Ang Katawan—Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Masiyahan sa Buhay!
KINIKILALA ng mga siyentipiko na kagila-gilalas ang pagkakagawa sa katawan ng tao, tunay na kahanga-hanga sa pagkakadisenyo at inhinyeriya. Kapag ang lahat ng bahagi ng katawan ay normal na kumikilos, makagagawa at makapagtatamasa tayo ng mga bagay na lubos na kahanga-hanga.
Halimbawa, tingnan mo ang iyong mga kamay. Katangi-tangi ang pagkakadisenyo nito upang maisakatuparan ang napakaraming bagay sa trabaho man o sa laro. Ngayon mismo, hawak ba ng iyong mga kamay ang magasin na ito na iyong binabasa? Kung gayon, ang iyong mga kamay ay nakabaluktot sa tamang-tamang anggulo para mapanatili ang magasin sa tumpak na distansiya sa iyong mga mata. Ang mga daliri ay nagbibigay ng kinakailangang higpit upang ito ay huwag mahulog mula sa iyong kamay. At ang mga daliring iyon ay kontrolado ng utak upang gawin nang eksakto kung ano ang nais mong gawin nito kapag bubuklatin mo ang pahina. Anong disbentaha nga kung walang mga kamay!
Ang iyong mga mata ay sangkot din sa pagbasa sa mga pahinang ito. Isang kamanghamanghang kaayusan ng mga nerbiyos at ng iba pang mga bahagi ng katawan ang nag-uugnay-ugnay upang ilipat ang mga larawan ng mga salita at mga litrato mula sa pahina tungo sa iyong mga mata at pagkatapos ay sa iyong utak. Ang elektrikal na mga impulso na ginagawa ng mata ay dinadala naman sa utak, kung saan ang mga ito ay ginagamit upang gumawa ng nakikitang impresyon na katugma ng mga larawan sa pahina. Anong pagkahala-halaga nga ng ating paningin, at kalunus-lunos nga kung wala nito!
Ang utak ng tao ay tumitimbang ng mga tatlong libra at hustung-husto lamang ang liit upang magkasiya sa iyong palad. Ngunit ito’y kahanga-hanga, isa sa pinakamasalimuot na paglalang sa sansinukob. Pinapangyayari nito na tayo’y mag-isip, makakita, makadama, makapagsalita, pagtugma-tugmain ang ating kilos. Dahil sa mahirap-unawaing utak, maaari tayong masiyahan sa nakabibighaning paglubog ng araw, sa nakatatakam na pagkain, sa dampi ng simoy ng hangin kung tag-araw, sa kahanga-hangang tanawin ng kakila-kilabot na mga bundok, sa hagikgik ng isang sanggol, sa halimuyak ng isang bulaklak, sa haplos ng isa na ating minamahal—at ang karamihan nito ay hindi man lamang nating pinag-iisipang gawin. Kung wala ang kagila-gilalas na utak na ito, walang anumang bagay ang maaari nating tamasahin.
Anong pagkaangkup-angkop nga ang mga salita ng salmista: “Kagila-gilalas ang pagkakagawa sa akin”!—Awit 139:14.
Gayunman, taglay ang lahat ng maiinam na kagamitang ito, dumarating ang panahon na ang katawan ay humihina sa dakong huli. Tayo’y nagkakasakit at tumatanda, at pagkatapos tayo ay namamatay. Napakaraming kasamaan sa daigdig sa paligid natin anupa’t kahit na nasa mabuting kalusugan, ang ating kasiyahan ay nababawasan. Lagi bang iiral ang pangit na mga kalagayang ito? O ang atin bang katawan ay tunay na idinisenyo na manatili magpakailanman—malaya sa pinsala ng sakit, pagtanda, at kamatayan—upang tamasahin ang buhay magpakailanman sa lupa nang higit pa sa anumang ating nararanasan sa ngayon?
Tatalakayin ng Gumising! ang mga bagay na ito sa tatlong labas sa susunod na mga buwan. Sa unang bahaging ito, tatalakayin namin ang ilan sa mga kahanga-hangang bahagi ng ating katawan: ang kamay, ang mata, at ang utak.