Pagmamasid sa Daigdig
“Kilalang-kilalang Relihiyosong Magasin”
Sa pagsisikap na malaman kung aling magasin ang kilalang-kilala ng mga taga-Finland, isang surbey ang itinaguyod ng Kotimaa, ang pangunahing magasin ng Iglesya Lutherano sa Finland. Ang mga resulta ng surbey na iyon ay itinampok sa unang-pahinang artikulong pinamagatang “Ang The Watchtower ay kilalang-kilalang relihiyosong magasin.” Nagkukomento sa tagumpay ng The Watchtower kung ihahambing sa iba pang mga relihiyosong magasin, isang editoryal ng labas ring iyon ang nagsabi: “Ang dahilan kung bakit kilalang-kilala [ang The Watchtower] ay ang matapat at walang pagkapagod na gawain sa bahagi ng mga tagapamahagi nito; nakikilala ng lahat ang mga nagbibili ng magasin sa kanilang mga kanto, nananatili sa kanilang kinatatayuan umula’t umaraw.”
Epekto ng Kalawakan
Si Yuri Romanenko, isang kosmonot na Sobyet, ay gumugol ng 326 na mga araw sa istasyong pangkalawakang Mir. Paano naapektuhan ang kaniyang katawan ng napakatagal na panahong ginugol sa kalawakan at matagal na pagkalantad sa pagkawalang-timbang? Sang-ayon sa magasing Pranses na L’Express, si Romanenko ay tumaas ng isa o dalawang pulgada, ang kaniyang kalamnan ay humina, ang kaniyang mga buto ay lumutong, at ang kaniyang dugo ay umunti ng 25 porsiyento. Ang mga kalamnan niya sa binti ay nanguluntoy bagaman sinikap niyang manatiling malakas sa paggamit isang bisikletang pang-ehersisyo at isang treadmill. Pabirong iminungkahi ni Romanenko na ang mga kosmonot sa hinaharap ay “kalbo upang iwasan ang pagpapagupit ng buhok, malalaking kamay—mas mabuti ang anim—at payat na mga paa o isa lamang paa na may pangkapit na mahigpit, upang maging matatag.”
Nagtagumpay ang Sipon
Ipinasiya ng Britanong mga awtoridad na isara ang kanilang National Institute for Medical Research on the Common Cold, na nasa Wiltshire, gawing timog ng Inglatera. Ang institute, itinatag mga 40 taon na ang nakalipas, ay itinalaga ang pananaliksik nito sa paghanap ng mabisang paraan upang labanan ang sipon. Gayunman, “sa kawalan ng mga resulta,” sabi ng pahayagang Pranses na Le Monde, “ipinalagay nila [ng mga awtoridad] na ang taunang kaloob sa institute na £500,000 ay makabubuting gastusin sa iba.” Sang-ayon sa direktor ng institute, si David Tyrell, ang isang “mainit na paligo” pa rin ang pinakamabuting paraan upang gamutin ang isang sipon o ngiki.
Magalang na mga Pulis
Ang Japanese National Police Agency ay naglunsad ng isang “Kampaniya Upang Pagbutihin ang Larawan sa Publiko” kasunod ng ipinalabas ng isang surbey ng gobyerno tungkol sa mga ahensiya nito. Sang-ayon sa report, ang mga pulis ang may pinakamasamang impresyon. Ikinatatakot na ang gayong mga impresyon ay maaaring humadlang sa pakikipagtulungan ng mga sibilyan sa kriminal na imbestigasyon, ang panlahat na pangalawang-komisyunado ng ahensiya ay nagsabi sa pulisya na pagbutihin ang kanilang larawan sa publiko. Isang hepe ng pulisya ay humingi ng tulong sa isang kompaniya ng eruplano. Ang kompaniya ng eruplano ay nagpadala ng dalawang espesyalista sa magalang na pag-uugali upang ituro sa mga pulis ang “Abakada ng pakikitungo sa mga tao.” Ang lahat ng kawani sa istasyon ng pulisya ay nasanay na ngayon kung paano magalang na pangangasiwaan ang kanilang “mga parokyano.”
Tsuwing Gam at Pagmamaneho
Ang pagngata ng tsuwing gam ay baka mas mabisang pampasigla sa inaantok na mga tsuper kaysa kape, malamig na tuwalya, o pagkanta, ulat ng Asahi Evening News, isang pahayagang Haponés. Ang mga mananaliksik ay nagsagawa ng mga pagsubok sa beteranong mga tsuper na nasa edad 30’s at 40’s at nasumpungan nila na ang pagngata ng tsuwing gam ay nagpataas sa bilang ng alon-sa-utak ng mga inaantok na tsuper ng hanggang 50 porsiyento sa normal na bilang, at pagkalipas ng sampung minuto ang mga alon ay nananatili sa 25 porsiyento na mataas sa dami niyaong mga nakakatulog. Sa kabilang dako naman, pinatataas ng kape ang pintig ng kanilang alon-sa-utak ng hanggang 40 porsiyento lamang na higit kaysa roon sa nakakatulog, at sa loob ng sampung minuto, ang lahat ng epekto ay nawawala. Ang malamig na tuwalya at pag-awit ay karaniwang nakagagawa ng pansamantalang mga epekto lamang. Gayunman, binabanggit ng report na sinasabi ng mga mananaliksik na “ang paghinto sa kotse, pagpatay ng makina at ang pamamahinga nang sandali ay siya pa ring pinakamabuting payo para sa mga tsuper upang maiwasan na makatulog sa daan.”
