Glaucoma—Traidor na Magnanakaw ng Paningin!
SIYA ay masigla, aktibong babae sa kaniyang maagang gulang ng 60’s. Maligaya siyang gumagawa sa kaniyang kusina sa mahigit na 20 taon at kabisadung-kabisado ito.
Subalit ngayon, habang siya’y nagtatrabaho sa despatso, lumiko siya at nauntog ang kaniyang ulo sa isang bukás na pinto ng aparador. Bubulung-bulong siya sa sarili tungkol sa mga panganib ng pagkalingat. Paglipas ng ilang minuto natalisod naman siya sa isang pares ng sapatos na naiwan malapit sa pinto sa likuran.
Ito ay hindi pagkalingat o biglang kawalan ng pagkakatugma-tugma. Isa itong traidor na magnanakaw—ang glaucoma—dahan-dahang ninanakaw ang paningin ng babae! Kung hindi gagamutin, nanakawin nito ang lahat ng paningin. Subalit ang glaucoma ay maaaring ihinto at maiwasan pa nga. Papaano?
Ang Iyong Kahanga-hangang Mata
Una, kailangang maunawaan mo ang ilang bagay tungkol sa disenyo ng iyong mata. Ang iyong mata ay isang bola ng mahiblang mga himaymay na punô ng malinaw na likido. Ang hindi lampasan ng liwanag na puting bahagi ng bolang ito ay ang sclera. Sa malinaw na bahagi, ang cornea, makikita mo ang mukhang-delikadong himaymay na nagbibigay ng kulay sa iyong mga mata—ang iris. Ang liwanag ay pumapasok sa iyong mata sa pupil, (balintataw), ang itim ng mata sa gitna ng iris.
Sa likuran lamang ng iyong balintataw ay ang malinaw na lens (lente). Binabago ng maliliit na mga kalamnan ang hugis nito upang ipokus ang nakikita mo sa isang iskrin ng sensitibo-sa-liwanag na mga selula sa likuran ng iyong mga mata—ang retina. Upang kumilos, ang iyong mata ay dapat maging malinaw sa loob at mapintog upang mapanatili ang kabilugan nito.
Ang iyong mata ay hindi hungkag. Pinaglaanan ito ng Maylikha ng malinaw na mga sangkap na patuloy na naghahalili-sa-sarili. Ang karamihan sa mata—ang likod na bahagi sa likuran ng mga lente—ay punô ng vitreous (glassy) humor, isang malinaw, malapot na likido. Ang harap na bahagi ng iyong mata, sa pagitan ng vitreous humor at cornea, ay naglalaman ng aqueous humor—isang parang tubig na likido, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito. Hinahati ng iyong iris ang parang tubig na bahaging ito ng iyong mata sa dalawang pitak: ang unahan, o anterior chamber, at ang hulihan, o posterior chamber.
Sa likuran ng iris, ang ciliary body ay patuloy na gumagawa ng parang tubig na likidong ito. Ang likido ay nananatili sa ilalim ng bahagyang presyon, na tila pabagu-bago na kasabay ng normal na mga pagbabago sa iyong katawan. Ang likido ay unti-unting dumadaloy sa iyong balintataw tungo sa anterior chamber, pagkatapos ay sa gilid ng iyong iris. Mula roon ito ay dumadaloy sa isang sala-salabat na himaymay tungo sa isang paagusang kanal.
Subalit kumusta naman kung ang ilang kalagayan ay bumara sa balintataw, sa sala-salabat na himaymay, o sa kanal? Kapag ang papasok na daloy ay nakahihigit sa papalabas na daloy, tumitindi ang presyon. Itinutulak ng aqueous humor ang vitreous humor. Ang vitreous humor, naman, ay mapuwersang itinutulak ang mga daluyan ng dugo at mga selulang tumatanggap ng larawan ng retina.
Ang mga himaymay ng nerbiyos sa mga selulang ito ay nagsasama-sama sa likuran ng mata upang mag-anyo ng hugis-tasang optic nerve head, karaniwang tinutukoy na optic disk. Yamang walang mga selulang paningin sa loob ng disk na ito, mayroong kang isang maliit na bulag na dako roon. Habang tumitindi ang presyon, ang daloy ng dugo ay natatakdaan. Ang makinis, kulay rosas na optic disk na ito ay pumupusyaw at gumagaspang. Ang malukong na gitna nito ay lumalalim at lumalawak. Dahil sa walang dugo, ang mga selula sa paningin ay nawawalan ng kanilang pakiramdam at namamatay. Ang bulag na dako ay lumalaki, at ang visual field ay lumiliit. Sa loob ng mga ilang taon ang di-mababaligtad na pinsala ay unti-unting sumusulong.
