Pagmamasid sa Daigdig
“Krimen Laban sa Kinabukasan”
“Tayo’y nabubuhay sa hiram na mga kayamanan: hiram na hangin, hiram na tubig, lahat ay hiram,” sabi ni Propesor Keith Cole, panlabas na kalihim ng Australian Academy of Science. “Talagang walang industriya na hindi lumilikha ng maraming dumi, at ang halaga ng pagkumpuni sa kapaligiran ay pagbabayaran sa malao’t madali.” Gaya ng binabanggit sa The Sydney Morning Herald, binanggit ni Cole na ang sangkatauhan ay mabilis na nauubusan ng panahon upang unawain ang pangglobong mga kahihinatnan ng walang patumanggang polusyon ng kapaligiran nito. Si Propesor Cole ay hindi nag-iisa. Noong Enero, binatikos ng 75 mga nagwagi ng gantimpalang Nobel, sa isang sama-samang deklarasyon na inilabas sa isang miting na ginanap sa Paris, ang “pagwasak at pandarambong sa kapaligiran” bilang “isang krimen laban sa kinabukasan.” Sang-ayon sa pahayagang Suiso na Basler Zeitung, gumawa ng pagsamo sa mga siyentipiko saanman na magsagawa ng moral na pananagutan sa pagkakapit ng kanilang mga tuklas.
Mataas-Lumipad na Gansa
Ang kagamitang radar ay nagpangyari sa mga ornitologo na masabi ang taas ng lipad ng mga ibon na hanggang 100 kilometro ang layo. Ayon sa magasing Aleman na Das Tier, ang mga ibon “ay nangangahas sa taas na 6,000 metro.” Sa Europa ang mga tagak (stork) ay nakapagtala ng taas na 5,000 metro, lumilipad patungo sa tuktok ng Mont Blanc. Ang pinakamataas na naitalang rekord para sa mailap na gansa, na lumilipad-lipad sa napakataas na tuktok ng Himalayas, ay itinaas sa 10,000 metro!
Mga Amoy Pangkalusugan
Apektado ba ng ilang amoy ang ating kalusugan? Oo, sabi ng mga mananaliksik na nakasumpong na ang mga amoy “ay maaaring mapaginhawa ang karaniwang problema na gaya ng pagkabalisa, panlulumo at di-pagkakatulog,” ulat ng The Toronto Star. Ipinaliliwanag kung bakit, binanggit ni Susan Schiffman, isang propesora sa Duke University, na “ang bahagi ng utak na nagtatala ng amoy ay sumasanib doon sa bahagi ng utak na may pananagutan sa memorya at damdamin.” Kaya, “ang amoy at ang damdamin ay pisyolohikal na may malapit na kaugnayan.” Nasumpungan ni Gary Schwartz, isang propesor sa Yale University, na ang amoy ng mansanas na may pampalasa ay nakatutulong sa pagbaba ng presyon ng dugo. Ipinakikita ng iba pang pananaliksik na ang amoy ng “cypress ay kadalasang nakagiginhawa sa pagkabalisa, samantalang ang basil, lavender at rose ay maaaring magpaginhawa sa panlulumo.” Ang amoy ng iba pang halaman ay maaaring gamitin upang labanan ang pagod at di pagkakatulog. Gayunman, nalilito pa rin ang mga sikologo sa kung bakit ang mababangong amoy lamang ang nakagagawa ng positibong mga resulta.
Puting Buhok at Tintang Pula
Ang mga opisyal ng Romano Katoliko ay nababahala tungkol sa kanilang tumatandang mga pari. Ang bilang na inilabas ng Vatican Bureau of Statistics ay nagpapakita na ang katamtamang edad ng mga 400,000 pari sa buong daigdig ngayon ay 54.2 taon—isang pagtaas ng 2.6 taon sa nakalipas na 10 taon. Kapag hinati sa mga kontinente, sabi ng pahayagang Olandes na Romano Katoliko ang De Bazuin, ang mga pari sa Europa ang may pinakamataas na katamtamang edad, 56.1 taon, samantalang yaong sa Aprika ang may pinakamababa, 43.1 taon. Higit na nakababahala ang pagtaas sa mga bansa ng Pransiya, Luxembourg, Switzerland, at Netherlands, kung saan ang mga pari ay katamtamang mahigit na 60 anyos.
