Ang Kaloob ba na mga Wika ay Bahagi ng Tunay na Pagka-Kristiyano?
“NARAMDAMAN ko, samantalang nakikinig ako sa kaniya na nananalangin sa pamamagitan ng mga wika, na para bang may koryente sa himpapawid,” ang sabi ni Bill pagkatapos na siya at anim pang iba ay nagkatipon sa harap ng predikador malapit sa altar ng simbahan. Ang ganiyan bang mga karanasan ay pag-ulit ng pagkilos ng banal na espiritu noong unang siglo? Ito ba’y nagpapakilala sa relihiyon ng Bibliya? Masusumpungan natin ang nakasisiyang mga kasagutan sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa Kasulatan.
Ang ulat ng Bibliya ay nagsisiwalat na pagka isinasalin ang anumang kahima-himalang kaloob ng espiritu, ang isa man lamang sa 12 apostol o si apostol Pablo ay naroroon. Ang una sa tatlong halimbawa ng pagsasalita ng mga wika ay naganap sa gitna ng 120 mga alagad ni Jesus na nagkatipon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:1-4) Makalipas ang tatlo at kalahating taon, habang isang grupo ng di-tuling mga Italyano ang nakikinig sa pangangaral ni Pedro, sila’y tumanggap ng espiritu at nagsimulang “magsalita ng mga wika at nangagpuri sa Diyos.” (Gawa 10:44-48) At 19 na mga taon pagkatapos ng Pentecostes, humigit-kumulang 52 C.E., si Pablo ay nagsalita sa isang grupo sa Efeso at pinatungan ng kaniyang mga kamay ang 12 alagad. Sila man ay “nagsimulang magsalita ng mga wika at nagsipanghula.”—Gawa 19:6.
Bakit May Kaloob na mga Wika?
Mga ilang saglit bago siya umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at . . . sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Pansinin na sa ganoo’y nagbigay siya ng paliwanag kung papaano gaganapin ang pagkalaki-laking gawaing ito ng pagpapatotoo—sa tulong ng banal na espiritu.
Ang modernong teknolohiya ng komunikasyon na ginagamit natin upang magpadala ng mga mensahe sa buong lupa sa maraming wika ay hindi pa umiiral noon. Ang mabuting balita ay kailangan noon na ipalaganap una sa pamamagitan ng salita ng bibig, at dito ang kahima-himalang kaloob na pagsasalita ng mga wikang banyaga ay magiging malaking tulong. Ganiyan ang pangyayari samantalang ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nangangaral sa mga Judio at sa mga proselita sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. Ang mga Parto, Medo, Elamita, Cretense, Arabe, mga naninirahan sa Mesopotamia, Judea, Capadocia, Ponto, at sa distrito ng Asia, gayundin ang mga nakikipamayang galing sa Roma, ay nakarinig ng “makapangyarihang mga gawa ng Diyos” sa kanilang sariling wika at naunawaan kung ano ang sinabi. Tatlong libo ang naging mga mananampalataya.—Gawa 2:5-11, 41.
Ang malimit kaligtaang bagay ay na ang pagsasalita ng mga wika ay isa lamang sa siyam na pagkilos ng banal na espiritu na binanggit ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Corinto. Bagaman itinuring ni Pablo na ang pagsasalita ng mga wika ay isang maliit na kaloob, ito ay mahalaga sa sinaunang kongregasyon sa pagpapalaganap ng mabuting balita tungkol sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Isa ito sa “mga kaloob” na nakatulong sa paglago at pagpapatibay sa mistulang sanggol na kongregasyon ng mga Kristiyano.—1 Corinto 12:7-11; 14:24-26.
