Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 4/8 p. 17-21
  • Nakita Ko ang Kawalang-Saysay ng Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakita Ko ang Kawalang-Saysay ng Digmaan
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Hindi Sila Susuko”
  • Nang ang Lahat ay Pawang Payapa
  • Ang mga Katotohanan ng Digmaan
  • “Mamamatay ba Ako?”
  • Inasinta ng Isang Mortar
  • Isang Kamatayan na Nagpangyari sa Akin na Mag-isip
  • Kapag ang Tao’y Mamumuhay sa Mapayapang mga Tirahan
  • “Ako’y Disididong Mamatay Para sa Emperador”
    Gumising!—1992
  • Mula sa Pagsamba sa Emperador Tungo sa Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • “Wala Nang mga Hiroshima!”
    Gumising!—1991
  • “Alalahanin ang Pearl Harbor!”
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 4/8 p. 17-21

Nakita Ko ang Kawalang-Saysay ng Digmaan

NOON ay taóng 1944 sa isla ng Leyte sa Pilipinas. Kami’y naroroon sa mainit na kagubatan na nagpapatrolya at hinahanap ang kaaway​—mga sundalong Haponés na nakatago sa mga punungkahoy at maliliit na halaman. Ako noon ay isang 19-anyos na medical corpsman at karaniwan nang nasa huli ng linya, handang sumugod na may dalang mga benda at tulong sa panahon ng maikling labanan. Sa paano man noong pagkakataong ito, ako ang nasa unahan. Nakakanerbiyos na maghintay sa mga patibong at biglang mga pagsalakay. Pagkatapos, walang anu-ano, biglang may nangyari.

Isang opisyal na Haponés ay lumukso mga ilang metro sa harap ko, iwinawagayway ang isang puting tela at sumisigaw, “Huwag kayong magpapaputok! Huwag kayong magpapaputok! Ako’y taga-Chicago! Ako’y taga-Chicago!” Ang aming mga daliri sa gatilyo ng baril ay pigil na pigil. Ang sundalo sa likuran ko ay nagpaputok ng ilang bala mula sa kaniyang riple​—at hindi tumama. Ang iba pa sa amin ay hindi nagpaputok habang ang opisyal ay patuloy na sumisigaw, “Ako’y taga-Chicago!”

Dali-dali niyang inilabas ang ilang larawan mula sa kaniyang bulsa habang ipinaliliwanag niya ang kaniyang kuwento sa malinaw na Amerikanong Ingles. Nagtaka ako nang labis. Narito kami sa gitna ng kagubatan, at narito’t ipinakikita sa amin ng kapitang Haponés ang mga larawan ng kaniyang asawa at mga anak na nasa Chicago. Totoo nga​—siya’y isang Haponés-Amerikano!

“Hindi Sila Susuko”

Siya pala ay galing sa Chicago upang dalawin ang kaniyang mga magulang sa Hapón bago pa idineklara ang digmaan. Siya ay tinawag na maglingkod sa hukbong Haponés, at narito siya’t nakikipagbaka laban sa Estados Unidos. Tinanong namin siya, “May kasama ka ba?” Itinuro niya ang isa na nakatago sa mga palumpon mga ilang piye sa likuran niya. Iniutos namin na lumabas siya agad doon! Siya namang paglabas ng isang kabataang sundalong Haponés na halos kasing-edad ko. “At nasaan ang iba pa?” “Naroon.” Itinuro ng kapitan ang kagubatan sa likuran niya.

Nakipagtawaran kami sa kapitan. “Kukunin ka naming bilanggo kung pasusukuin mo ang iyong mga tauhan. Kung hindi, papatayin ka namin!” sabi ng aming sarhento. Ang sagot ng opisyal ay nagpatunay sa nalalaman namin: “Hindi sila susuko. Papatayin nila kami kapag ipinagawa namin iyon sa kanila.”

Pinilit namin siya na suguin ang kabataang sundalo sa kaniyang mga tauhan. Sa loob lamang ng isang minuto o higit pa, nakarinig kami ng isang putok. Tiningnan namin ang opisyal na Haponés, at sabi niya: “Pinatay nila siya.” Sa kaibuturan ko, naawa ako sa kabataang sundalong iyon. Gayunding damdamin ang nadama ko maraming beses na noon at madarama pa, ang damdamin na ang digmaan ay lubhang walang-saysay.

