Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwyp artikulo 5
  • Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?
  • Tanong ng mga Kabataan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tatlong bagay na dapat mong iwasan
  • Tatlong bagay na puwede mong gawin
  • Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?
    Gumising!—1988
  • Sisirain Kaya ng Diborsiyo ng Aking mga Magulang ang Aking Buhay?
    Gumising!—1987
  • Bakit Ba Naghiwalay si Inay at si Itay?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Tanong ng mga Kabataan
ijwyp artikulo 5
Kabataang lalaki na malungkot at ayaw tingnan ang mga magulang niya na nagtatalo.

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

Nakaka-stress sa mga kabataan kapag naghiwalay ang mga magulang nila. Ano ang magagawa mo para makayanan ang sitwasyong ito?

Sa artikulong ito

  • Tatlong bagay na dapat mong iwasan

  • Tatlong bagay na puwede mong gawin

  • Ang sinasabi ng ibang kabataan

Tatlong bagay na dapat mong iwasan

1. Sisihin ang sarili

“Sinabi ni Mommy na nagsimula y’ong mga problema nila ni Daddy no’ng ipinanganak ako. Kaya naisip ko na ako y’ong dahilan kung bakit sila naghiwalay.”—Diana.

Tandaan: Hindi ikaw ang dahilan kung bakit sila naghiwalay. Nangyari iyon dahil may problema silang mag-asawa. Hindi mo masosolusyunan ang mga problemang hindi naman ikaw ang dahilan. Sila ang dapat umayos sa mga problema nila bilang mag-asawa.

“Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.”—Galacia 6:5.

2. Magkimkim ng sama ng loob

“Galit na galit ako kay Daddy dahil niloko niya si Mommy. Siguro kahit ano’ng gawin niya, mahihirapan akong magtiwala uli sa kaniya.”—Rianna.

Tandaan: Baka nagagalit ka o naiinis dahil sa nangyari sa mga magulang mo, at normal naman iyon. Pero hindi makakabuti sa iyo ang pagkikimkim ng sama ng loob. Makakasamâ iyon sa iyo sa pisikal at emosyonal na paraan. Kaya sinasabing parang pag-inom ng lason ang pagkikimkim ng sama ng loob—ikaw ang umiinom, pero iniisip mong iba ang mapapahamak.a

“Alisin mo ang galit at huwag ka nang magngalit.”—Awit 37:8.

3. Isiping hindi ka magkakaroon ng masayang pag-aasawa

“Natatakot ako na baka magawa ko rin y’ong nagawa ni Papa. Baka kapag nag-asawa ako at nagkaroon ng mga anak, magawa ko y’ong mga naging dahilan kung bakit nag-divorce ang mga magulang ko.”—Jessica.

Tandaan: Hindi porke nabigo ang pagsasama ng mga magulang mo, magiging bigo rin ang pag-aasawa mo. Ang totoo, may matututuhan ka sa naranasan ng mga magulang mo. Halimbawa, kapag naghahanap ka ng mapapangasawa, mas susuriin mong mabuti ang mga katangian niya. Makakatulong din ang pinagdaanan ng mga magulang mo para mas magsikap ka na magkaroon ng mga katangian ng isang mabuting asawa.

“Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.”—Galacia 6:4.

Kabataang lalaki na nakasemento ang nabaling paa habang nakaupo sa sofa at nagla-laptop.

Parang pagpapagaling sa nabaling buto ang pagtanggap sa paghihiwalay ng mga magulang mo. Masakit iyan ngayon, pero gagaling din paglipas ng panahon

Tatlong bagay na puwede mong gawin

1. Makipag-usap. Kapag madalas na hindi sinasabi ng isa ang mga negatibong nararamdaman niya, mas malaki ang posibilidad na makagawa siya ng mga bagay na ikakapahamak niya, gaya ng pag-abuso sa alak o droga. Imbes na gawin ang mga iyan, subukan ang mga ito:

Makipag-usap sa mga magulang mo. Kung sinasabi sa iyo ng magulang mo ang maraming bagay tungkol sa problema nilang mag-asawa, o gusto nilang may kampihan ka, ipaliwanag sa mahinahong paraan kung paano ito nakakaapekto sa iyo. Kung nahihirapan kang kausapin sila nang personal, puwede kang gumawa ng sulat para sa kanila.

Kabataang babae na gumagawa ng sulat.