Malaganap—At Hindi Pansin
Ang chronic open-angle glaucoma, na dala ng humihinang pagdaloy ng likido, ang dahilan ng 70 hanggang 95 porsiyento ng lahat ng glaucoma. Nakakakita at nakakabasa pa rin ang mga biktima sapagkat ang mga selula sa mga sentro ng kanilang mata ang huling sinasalakay. Karaniwan nang walang sintomas sa maagang mga yugto.
Habang lihim na sumusulong ang talamak na glaucoma, ang ilang tao ay maaaring magreklamo tungkol sa pagod o nagluluhang mga mata o inaakala nilang kailangan nila ng bagong salamin. Sa dakong huli, maaaring mapansin nila ang isang bilog na sinag sa paligid ng mga ilaw at nakadarama sila ng kirot sa paligid na kanilang mata. Subalit sa marami, walang babala hanggang sa kawalan ng panlabas na paningin ay nagpapangyari ng di-maipaliwanag na “pagkaasiwa.” Sa wakas, kahit na ang gitnang paningin ay kapansin-pansing nagiging mahina. Sa panahong iyon, nanakaw na ng glaucoma ang karamihan ng paningin ng biktima.
Ang acute, or closed-angle, glaucoma ang dahilan ng halos 10 porsiyento ng mga kasong iniulat ng Estados Unidos. Ito’y pangunahin nang dahilan sa isang karamdaman ng may edad na sapagkat ang ating mga lente ay lumalaki sa pagkakaedad, lalo na kung mayroong katarata. Sa mga matang may mababaw na anterior chamber at makitid na anggulo sa pagitan ng cornea at iris, ang lumaking mga lente ay unti-unting sumusulong sa unahan upang barahan ang daloy ng aqueous sa balintataw. Tumitindi ang presyon sa likuran ng iris. Ito’y umuusli, sinasara ang sala-salabat na himaymay sa paagusan na nasa dulo ng anggulo at ng kanal.
Ang closed-angle glaucoma ay karaniwan nang hindi talamak kundi grabe. Sa halip na marahang pagtindi ng presyon, mayroong biglang pagtindi ng kirot, kung minsan ay sinasamahan ng malabong paningin, pagkahilo, at pagsusuka. Ito ay isang tunay na medikal na biglang pangangailangan! Kung ang presyon ay hindi mapaginhawa sa loob ng 48 hanggang 72 oras, maaaring magkaroon ng permanenteng pinsala sa trabecular meshwork (paagusan), at hahantong sa di na maaayos pang pinsala sa optic nerve.
Sa ibang klase ng glaucoma, ang trabecular meshwork ay maaaring mabarahan ng pamamaga, sakit, o nakawalang kulay buhat sa iris. Ang trauma, gaya ng isang hampas sa mata, ay maaaring pagmulan ng glaucoma. Ang ibang mga bata ay ipinanganganak na may sakit na glaucoma at dapat gamutin sa pagkasanggol. Sapagkat hindi sila makakita o makabasa na mabuti na gaya ng iba, baka sila mapagkamalang may kahinaang matuto.
Pinakamahalaga—Maagang Pagrikonosi
Ang mabuting balita tungkol sa glaucoma ay na ang karamihan ng mga kaso ay maaaring gamutin kung maririkonosi nang maaga. Ang regular na mga pagsusuri ng mata, lalo na sa sinumang lampas na sa edad 40, ay mahalaga.
Sa isang paraan ng pagsusuri sa mga presyon ng mata, pinapatakan ng doktor ng anestisya ang iyong mata, saka niya marahang idiniriin ang isang instrumentong tinatawag na tonometer sa iyong cornea. Sinusukat ng tonometer ang presyon sa loob ng iyong mata sa pamamagitan ng paglalapat ng kaunting puwersa sa cornea. Ito ang pangunahing pagsubok para sa glaucoma. Subalit hindi ito sapat sa tuwina upang makatiyak na wala ngang glaucoma.
