Nais Ko Mismong Makita Ito
‘Nasaan ang mga manuskrito na mula roon ay isinalin ang aking Bibliya?’ madalas kong itanong sa aking sarili. ‘Paano matitiyak kung gaano na katanda ang mga ito? Paano ito naingatan sa lumipas na mga taon? At pagkaraan ng maraming dantaon, nakatitiyak ba tayo na wastong kinakatawan nito ang orihinal na mga sulat ng Bibliya? Ang akin mismong pananampalataya sa Bibliya ay matatag na ngayon, subalit dahil sa ako’y pinalaki na maniwala na ang Bibliya ay isang matalinong pandaraya, ang mga katanungang gaya nito ay laging nakaintriga sa akin. Ang pag-uusyoso ko ay umakay sa akin na dalawin ang ilan sa pinakabantog na mga aklatan sa Europa samantalang ako ay naglalakbay roon. Ang unang pagdalaw ko ay sa Roma, Italya, kung daan daan-daang mga manuskrito sa Bibliya ay masusumpungan.
SA LIKURAN ng nagtataasang pader at mahigpit na seguridad ng tulad-kastilyong Lunsod ng Vaticano, ang isa ay nagkakaroon ng impresyon na siya ay pumapasok sa isang tunay na tahanan ng kayamanan. Ang Aklatan ng Vaticano ay nasa looban ng palasyo ng papa, kung kaya’t kailangan pa ng mga bisita ang pantanging pahintulot upang makapasok.
Narito ang iningatan at bantog na Vatican Manuscript No. 1209, o ang Codex Vaticanus, na karaniwang tinutukoy ng sagisag na “B.” Ito ay naglalaman ng Hebreong Kasulatan at ng karamihan ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na may petsang noon pang maagang ikaapat na siglo C.E., wala pang 300 taon pagkatapos ng kaarawan ng mga apostol. Ito ay nasa pagmamay-ari ng Aklatan ng Vaticano humigit-kumulang sapol noong 1481, subalit ito ay hindi nagamit ng akademikong daigdig kundi noong 1889-90.
Ang aking unang impresyon ay na ang sulat ay kataka-takang malinaw at hindi kupas. Maliwanag na ang orihinal na tinta ay kumupas, at binakat ng isang eskriba ang bawat letra, sa gayo’y inaalisan ang codex ng orihinal na kagandahan nito. Ang Vaticanus, katulad ng lahat ng mga manuskrito ng Banal na Kasulatan sa Griego, ay isang codex, isang aklat na may mga dahon, sa halip na isang balumbon. Ito ay isinulat sa balat (makinis na pinatuyong balat), isang sulatan na inihanda mula sa balat ng batang mga hayop.
‘Paano matitiyak ang edad ng gayong mga dokumento?’ nais kong malaman. Ang istilo ng sulat-kamay ay isang mahalagang salik, nalaman ko. May kabaitang ipinakita sa akin ng sekretarya sa aklatan ang dalawang magkaibang uri ng sulat-kamay sa manuskrito. Ang Genesis hanggang Hebreo ay isinulat sa istilong tinatawag na uncial na sulat-kamay. Ito ang istilong malalaking-titik na ginagamit sa pagsulat ng mga aklat mula noong ikaapat na siglo B.C.E. hanggang noong ikawalo o ikasiyam na siglo C.E. Walang mga puwang sa pagitan ng mga salita, at walang mga bantas. Sa kabilang panig, ang Apocalipsis (hindi bahagi ng orihinal na manuskrito) ay isinulat sa minuscule na sulat-kamay, ang ibig sabihin, isang istilo ng pagsulat na kabit-kabit ang mga letra. Ang mas maliit na istilong ito ay naging popular sa pasimula ng ikasiyam na siglo C.E.
Ang siyensiya na nag-aaral sa sinaunang pagsulat ay tinatawag na paleography. Gayunman, yamang ang istilo ng pagsulat ng tao ay karaniwang hindi nagbabago sa panahong ikinabuhay niya, ang isang manuskrito ay hindi maaaring bigyan ng petsa na mahigit kaysa isang yugto ng 50-taon dahil lamang sa katibayan ng istilo ng pagsulat.