Ang sari-saring pagkilos ng banal na espiritu noong unang siglo, kasali na ang pagsasalita ng mga wika, ay isa ring nakikitang katibayan na hindi na ginagamit noon ng Diyos ang 1,500-taóng-gulang na kongregasyon ng Israel bilang kaniyang tanging bayan. Walang anumang pag-aalinlangan, ang kaniyang pagsang-ayon ay naroon na sa bagong kongregasyong Kristiyano, na itinatag ng kaniyang bugtong na Anak.—Ihambing ang Hebreo 2:2-4.
Ang mga kapahayagang ito ng espiritu ay mga pangunahing materyales sa pagtatayo sa bata pang kongregasyong Kristiyano at pagtulong dito na lumaki tungo sa pagkamaygulang. Ipinaliwanag ni Pablo na pagkatapos magsilbi sa kanilang layunin, ang kahima-himalang mga kaloob na ito ay matatapos: “Kahit ang mga kaloob na panghuhula ay matatapos; maging ang mga wika ay titigil.”—1 Corinto 13:8.
Oo, nililiwanag ng Bibliya na ang kaloob na mga wika ay titigil. Subalit kailan? Inihahayag ng Gawa 8:18 na ang mga kaloob ng espiritu ay tinanggap “sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol.” Maliwanag, kung gayon, na sa pagkamatay ng huling apostol, hihinto na ang pagsasalin sa iba ng mga kaloob ng espiritu—kasali na ang pagsasalita ng mga wika. Sa gayon, pagka yaong tumanggap ng mga kaloob na ito buhat sa mga apostol ay pumanaw na rin sa lupa, ang kahima-himalang kaloob ay titigil na. Sa panahong iyon ang kongregasyong Kristiyano ay sasapit sa panahon na magiging mainam ang pagkatatag at lalaganap sa maraming lupain.
“Di-kilalang mga Wika” at ang Kanilang Interpretasyon
Ang kasalukuyang muling pagkabuhay ng pagsasalita ng mga wika ay “itinuring ng iba na emosyonal na pagmamalabis ng mabuway na mga eksibisyonista, samantalang itinuturing naman ng iba na iyon ay katumbas na rin ng pagsasalita ng mga wika noong panahong Apostoliko.” Sa modernong-panahong mga pagtitipon sa simbahan na kung saan may pagsasalita sa “di-kilalang mga wika,” karaniwan nang kasangkot doon ang biglang silakbo ng walang kawawaang mga ingay. Kaya naman, sinabi ng isang tao: “Ang bigay sa akin na kaloob na wika ay ginagamit ko nang sarilinan para sa aking pagbubulay-bulay. . . . Ako’y medyo nahihiya sa harap ng ibang tao.” Isa pa ang nagbida: “Naririnig ko ang aking sariling mga salita, di ko nauunawaan ang mga iyon, ngunit patuloy na nararamdaman ko na ang aking dila ay itinutulak upang magsalita.”
Anong impormasyon na talagang mahalaga ang inihahatid ng ganiyang di-kilalang mga wika, at ano naman ang tungkol sa interpretasyon nito? Yaong mga nagsasabing naibibigay nila ang interpretasyon ng pananalitang ito ay nagbigay ng iba’t-ibang paliwanag ng kaparehong mga pananalita na walang katinuan. Bakit iba’t iba? Kanilang ipinaliliwanag ang dahilan ng gayong hindi pagkakaisa sa pagsasalin sa pagsasabing “nagbigay ang Diyos sa isang tao ng isang interpretasyon ng pananalita at sa isa namang tao ay nagbigay ng ibang interpretasyon.” Inamin ng isang tao: “Napansin ko ang mga pagkakataon na kung saan ang interpretasyon ay hindi yaong tama.” Si D. A. Hayes, sa kaniyang aklat na The Gift of Tongues, ay bumanggit ng isang pagkakataon na kung saan isang lalaki ang tumangging bigyan ng interpretasyon ang sinabi ng isang babae na nagsalita sa isang di-kilalang wika dahilan sa “ang wika ay kasama-samaan.” Anong laking kaibahan sa pagsasalita ng mga wika na naganap noong unang siglo at talagang para sa ikatitibay ng kongregasyon!—1 Corinto 14:4-6, 12, 18.