“Akala ko’y mayroong isang bagay sa loob ng aking mata,” sabi ng isang kalagitnaang-gulang na babae. “Binubunot ko ang aking pilikmata sapagkat akala ko naiinis dito ang aking mata. Pagkatapos ay nakadama ako ng pangingilabot sa anit ko, at sumakit ang aking mga mata.” Siya’y sinuri ng kaniyang doktor ng pamilya, ng isang optalmologo na sinuri ang presyon ng kaniyang mata, at ng isang neurologo. Ipinalagay nilang ang mga sintomas ay dahil sa nerbiyos.
Siya at ang kaniyang asawang lalaki ay humanap ng pangalawang opinyon mula sa ibang optalmologo, na nagbigay sa kaniya ng sunud-sunod—pag-inom ng isang litrong tubig nang minsanan—ay lubhang nagpataas sa presyon ng kaniyang mata anupa’t inilabas niya ang kaniyang mga sintomas. Siya’y narikonosi na mayroong talamak na closed-angle glaucoma. Ang kaniyang paningin ay nailigtas.
Bakit hindi narikonosi ng unang optalmologo ang glaucoma? Sa isang bagay, ang presyon ng mata ay maaaring magbagu-bago sa buong araw at buwan. At, ang iba naman ay maaaring dumaranas ng mga epekto ng glaucoma kahit na sa normal na mga presyon. Tanging ang sunud-sunod na pagsubok lamang ang makatitiyak na hindi gumagana ang glaucoma.
Mayroong tatlong dako na dapat bigyang pansin sa pagririkonosi sa glaucoma,” sabi ng isang seruhano sa mata. “Ito ay ang presyon ng mata, ang hitsura ng optic nerve, at ang visual field. Kung ang tatlo ay pawang di-normal, saka tayo nagtatanong, ‘Ano kayang klase ng glaucoma ito?’ ”
Kung marikonosi ang glaucoma, maaaring suriin ng doktor ang gilid ng iyong iris at sukatin ang lalim ng iyong anterior chamber. Tatanungin din niya ang tungkol sa iyong panlahat na kalusugan, na lubhang nakakaapekto sa iyong mata. Ang mataas na presyon ng dugo ay isang halimbawa. “Ang sinumang may kasaysayan ng glaucoma sa pamilya ay dapat na patingnan ang kanilang mata bago magpagamot upang pababain ang presyon ng kanilang dugo,” sabi ng isang doktor. Ang dahilan: Itinataas ng mataas na presyon ng dugo ang presyon ng mata. Ang pagkayamot ng mata ay nakaliligalig sa dumaranas nito, at naghahabulan ang presyon ng dugo at ang presyon ng mata sa isang patuluyang siklo.
“Isang babaing nakikilala ko ang tinanggap sa ospital na may alta presyon [mataas ang presyon ng dugo],” patuloy ng doktor. “Ang kaniyang mata ay sumasakit, kaya ipinatawag ang isang optalmologo. Madaling ginamot ng doktor ang kaniyang glaucoma sa pamamagitan ng pag-oopera na gumagamit ng laser. Kaagad bumaba ang presyon ng kaniyang mata—at bumaba rin ang presyon ng kaniyang dugo.” Kung ibinaba muna ng mga doktor ang presyon ng kaniyang dugo, maaari siyang nabulag. Maaaring nahadlangan ng mataas na presyon ng likido sa kaniyang mata ang suplay ng dugo na makarating sa kaniyang mga optic nerve.
Mga Pagsulong sa Paggagamot
Ang lahat ng panggagamot sa glaucoma ay naglalayong bawasan ang presyon sa loob ng bola ng mata upang ihinto ang pinsala sa optic nerve. Malaking mga pagsulong sa gayong mga paggamot ang nagawa hindi pa natatagalan. Para sa open-angle glaucoma, ang panggagamot ay karaniwan nang ang araw-araw na paggamit ng mga pampatak sa mata. Ang mga gamot na iniinom ay maaari ring ireseta upang bawasan ang paggawa ng parang tubig na likido o upang paramihin ang papalabas na daloy nito. Kung minsan kinakailangan ang operasyon. Isang uri ng paggagamot sa pamamagitan ng laser, isang pamamaraan kung saan ang pasyente ay hindi na itinitira sa ospital, ay lubhang pinabubuti ang pag-agos, binabawasan ang presyon nang hanggang 25 porsiyento sa karamihan ng mga kaso.