Makipag-usap sa mapagkakatiwalaang kaibigan. Napakalaking tulong kapag may isa na handang makinig sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.

Makipag-usap sa iyong Maylalang. Laging handang makinig sa iyo ang Diyos na Jehova. Siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Sinasabi ng Bibliya na puwede mong ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’—1 Pedro 5:7.

  • Sino sa mga magulang mo ang puwede mong makausap nang mahinahon?

  • Sino sa mapagkakatiwalaang mga kaibigan mo (kaedad o mas matanda) ang makakatulong sa iyo na makapagtiis?

  • Anong mga problema ang puwede mong ipanalangin?

Isang light bulb.

Tip: Gumawa ng diary. Naghiwalay ang mga magulang ni Raquel noong 12 years old siya. Sinabi niya: “Baka hindi mo maintindihan ang mga naiisip mo ngayon, pero kung isusulat mo ang mga ‘yon, makikita mo kung paano ka nag-mature. Makakatulong ‘yon para gumaan ang pakiramdam mo.”

2. Mag-adjust

Dahil sa paghihiwalay ng mga magulang mo, baka magkaroon ng pagbabago sa buhay mo—bagong bahay, school, lifestyle, o mga kaibigan pa nga. Posibleng ma-stress ka sa mga iyan at baka maramdaman mong nasira ang buhay mo. Ano ang makakatulong sa iyo para mas madali kang makapag-adjust? Sikaping magpokus sa bago mong kalagayan.

  • Ano ang pinakamalaking pagbabago na ginawa mo dahil sa paghihiwalay ng mga magulang mo?

  • Ano ang mga puwede mong gawin para makapag-adjust sa pagbabagong iyon?

“Natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko.”—Filipos 4:11.

Isang light bulb.

Tip: Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga, kumain ng masusustansiyang pagkain, at mag-exercise. Kung mabuti ang kalusugan mo, makakatulong iyon para mas makayanan mo ang sitwasyon. Makakatulong din ito para hindi ka masyadong ma-stress at maharap ang mga pagbabagong nangyayari sa buhay mo.

3. Tingnan ang magagandang katangian mo

Posibleng ma-stress ka talaga kapag naghiwalay ang mga magulang mo, pero puwede rin itong makatulong sa iyo na makita ang magagandang katangian mo. At baka nga may ma-develop ka pang bagong katangian. “Nang mag-divorce ang mga magulang ko, naging mas responsable ako,” ang sabi ni Jeremy. Naghiwalay ang mga magulang niya noong 13 siya. “Mas matanda ako sa isa ko pang kapatid, kaya kailangan kong tulungan si Mommy at y’ong kapatid ko.”

Kabataang babae na tinutulungan ang mas bata niyang kapatid sa paggawa ng assignment habang nagluluto ang nanay nila sa kusina.

Kailangan mong maging mas responsable kapag nag-divorce ang mga magulang mo

  • Dahil sa nangyari sa mga magulang mo, anong mga katangian ang nadiskubre mo sa sarili mo?

  • Anong mga ugali ang gusto mong mapasulong?

“Ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos at kapaki-pakinabang sa . . . pagtutuwid.”—2 Timoteo 3:16.

Isang light bulb.

Tip: Magbasa ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw. May mga prinsipyo ito na makakatulong sa iyo na ma-develop ang mga katangiang kailangan mo para maharap ang mga nakaka-stress na sitwasyon, gaya ng paghihiwalay ng mga magulang.

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Paano Ko Makokontrol ang Aking Galit?”

Ang sinasabi ng ibang kabataan

“Kailan ko lang natanggap na hiwalay na ang mga magulang ko. Dati, hindi ko alam kung ano’ng nangyayari. No’ng kaka-teenager ko pa lang, ang sama-sama ng loob ko. Pero ngayong 18 na ‘ko, tanggap ko na ang nangyari at nakapag-move on na ako.”—Elena.

“Pitong taon ako nang mag-divorce ang mga magulang ko. No’ng 21 na ‘ko, kinausap ko si Daddy at sinabi kong gusto kong malaman ang lahat ng nangyari. Sa loob ng dalawang oras, pinag-usapan namin kung bakit sila nauwi sa divorce at kung ano ang naging epekto nito sa akin. Hindi ko gustong mag-divorce sila, pero mahal ko si Daddy at naintindihan ko na siya. Tanggap ko na ang nangyari, at ang laking tulong nito sa akin.”—Katelyn.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share