“Basura” sa Isang Monasteryo
Sumunod sa iteneraryo ko ang Inglatera. Dito masusumpungan ang isa sa pinakamaraming koleksiyon ng mga manuskrito ng Bibliya. Inaakyat ang mga hagdan sa harap ng malaki at magandang pasukan sa British Museum, sa London, ay tunay na nagpatindi ng aking paghihintay. Ito ang tahanan ng kilalang Codex Sinaiticus. (Ang di-pangkaraniwang kuwento kung paano nasumpungan ang ilan sa mga pahina ng manuskritong ito sa isang basurahan sa isang monasteryo sa Sinai noong 1844 ay isinaysay sa Oktubre 8, 1979 na labas ng Awake!) Kasama ng Vaticanus, ang manuskritong ito ang pangunahing saligan para sa tekstong Griego na mula roon ang New World Translation of the Holy Scriptures ay isinalin. Nasumpungan ko ito na nakadispley kasama ng Codex Alexandrinus.
Ang pagkatuklas sa mga manuskrito na gaya ng Sinaiticus ay may pahina na mahigit sa doble ng laki ng magasing ito. Mayroon itong apat na hanay sa isang pahina, sa makinis na balat ng hayop. Ang internasyonal na sagisag para sa Sinaiticus ay ang unang letra ng abakadang Hebreo, ang ’aʹleph, “א.” Ito ay may petsa noong ikaapat na siglo C.E., subalit ito ay ipinalalagay na huli nang kaunti kaysa Vaticanus.
Ang pagkatuklas sa mga manuskrito na gaya ng Sinaiticus ay mahalaga sapagkat bago matuklasan ang mga ito, ang mga salin ng Bibliya ay ginawa mula sa mga kopya noong dakong huli na naglalaman ng maraming pagkakamali dahil sa pagkopya at huwad na mga sipi pa nga. Halimbawa, ipinakita ng Sinaiticus at ng Vaticanus na ang ulat sa Juan 7:53–8:11 tungkol sa babaing mangangalunya ay isang karagdagan noong dakong huli, yamang wala ito sa alinmang manuskrito.
Nailigtas sa Apoy
Nakadispley rin doon ang Codex Alexandrinus (A), na may petsang 400-450 C.E. Para sa akin ito ang pinakamaganda ang pagkakasulat sa lahat ng mga manuskritong nakita ko. Hinalaw nito ang pangalan nito buhat sa Patriarchal Library sa Alexandria, Ehipto, kung saan ito nakatago bago ito ibigay kay James I ng Inglatera, na nag-awtorisa sa kilalang bersiyon ng Bibliya sa Ingles ng 1611. Gayunman, ang Codex Alexandrinus ay hindi dumating kundi noong 1627, pagkatapos makompleto ang bersiyon na iyon.
Hindi ito laging naiingatan nang mahusay sa Aklatan ng Hari. Noong 1731 bahagya na nitong hindi naligtasan ang pagkasunog. Nagkasunog sa silid sa ibaba kung saan nakatago ang codex. Gayunman, maliwanag na mayroong nagmamalasakit sa halaga ng manuskrito, sapagkat “sinasabi ng isang nakasaksi mismo sa pangyayari na ang dalubhasang si Doktor Bentley na nakasuot ng ‘pantulog at nakapeluka’ ay lumalabas ng gusali na kipkip-kipkip ang Codex Alexandrinus.”
Noong ikalawang hati ng ika-19 na siglo na ang tatlong dakilang mga codex, ang Vaticanus, Sinaiticus, at Alexandrinus, ay inilathala nang bukod sa anyong potograpikong mga kopya. Ang unang dalawa ay naisulat noong panahon mismo na ang pinatuyong balat ng hayop ay sinimulang gamitin bilang pangunahing materyales para sa produksiyon ng aklat. Wari ngang wala nang mas matandang kopya ang masusumpungan dahilan sa ang papiro ay madaling nasira—ang materyales sa pagsulat na ginamit noong mas maagang mga dantaon. Subalit, noong 1931, dumating ang napakahalagang paglitaw ng 11 napakatandang mga manuskrito sa mga papiro.
Mga Kayamanan sa Ireland
Nasa isang residensiyal na dako sa Dublin, sa gitna ng magandang luntiang mga hardin na tanging ang malamig, at mahalumigmig na klima ng Ireland ang maaaring gumawa niyaon, ay ang museo at aklatan ng Amerikanong kolektor na si Chester Beatty. Sapagkat siya ay interesado sa makasaysayang mga manuskrito, nakuha niya kung ano ang pinakamahalagang mga tuklas sa Bibliya sapol nang matuklasan ang Sinaiticus. Malamang na ito ang koleksiyon ng mga aklat ng isang pamayanang Kristiyano sa Ehipto noong ikaapat na siglo. Ang mga ito ay natuklasan “sa isang sinaunang simbahan malapit sa Nilo.”
