Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Inaakala ng Aking mga Magulang na Napakabata Ko Pa Para Makipag-date?
“Makaluma naman kayo, Inay. Hindi na ito dekada ng 1950. Ang lahat ay nakikipag-date! Hindi na ako maliit na bata.”—16-na-taóng-gulang na si Janie.a
MAAARING nakasisira ng loob na ikaw ay pagsabihang hindi ka pa handang makipag-date. “Gusto kong parangalan ang aking ama at ina gaya ng sinasabi sa Bibliya,” ang sabi ng isang kabataan, “ngunit sa palagay ko’y mali sila. Hindi ko nga alam kung paano ito ipakikipag-usap sa kanila.” Katulad ng binatang ito, maaaring ipalagay mo na hindi makatuwiran at hindi madamayin ang iyong mga magulang. Marahil ay may nakilala ka na talagang nagugustuhan mo at gusto mong makilala pa siya nang higit. O marahil ay inaakala mong ang pakikipag-date ay tutulong sa iyo na mas makibagay sa iyong mga kasamahan. “Nariyan ang panggigipit,” ang sabi ni Michelle. “Kung hindi ka nakikipag-date, iisipin ng mga kabataan sa paaralan na kakatwa ka.”
Ganito ang napansin ng isang tagapayo sa pamilya tungkol sa pakikipag-date: “Wala nang iba pang larangan kung saan ang mga magulang ay tila mas di-makatuwiran.” Subalit dahil lamang sa ang iyong mga magulang ay tila di-makatuwiran, nangangahulugan ba iyan na sila talaga ay di-makatuwiran? Tutal, may pananagutan sa Diyos ang iyong mga magulang na turuan, sanayin, pangalagaan, at patnubayan ka. (Deuteronomio 6:6, 7) Maaari kayang may makatuwirang mga dahilan ang iyong mga magulang upang mabahala sa iyong kapakanan? “Nakikita ko ang maaaring mangyaring panganib,” sabi ng isang magulang, “at ito’y nakatatakot.” Bakit ipinangangamba ng maraming magulang ang maagang pakikipag-date?
Mapanganib na mga Damdamin
“Parang pinalalabas ng aking mga magulang na mali ang magkagusto sa isa,” ang reklamo ng 14-na-taóng-gulang na si Beth. Gayunman, kung ang iyong mga magulang ay mga Kristiyano, alam na alam nila na dinisenyo ng Diyos ang lalaki’t babae na maakit sa isa’t isa. (Genesis 2:18-23) Alam nila na natural lamang ang pagkaakit na ito, na ito’y kasuwato ng layunin ng ating Maylalang para sa sangkatauhan na ‘punuin ang lupa.’—Genesis 1:28.
Isa pa, nauunawaan ng iyong mga magulang kung gaano kalakas ang seksuwal na mga pagnanasa kapag ikaw ay nasa “kasibulan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Alam din nila na wala ka pang gaanong karanasan kung paano supilin ang mga pagnanasang iyon. Kung gugugol ka ng maraming panahon na kasama ng isa na hindi mo kasekso, sa telepono, o kahit na sa pamamagitan ng pakikipagsulatan o E-mail, malamang na sumidhi ang pagkaakit sa isa’t isa. ‘Ano naman ang masama riyan?’ maitatanong mo. Buweno, ano naman ang makatuwirang paraan mo upang mabigyang-kasiyahan ang mga pagnanasang iyon? Talaga bang handa mong harapin ang makatuwirang kahahantungan ng damdaming iyon—ang pag-aasawa? Malamang na hindi.
