Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Sisirain Kaya ng Diborsiyo ng Aking mga Magulang ang Aking Buhay?
KAWALAN ng kabuhayan, nanlulumo, mahilig gumawa ng kapilyuhan at bigong pag-aasawa—gayon ang nakatatakot na paglalarawan ng ilang dalubhasa sa mga anak ng diborsiyadong mga magulang. Kaya kung ang iyong mga magulang ay diborsiyado o hiwalay, maliwanag na baka kinatatakutan mo ang iyong kinabukasan.
Tunay, baka ang diborsiyo ng iyong mga magulang ay waring sinisira na ang iyong buhay. Ganito ang nagugunita ng isang kabataang nagngangalang Denny: “Malungkot ako at nanlumo pagkatapos magdiborsiyo ang aking mga magulang. Nagkaroon ako ng mga problema sa paaralan at bumagsak ako ng isang taon. Pagkatapos niyan nasabi ko, ‘Ano ba ang silbi?’ Kaya ako’y naging komikero sa klase at nasangkot ako sa maraming away.” Ang reaksiyon ng ibang mga kabataan ay pagbaling pa nga sa alak, droga, o sa sekso—o ang paggawa ng kalunus-lunos na pabigla-biglang mga pasiya.
Gayunman, bakit kaya sinisira ng diborsiyo ang buhay ng napakaraming kabataan? At paano mo maiiwasan na sirain nito ang iyong buhay?
Kung Ano ang Ginagawa ng Emosyonal na Kirot
Pagkatapos ng diborsiyo, ibinubuhos ng ibang kabataan ang kanilang mga kabiguan at galit sa pamamagitan ng pagluloko sa mga paraan na hindi nila napangarap noon. Para sa ibang kabataan, ang pagluloko ay isang pilipit na paraan ng “pagpaparusa” sa kanilang mga magulang na nagdiborsiyo. Sa ilang mga kaso ito’y isang kahabag-habag na pagtawag ng pansin sa magulang na waring biglang nawalan ng interes sa kanilang mga anak. “Wala sa bahay si Inay,” panangis ng 15-anyos na si Tina. “Walang disiplina at walang mga tuntunin, kundi isang tahanang walang laman. Iyan ang dahilan kung bakit ako’y nagumon sa mga droga at sa sekso.”
Bakit, kung gayon, hinahayaan kung minsan ng mga magulang na mawala ang disiplina pagkatapos ng diborsiyo? Kadalasan, ito’y dahilan sa sila, man, ay dumaranas ng matinding emosyonal na kirot. Isang diborsiyada sa gayon ang nagsabi: “Lubusang napabayaan ko ang aking mga anak. Pagkaraan ng diborsiyo, ako mismo ay litung-lito, hindi ko sila matulungan.”
Ang Pangangailangang Balikatin ang Pananagutan
Ang nakasisindak na ugali ay baka lubhang makapagpagalit sa mga magulang ng isa. Subalit ano nga ba ang nagagawa nito, maliban sa pagdaragdag ng kaigtingan sa dati nang maigting na kalagayan? Ang tanging “naparurusahan” ng pagkakamali ay ang gumawa ng pagkakamali. Ganito ang sabi ng isang 19-anyos na lalaki na, pagkatapos magdiborsiyo ang kaniyang mga magulang, ay nasangkot sa mga droga, imoralidad, at pagnanakaw: “Nagdurusa ako mula sa mga pagkakamaling ito.”—Ihambing ang Galacia 6:7.
Ang payo ng Bibliya sa Hebreo 12:13 ay may kabuluhan: “Patuloy na magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag malihis ang pilay.” Kahit na kung walang disiplina mula sa magulang, walang dahilan upang maglukó, lalo na kung ikaw ay naturuan ng matuwid na mga simulain. “Kung nalalaman ng isa ang paggawa ng mabuti gayunma’y hindi ginagawa ito, ito’y kasalanan sa kaniya.” (Santiago 4:17) Pasanin ang pananagutan sa iyong mga pagkilos at isagawa ang disiplina-sa-sarili. (1 Corinto 9:27) Iwasan ang mga pagkilos na maaaring pagsisihan mo sa nalalabi ng iyong buhay.