Habang isinasama ng dalawa sa aming tauhan ang opisyal pabalik sa aming kampo, ang iba pa sa amin ay nagpatuloy sa landas. Bilang isang mediko, nanatili ako sa likuran ng pangkat upang maging handa akong gamutin ang sinuman sa aming tauhan na maaaring tamaan. Mga ilang yarda pa at nakita namin ang iba pa sa mga kaaway. Sa maikling labanan, lahat sila ay napatay.

Subalit nakagawa kami ng isang bagay na halos ay di-pangkaraniwan​—nabihag namin ang isang opisyal na Haponés-Amerikano​—isa sa iilan na nadakip na buháy. Subalit lungkot na lungkot ako sa walang tigil na pagpapatayan.

Madalas kong tanungin ang aking sarili, ano ba ang ginagawa ko, ang anak ng isang doktor sa isang lalawigan sa Oklahoma, sa kagubatan ng islang iyon? Ang totoo ay, kung sinunod ko lang ang mga simulain ng aking ama, wala sana ako roon. Marahil ako ay nasa bilangguan. ‘Paano nangyari iyon?’ baka itanong mo.

Nang ang Lahat ay Pawang Payapa

Ako’y ipinanganak noong 1925, ikaapat sa limang mga anak na lalaki, at lumaki sa mapayapang kapaligiran sa bukid sa timog-kanlurang Estados Unidos, sa isang maliit na bayan na tinatawag na Mooreland, Oklahoma. Ang aming mga magulang ay maibigin sa kapayapaan na mga Bible Student, na kilala bilang mga Saksi ni Jehova sapol noong 1931. Regular na isinasama nila kami sa mga pulong sa Bibliya, at natatandaan ko pa kung minsan ay sumasama ako sa aking ama sa bahay-bahay na may dalang isang ponograpo, nagpapatotoo sa aming mga kapitbahay. Nakibahagi rin kami sa tinatawag na mga information marches sa paligid na mga bayan, inihahayag ang mga pahayag pangmadla sa Bibliya. Subalit mayroon akong ibang mga interes sa buhay.

Mahilig ako sa palakasan, lalo na sa basketball at baseball. Hindi naman sa ako ay natatangi, kundi bilang isang karaniwang lalaki, nasisiyahan ako rito. Ang kinalabasan ay na sa gulang na 16, at katulad ng aking mga kapatid na lalaki, ako ay lumayo sa mga pulong at sa pakikisama sa mga Saksi. Nang panahong iyon, hindi namin pinahalagahan ang espirituwal na mga bagay. Tiyak na nagdulot ito ng dalamhati sa aking mga magulang.

Ang mga Katotohanan ng Digmaan

Noong 1943, sa gulang na 18, ako ay tinawag na maglingkod sa U.S. Army at naging isang GI (membro ng hukbong sandatahan ng E.U.). Yamang hindi na ako nakikisama sa mga Saksi, wala akong malakas na paniniwala tungkol sa Kristiyanong neutralidad, at samakatuwid iniwasan ko ang isyu na maaaring humantong sa pagkabilanggo. Sa wakas, ako ay itinalaga sa Fort Bliss, El Paso, Texas, para sa pagsasanay bilang isang medikong hukbo. Hanggang sa ngayon hindi ko alam kung bakit pinili nila ang pagsasanay na iyon para sa akin. Marahil ito’y dahilan sa ang aking ama ay isang doktor.

Pagkatapos ng medikal na pagsasanay, ako’y ipinadala sa New Caledonia, isang isla sa Timog Pasipiko, sa isang replacement depot para sa mga sundalo ng E.U. Ang aking unang atas na labanan ay sa isang New York yunit, ang 77th Infantry Division sa Guam. Ang estratehikong isla na iyon, halos nasa kalagitnaan ng Australia at Hapón, ay okupado ng mga Haponés. Lumunsad kami roon noong Hulyo 21, 1944, kasama ng 3rd Marine Division. Karaka-raka kaming nagtungo sa labanan. Agad kong natanggap ang aking unang karanasan sa tunay na labanan.