Kaya ang maagang pakikipag-date ay may kaakibat na ilang malulubhang panganib. Ang Bibliya ay nagbababala: “Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi rin masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?” (Kawikaan 6:27) Kadalasan, ang maagang pakikipag-date ay humahantong sa pagsisiping bago ang kasal, anupat inilalantad ang mga kabataan sa mga posibilidad ng pagdadalang-tao nang hindi kasal at sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik. (1 Tesalonica 4:4-6) Halimbawa, inakala ng kabataang si Tammy na ang kaniyang mga magulang ay di-makatuwiran nang ayaw nilang pumayag na siya’y makipag-date. Kaya lihim siyang nakipag-date sa isang kaeskuwela. Gayunman, di-nagtagal at si Tammy ay nagdalang-tao—at nabago ang kaniyang buhay. Ngayon, ipinagtapat niya: “Ang pakikipag-date ay hindi pala lubhang kasiya-siya na gaya ng sinasabi nila.”
Ngunit paano naman kung maingat na iniiwasan ng kabataang lalaki at babae ang di-angkop na paggawi? Magkagayon man, nariyan pa rin ang panganib na magising o mapukaw ang mga damdamin ng pag-ibig nang wala sa panahon. (Awit ni Solomon 2:7) Ang paggising sa mga pagnanasang angkop na masasapatan lamang sa darating na mga taon pa ay maaari lamang magbunga ng pagkasira ng loob at kalungkutan.
May iba pang bagay na dapat pag-isipan: Talaga bang may sapat ka nang karanasan sa buhay upang malaman kung ano ang dapat mong hanapin sa isang kabiyak? (Kawikaan 1:4) Sa kabilang dako naman, taglay mo na ba ang mga katangian at kasanayan na kinakailangan upang maging isang asawang lalaki o babae na talagang iniibig at iginagalang? Talaga bang may tiyaga ka at determinasyon na kinakailangan upang mapanatili ang pangmatagalang kaugnayan? Hindi kataka-taka, karamihan ng romantikong kaugnayan ng mga tin-edyer ay maigting at panandalian. Kakaunti lamang ang nagbubunga ng nagtatagal na pag-aasawa.
Kaya mainam ang pagbuod dito ng labingwalong-taóng-gulang na si Monica nang sabihin niya: “Lahat ng aking mga kaibigan sa paaralan ay magkukuwento sa akin tungkol sa kanilang mga nobyo. Ngunit alin sa nag-asawa sila nang maaga o nauwi ang kanilang relasyon sa masakit na paghihiwalay sapagkat hindi pa sila handang mag-asawa.” Ganito rin ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Brandon: “Kapag natanto mo na hindi ka pa handa sa pananagutan subalit inaakala mong mananagot ka na sapagkat ikaw ay nakikipag-date, ito’y lubhang nakasisira ng loob. Paano ka makakakalas nang hindi sinasaktan ang isang tao?”
Walang alinlangang sinisikap ng iyong mga magulang na huwag kang masaktan at mabigo sa pamamagitan ng paggiit na makikipag-date ka lamang kapag nasa hustong gulang ka na para bumalikat ng pananagutan sa pag-aasawa. Ang totoo, kumikilos lamang sila kasuwato ng kinasihang payo sa Eclesiastes 11:10: “Alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman.”
‘Pagpapalawak’
Subalit, hindi ito nangangahulugan na hindi ka maaaring makisama sa hindi mo kasekso. Ngunit bakit mo tatakdaan ang iyong pakikisama sa iisang tao? Sa ibang diwa, tayo’y hinihimok ng Bibliya na “magpalawak” sa ating pakikisama. (2 Corinto 6:12, 13) Mabuting payo iyan para sa mga kabataan. Ang isang paraan upang magawa ito ay makisama sa mga grupo na magkakasama ang kapuwa lalaki’t babae. “Sa palagay ko’y mas masaya ito,” ang sabi ni Tammy. “Mas mabuting magkaroon ng maraming kaibigan.” Ganito ang sabi ni Monica: “Ang pagsasamahan sa grupo ay isa ngang mabuting ideya sapagkat nakikilala mo ang mga tao na may iba’t ibang personalidad at natatanto mo na marami ka pang hindi nakikilala.”
