Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 2/8 p. 18-20
  • Paano Ko Maiiwasan ang Isang Pusong Sawi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Maiiwasan ang Isang Pusong Sawi?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Patibong ng Batang Pag-ibig
  • Tumingin Bago Lumukso
  • Pagsasalita ng Katotohanan
  • Huwag Maging Malapit Kaagad
  • Handa Na Ba Akong Makipag-date?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Maagang Pakikipag-date—Ano ba ang Masama Rito?
    Gumising!—2001
  • Ano ang Masama sa Aming Pag-uusap?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 2/8 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maiiwasan ang Isang Pusong Sawi?

ANG psychoanalyst na si Erich Fromm ay sinipi na nagsabi: “Walang anumang mahirap na proyekto na sinisimulan nang may gayong pagkalaki-laking pag-asa at mga inaasahan at gayunma’y palaging nabibigo na gaya ng pag-ibig.”

Gayunman, kapag nabigo ang pag-iibigan, ang resulta’y karaniwan nang kirot at kasawian. At ang malungkot na katotohanan ng buhay ay na ang tanging tiyak na paraan upang huwag magkaroon ng pusong sawi ay iwasang mapasangkot sa pagsinta. Totoo, para sa mga Kristiyano, ang pakikipag-date ay seryosong bagay, isang paraan ng pagpili ng isang nababagay na kabiyak. Gayumpaman, ang kalikasan mismo ng pagkikipag-date ay kadalasang gumagawa ritong tila isang paraan ng pagsubok at págbabaká-sakali. Kaya karaniwan na para sa dalawang tao na nagsisimulang mag-date na taglay ang pinakamabuting mga intensiyon​—upang masumpungan lamang na sila ay hindi magkabagay sa isa’t isa bilang magkabiyak.

Ang mga Patibong ng Batang Pag-ibig

Marahil ang pinakamalaking panganib sa pag-iibigan ay mag-date sa panahon na ikaw ay tin-edyer. Ito “ang kasariwaan ng kabataan,” kung kailan ang simbuyo ng damdamin ay tumitindi. (1 Corinto 7:36) Ganito ang sabi ni Dr. Ari Kiev: “Para sa karamihan ng mga kabataan, ang mga kaugnayan sa hindi kasekso . . . ay kadalasang pinasisidhi ng saganang nakalilitong pagkahumaling sa sekso.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga kabataan ay kadalasang napakadaling ‘umibig.’ “Nakilala ko ang taong ito,” gunita ng isang dalagitang nagngangalang Barbara. “Kami’y nagsulatan sa loob halos ng isang taon. Pagkatapos sa isa sa mga sulat niya, sinabi niya na iniibig niya ako. Nasabi ko sa aking sarili, ‘Minsan ko lamang siyang nakita. Paano niya masasabi iyon?’”

Subalit kahit na sikaping pigilin ng mga tin-edyer ang simbuyo ng damdamin at magkaroon ng isang kaugnayan batay sa pagiging magkasundo nilang dalawa, bihirang-bihira na mananatili silang magkasundo! Bakit? Sapagkat ang personalidad ng isang tin-edyer ay nagbabagu-bago. Natutuklasan mo kung sino ka, kung ano kang talaga, kung ano ang nais mong gawin sa iyong buhay. Ang mga bagay na mahalaga sa iyo ngayon ay maaaring hindi gaanong mahalaga sa iyo bukas. Kaya ang pag-iibigan ng mga tin-edyer ay kadalasang mga kaugnayang tiyak na nagwawakas, bihirang nauuwi sa pag-aasawa.

Matalino, kung gayon, na iminumungkahi ng Bibliya ang pag-aasawa lamang niyaong “lampas na sa kasariwaan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Ipinapayo nitong huwag munang makipag-date samantalang ang isa ay napakabata pa. Ang pagsunod sa payong ito ay maaaring hindi madali, subalit tiyak na ‘ilalayo [nito] ang alalahanin sa iyong puso, at iilagan ang kasakunaan sa iyong katawan’ kung ikaw ay hindi makikipag-date hanggang sa ikaw ay may sapat nang gulang upang mag-asawa.​—Eclesiastes 11:10.

