Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/22 p. 25-27
  • Maagang Pakikipag-date—Ano ba ang Masama Rito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maagang Pakikipag-date—Ano ba ang Masama Rito?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Pakikipag-date?
  • Pakikipag-date​—Ang mga Panganib
  • Kung Kailan Makikipag-date
  • Handa Na Ba Akong Makipag-date?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Handa Na ba Akong Makipag-date?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Kailan Ako Puwede Nang Makipag-date?
    Gumising!—2007
  • Paano Kung Inaakala ng Aking mga Magulang na Napakabata Ko Pa Para Makipag-date?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Maagang Pakikipag-date​—Ano ba ang Masama Rito?

“Kamakailan, inanyayahan ako ng ilang kabataang lalaki sa paaralan na makipag-date o hiniling ako na maging girlfriend nila.”​—Becky, 11 taóng gulang.a

“Ang karamihan ng mga kabataan sa aming paaralan ay nakikipag-date. Sa katunayan, karaniwan nang nakikita ang mga batang lalaki at babae na naghahalikan mismo sa mga pasilyo.”​—Liana, isang estudyante sa ika-10 grado.

MARAMING kabataan ang nagsisimulang makipag-date sa napakabatang edad. Itinataguyod ng media ang gawaing ito bilang normal​—para itong isang di-nakasasamang libangan. Ganito ang sabi ng 12-anyos na si Oneyda: “Halos lahat sa paaralan ay may boyfriend o girlfriend.” Ganito ang nagugunita ng isang kabataang babae na nagngangalang Jenifer: “Natatandaan ko ang mga bata sa ikatlong grado na nakikipag-steady.” Sabi pa niya: “Nakadama ako ng panggigipit na makipag-date noong ako’y 11 taóng gulang.”

Kaya, mauunawaan naman na kung hindi ka nakikipag-date, maaaring makadama ka na ikaw ay napag-iiwanan. Oo, maaari ka pa ngang tuksuhin at tuyain dahil sa hindi pakikipag-date. Palibhasa’y inaakalang napakabata pa niya upang makipag-date, tinanggihan ni Jenifer ang mga batang lalaking nag-aanyaya sa kaniya na makipag-date. Ang kanilang reaksiyon? Nagugunita ni Jenifer: “Pinagtawanan nila ako at tinukso tungkol dito.” Walang sinuman ang may gustong tuyain. Subalit dapat ka bang makipag-date dahil lamang sa ginagawa ito ng iba? Ano nga ba ang pakikipag-date? At ano ang layunin nito?

Ano ba ang Pakikipag-date?

‘Hindi kami nagde-date. Magkaibigan lamang kami,’ ang sabi ng maraming kabataan, kahit na gumugugol sila ng maraming panahon na kasama ng isang di-kasekso. Subalit anuman ang tawag mo rito​—pakikipag-date, paglabas na magkasama, o bast a pakikipagkita sa isa’t isa​—kapag itinatangi na ng isang lalaki at ng isang babae ang isa’t isa at nagsisimula nang gumugol ng panahon na magkasama sa sosyal na paraan, higit pa sa pakikipagkaibigan ang karaniwang nasasangkot. At ang pakikipag-date ay hindi kinakailangang naroroon ka. Ang mga usapan sa mga chat room ng Internet, sa telepono, sa pamamagitan ng sulat, o E-mail ay maaari ring maging mga anyo ng pakikipag-date.

Ang tanong ay, Gaano nga ba kaseryoso ang gumugol ng halos natatanging panahon para sa isang di-kasekso?

Pakikipag-date​—Ang mga Panganib

Sa Kawikaan 30:19, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “pamamaraan ng matipunong lalaki sa isang dalaga.” Ipinahihiwatig ng pananalitang ito na ang mga kaugnayang lalaki-babae ay nakahilig na sumunod sa isang parisan. Kapag ang dalawa ay maygulang at nanghahawakan sa makadiyos na mga simulain, ang pakikipag-date ay maaaring humantong sa pag-ibig at, sa dakong huli, sa marangal na pag-aasawa. Tutal, nilalang ng Diyos ang lalaki at babae upang maakit sa isa’t isa. Subalit kumusta kung ikaw ay wala pang sapat na gulang upang mag-asawa? Sa pakikipag-date nang maaga sa panahon, inilalagay mo ang iyong sarili sa panganib.