Padalus-dalos na mga Pasiya
Isa pang paraan na doo’y maaaring sirain ng mga kabataan ang kanilang kinabukasan pagkatapos ng diborsiyo ng kanilang mga magulang ay ang paggawa ng padalus-dalos na mga pasiya. Dahil sa walang matatag na patnubay ng mga magulang, marami ang humihinto sa pag-aaral—hindi masyadong pinag-iisipan kung paano nila susuportahan ang kanilang mga sarili balang araw. Ang iba ay lumulukso sa unang pagkakataon para matakasan ang kanilang malungkot na buhay pampamilya. Ganito ang nagugunita ng isang kabataang babae na nagngangalang Lynn: “Galing sa isang wasak na tahanan, nadama ko na para ba akong may masamang nakaraan, para bang may nagawa akong masama. Naitanong ko tuloy, ‘Sino kaya ang magkakagustong pakasal sa akin?’ Kaya nang isang lalaki mula sa isang mahusay na pamilya ay nagkagusto sa akin, nagpakasal ako sa kaniya, bagaman alinman sa amin ay hindi handa sa pag-aasawa.” Nakapanlulumo, sumunod agad ang diborsiyo.
Gayunman, talagang kailangan lamang ng sentido komon upang maiwasan ang paggawa ng mabigat na mga pasiya kapag ikaw ay litung-lito upang mag-isip nang tuwid. “Isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kung ang iyong mga magulang ay tila litung-lito sa puntong ito upang makinig sa iyo, bakit hindi ipakipag-usap ang iyong mga pasiya sa isang nakatatandang kaibigan?
Pagkabahala sa Ikabubuhay
Wala nang ama at tahanan (gaya ng karaniwang kalagayan) ay maaaring magbangon ng isa pang animo’y banta sa iyong kinabukasan. Sa kauna-unahang pagkakataon maaaring masumpungan mo ang iyong sarili na nag-aalala tungkol sa mga bagay na dati’y hindi mo pinag-iintindi—pagkain, pananamit, tirahan, salapi.
Nakakaharap mo ba ang gutom? Malamang na hindi. Ang mga magulang ay karaniwang gumagawa ng ilang paraan upang tustusan ang kanilang mga anak pagkatapos ng diborsiyo, kahit na ito’y mangahulugan na si Inay ay kumuha ng sekular na trabaho. Sa kasamaang palad, gayunman, kadalasang hindi naipaliliwanag ng mga magulang ang alinman dito. Kaya baka kailangang ikaw ay maging isang tunay na anak na lalaki o babae sa iyong mga magulang at ipakipag-usap ang iyong mga pagkabahala sa kanila. (Kawikaan 4:3) Mahinahong tanungin sila kung anong mga kaayusan ang ginawa para sa pangangalaga sa iyo. Kung ang iyong mga magulang ay lubhang naguguluhan na ipakipag-usap ang bagay na ito, magpakita ng pakikiramay sa kanila. (1 Pedro 3:8) Hintayin ang tamang panahon upang muling magtanong.—Kawikaan 15:23.
Gayumpaman, ang aklat na Surviving the Breakup ay makatotohanang nagbababala: “Kung ano ang dati-rati’y tumutustos sa isang pamilya ay dapat tumustos ngayon sa dalawang pamilya, napipilitang ibaba ang pamantayan ng pamumuhay ng bawat membro ng pamilya, anumang antas ng kayamanan.” Samakatuwid, maaaring makabuti sa iyo na masanay sa paggawa nang wala ang mga bagay na dati’y tinatamasa mo—gaya ng bagong mga damit. Subalit tayo ay pinaaalalahanan ng Bibliya: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Ngunit, kung tayo’y may pagkain at pananamit, ay masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Marahil maaari ka pa ngang tumulong sa paggawa ng isang bagong badyet ng pamilya. Tandaan, din, na si Jehova ay “isang ama ng mga ulila.” (Awit 68:5) Makatitiyak ka na siya ay lubhang nababahala sa iyong mga pangangailangan.