Ang iba sa ngayon ay nagsasabing sila’y nakarinig ng kahanga-hangang mga interpretasyon, at maaaring sila’y taimtim na naniniwala na ginagamit ng Diyos ang kaloob na ito pagka siya’y “nagnanais magbigay ng tuwirang mensahe sa mga tao.” Subalit anong mensahe buhat sa Diyos ang kailangan natin sa ngayon na hindi ibinigay sa atin ni Jesu-Kristo at ng mga apostol? Si Pablo, na pinagkalooban ng banal na espiritu, ay nagsabi: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Ang totoo ay, wala na sa kaniyang kamusmusan ang kongregasyong Kristiyano, at sa gayo’y hindi na kailangan ang kinasihang mga pagsisiwalat o kahima-himalang mga kaloob ng espiritu upang patunayan ang ginaganap na tungkulin nito. Ang Bibliya ay nagbababala: “Kahit na kami o isang anghel na mula sa langit ang magpahayag sa inyo bilang mabuting balita ng isang bagay na [“naiiba sa,” The New English Bible] hindi katulad ng aming ipinahayag na sa inyo bilang mabuting balita, siya’y matakwil.”—Galacia 1:8.
Ang makahimalang pagsasalita ng mga wika ay hindi na kailangan, at walang batayan sa Bibliya ang paniwala na ito ay bahagi ng tunay na pagka-Kristiyano sa ngayon. Ngayon na kumpleto na ang Bibliya at laganap na, mayroon tayo ng ating kinakailangan sa Salita ng Diyos. Nagbibigay ito ng pagkakataon na magtamo tayo ng tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3; Apocalipsis 22:18, 19.
Kahit na noong unang siglo, si apostol Pablo ay napilitan na sumulat sa kongregasyon sa Corinto upang ituwid ang kanilang pagkakilala sa kung bakit ang kaloob na mga wika ay ibinigay sa sinaunang mga Kristiyano. Wari nga, ang iba ay nabighani sa kaloob na mga wika, at sila’y kumikilos na gaya ng mumunting bata, na musmos sa espirituwal. Labis na pinahahalagahan noon ang “mga wika.” (1 Corinto 14:1-39) Idiniin ni Pablo na hindi lahat ng Kristiyano noong unang siglo ay nagsalita ng kahima-himalang mga wika. Hindi naman ito kinakailangan para sa kanilang kaligtasan. Kahit na noon na ito’y umiiral, ang kaloob na wika ay pangalawa lamang sa kahima-himalang panghuhula. Ang pagsasalita ng mga wika ay hindi kahilingan noon, at hindi kahilingan ngayon, para makamit ng mga Kristiyano ang buhay na walang hanggan.—1 Corinto 12:29, 30; 14:4, 5.
Ang Kapangyarihang Nasa Likod ng Di-kilalang mga Wika sa Ngayon
Ang iba’y naniniwala na ang di-kilalang kapangyarihan na nasa likod ng kasalukuyang mga pagsasalita ng mga wika ay karismatikong mga lider ng simbahan na humihila sa mga miyembro ng kawan upang kamtin ang ganitong abilidad. Sa mga ibang kaso naman ay resulta ito ng emosyonalismo at pagkadi-timbang. Sang-ayon kay Cyril G. Williams, sa Tongues of the Spirit, ito ay naging “sa maraming kaso isang tanda ng pagiging pinakamagaling sa loob ng grupo” at nagbibigay sa isang tao ng “tindig at autoridad sa paningin ng grupo at maging sa kanilang sariling paningin.” Samakatuwid, ang motibo ay maaaring isang hangaring mapabilang sa sikat na grupong nagsasalita ng di-kilalang wika.