Bakit? Sapagkat kung ikaw ay gumugugol ng maraming panahon na kasama ng isang di-kasekso, natural lamang na mapukaw ang iyong mga damdamin. Bago mo pa matanto ito, inaasam mo nang makita ang isang iyon. Kapag hindi kayo magkasama, nasusumpungan mo ang iyong sarili na nag-iisip tungkol sa kaniya. Subalit kadalasan, isa lamang ang may gusto​—at may isa na nasasaktan ang damdamin. At kahit na pareho ang nadarama ng magkabilang panig, nagbubunga pa rin ito ng kabiguan at pighati kapag ang isa ay wala pang sapat na pagkamaygulang o hustong gulang upang mag-asawa. Tunay, saan maaaring humantong ang gayong kaugnayan? Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi rin masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?”​—Kawikaan 6:27.

Isaalang-alang ang kabataang nagngangalang Nina. Sabi niya: “May nakilala akong lalaki sa Internet. Nag-uusap kami sa chat room nang maraming oras araw-araw. Nahulog ang loob ko sa kaniya, at ang buhay ko ay umiikot sa kaniya. Hindi nagtagal ang kaugnayan namin. Ako’y labis na nanlumo nang ito’y magwakas. Pagkatapos ay tumawag siya sa akin at sinabi sa akin na magpapakamatay siya dahil sa aming paghihiwalay. Lalo pa akong nanlumo dahil diyan.” Sa pagbabalik-tanaw, nahinuha ni Nina: “Hindi ito sulit! Ang aming relasyon ay nagwakas pagkaraan ng dalawang taon, at dumaranas pa rin ako ng panlulumo.” Si Nina ay talagang napakabata pa upang magkaroon ng kaugnayan sa isang tao sa emosyonal na paraan.

Kapansin-pansin, kapag binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “pamamaraan ng matipunong lalaki sa isang dalaga,” maaaring tumukoy ito sa pagtatalik. Sa daigdig sa ngayon, ang pakikipag-date ay kadalasang isang pasimula sa pagtatalik. Maaari itong magsimula nang walang masamang intensiyon, sa paghahawakan lamang ng kamay. Isang sandaling pagyapos at isang halik sa pisngi ang maaaring maging kasunod. Hindi ito katulad ng binata’t dalaga na mayroon nang seryosong pangako sa isa’t isa na gumawa ng gayong mga kapahayagan ng pagmamahal. Subalit kapag ang dalawang tao ay napakabata pa upang mag-asawa, ang gayong paggawi ay magpapaningas lamang sa kanilang seksuwal na pagnanais. Ang mga pagpapakita ng “pagmamahal” ay nagiging lubhang di-angkop o di-malinis. Ang mga ito ay maaaring humantong sa ilang anyo ng pakikiapid.b

Mapait ang mga bunga ng pakikiapid. Ang ilan na nagsagawa nito ay nagkaroon ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Ang iba naman ay dumanas ng kawalan ng pagpapahalaga-sa-sarili at nabagabag ang kanilang budhi. Nasumpungan naman ng ilang kabataang babae ang kanilang sarili na nagdadalang-tao. Hindi kataka-taka na ang Bibliya ay nagbibigay ng utos na ito: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid”! (1 Corinto 6:13, 18; 1 Tesalonica 4:3) Ang pag-iwas sa pakikipag-date nang napakaaga ay tutulong sa iyo na sundin ang utos na ito.

Kung Kailan Makikipag-date

Hindi ito nangangahulugan na hindi ka na kailanman maaaring makipag-date. Subalit kung ikaw ay isang tin-edyer, malamang na ikaw ay nasa tinatawag ng Bibliya na “kasibulan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Nagsisimula ka pa lamang mamukadkad tungo sa pagiging binata o dalaga. Sa yugtong ito ng panahon, nagsisimula kang sumapit sa pagkamaygulang sa pisikal, emosyonal, at seksuwal na paraan. Ang iyong mga damdamin​—pati na ang seksuwal na mga pagnanais​—ay maaaring maging nasa sukdulan nito. Gayunman, ang damdaming iyon ay maaari ring dumanas ng mabilis na mga pagbabago. Sa kadahilanang ito, ang mga pagmamahalan ng mga tin-edyer ay waring lubhang panandalian lamang. “Kapag ako’y nakikipag-date,” gunita ng isang tin-edyer na babae, “karaniwan nang ito’y nagtatagal sa loob ng isang linggo at natatapos na ito sa susunod na linggo.”

