Mula sa Aming mga Mambabasa
Pakikipagkasundo sa Iba
Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Napakahirap Makasundo ang Aking Kapatid na Lalaki at Babae?” (Hulyo 22, 1987) Ako po’y 16 anyos, at madalas pong hindi ko makasundo ang aking mga kapatid na babae. Mga ilang araw ang nakalipas ako po ay nakipag-away sa isa sa kanila, at nais ko po siyang salakayin. Naitulak ko po siya nang malakas subalit napigil ko po ang aking sarili. Batid ko po na ang mga Kristiyano ay hindi dapat mag-away na gaya ng ginagawa namin. Tinulungan po ako ng inyong artikulo na maunawaan kung paano susupilin ang kalagayan at panatilihin ang kapayapaan sa pamilya. Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya upang ikapit ang mga mungkahi at tumulong sa pagkakaisa ng aming pamilya.
R. A. G., Brazil
Ang Maiilap na Hayop ng Aprika
Lubos akong nasiyahan sa inyong mga artikulo tungkol sa maiilap na hayop ng Aprika. (Setyembre 22, 1987) Ang mga artikulo ay nakapagpatawa sa akin, at kung minsan naman ay nakadama ako ng matinding kalungkutan sa katakut-takot na mga pagpatay sa iba’t ibang mga hayop na ito dahil sa komersiyalismo. Salamat sa nakapagtuturong mga katotohanan tungkol sa kung ano ang nangyayari sa mga hayop.
S. R., Virgin Islands
Yelo para sa Sakit ng Ulo
Binabasa ko po ang inyong labas ng Setyembre 22, 1987, at sumakit po ang ulo ko pagkatapos basahin ang “Pagmamasid sa Daigdig.” Tinunghayan ko ang pahina 31. Tumitindi ang sakit ng aking ulo, subalit naroon ang artikulong “Kung Masakit ang Ulo Mo” na nagsasabi kung paanong ang dinurog na yelo ay nakatutulong upang mawala ang sakit ng ulo. Kaya ako’y bumaba at kumuha ng yelo. Ito po ay isang paraan na natulungan ako ng Gumising!, at marami pang iba. Ako po’y siyam na taóng gulang. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong mabuting gawa.
M. M., Estados Unidos
Pagsasalita ng mga Wika
Natanggap ko ang mga kopya ng inyong artikulo kung saan lubhang maling binanggit ang sinabi ko. (Abril 8, 1987, “Pagsasalita ng mga Wika—Galing ba Ito sa Diyos?”) Napagkamalan ninyo ang aking mga salita na para bang ikinahihiya ko ang pagsasalita ng mga wika, samantalang hindi gayon ang kaso. Sa katotohanan sinisipi ko si C. S. Lewis, na nagsabing ang pagsasalita ng mga wika ay isang kahihiyan. Pagkatapos ay binanggit ko ang kahalagahan ng pagsasalita ng mga wika sa kasaysayan ng simbahan, yaon ay kung bakit hindi ito dapat maging isang kahihiyan sa simbahan. . . . Ang maling pagsipi rito ay aktuwal na gumagawa rito na para bang salungat ako sa pagsasalita ng mga wika, na tiyak na hindi totoo.
Vinson Synan, Estados Unidos
Ikinalulungkot namin na di-sinasadyang ipinalagay namin ang pangungusap ni C. S. Lewis na, “Ang pagsasalita ng mga wika ay isang kahihiyan sa atin,” na kay Vinson Synan. Gayunman, may kawastuang sinipi namin ang pangungusap ni Dr. Synan na lumabas sa publikasyong “One in Christ”: “Kahiya-hiya man, ang glossolalia [pagsasalita ng mga wika] ang kaloob na pinipili ng Diyos sa estratehikong mga yugto sa kasaysayan upang palaganapin at baguhin ang Iglesya.” Hindi namin sinipi si Dr. Synan upang ipakita na siya ay salungat sa pagsasalita ng mga wika kundi upang ipakita na kinikilala niya na ang pagsasalita ng mga wika ay maaaring maging isang problema sa ilang taimtim na mga mananamba ngayon. Sa artikulong iyan ipinakita ni Dr. Synan ang isang posibleng problema para sa ilan: “Sang-ayon ako kay Larry Christenson na nagsabing . . . ‘May pagkasoberanong pinili ng Diyos na gamitin ang kaloob ng pagsasalita ng mga wika bilang isang catalyst sa pagpapanibago . . . maaaring wala itong kabuluhan sa atin mismong pangangatuwiran . . . subalit siya ay kumakatok sa sinumang piliin niya . . . ’” Inaasahan namin na lilinawin nito ang katayuan ni Dr. Synan may kinalaman sa pagsasalita ng mga wika, na naiiba sa aming katayuan.—ED.