Ang pangunahing impresyon ko sa Guam ay ang ulan, hanggang-tuhod na putik, at kaguluhan. Pagkatapos ay ang aking unang karanasan na paulanan ng putok ng artilyeria at maikling mga kanyon o mortar. Nariyan ang pangunang “whoomf” ng baril na pinapuputok, susundan ng nakatatakot na huni ng bala sa himpapawid. Hinihintay ko kung gaano kalapit babagsak ang bawat bala. Sa totoo lang​—gaya ng karamihang mga GI, ako’y natakot sa maraming pagkakataon. Nanalangin ako sa Diyos at may kamangmangang sinikap kong makipagtawaran sa kaniya malusutan ko lamang ang gulong ito. Kung maililigtas niya ako rito, paglilingkuran ko siya! Oo, ako’y wala kundi isa pang mananampalataya kapag nasa kagipitan!

Kinatatakutan ko higit sa lahat ang mga gabi. Kailangan mong humukay ng isang trintsera na halos 0.5 metro hanggang 0.6 metro ang lalim, kung ang lupa ay hindi mabato. Ang ideya ay na dapat na matulog ka roon (kung makakatulog ka!) nang hindi nakikita ng kaaway o ng iyong mga kasama. Mahalaga ito, yamang ang tuntunin kung gabi ay: ‘Kung ito’y gumagalaw, patayin mo. Saka ka na magtanong.’ Kaya tinitiyak ko na mababa ako kaysa taas ng lupa, kahit na mangahulugan ito, na madalas mangyari, na kailangan kong matulog sa ulan at putik.

Ano ang aming pangunahing mga likas na hilig noong panahong iyon ng madugong mga digmaan? Matitiyak ko sa iyo na sa karamihang mga kaso ito ay hindi ang “Diyos at ang bayan.” Katulad ng maraming iba pang mga kabataang lalaki, nakita ko ang mga buhay na pinatay ng putok ng riple, ng mga flamethrower, ng mga bala ng mortar at artilyeria, ng pagpapatiwakal na mga pagsalakay ng mga punyal, at mga bayoneta. Saka ko nabatid kung gaano kawalang-saysay na lahat ito. Para ba akong nasilo sa isang walang kapaga-pag-asang kalagayan na walang malalabasan. Ang aking pangunahing layunin, gaya ng iba pa, ay makaligtas.

Sa dahilang iyan, ang aming paraan ay naiiba sa mga Haponés. Sila’y lubusang naindoktrinahan at itinuturing nilang isang karangalan na mamatay alang-alang sa kaluwalhatian ng emperador at ng Hapón. Iyan ang dahilan kung bakit naipadadala nito ang mga eruplanong kamikaze (pagpapatiwakal) laban sa mga sasakyang pandagat at mga barko na nagdadala ng mga hukbo. At sa lupa, ang kanilang magpapakamatay na mga sundalo ay gagapang tungo sa aming mga trintsera na may bag na nakatali sa kanilang likuran at pasasabugin kami pati na sila. Anong saklap nga na ang namumunong mga piling tao, na ginagamit ang huwad na mga relihiyosong ideya, ay nilinlang sila!

Subalit ang Guam ay pasimula lamang. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagbabagong-ayos sa Manus Island, sa hilaga lamang ng Papua New Guinea, kami’y ipinadala sa aming susunod na larangan ng digmaan, sa Leyte sa Pilipinas.

“Mamamatay ba Ako?”

Ito ay iisa ring kuwento ng mga digmaan, ng mga sugatan at mga patay. Abalang-abala ako sa paggapang sa putikan, upang gamutin ang mga sugatan. Maraming pagkakataon, ako’y nahihigang katabi ng isang kaibigan sa putikan, nilalagyan siya ng tourniquet at sinisikap na gamutin siya bago siya kaladkarin sa mas ligtas na dako. Kadalasan ay sinisira ko ang manggas o pantalon at tinuturukan ko ng morphine sulfate upang hindi niya madama ang kirot. Tatanungin ako ng iba, “Gaano kagrabe ito, Dok? Mamamatay ba ako? Huwag mo akong iwan dito!” Kung minsan napakarami nila na inaalagaan ko anupa’t ang nagagawa ko lamang ay pahinahunin sila at sabihin sa kanila na babalikan namin sila. Ang totoo ay na sa maraming kaso huli na nang kami’y makabalik. Sila’y namatay na. Gayon ang kawalang-saysay ng digmaan.