Samantalang binibilang ng mga estadistiko sa Vaticano ang mga paring “maputi na ang buhok” tinutuos naman ng mga bookkeeper ang “pulang” mga bilang. Sang-ayon sa De Bazuin, ang kakapusan ng Vaticano para sa 1986 at 1987 ay umaabot ng mahigit $50 milyon (U.S.). Sinisi ni Giuseppe Caprio, kalihim-tesurero ng Vaticano, ang pagbaba ng halaga ng lira at ang halaga ng mga sinodo ng mga obispo, pagdami ng mga kawani sa tanggapan, at ang mga paglalakbay ng papa.
“Guniguning AIDS”
Ang mga kaso ng “guniguning AIDS, kung saan ang dumaranas nito ay kumbinsido na sila ay may AIDS at nagkakaroon ng sintomas ng sakit,” ay dumarami, ulat ng The Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Sinasabing ang mga kampaniya upang labanan ang sakit at ang istilo-ng-buhay na nagdadala nito ay may ganitong epekto sa ilang mga tao na may mga kabit o may mga katalik sa sekso na nasa “lubhang-mapanganib na kategorya” at na madaling tablan ng phobia. Ang pagkadama ng kasalanan, kahihiyan, at ang batik sa karangalan na dala ng sakit ay gumawa sa kanila na lubhang matatakutin anupa’t kanila pa ngang pinagdudahan ang pagiging totoo ng mga pagsubok na nagpapatunay ng negatibong resulta. “Ang pagkatakot sa kanser ay maaari ring magdulot ng phobia at guniguning mga sintomas,” sabi ng isang saykayatris sa Johannesburg, subalit ang “isang lalaki na natatakot na siya ay may AIDS ay umiiwas sa pagsasabi nito sa kaniyang asawa o sa kaninuman.” Kaya, siya ay naiiwan na walang suporta at nahihiya, at ang mga sintomas na nararanasan niya “ay nagpapatibay sa kaniyang paniniwala na siya ay mayroon ng sakit na iyon.”
Sunog sa Aklatang Sobyet
Ang aklatan ng National Academy of Sciences sa Leningrad, isa sa pinakamalaki sa daigdig, na mayroon 17.5 milyong mga tomo, ay tinupok ng apoy noong Pebrero. Sa 12 milyong aklat na nakatago sa gusali na tinupok ng apoy, ulat ng The New York Times, “sinasabi ng mga opisyal sa aklatan na 400,000 mga aklat ang nasira, 3.6 milyon ang napinsala ng tubig, 10,000 ang napinsala ng amag at 7.5 milyon ang nangangailangan ng pangangalaga upang hadlangan ang paglaganap ng fungus.” Libu-libong mga boluntaryo ang tumulong sa gawain na pagbubukud-bukod ng mga labi at sa “pagpapatuyo sa angaw-angaw na mga tomo na napinsala ng tubig na ibinuhos sa aklatan sa loob ng 19 oras ng 40 kataong pumatay sa sunog.” Ang ilan sa pinakamatandang mga koleksiyon, hindi mapapalitang mga aklat sa medisina at siyensiya mula noong ika-17, ika-18, at ika-19 na mga siglo, ay kabilang sa mga aklat na nasunog. Gayunman, ang 1,500 mga aklat na ipinagkaloob ni Peter the Great nang itatag ang aklatan noong 1714 ay hindi napinsala.