Epekto sa Pag-aasawa Mismo ng Isa
Yamang ang iyong mga magulang ay bigo sa kanilang pag-aasawa, nauunawaan naman na baka ikaw ay mag-alala tungkol sa iyong sariling pag-asa na pagtatamasa ng isang matagumpay na pag-aasawa. Sa kabutihang palad, ang hindi maligayang pag-aasawa ay hindi isang bagay na namamana mo sa iyong mga magulang—gaya ng pekas. Ikaw ay isang natatanging indibiduwal, at kung ano ang kalalabasan ng anumang pag-aasawa mo sa hinaharap ay depende, hindi sa mga pagkukulang ng iyong mga magulang, kundi sa lawak na doo’y ikinakapit mo at ng iyong kabiyak ang Salita ng Diyos. Dahil sa ikaw ay galing sa isang hindi maligayang tahanan ay hindi dapat na humadlang sa iyo sa pagtatamasa ng isang tiwasay na pag-aasawa balang araw kung itatayo mo ito sa walang pag-iimbot na pag-ibig. Ang gayong “pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”—1 Corinto 13:8.
Si Annette, halimbawa, ay pinalaki ng isang amang alkoholiko, na paulit-ulit na pinabayaan ang kaniyang pamilya. “Bunga nito medyo nakadama ako ng kawalang-katiyakan,” sabi ni Annette. “Kahit na ngayon, ikinagagalit ko kapag ang aking asawa ay umaalis sa isang lakad nang hindi tinitiyak sa akin na siya ay babalik.” Gayumpaman, sabi pa ni Annette: “Ipinasiya ko na kapag ako’y nag-asawa, ang aking pag-aasawa ay isa na mapayapa at na pakakasalan ko ang isa na alam kung liligaya ako sa piling niya. Ako ngayon ay maligaya at inaakala ko na ang paghihiwalay ng aking mga magulang ay hindi na gaanong nakakaapekto sa akin.”
Paggamit Nito sa Iyong Pakinabang
Sabi ni Jeremias: “Mabuti nga sa isang matipunong tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.” (Panaghoy 3:27) Oo, may kaunting “kabutihan” na mamasdan ang paghihiwalay ng mga magulang. Subalit posibleng gamitin kahit na ang negatibong karanasang ito sa iyong pakinabang.
Halimbawa, baka mapilitan kang kumuha ng karagdagang mga pananagutan ng sambahayan. Ito ay maaaring tumulong sa iyo sa pagkakaroon ng mga kasanayan na magiging mahalaga sa dakong huli ng buhay. Ganito pa ang sabi ng mananaliksik na si Judith Wallerstein: “Ang emosyonal at intelektuwal na paglaki [sa gitna ng mga anak ng diborsiyadong mga magulang] na udyok ng krisis sa pamilya ay kahanga-hanga at kung minsan ay makabagbag-damdamin. Ang mga kabataan . . . ay mahinahong isinasaalang-alang ang mga karanasan ng kanilang mga magulang at naghihinuha ng mga konklusyon para sa kanilang sariling mga kinabukasan. Nababahala sila sa pagkasumpong ng mga paraan upang maiwasan ang mga pagkakamaling nagawa ng kanilang mga magulang.”
Nasumpungan itong totoo ng kabataang si Paul. Ang kaniyang mga magulang ay naghiwalay nang siya ay bata pa, at siya’y paroo’t parito sa kaniyang nag-aaway na mga magulang. Gayunman, nakakuha siya ng ilang pakinabang nang makaraos siya nang matagumpay rito. “Disidido akong huwag ulitin ang mga pagkakamali ng aking mga magulang,” aniya. At dahil sa natutuhan niyang mamuhay sa isang mabuway na situwasyon, sabi niya: “Madali akong nakakabagay.” Si Keith, isang binatilyo na nakaranas ng dalawang diborsiyo ng kaniyang mga magulang, ay naging matagumpay rin. “Nakadama ako ng mga kawalan ng kaseguruhan,” sabi niya. “Subalit inaakala kong ang lahat ay nakadarama rin niyaon. At inaakala kong hindi mangyayari sa akin ang nangyari sa aking mga magulang sapagkat determinado akong gamitin nang higit pa ang aking ulo.”
Walang alinlangan dito, ang paghihiwalay ng iyong mga magulang ay tiyak na magkakaroon ng marka sa iyong buhay. Ngunit kung baga ang markang iyon ay isang naglalahong mantsa lamang o isang nakabukang sugat ay depende sa iyo.
[Larawan sa pahina 15]
Paano kaya apektado ang pag-asa ng bata sa kaligayahan sa hinaharap kung ang kaniyang mga magulang ay nagdiborsiyo?