Maaari ka pa ngang tulungan ng iyong mga magulang na magsaayos ng kasayahan na kasama ng ibang mga kabataan. Si Anne, isang ina ng dalawang anak, ay nagsabi: “Lagi naming tinitiyak na ang aming tahanan ay isang masayang dako na gugustuhin ng mga bata. Inaanyayahan namin ang kanilang mga kaibigan sa bahay, pinagmemeryenda sila, at hinahayaan silang maglaro. Sa ganitong paraan hindi nila iisiping lumabas pa ng bahay upang magkatuwaan.”
Sabihin pa, kahit na kasama ng grupo ay kailangan mo pa ring mag-ingat tungkol sa pagpapakita ng labis na atensiyon sa isang tao. Ang ibang mga kabataan ay nangangatuwiran na basta may kasama silang ibang tao, hindi talaga pakikipag-date iyon. Iwasan ang gayong panlilinlang sa sarili. (Awit 36:2) Kung lagi mong kasama ang iyon at iyon ding tao sa tuwing nagkakasama kayong magkakaibigan, katumbas din ito ng pakikipag-date.b Sikaping gamitin ang matalinong pagpapasiya sa iyong pakikipagkaibigan sa di-kasekso.—1 Timoteo 5:2.
Ang Kahalagahan ng Paghihintay
Mahirap tanggapin ang mapagsabihang napakabata mo pa para makipag-date. Subalit hindi gusto ng iyong mga magulang na saktan ka. Sa kabaligtaran, ginagawa nila ang lahat ng kanilang magagawa upang matulungan at maingatan ka. Kaya sa halip na magtiwala sa iyong sariling puso at tumanggi sa kanilang payo, bakit hindi ka makinabang sa kanilang karanasan? Halimbawa, bakit hindi mo hingin ang kanilang payo sa susunod na pagkakataong magkaproblema ka tungkol sa di-kasekso? Ang Kawikaan 28:26 ay nagpapaalaala sa atin: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal.” Ganito ang sabi ng kabataang si Connie: “Kapag nagkakagusto sa akin ang isang lalaki, ang pakikipag-usap tungkol dito kay inay ang nakatutulong sa akin upang labanan ang panggigipit na makipag-date. Ibinabahagi niya sa akin ang mga karanasan na nangyari sa kaniyang mga kaibigan at pamilya noon. Talagang nakatutulong ito sa akin.”
Ang paghihintay ng ilang panahon bago ka makipag-date ay hindi makahahadlang sa iyong emosyonal na paglaki o makasusugpo man sa iyong kalayaan. Dahil sa hindi ka pa bumabalikat ng mga pananagutang pang-adulto sa panliligaw at pag-aasawa, malaya ka pang ‘makapagsaya sa iyong kabataan.’ (Eclesiastes 11:9) Ang paghihintay ay magpapahintulot din sa iyo na mapaunlad ang iyong personalidad, pagkamaygulang at, higit sa lahat, ang espirituwalidad. (Panaghoy 3:26, 27) Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kabataang Kristiyano, “dapat na magkaroon ka muna ng pananagutan kay Jehova bago ka kumuha ng pananagutan sa ibang tao.”
Habang nagkakaedad ka at ang iyong pagsulong ay nahahalata ng lahat, magiging iba ang pangmalas sa iyo ng iyong mga magulang. (1 Timoteo 4:15) At kapag ikaw ay talagang handa nang makipag-date, walang alinlangang magagawa mo iyon taglay ang kanilang pagsang-ayon.
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 232-3 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang pagtutuon ng pantanging atensiyon sa isang di-kasekso. . .
. . . ay karaniwan nang pupukaw ng romantikong damdamin
[Larawan sa pahina 21]
Sa halip na ibuhos mo ang iyong interes sa iisang tao, palawakin mo ang iyong pakikipagkaibigan