Para sa closed-angle glaucoma, ang paggagamot ay nagbibigay ng panandaliang ginhawa. Ang presyon ay karaniwan nang permanenteng mapagiginhawa sa pamamagitan ng iridotomies—mga butas sa iris. Ngayon, ang mga ito ay maaaring gawin sa loob lamang ng mga ilang minuto. Papatakan ng seruhano sa mata ang bawat mata ng anestisya, pagkatapos ay gagawa siya ng maliliit subalit nakikitang mga pagbutas sa iris sa pamamagitan ng laser. Kadalasan ay mapapansin ng seruhano ang likido na dumadaloy sa unang butas na ginawa niya.
Nakagawa na ng pantanging pamamaraan sa pag-oopera upang gamutin ang mas pambihirang klase ng glaucoma. Sa neovascular glaucoma, ang labis-labis na daluyan ng dugo ay bumabara sa sala-salabid na himaymay sa paagusan. Maaaring gamitin ng seruhano sa mata ang isang laser upang sirain ang bahagi ng himaymay na gumagawa-ng-likido o maaari siyang maglagay ng maliliit na tubo na magpapangyari sa likido na makaraan sa sala-salabid na himaymay. Maaari rin niyang gamitin ang ultrasound, cryosurgery (pagpapalamig nang husto), o pamamaraang ginagamit ang laser upang guluhin ang gilid ng retina. Ang daloy ng dugo sa dakong iyon ay dadami, upang lumiit ang humaharang na mga daluyan ng dugo. Maliit na porsiyento lamang ng mga kaso ng glaucoma ang nananatiling hindi nagagamot.
Kung Paano Mo Maiingatan ang Iyong Paningin
Ang pangontrang pangangalaga ay mahalaga. Ipasuri ang iyong mata tuwing ikalawang taon. Kung ikaw ay mahigit ng 40 anyos at mayroong anumang mapanganib na salik sa mayroong anumang mapanganib na salik sa iyong pinagmulan, pati na ang diabetes, katarata, pamamaga ng mata, labis-labis na pagka-nearsighted, sakit sa puso, o kasaysayan ng glaucoma sa pamilya, magpasuri nang hindi kukulangin minsan sa isang taon.
Huwag waling-bahala ang mga sintomas. Makipagkita agad sa isang doktor.
Humanap ng ikalawang opinyon kung ikaw ay nag-aalinlangan. Tanungin ang mga kaibigan tungkol sa mga doktor sa mata na nakikilala nila at kung baga ang mga doktor na ito ay mayroong sarisaring modernong mga kagamitan. Lubus-lubusan ba ang kanilang mga pagsusuri?
Ikaw ba’y narikonosi na may glaucoma? Maingat mong sundin ang mga rekomendasyon ng iyong doktor. Binabanggit ng isang babasahin tungkol sa medisina na ang hindi pagsunod ng pasyente ang numero unong sanhi ng hindi pagsawata sa glaucoma.
Huwag kaliligtaan ang isang tipanan. Iniiskedyul ng karamihan ng mga doktor ang mga pagsusuri para sa mga pasyenteng may glaucoma tuwing ikatlo hanggang ikaanim na buwan sapagkat ang kanilang mga mata ay maaaring magkaroon ng malaking pagbabago sa panahong iyon. Gayundin, sa karamihan ng mga tao ang kanilang mga pampatak sa mata ay wala nang epekto pagkalipas ng isang taon o higit pa at kadalasa’y nangangailangan ng bagong reseta.
Huwag kaliligtaan ang pag-inom ng iyong gamot. Huwag itong gagamitin kung paso na sa petsa. Tiyaking ipaalam sa ibang doktor na gumagamot sa iyo ang tungkol sa iyong gamot, lalo na kung ikaw ay may sakit sa puso. Magdala ng isang kard na nagsasabing ikaw ay may klima at inilalagay ang pangalan ng iyong doktor, ang mga pangalan ng iyong gamot, at ang dosis.
Tandaan: Ang klima sa tuwina’y halos maaaring daigin—kung alam natin kung ano ang gagawin dito at kung tayo ay masikap sa pag-iingat sa ating sarili.
[Dayagram sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Vitreous humor
Aqueous humor
Pupil
Cornea
Iris
Lens
Ciliary body
Optic disk
Retina
Sclera
[Larawan sa pahina 17]
Optometris na sinusuri ang glaucoma