Ang pangulo noon ng Loyola University na si Donald P. Merrifield ay bumanggit na “ang mga wika ay maaaring isang karanasang histerikal, o, ayon sa iba, makademonyo.” Sinabi ng klerigong si Todd H. Fast: “Ang mga wika ay pinagtatalunan. Ang diyablo ay may maraming paraan ng pagsisikap na tayo’y maapektuhan.” Ang Bibliya na rin ang nagbababala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ang nakakaimpluwensiya sa mga tao at nakokontrol ang kanilang pagsasalita. (Gawa 16:17, 18) Si Jesus ay kumilos laban sa isang demonyong espiritu na nag-udyok sa isang tao na magsisigaw at matumba sa sahig. (Lucas 4:33-35) Si Pablo ay nagbabala na ‘si Satanas ay nag-aanyong isang anghel ng liwanag.’ (2 Corinto 11:14) Ang mga tao sa ngayon na naghahangad ng kaloob na wika na hindi na ibinibigay ng Diyos ngayon sa kaniyang bayan ay tunay na nagbibigay-daan sa panlilinlang ni Satanas, na, ibinababala sa atin, na gagamit ng “lahat ng makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at babala.”—2 Tesalonica 2:9, 10.
Mga Wika—At ang Tunay na Kristiyanismo
Ang kaloob na pagsasalita ng mga wika ay ginamit ng unang-siglong mga Kristiyano upang magpaliwanag ng kahanga-hangang mga bagay ng Diyos. Idiniin ang pangangailangan na ipaliwanag nang malinaw ang mensahe na ihayag sa pamamagitan ng mga wika upang maunawaan ng lahat at pakinabangan ng marami. (1 Corinto 14:26-33) Ipinayo ni Pablo: “Kung hindi mga salitang madaling maunawaan ang bibigkasin ng inyong dila, papaano malalaman kung ano ang inyong sinasabi? Sa hangin lamang kayo magsasalita.”—1 Corinto 14:9.
Bagaman ang espiritu ng Diyos ay nagbigay sa mga unang Kristiyano ng kaloob na mga wika, hindi naman pinapangyari niyaon na sila’y magsalita ng walang kawawaan o magdadaldal ng walang kabuluhan. Kasuwato ng payo ni Pablo, pinapangyari ng banal na espiritu na makapagsalita ng mga bagay na ang resulta’y lalong mabilis na ang mabuting balita’y “maipangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
Tungkol sa mga huling araw na ito ng kasalukuyang pamamalakad, iniutos ni Jesu-Kristo: “Sa lahat ng bansa ang mabuting balita [ng tatag na Kaharian] ay kailangang maipangaral muna.” (Marcos 13:10) Tulad noong unang siglo, lahat ng nilalang ay kailangang makarinig ng mensahe ng Kaharian. Ito’y posible sapagkat naisalin na ang Bibliya, sa kabuuan o sa anumang bahagi, sa halos 2,000 wika. Ang espiritung nag-udyok sa mga unang Kristiyano na magsalita nang may katapangan at lakas ng loob ang siya ring espiritu na ngayon ay umaalalay sa dakila at kamangha-manghang gawaing pangangaral ng kasalukuyang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng berbalang pangungusap at ng paggamit ng modernong teknolohiya sa pag-iimprenta upang makalimbag ng literatura tungkol sa katotohanan buhat sa Kasulatan, sila ay nagsasalita ng “dalisay na wika.” Ang mensaheng ito ay nakararating sa mahigit na 200 bansa at mga isla sa karagatan. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang kaisa-isang bayan na pinakikilos ng espiritu ng Diyos upang ipakilala ang dakilang mga bagay ng Diyos.—Zefanias 3:9; 2 Timoteo 1:13.
[Mga larawan sa pahina 7]
Bahay-bahay na pagpapatotoo sa Hapón
Pagpapatotoo sa mga barko sa Colombia
Ibaba: Pag-aaral ng Bibliya sa Guatemala
Ibaba: Pagpapatotoo sa bandang bukid sa Netherlands