Ang papiro ay lubhang kakaiba sa balat ng hayop. Ito ay yari buhat sa halamang papiro, na tumutubo sa mga pampang ng Nilo. Hanggang noong ikaapat na siglo C.E., ito ay mas malawakang ginagamit kaysa mga balat ng hayop.
Kung ikaw ay dadalaw sa Dublin makikita mong nakadispley ang isang malaking koleksiyon ng mga manuskritong papiro. Ang isa rito, tinutukoy bilang P45, bagama’t sirang-sira na, ay naglalaman ng mga bahagi ng apat na Ebanghelyo at Gawa. Ito ay may petsa mula pa noong maagang ikatlong siglo C.E.
Mula rin sa ikatlong siglo ay ang P47, na binubuo ng sampung mga dahon ng isang codex ng Apocalipsis. Lalo pang kawili-wili ang P46, na may petsa noon halos 200 C.E. Ito ang codex na naglalaman ng siyam na sulat ni Pablo. Napansin ko na ang Hebreo ay kabilang sa mga sulat ni Pablo, na inilagay pagkatapos ng Roma. Ipinakikita ng bagay na ito na ang Hebreo, na hindi nagtataglay ng pangalan ni Pablo, ay tinatanggap na siya ang sumulat, isang katotohanan na pinasisinungalingan ng ilang modernong mga kritiko.
Isang kapansin-pansing tampok ng lahat ng mga manuskritong Griego na nakita ko ay na isa man dito ay hindi nagtataglay ng pangalan ng Diyos, na Jehova. Bakit ang New World Translation ay nagtataglay nito kung ang mga tekstong ito ang pinakamatanda at pinakamaaasahang teksto? Ang mga piraso ng manuskrito na unang pinag-aralan sa Cambridge, Inglatera, ay nagbibigay ng bahagi ng kasagutan.
Nahayag ang Banal na Pangalan
Siyang-siya ako sa aking pagdalaw sa Cambridge, kung saan ang mga klaustro ng lumang kolehiyo ay makikitang nakabalangkas sa mga arko ng halamang weeping willow! Dito sa sentrong ito ng pag-aaral dinala ang karamihan ng mga nilalaman ng Cairo Genizah. Ang genizah ay isang silid sa sinagoga, kung saan itinatago ng mga Judio ang matandang dokumento.
Sa sinaunang Cairo ang pamahiin na isang nakalalasong ahas ang nag-iingat sa pasukan ng genizah, handang salakayin ang magiging mga kolektor, ay nakatulong upang ingatan ang nilalaman nito hanggang si Dr. Solomon Schechter ay nakakuha ng pahintulot na dalhin ang mga laman nito sa Cambridge noong 1898. Mga dokumento na halos isang libong taon na ang tanda ay nasumpungan. Ipinakita sa akin ng isang kawani sa aklatan ang isang larawan ng mga manuskrito nang ito’y dumating, nakasilid sa mga baol ng tsa na parang basura.
Kabilang dito ay nasumpungan ang isang palimpsest, o ginamit-muli na balumbon, na totoong kapaki-pakinabang. Ang “palimpsest” ay nangangahulugan na “kinayod-muli” at tumutukoy sa isang dokumento na ang orihinal na sulat ay binura sa pamamagitan ng paghugas o pagkayod upang ang magastos na materyal na susulatan ay muling magamit. Kalimitan na ang orihinal na sulat ay maaari pa ring basahin.
Sa kasong ito, sa ilalim ng isang dating sulat ay nasumpungan ang isang kopya ng bahagi ng Hebreong Kasulatan na isinalin sa Griego ni Aquila, isang proselitang Judio na nabuhay noong ikalawang siglo C.E. Ako ay nabighaning masdan ang ilang dako sa tekstong Griego na ang pangalang Jehova ay nakasulat sa matandang mga titik Hebreo. Ipinakikita nito na hanggang noong ikalawang siglo C.E., ang pangalan ni Jehova sa Hebreo ay isinusulat pa rin sa mga manuskritong Griego. Kaya walang alinlangan na ginamit din ito ng mga alagad ni Jesus nang orihinal na isulat nila ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa ilalim ng pagkasi ng Diyos.