Tumingin Bago Lumukso

Gayumpaman, ang basta pagiging mas may edad ay hindi nangangahulugan na ang isa ay hindi na daranas ng kasawian. Sa kaniyang aklat na Love Lives, binanggit ni Carol Botwin kung paanong kahit na ang mga may sapat na gulang ay nahuhulog din kung minsan sa mga pakana ng pag-iibigan: “Napakabilis nilang lumukso sa pakikipag-ugnayan. . . . Nais nila kaagad ng katiyakan.” Ang pagbibigay ng iyong puso sa isa na hindi mo gaanong nakikilala ay isang tiyak na paraan upang wasakin ito.

“Minamasdan ninyo ang mga bagay ayon lamang sa kanilang panlabas na anyo,” sabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto. (2 Corinto 10:7) Huwag kang gumawa ng gayunding pagkakamali sa pamamagitan ng pakikipag-ibigan batay lamang sa pisikal na hitsura. Una muna’y alamin mo kung anong klaseng tao siya. Kung hindi ipinahihintulot ng panahon na makilala mo siya sa isang ligtas na distansiya, maaaring maingat na tiyakin mo kung ang taong ito na mayroon kang interes ay may mabuting ulat mula sa iba.

Sinasabi ng Bibliya na ang mga gawa ng isang may kakayahang asawang babae ay “pupurihin siya kahit na sa mga pintuang-bayan.” (Kawikaan 31:31) Gayundin ang maaasahan mo sa isang mahusay na Kristiyanong lalaki o babae na may mabuting reputasyon. Kung siya ay may kahina-hinalang rekord​—marahil ay kilala siya sa pakikipagkasintahan at pagkatapos ay umuurong kapag naging seryoso na ang mga bagay​—mag-ingat ka! Baka ang damdamin mo ang susunod na yuyurakan.

Pagsasalita ng Katotohanan

Kahit na kung ang reputasyon ng isa ay tila maganda at interesado kayo sa isa’t isa, napakaaga pa upang magplano ng inyong kasal. Ang mas masusing pagsusuri sa taong ito ay maaaring magsiwalat ng malubhang mga kapintasan sa pagkatao o espirituwal na kahinaan. Kung gayon, paano mo makikilala kung ano ngang talaga ang isang ito? Bagaman walang masama sa paglilibang nang magkasama, ang pagliligawan ay pinakamabuting nagsisilbi sa layunin nito kung kasali rin dito ang ilang seryosong kompidensiyal na pag-uusap.​—Ihambing ang Kawikaan 15:22.

Ano ang inyong mga tunguhin? Ang inyong mga interes? Ang inyong mga opinyon sa pagkakaroon ng mga anak? Pagbabadyet ng pera? Pinakamahalaga na kayo ay ‘magsalita ng katotohanan sa isa’t isa,’ hindi binabaluktot ang katotohanan sapagkat natatakot kang mawala ang taong ito. (Efeso 4:25) Sa malao’t madali lalabas sa paanuman ang tunay mong pagkatao. At mas mabuting ipaalam mo sa taong iyon kung ano kang talaga at kung ano ang nais mo sa buhay kaysa simulan ang isang kaugnayan na malamang ay magwakas sa kabiguan​—o sa isang miserableng pag-aasawa.

Subalit kumusta naman kung ang taong iyon ay nagpapanggap lamang upang mapanatili ang kaugnayan? Ang Bibliya ay nagbababala: “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita, ngunit isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Hindi naman ang ibig sabihin nito na ikaw ay maging labis na mapaghinala, kundi makatuwiran lamang na personal na sikapin mong tiyakin kung ang mga kilos ng taong ito ay kasinlakas ng kaniyang mga salita.