Ang susunod naming atas na labanan ay sa maliit na isla ng Ii-shima, sa baybayin lamang ng Okinawa, na noo’y okupado ng mga Haponés. Mayroon akong isang kaibigan na nakasama ko sa ilang mga labanan. Siya ay laging napakaingat, hindi nagbabaka-sakali o gumagawa ng anumang bagay na hangal sa larangan ng digmaan. Gaya ng iba pa sa amin, nais niyang makaligtas. Isang araw, sa pangwakas na mop-up operations sa Ii-shima, ang ilan sa amin ay nakadapa upang pangalagaan ang aming sarili mula sa mga paputok ng kaaway. Mga ilang piye ang layo niya sa harapan ko, nang walang anu-ano ang isa sa amin mismong tangke ng mga machine gun ay walang-ingat na lubhang bumaling sa gawing kanan, nagpaputok, at napatay siya doon mismo at ang tatlo pang mga GI.

Sa isa pang pagkakataon, kami’y pinaulanan ng bala ng amin mismong mga eruplano, at ilan sa aming mga tauhan ang napatay. Pagkakamali ng tao at higit pang kawalang-saysay.

Sa isla ring iyon, si Ernie Pyle, isang kilalang kabalitaan noong panahon ng digmaan, ay namatay noong Abril 1945 mula sa bala ng isang sniper. Noong minsan ay isinulat niya ang mga damdamin na nadama ko rin: “Hindi ko maunawaan kung paanong ang isang nakaligtas sa digmaan ay maaaring maging malupit na muli sa anumang bagay.” Sa kasamaang palad, pinatunayan ng karanasan ang kabaligtaran. Ang kalupitan ng tao ay nagpapatuloy.

Inasinta ng Isang Mortar

Ang aming sumunod na pagkilos ay sa ibayo ng dagat-lagusan na naghihiwalay sa amin sa Okinawa. Ang mga Haponés ay nasa ilalim, nagtatago sa mga kuweba at minsan pa’y mahirap lumabas.

Isang araw ako’y nakaupo sa ibabaw ng isang malaking bato sa isang tagaytay, pinagmamasdan ang isang labanang nagaganap sa isang bangin sa unahan ko lamang. Walang anu-ano, narinig ko ang malinaw na tunog ng isang mortar ng Haponés. Mga ilang segundo lamang, isang bala ang tumama mga ilang yarda lamang sa unahan ko. Kakatuwa naman na isang bala ang tumama nang napakalapit sa akin sa isang kalapit na labanan. Ang susunod na nalaman ko, isa pang bala ang pinaputok at tumama sa hulihan ko lamang! Bigla kong naisip na marahil ay inaasinta ako ng kaaway. Dali-dali akong bumaba at nagkubli sa likod ng malaking bato. Ang ikatlong bala ay tumama doon mismo kung saan ako naupo! Isa ito sa mga muntik-muntikang naranasan ko.

Ang labanan sa Okinawa ay tumagal ng halos tatlong buwan. Ganito ang ulat ng isang aklat sa kasaysayan: “Ang Okinawa ang pinakamagastos na operasyon sa Gitnang Pasipiko. Halos kalahating milyong mga lalaki ang nasangkot sa labanan at 49,000 mga Amerikano ang nasugatan kung saan 12,500 ang nasawi. Mahigit na 110,000 mga Haponés ang namatay sa isla.” Hindi kukulanging 122,000 mga sundalo ang namatay, at libu-libo pang mga sibilyan, sa isang lubhang di-kilalang isla na sumusukat lamang ng 2,300 kilometro kuwadrado!

Pagkatapos ng kampaniya, kami’y ipinadala sa Pilipinas para sa isang panahon ng pagbabagong-ayos at paghahanda para sa pagsalakay ng Hapón. Nang panahong ito, mayroong sumalubong sa aking paningin. Ang mga kahalili ay ipinadala sa aming pangkat at sino ba sa akala mo ang kabilang sa kanila kundi ang aking nakababatang kapatid, si Roger. Gayunman, hindi niya naranasan ang makipaglaban. Noong Agosto 6, 1945, ang unang bomba atomika ay inihulog sa Haponés na lunsod ng Hiroshima. Pagkaraan ng tatlong araw ang ikalawang bomba ay inihulog sa Nagasaki. Iyan ay nangahulugan ng wakas ng digmaan.