Ang iskolar ng mga teksto ng Bibliya na si F. G. Kenyon ay sumulat na “sa kaso ng mga aklat ng Bibliya, gaya rin naman ng lahat ng gawa ng klasikal na mga awtor at halos lahat ng mga aklat noong Edad Medya, ang orihinal na mga awtograp at lahat ng unang mga kopya nito ay naglaho.” Gayumpaman, alin ang pinakamatandang nakikilalang manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan?
Isang Munting Kayamanan sa Manchester
Isa lamang itong piraso ng Juan 18:31-34, 37, 38 at sumusukat ng 8.9 por 5.7 centimetro. Ang Ebanghelyo ni Juan ay orihinal na isinulat noong mga 98 C.E. Ang pirasong kopya na ito ay ginawa mga ilang panahon lamang pagkatapos nito. Ito ay may petsang 100-150 C.E. Saan ito matatagpuan? Sa ika-19-na-siglong maunlad na bayan ng industriya ng bulak sa Inglatera, ang Manchester. Doon sa John Rylands Library ay nakadispley sa publiko ang pirasong ito sa pantanging mga okasyon lamang.
May kabaitang ipinaliwanag sa akin ng kawani sa aklatan kung paano kakalkulahin ang orihinal na mga dimensiyon ng aklat mula sa pirasong iyon. Ito ay tinatayang mula sa isang codex ng 130 mga pahina ng Ebanghelyo ni Juan, na ang laki ng isang pahina ay katumbas ng magasing ito. Nakalagay sa pagitan ng dalawang salamin, ang piraso ay para bang isang napakarupok na wafer. Gayunman ang sabi sa akin, maraming piraso ng papiro ang nakapagtatakang naibabaluktot.
Paano nalalaman ang edad nito? Nalaman ko na ang uri ng papirong ginamit, ang hitsura nito, at gayundin ang istilo ng pagsulat ay nagbibigay ng himaton. Kahit na ako ay nakapansin na ang sulat-kamay, na ipinalalagay na hindi isang propesyonal na eskriba, ay kakaiba sa sulat-kamay sa mga manuskritong isinulat sa balat ng hayop na nakita ko, kung saan ang patayong hagod ay mas makapal at ang pahigang hagod ay may maiitim na tuldok sa dulo.
Ano ang kahalagahan ng munting piraso na ito? Pinasisinungalingan nito ang teoriya ng ilang kritiko na ang Ebanghelyo ay aktuwal na mga panghuhuwad noong ikalawang siglo, na umano’y hindi ito isinulat ng mga alagad ni Jesus. Gayunman, yamang sinasang-ayunan sa buong daigdig na ang Mateo, Marcos, at Lucas ay isinulat bago ang Juan, may katibayan tayo rito na ang mga ito ay pawang isinulat noong unang siglo. Walang pangkat ng mga manghuhuwad ang maaaring gumawa nito noong unang siglo kung saan maaaring pasinungalingan ng mga nakasaksi mismo sa pangyayari na inilahad nila ang anumang huwad na istorya.
Pambihira nga na pagkalipas ng maraming dantaon, mayroon tayong eksaktong mga kopya ng Salita ng Diyos na nagmula sandaling panahon lamang pagkatapos maisulat ito! Gaya ng isinulat ng kilalang iskolar na si Sir Frederic Kenyon tungkol sa Bibliya: “Walang sinaunang aklat ang may anumang nahahawig na sinauna at maraming patotoo sa teksto nito, at walang iskolar na walang kinikilingan ang magkakaila na ang teksto na dumating sa atin ay maayos sa kabuuan.”
Dahil sa aking mga pagdalaw, nakadama ako ng higit na pagtitiwala sa mga salita na si David ay kinasihang itala: “Ang mga salita ni Jehova ay mga dalisay na salita na gaya ng pilak, na dinalisay sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay.” (Awit 12:6)—Isinulat.
[Larawan sa pahina 20]
Ang Codex Sinaiticus ay naglaan ng saligan para sa tekstong Griego na mula rito ay ginawa ang New World Translation
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
[Larawan sa pahina 21]
Ang Codex Alexandrinus (A), na may petsang 400-450 C.E., ay hinango ang pangalan nito mula sa Patriarchal Library sa Alexandria, Ehipto
[Credit Line]
Sa kapahintulutan ng The British Library
[Larawan sa pahina 22]
Ang pirasong ito noong maagang ikalawang-siglo ay isang bahagi ng Juan 18 na ipinalalagay na isa sa pinakamatandang kilalang teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng The John Rylands University Library, Manchester