ sabi ng [Pranses na] Cardinal Decourtray.”
Ang pagkakabahaging ito sa loob ng Iglesya Katolika ay hindi lamang nagdala ng sama ng loob sa Vaticano kundi iniwan nito ang angaw-angaw na taimtim na mga Katoliko sa buong daigdig na nagugulumihanan at nalilito.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Rebeldeng Arsobispo,” inilathala sa Disyembre 22, 1987, labas ng Gumising!