Maliwanag, hindi makatuwirang makipag-date sa panahon ng “kasibulan ng kabataan.” Makabubuting maghintay hanggang sa talagang nakikilala mo na ang iyong sarili, kung ano ang mga nagugustuhan mo at ang mga hindi mo nagugustuhan, at kung ano ang mga tunguhing nais mong itaguyod. Gayundin, dapat na may sapat ka nang gulang upang isagawa ang mga pananagutan ng pag-aasawa. Halimbawa, inaasahan ni Jehova ang isang asawang lalaki na maglaan para sa kaniyang pamilya​—sa pisikal, materyal, at espirituwal. Kung ikaw ay isang tin-edyer na lalaki, handa ka na bang magtrabaho at pangalagaan ang isang asawa at marahil mga anak? Nasa posisyon ka na bang tumulong sa kanila sa pagpapanatili ng kanilang espirituwalidad? At kumusta naman kung ikaw ay isang kabataang babae? Ang isang asawang babae ay hinihilingang umibig at gumalang sa kaniyang asawa; dapat siyang sumuporta sa mga pagpapasiya nito. Talaga bang handa ka nang gawin ito nang pangmatagalan? Gayundin, handa ka na bang mangasiwa sa sambahayan sa araw-araw​—maghanda ng pagkain at mag-alaga ng mga bata?​—Efeso 5:22-25, 28-31; 1 Timoteo 5:8.

Upang ilarawan: Sa mga lupain sa Kanluran, ang mga kabataan ay nangangarap na magmaneho ng kotse ng pamilya. Subalit ano ang kailangang gawin ng isang kabataan bago siya pahintulutang magmaneho? Sa maraming lupain, kailangan mo munang magkaroon ng pagsasanay at kumuha ng pagsubok bago ka mabigyan ng lisensiya. Bakit? Sapagkat ang pagmamaneho ay isang seryosong pananagutan. Nasa iyong mga kamay ang iyong buhay at ang buhay ng iba pa kapag ikaw ay nagmamaneho. Buweno, ang pag-aasawa ay isa ring napakaseryosong pananagutan! Bilang isang tin-edyer, maaaring hindi ka pa talagang handa rito. Sa kalagayang iyan, makabubuting tanggihan ang tuksong makipag-date, yamang ang pakikipag-date ay isang hakbang patungo sa paghahanap ng isang kabiyak. Sa simpleng pananalita: Kung hindi ka pa handang mag-asawa, hindi ka dapat makipag-date.

Upang makagawa ng matalinong pasiya sa bagay na ito, kailangan mo ang tinatawag ng Bibliya na “kaalaman at kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 1:4) Kaya, maaaring maging isang mabuting ideya na samantalahin ang kaalaman at karanasan ng isa na higit na nakatatanda. Ang mga magulang na Kristiyano ay karaniwan nang nasa pinakamabuting katayuan upang tumulong sa iyo na tantiyahin kung handa ka na bang mag-asawa. At maaaring gusto mo ring kumuha ng ilang payo mula sa maygulang na mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Kung ayaw ng mga magulang mo na ikaw ay makipag-date, makabubuting makipagtulungan ka sa kanila. Ang kanilang hangarin ay tulungan kang ‘ilayo ang kapahamakan.’​—Eclesiastes 11:10.

Kung inaakala nilang hindi ka pa handang makipag-date, maaaring imungkahi nila na pansamantala, sa halip na ituon mo ang iyong pansin sa isang tao, palawakin mo ang grupo ng iyong mga kaibigan. Ang pakikisama sa walang asawa at may-asawa, matanda’t bata, gayundin sa mga kaedad mo, ay makatutulong sa iyo na gawing ganap ang iyong personalidad at magkaroon ng mas makatotohanang pangmalas sa buhay at pag-aasawa.

Hindi madali na maghintay hanggang sa ikaw ay handa na para makipag-date. Subalit sulit naman ang maghintay. Sa paggamit sa “kasibulan ng kabataan” na sumulong tungo sa pagkamaygulang at responsableng adulto, maiiwasan mo ang maraming problema. Mabibigyan mo ang iyong sarili ng panahon upang maging ang uri ng tao na kayang maharap ang mga panggigipit at mga pananagutan ng pag-aasawa. Mabibigyan mo rin ng panahon ang iyong sarili na sumulong tungo sa isang espirituwal na tao. Sa ganiyang paraan, kapag sa wakas ikaw ay handa nang makipag-date, makikita ng iba na ikaw ay isa na talagang sulit na makilala nang higit.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Ang orihinal na salitang Griego para sa pakikiapid ay por·neiʹa. Tumutukoy ito sa pagtatalik ng mga hindi mag-asawa. Kasali rito ang paghihipuan ng mga ari ng lalaki o babae at oral sex.

[Larawan sa pahina 26]

Ang mga pagpapakita ng pagmamahal ay karaniwang humahantong sa problema

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share