Siyasat-Sanggol
Isang-dalawang-gulang na katutubong sanggol na babaing Indian na taga-Canada ang pinadaan sa aparato ng X-ray na pinagdaraan ng mga dala-dalahan sa paliparan ng Winnipeg. Sang-ayon sa The Toronto Star, iginiit ng isang security guard na ang tikinagan—tradisyunal na dala-dalahan ng katutubo—ay paraanin sa makina ng X-ray, na nang dakong huli ay nagsabi na hindi niya alam na mayroon palang bata sa loob. Ang makina ay idinisenyo upang tiktikan ang mga sandata, at ito’y naglalabas ng 3 yunit ng radyasyon kung ihahambing sa 15 yunit na ginagamit para sa mga X ray sa dibdib. Ang mga magulang ng bata ay naginhawahan na malaman na ang mababang dosis ay walang gaanong panganib sa sanggol. Tiniyak ng sumisiyasat sa seguridad na ang sanggol ay walang armas.
Ang Pagtulong sa Iba ay Mabuti sa Kalusugan
“Regular na mag-ehersisyo, kumain ng timbang na pagkain at gumawa ng mabuti sa iba. Iyan ang payo na malamang ay tanggapin mo buhat sa iyong doktor sa malapit na hinaharap,” sabi ng magasing American Health. Bakit? Dumarami ang katibayan na yaong mga nababahala sa kapakanan ng iba (altruist)—yaong tumutulong sa iba—ay nagtatamasa ng mga pakinabang sa kalusugan sa paggawa ng gayon. “Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang paggawa ng regular na boluntaryong gawain, higit sa anupamang ibang gawain, ay lubhang nagpapahaba ng buhay (at marahil ng kalakasan),” ulat ng artikulo. “Ipinakikita ng ilang mga pag-aaral na kailangan ng mga tao ang ibang tao alang-alang sa kanilang kalusugan.” Ang puso, sistema nerbiyosa, at sistema sa imyunidad ay nakikinabang na lahat sa paggawa ng mabuti sa iba. Sa kabilang panig, ang pagkapoot—na naghihiwalay sa mga tao sa isa’t isa—ay nagpaparami sa panganib ng sakit sa puso. “Ang palagay na ang altruismo ay mabuti para sa mga tao ay maaaring magkaroon ng isang matinding epekto sa lipunan, sabi ng magasin. “Maaaring dumami ang lahi ng Mabuting mga Samaritano.”
Pagsusuri sa Atomo
Ang Position Sensitive Atom Probe, na ginawa sa Metallurgy Department of Oxford University, Inglatera, ay gumagamit ng isang laser upang alisin ang sunud-sunod na suson ng mga atomo mula sa pinagmumulang materyal. Ang mga atomong ito ay saka itinutulak sa isang kaayusang tagamanman kung saan ang bawat atomo ay kinikilala sa pamamagitan ng timbang at maaaring detalyadong iplano sa tatlong dimensiyon ng computer. Sa ganitong paraan, ang mga epekto ng bakas ng karumihan sa mga metal ay higit pang mauunawaan. Ang pagkakagawa sa “ ‘tagapagdisenyong’ bakal nang walang tulong” upang matugunan ang espisipikong mga pangangailangan ay posible na ngayon, ulat ng The Daily Telegraph ng London.
Patentadong Daga
“Isang natatanging daga na gawa ng mga mananaliksik sa Harvard Medical School sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng genetikong manipulasyon” ay ginawang patentado. Gaya ng iniulat sa The New York Times, ito ang kauna-unahang panahon na ang U.S. Patent and Trademark Office ay naglabas ng isang patente “para sa isang nakatataas na anyo ng buhay.” Ang mga katangian ng daga na genetikong nabago ay nagkaroon ng kanser sa suso, na sinasabi ng mga siyentipiko na gumagawa sa mga ito na huwaran para sa gamit sa pag-aaral sa kanser at pagsubok sa bagong mga gamot at mga paggamot.