Isang Kamatayan na Nagpangyari sa Akin na Mag-isip

Kami ng kapatid ko ay nadestino sa Sapporo, Hapón. Hindi nagtagal ako ay napalaya buhat sa hukbong sandatahan, subalit ang aking kapatid na lalaki ay nanatili sa Hapón sa loob ng isa pang taon. Umuwi ako ng bahay at maligayang sinalubong ng pamilya.

Doon sa Oklahoma, ipinagpatuloy ko kung saan ako huminto at nagbalik ako sa pag-aaral sa kolehiyo, kung saan kumuha ako ng kurso sa premedicine sa loob ng apat na taon at isang taon na postgraduate work. Nang panahong ito, nakilala ko ang isang kaibig-ibig na babae, isang estudyante mula sa Oklahoma, si Nancy Wood. Sa loob ng 18 buwan kami ay nagpakasal. Siya ang naging matapat kong kasama sa mahigit na 40 taon.

Hindi pa rin ako nagkaroon ng higit na interes sa relihiyon ng aking mga magulang, yaong sa mga Saksi ni Jehova. Abalang-abala ako sa aking sariling mga interes. Pagkatapos, noong 1950, humampas ang isang malungkot na pangyayari.

Ang aking ama, na 66 na taóng gulang na at aktibo pa ring doktor sa bayan, ay namatay dahil sa isang atake sa puso. Ito’y isang matinding dagok para kay Inay. Ang kaniyang kamatayan ay hindi namin inaasahan. Kaming limang anak na lalaki ay namatayan ng isang ama at isang mabait na kaibigan. Mangyari pa, kaming lahat ay dumalo sa pahayag sa libing na ibinigay ng isa sa mga Saksi ni Jehova sa kalapit na bayan. Ang pahayag na iyon ay nagkaroon ng nagtatagal na epekto sa aming lahat.

Ipinakita ng tagapagsalita mula sa Bibliya na si Itay ay magbabalik sa pagkabuhay-muli kapag ang lupa ay ibinalik na sa isang mapayapang paraisong kalagayan. Lahat ng ito ay nagpaalaala sa akin ng mga natutuhan ko noon. Sa loob lamang ng sandaling panahon, ang mga Saksi ay nakikipag-aral na ng Bibliya sa amin ni Nancy. Mientras nag-aaral ako nang higit, lalo kong natatalos kung gaano kagulo ang daigdig at kung gaano kawalang-saysay ang digmaan​—ang lahat ng mga buhay na iyon na isinakripisyo upang itaguyod ang masakim na mga ambisyon ng pulitikal na mga pinuno at pinalampas ng klero sa bawat bansa.

Kapag ang Tao’y Mamumuhay sa Mapayapang mga Tirahan

Natanto ko rin na ang mga pangyayari sapol noong 1914 ay isang malinaw na katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa panahon ng kawakasan. Ang lahat ng bagay na sinabi niya ay natutupad sa loob ng isang salinlahi. Samakatuwid, hindi na magtatagal ang digmaan ng Diyos sa Armagedon, isang makatuwirang digmaan upang alisin sa lupa ang lahat ng mga manggagawa ng masama, ay magaganap at magiging palatandaan ng isang ipinanumbalik na lupa sa ilalim ng mapayapang pamamahala ng Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 11:18; 21:1-4.

Kami ni Nancy ay nabautismuhan noong 1950. Sa halip na ipagpatuloy ang aming edukasyon sa kolehiyo, isinaayos namin ang aming pamumuhay at kinuha namin ang buong-panahong ministeryo noong 1956. Sa lumipas na mga taon, kami’y nakapangaral sa maraming dako sa Estados Unidos sa naglalakbay na ministeryo kung saan ako’y naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Sa loob ng mahigit na walong taon, ako rin ay nagturo sa Kingdom Ministry School para sa mga hinirang na matanda sa kongregasyon at nagturo rin ako sa Pioneer School para sa buong-panahong mga ministro. Nitong nakaraang siyam na taon, kami’y naglingkod sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.

[Larawan ni Russell Dixon sa pahina 17]

Inilahad ng isang dating U.S. Army medic na si Russell Dixon

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ng aking asawa sa harap ng punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova kung saan kami nagtatrabaho

[Picture Credit Line sa pahina 19]

U.S. Army photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share