Ang pagkaalam kung ano ang kaniyang paninindigan tungkol sa pangunahing mga isyu ay isang bagay na dapat gawin sa simula pa​—hindi sa dakong huli kapag kayo kapuwa ay lubhang emosyonal na nasasangkot na sa isa’t isa. Si Steve, halimbawa, ay naghahanap ng isang mapapangasawa na may katulad niyang debosyon sa ministeryong Kristiyano. Hindi nagtagal siya ay naging interesado sa isang babae na totoong kaakit-akit sa kaniya. Nagugunita pa niya: “Ngunit natanto ko na wala siyang anumang tunguhin, at hindi siya masyadong aktibo bilang isang Kristiyano.” May katalinuhang pinutol ni Steve ang kaugnayan.

Huwag Maging Malapit Kaagad

Ipinakikita nito ang isa pang mahalagang aspekto upang maiwasan ang kasawian. Ganito ang pagkakasabi rito ni Judy: “Natutuhan ko buhat sa nakaraang mga karanasan na napakadaling mapasangkot sa emosyonal na paraan. Kung minsan hinahayaan mong maging napakalapit ng isang tao, at kahit na masumpungan mong hindi kayo umiibig sa isa’t isa, masyado ka nang nasangkot sa emosyonal na paraan, natatakot kang saktan ang taong iyon.”

Maliwanag na nalalaman ng babaing Shulamita noong panahon ng Bibliya ang kapangyarihan ng walang pagpipigil na mga damdamin sa pag-ibig. Kaya nang nililigawan ng makapangyarihang Haring Solomon, sinabi niya sa kaniyang mga kasamang babae na “huwag ninyong pukawin o gisingin man ang [kaniyang] pagsinta.” (Awit ni Solomon 2:7) Maaaring isang pag-iingat din na pigilin ang iyong mga damdamin kapag una mong nakikilala ang isang tao.

Kasali rito ang pag-iwas sa maaga o di-angkop na mga pagpapahayag ng pag-ibig. Ang simulain ay kumakapit: “Makakakuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?” (Kawikaan 6:27) Ang paghahalikan o paghahawakan ng kamay sa pasimula ng isang kaugnayan ay hindi mabuti. Maaaring pukawin nito hindi lamang ang imoral na seksuwal na mga pagnanasa kundi sinusugpo rin nito ang mabuting paghatol at layunin. Mahirap kang makagawa ng isang mahinahong paghatol tungkol sa isang tao kung ang iyong mga simbuyo ng damdamin ay napukaw. Isa pa, pinalulubha lamang ng labis-labis na pagpapakita ng pagmamahal ang kirot ng paghihiwalay kung ang kaugnayan ay hindi magpatuloy.

Nang sa wakas si Judy ay makipag-date sa isang binata, siya sa gayon ay naging maingat sa kaniyang kaugnayan, pinananatili ang ligtas na distansiya hanggang sa matiyak niya na ito na nga ang lalaking nais niyang mapangasawa. “Saka ko nalaman na tama lamang na mahulog ang loob ko sa kaniya,” aniya.

Ang pagliligawan ay may lakas kapuwa para sa kaligayahan at sa kalungkutan. Kung paano mo pinangangasiwaan ang pagliligawan ay malaki ang kaugnayan sa kung ano ang kalalabasan nito. Totoo, walang garantiya na ang isang kaugnayan ay magkakatuluyan. At kahit na pagkatapos maging maingat, nangyayari pa rin ang kasawian. Gayumpaman, tanging sa pamamagitan ng pakikipag-date kapag ikaw ay handa na sa pag-aasawa, pagpipigil ng iyong mga damdamin, at pag-iingat, malaki ang magagawa mo upang bawasan ang kasawian at palakihin ang posibilidad ng isang pagliligawan na magbubunga ng isang maligayang pag-aasawa.

[Larawan sa pahina 18]

Ang pag-iibigan ng mga tin-edyer ay bihirang humantong sa pag-aasawa kundi kadalasang humahantong sa kasawian

[Larawan sa pahina 20]

Kilalanin mo munang mabuti ang isang tao bago ka makipagkasintahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share