Hindi Pa Napakatanda
Ang pag-aaral ng isang banyagang wika ay laging isang hamon. Subalit hinahamon ng mga mananaliksik na nagtatrabaho sa iba’t ibang Max Planck Institutes sa Pederal na Republika ng Alemanya ang paniniwala na ang kakayahang matuto ay humihina sa pagkakaedad. Sang-ayon sa The Times ng London, sinasabi ni Propesor Wolfgang Klein na “walang siyentipikong katibayan na mas mahirap para sa mga adulto ang maging bihasa sa isang banyagang wika kaysa mga bata.” Bagaman ang mga adulto ay karaniwan nang mas nahihirapan sa pagbigkas, nahihigitan naman nila ang mga kabataan sa kanilang kakayahang maunawaang lubos ang mas maraming bukabularyo. Sa katunayan, sang-ayon kay Propesor Paul Baltes ng Education Research Institute, “maraming may edad nang mga tao ang nagtataglay ng maraming reserbang memorya, na maaaring gamitin sa pag-aaral at sa pag-iisip.” Isa pang mananaliksik, sabi ng The Times, ay nagsabi na ang ipinalalagay na kawalan ng intelektuwal na kakayahan ng mga tao “na may edad na ay maaaring dahilan sa kanilang istilo ng buhay at hindi sa kanilang potensiyal: sa maraming kaso basta hindi nila ginagamit ang kakayahan ng kanilang utak na maaari nilang gamitin.”
Magastos na Basura
Sa Estados Unidos, ang mga stockbroker, mga kompaniya, at tuwirang mga naghuhulog ng sulat ay gumugugol ng mahigit na $100 bilyon taun-taon upang gumawa at mamahagi ng mga 30 bilyong dokumento. Ano ang nangyayari sa lahat ng ito? Sa bawat dolyar na kinakailangan upang iimprenta ang mga porma, “karagdagang $20 hanggang $80 ang ginugugol sa pagpuproseso, pamamahagi, pag-iimbak, at sa wakas, pagsira rito,” ulat ng The Times ng London.
Mahigpit na Kuwelyo
Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan sa Cornell University na ang mga nag-oopisina ay baka mas mabuting ilarawan bilang mga manggagawang “mahigpit ang kuwelyo.” Sa pagsusuri sa 94 na mga nag-oopisina, nasumpungan ng mga nagsuri na “67 porsiyento sa kanila ay nagsusuot ng mga kamisadentrong napakasikip ang kuwelyo,” ulat ng magasing Prevention. “Nang ang grupo ay bigyan ng isang pagsubok sa paningin, nasumpungan na ang kakayahan ng kanilang retina na gumawa ng mabilis na pakikibagay sa mga pagbabago ng liwanag ay napinsala.” Ang mga mananaliksik ay naghihinala na ang pang-amoy, pandinig, at panlasa, at pati na ang kakayahang mag-isip nang malinaw ay maaari ring maapektuhan dahil sa nahahadlangan ng mahigpit na kuwelyo ang daloy ng dugo sa ulo.
Bagong Nuklear na Panganib
Habang ang negosyo sa komersiyal na mga materyales nuklear sa pagitan ng mga bansa ay dumarami, nagkaroon ng bagong takot na baka nakawin ng mga terorista ang mga materyales habang ang mga ito ay inilululan. “Ang mga pagkakataon para sa teroristang mga pagkilos, pati na ang pagtatangkang nakawin ang plutonium, ay tunay na dadami bilang resulta ng dumaming komersiyal na gamit ng plutonium,” sabi ng report ng Kagawaran sa Depensa ng E.U. Ang plutonium ang pangunahing materyal na ginagamit sa mga sandatang nuklear. Ito rin ay kakambal na produkto ng pagpapaandar ng plantang nuklear at isinasakay sa mga barko upang paandarin ang iba pang mga reactor. Ikinatatakot ng pamahalaan na nakawin ng mga terorista ang plutonium para “gawing isang sumasabog na aparato” o “upang lumikha ng radyolohikal na panganib.”
Doublespeak
“In this world nothing is certain but death and taxes,” sulat ng estadista ng E.U. na si Benjamin Franklin noong 1789. Ngayon, sabi ng propesor sa Ingles na si William Lutz, baka ang isinulat niya ay: “Nothing is certain except negative patient care outcome and revenue enhancement.” Ang problema ay tinatawag na doublespeak, “ang akademikong salita para sa ‘double-talk’ at lahat ng anyo ng mapanlinlang na wika, pati na ang tinatawag na ‘gooobledygook’ at ‘officialese,’” sabi ng Parade Magazine. Para bang ang mga opisyal ng pamahalaan ay naging bihasa na rito sa pagsisikap na ikubli o gawing malabo ang impormasyon. Sa halip na magsinungaling, ang isa ay nanlilinlang” o “nagkakait ng impormasyon.” Ang isang lapis ay kinilala bilang isang “portable hand-held communications inscriber” at isang butas ng bala bilang isang “ballistically induced aperture in the subcutaneous environment.” Ang mahihirap ay tinatawag na “fiscal underachievers,” at ang isa na natatakot ay sinasabing “philosophically disillusioned.” Ang doublespeak palasak din sa larangan ng medisina, kung saan ang kamatayan ay nagiging isang “terminal episode” at ang maling paggamot ay isang “therapeutic misadventure.”